Share

KABANATA 3

Umigting ang panga ni Drake nang maalala ang batang naging bunga ng pagtataksil ni Clarisse. Mariing pumikit naman si Clarisse at mahigpit na niyakap ang kanyang sarili. 

Oo, nabuntis siya ng lalaking kanyang kinatalik. Ni wala siyang maalala noong gabing iyon. Halos patayin siya ni Drake nang malaman nito ang nangyari at ang naging pagbubuntis niya. Kinailangan niyang sundin ang mga ito kaya napilitan siyang ipamigay ang anak niya. 

“Ano? Gusto mong patayin ko rin ang anak mong iyon? Gusto mo siyang madamay?!” Dumagundong sa buong kwarto ang boses ni Drake. 

Nanlaki ang mga mata ni Clarisse at mabilis na umiling dito. 

“H-hindi! P-please, huwag! Huwag inosente siya please! Malayo na siya sa akin! Malayo na siya sa inyo! M-maawa kayo please…” 

Naitakip niya na lang sa kanyang mukha ang dalawa niyang kamay. Doon siya umiyak nang umiyak, nagmamakaawa sa mga ito. 

“Inosente? Bakit? Inosente rin si Trina nang ipinalit ka ng nanay mo sa kanya!” 

“Ahhh!” daing ni Clarisse nang sabunutan siya ni Marienne. Napahiyaw siya sa sakit. Parang gusto nitong tanggalin ang buhok niya sa kanyang anit sa higpit ng pagkakasabunot nito. 

Gusto siya nitong imudmod sa sahig kung hindi lang ito napigilan ng asawa nito. 

“Marienne! Tama na iyan!” Dalawang sampal pa ang natanggap ni Clarisse bago siya tuluyang tigilan ni Marienne. 

“Ano ba, Manuel?! Bitiwan mo ako!”

“Tama na! Pag ma-injure iyan, hindi na iyan makakapag-donate! Nag-iisip ka ba?!”

Natahimik ang babaeng Buenaventura. Pakiramdam ni Clarisse ay namanhid na siya sa sobrang sakit ng kanyang katawan. Ramdam niya ang pagputok ng kanyang labi pati na ang pag-iinit ng kanyang mukha at anit. 

Tuloy-tuloy pa rin ang pagbagsak ng kanyang mga luha habang natutulala siya sa kawalan. Kung kanina ay takot siya para sa kanyang buhay, ngayon mas lalo siyang natakot para sa kanyang anak na hindi niya alam kung nasaan ngayon. 

Para siyang mahihimatay sa takot. Okay nang siya na lang. Siya na lang. Sanay na siya. Kung gusto ng mga ito na pagbayaran niya ang mga kasalanan niya, sige, payah na siya. Basta hindi lang idamay ang anak niyang walang kinalaman at ni hindi alam ang kanyang ang pinanggalingan. 

Napalunok si Clarisse. Kinuyom niya ang mga kamay at saka desididong tumingala sa mga Buenaventura. Tama na. Siya na lang. Hindi na pwedeng madamay pa ang anak niya. 

“Huwag niyo siyang idamay. Magdo-donate ako…wala kayong maririnig sa akin…basta hindi niyo siya gagalawin,” malamig na sabi niya sa mga ito. 

Natigilan ang mga ito at nagsitinginan sa kanya. 

“Good. Kung masunurin ka lang kasi at wala tayong magiging problema,” sabi pa ni Carlos at inilingan ulit siya. Napaiwas ng tingin si Clarisse.

Hinang-hina na siya at pakiramdam niya ay mahihimatay na sita roon.

“Okay, then. Dadalhin ko na siya sa itaas para ma-check siya ng doktor,” narinig niyang sabi pa ni Drake at akmang hahawakan siya nito pero agad niya itong sinamaan ng tingin. 

“Huwag mo akong hawakan,” malamig at mariin niyang taboy rito. 

Ngumisi si Drake sa kanya at humalukipkip pa. Hindi niya pa rin ito tinantanan ng masamang tingin. Inilingan lang siya ni Drake na para bang ang tanga niya. 

Inismiran niya ito at tiningnang muli ang mga taong nagpalaki sa kanya. Matalim niyang tinitigan ang mga ito. Nanlilisik pa rin ang mga mata ni Marienne sa kanya. 

“May isa pa akong kondisyon bago mag-donate…” matapang na sambit niya. Suminghap si Marienne sa kanyang sinabi. 

“Aba’t ang kapal naman talaga—”

“Hindi niyo gagalawin ang anak ko at pababayaan niyo na rin ako. Iyon ang mga kondisyon ko. Ibibigay ko ang gusto niyo kapalit noon dahil kung hindi…”saglit siyang tumahimik. Kinuha niya ang isang cutter sa kanyang suot at itinutok iyon sa may parte kung nasaan ang kanyang kidney. Simula noong nakulong siya at natutong lumaban sa loob ay palaginna siyang may dalang cutter…in case kailanganin. “Hindi niyo mapapakinabangan ito. Mamatay akong hindi niyo pinapakinabangan!” 

Nanginig ang kalamnan niya sa galit. Kita niya naman kung paanong namutla ang mag-asawang Buenaventura. Kita niya kung gaano nagalit si Carlo. Maging si Drake ay hindi nakapagsalita. Akmang susugurin siya ni Marienne pero agad itong napigilan ni Manuel.

Tumikhim ang matandang Buenaventura. 

“Sige. Papayag kami. Tuluyan ka na naming kalilimutan at hindi ka na namin gagalawin…maging ang bastarda mo.”

Naikuyom ni Clarisse ang kamao sa huli nitong sinabi pero pinigilan niya ang sarili. Huminga siya nang malalim tapos ay dahan-dahang tumayo. Napahawak pa siya sa kanyang ulo dahil bigla siyang nahilo. Nakagat niya ang labi at napapikit. 

“Sige na, dalhin mo na iyan sa doktor,” narinig niyang utos pa ni Manuel. Naramdaman niya ang paglapit ng isang bulto pero talagang umiikot na ang kanyang paningin at nawalan na ng lakas ang kanyang paa. 

“Risse!” sigaw ng isang pamilyar na boses. Si Drake… huh naalala pa pala nito ang tawag nito sa kanya noon. Ito lang kasi ang tumatawag sa kanya ng Risse. Espesyal iyon para sa lalaki…

“Tsk! Ano ba, Drake! Huwag kang maniwala diyan! Nag-iinarte lang iyan!” sigaw naman ni Carlo pero huli na dahil nasalo na siya ni Drake. 

“What the fuck, Carlo? Nahimatay nga!”

“So? Tsk. Bakit ka nag-aalala ngayon? Tang ina! Hindi mo na iyan fiancee! Nahimatay lang nawala na agad ang galit mo?!” Naramdaman niya ang pagkuha ni Carlo sa kanya mula kay Drake. Nakapikit na ang kanyang mga mata at konting-konti na lang talaga ay mawawalan na siya ng ulirat. “Tsk. Baka nakakalimutan mong si Trina na ang fiancee mo, Drake! Niloko ka ng babaeng ito! Nagpaanak pa! Asikasuhin mo ang kapatid ko dahil ikaw rin naman ang dahilan kung bakit siya naaksidente!”

Tila binuhusan ng malamig na tubig si Clarisse pero hindi nagtagal ay tuluyan na rin siyang nilamon ng kadiliman.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status