Share

Kabanata 3

"Siguro, hindi ka pa nakaranas ng tunay na pag-ibig hanggang ngayon, tama ba ako, Ynnah? Alam mo ba na kapag kasama ko si Adrien, siya mismo ang nagluluto para sa akin? He would come to me immediately whenever I am sick. He always wants to make me feel happy…” Tumawa si Monique at humalukipkip. “Ni minsan ba ay sinabi niyang mahal ka niya? Kasi ako, ilang beses kong narinig sa kaniya na mahal niya ako. He’s very sincere to me…”

Tahimik lamang na nakinig si Ynnah, iniisip ang mga nagdaang tatlong taon na kasama niya si Adrien. Ni minsan ay hindi siya nito pinagluto. Kapag siya'y may sakit, hindi rin ito nagpapakita ng kahit anong malasakit. Ni hindi nito kailanmang sinabing mahal siya nito.

“Tapos ka na ba?” kalmado niyang wika at bumaling sa babae.

Natigilan si Monique, hindi alam kung dahil ba ito sa pagiging kalmado ni Ynnah o dahil sa hindi niya mabasa ang mga damdamin nito sa mga mata nito.

Nang hindi magsalita ay tumayo si Ynnah at iniwan ang babae sa harap ng mansyon.

Nanggigil namang kinagat ni Monique ang ibabang labi. Hindi niya alam kung bakit, pero sa sandaling iyon, pakiramdam niya ay bumalik siya sa dating Monique, na isang dukha at alila, na kailangang humingi ng tulong ng pamilya ni Ynnah… Hindi niya gusto ang nakaraan niya sa pamilyang ‘to, dahilan para makuyom niya ang mga palad.

Samantala, agad namang dumiretso sa kwarto si Ynnah. Aminado siyang nasaktan siya sa sinabi ni Monique. Sino nga bang hindi masasaktan kung ipamukha sa iyo na hindi ka kailanman mamahalin ng tanging lalaking minamahal mo sa loob ng labindalawang taon?

“Ahh…”

Muling sumakit ang kanyang tainga. Tinanggal niya ang kanyang hearing aids at napansin ang dugo sa mga ito. Sanay na niyang pinupunasan ang dugo at inilalagay ang hearing aids sa tabi.

Nang gabing ‘yon ay hindi siya nakatulog. Binuksan ni Ynnah ang kaniyang phone at nag-open ng social media. Doon, nakita niya ang maraming notification mula sa mga post ni Monique Limson. Ang una ay isang larawan nito at Adrien noong nasa kolehiyo sila, magkasama at nakatingin si Adrien kay Monique nang may pagmamahal. Ang ikalawa ay isang chat record kung saan binati ni Adrien si Monique sa kaarawan nito. Ang ikatlo ay isang larawan nina Adrien at Monique na magkahawak kamay habang naglalakad sa dalampasigan. Marami pang ibang mga larawan, at tila ba’y inaatake ng mga ito ang sawing puso ni Ynnah.

Bumangon siya at nagsulat sa kaniyang diary:

‘Akala ko ay kaya kong tiisin ang kalungkutan, pero para bang sinasampal na ako ng katotohanan…’

Kinabukasan ay naghanda ng almusal si Ynnah. Ngunit nang lumampas na ang alas-sais at hindi pa bumabalik ang kaniyang asawa ay saka niya naalala na sinabi nitong hindi ito uuwi pa para mag-almusal sa mga susunod na araw.

Sa pag-iisip na hindi na siya uuwian ni Adrien ay napaupo siya sa couch at pinilit ang sarili na matulog.

“Didn’t I tell you that you no longer need to prepare breakfast for me?”

Isang inis na boses ang bumasag sa katahimikan. Nagising si Ynnah at nang idilat niya ang kanyang mga mata, nakita niyang palapit sa kaniya si Adrien na may lubhang inis na mukha.

Awtomatiko siyang napaupo at yumuko.

“P-Pasensya na. Nakalimutan ko…”

Nagtagis ang bagang ni Adrien sa narinig.  Isa na namang paghingi ng paumanhin… Tiningnan niya ang asawa nang napakalamig. Kagaya kahapon ay gano’n pa rin ang suot ni Ynnah. Simpleng damit na para bang wala itong pera at inaapi lamang ng mga Alleje!

“Why do you keep coming back here? Bakit hindi mo na lang kalimutan na pinakasalan kita at umalis sa buhay ko?!”

Umawang ang labi ni Ynnah, gulat sa galit na pinapakita ni Adrien.

Nanggigil siyang tiningnan ni Adrien.

“You’re hesitating, right? Hindi mo kayang iwan ang pera ng pamilya ko! Hindi mo kayang mawala ako, dahil walang mahuhuthutan ang pamilya mo!”

Ang mga salita ng lalaki ay parang kutsilyo na tumarak sa puso niya. Ibinaba niya ang kanyang tingin at mahina niyang sinabi, “Hindi ko kailanman hinangad ang  p-pera mo, Adrien..."

Kung mayroon mang mahalaga sa kaniya ay walang iba kung hindi si Adrien. Sarkastiko namang napangiti si Adrien, puno ng pang-uuyam habang galit na pinakatitigan siya.

“Really? Then explain why your mother came to my company this morning and begged me to give you a child? Ano’ng ibig sabihin ng ina mo?!”

Natigilan si Ynnah. Tiningnan niya ang galit na mga mata ni Adrien.

“Remember this, Ynnah. If you really want to stay married to me and save your family business, tell your goddamn mother to stop pestering me!”

Matapos itong sabihin ay pumasok si Adrien sa study nito at kumuha ng iilang bagay, nagbihis at saka umalis.

Hindi pa man nakakabawi sa naging pagtatalo nila ng kaniyang asawa ay dumating naman ang kaniyang ina sa mansyon ilang oras matapos umalis ni Adrien.

Sa sala, mahigpit na hinigit ni Claudia ang kaniyang braso at sinabing, “Ynnah, puntahan mo ang asawa mo at kung kailangan lumuhod ka sa harapan niya para bigyan ka ng anak ay gawin mo! You have to be pregnant! Kung ayaw niyang sumiping sa ‘yo ay may iba namang medikal na pamamaraan para magkaanak kayo!”

Medikal na pamamaraan?

Napatingin si Ynnah sa kanyang ina nang hindi makapaniwala at tahasang umiling.

“Nababaliw ka na ba?” Histerikal na usal ng kaniyang ina. “Alam mo bang sinabi na ng Monique na ‘yon sa ina ni Adrien na kailanman ay hindi ka ginalaw ng asawa mo? Nakakahiya!”

Tuluyan nang pumatak ang mga luha ni Ynnah sa nalaman. Hindi malalaman ni Monique ang bagay na ‘yon kung hindi sinabi ni Adrien. Bakit…?

Gano’n ba nito kamahal ang babaeng ‘yon para ikwento ang kanilang pribadong buhay mag-asawa?

Tila ba nanlamig ang puso niya sa naisip…

“Ma, itigil na natin ‘to,” aniya sa mahinang boses.

Nagulat si Claudia at tumaas ang kanyang kilay. "Ano ang sinabi mo?"

"Pagod na ako. Gusto kong makipaghiwalay kay Adrien—”

PAK

Bago pa niya matapos ang kanyang sasabihin ay isang malakas na sampal ang natanggap niya mula sa ina. Dinuro siya ni Claudia habang nanginginig sa galit ang buong katawan.

“Anong karapatan mo para sabihin ‘yan? Kung hihiwalayan mo si Adrien Alleje, sa tingin mo ba ay may magpapakasal pa sa walang silbi na kagaya mo? Baka nakakalimutan mong may kapansanan ka!”

“Ma, please…” Umiling siya at inagaw ang kaniyang braso mula sa ina.

“Paano ba ako nagkaroon ng anak na walang kwenta! Hindi ka talaga nagmana sa akin, Ynnah! Kung alam ko lang, pinalaglag na lang sana kita noon!”

Manhid na si Ynnah sa lahat ng masasakit na salita ng ina. Simula pa lamang noong bata siya, hindi na siya gusto ni Claudia. Ang kaniyang ina ay isang kilalang mananayaw, ngunit ang anak na kanyang isinilang ay mahina at may kapansanan sa pandinig, na naging sanhi ng kanyang matinding pagkadismaya sa buhay. Dahil dito, ipinasa siya nito sa isang yaya upang alagaan at hindi siya ibinalik sa pamilya Cervantes  hanggang sa siya ay nag-aaral na.

Habang siya ay lumalaki, madalas niyang marinig noon sa kaniyang mga guro na walang ina ang magtatakwil sa kanyang sariling anak. Kaya't sinikap niyang magpakabuti at pasayahin ang kanyang ina. Sa kabila ng kanyang kapansanan sa pandinig, naging mahusay siya sa sayaw, musika, pagsusulat, pagpipinta, wika, at iba pa.

Ngunit ngayon, naintindihan niyang kahit gaano pa siya kagaling, hindi siya kailanman magiging mabuting anak sa mata ng isang Claudia Cervantes. Tulad ng sinabi nito, siya ay isang walang kwenta at may kapansanang babae.

Pagkaalis ni Claudia ay tinakpan ni Ynnah ng foundation ang maliwanag na pulang marka ng palad sa kanyang mukha at sumakay ng kotse patungong opisina ng kanilang abogado.

Sa loob ng opisina, kinuha ni Attorney Miguel De Guzman, ang legal na tagapayo ng yumao niyang ama, ang isang dokumento mula sa kanya. Pagkatapos basahin ito, tiningnan siya ng lalaki na may pagtataka.

“Are you sure you want to transfer all your inheritance to Mr. Adrien Alleje secretly? Ano na lang ang magiging reaksyon ng Mama mo kapag nalaman ito?”

Tumango si Ynnah. “Alam kong maliit na halaga lang ang mayroon ako, pero gusto kong makabayad sa utang namin sa mga Alleje.”

Tatlong taon na ang nakalipas nang pumanaw nang biglaan ang ama ni Ynnah. Lingid sa kaalaman ng kaniyang ina ay nagsulat ang ama niya ng last will and testament kung saan hinahabilin nito ang iilang ari-arian at pera sa pangalan niya. Ang nakasaad sa huling habilin ay, pagkatapos ng tatlong taong pagiging kasal niya kay Adrien Alleje ay maaari na niyang gamitin ang mana sa kung paano niya ito gustong gamitin.

Ang bilin ng ama niya ay kung hindi na siya masaya… hindi siya maghihirap at may magagamit upang magsimulang muli.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status