Share

Chapter 2

7 YEARS LATER… 

Mahangin, maaliwalas ang kalangitan. Kagagaling lang sa mahingang pag-ulan kaya ang hangin ay presko pa. Binuksan ni Tristan ang bintana sa kaniyang silid upang lumanghap ng sariwang hangin. Hindi nito maipaliwanag kung bakit magaan ang kaniyang pakiramdam kapag naulan na animo’y hinehele siya nito.

Kung gaano kagaan ang pakiramdam niya tuwing naulan, gano’n naman kabigat ang dinaraing niya sa pamamahay kung nasaan siya ngayon. 

Tristan Harrington, limang taong gulang na anak ni Maxwell Harrington at ang ikinasal lamang anim na taon ang nakalilipas na si Olivia Harrington. Nang makarinig ito ng mahinang pagkaluskos sa labas ng kaniyang kwarto ay agad nitong isinara ang bintana at nagtalukbong ng kumot.

Dahan-dahan niyang inilapat ang kumot sa kaniyang mukha dahil ito’y bahagyang masakit pa. Kung titingnang maigi, kitang-kita ang kapulahan sa pisngi nito dala ng isang malakas na sampal.

Na sa tingin niya’y kilala naman ng lahat kung sino ang may gawa. 

“Tristan, buksan mo ang pinto.” utos ni Lucia na agad namang narinig ni Tristan.

Walang nagawa ang bata dahil kung pinaghintay niya pa ang kaniyang tyahin ay tiyak na masasaktan na naman siya. Tinanggal nito ang kumot at kakaba-kabang binuksan ang pinto. 

Pagbukas nito, bumungad sa kaniya ang isang babaeng may balingkinitang katawan, maputi, mahaba at kulot ang buhok, ngunit may mga matang laging nanlilisik sa sama ng tingin. Lucia Costaleon, pangalawa sa tatlong magkakapatid na sina Natalia at Olivia Costaleon. 

Agad itong pumasok sa silid ni Tristan at pinagmasdan ang loob. Walang naiiba, makalat pa rin. Nag-init agad ang ulo nito at saka tiningnan ang bata.

Nanindig ang balahibo ni Tristan. “B-Bakit po?”

“Magbihis ka na. Malapit na tayong kaunin ng tatay mo rito para ihatid sa party.” walang ekspresyong sinambit ni Lucia.

“Ayoko po.” Bahagyang nanginginig, sinubukang tumutol ni Tristan habang nakatungo. Tiningnan nito ang inihandang damit sa kaniya kanina na ngayon ay nasa lapag na.

Nagpintig ang tainga ni Lucia at marahang nilapitan si Tristan. Ibinaba nito ang kaniyang tindig kapantay ng bata at saka muling nagsalita. “Isuot mo ‘yan kun’di malilintikan ka sa’kin.”

“Ayoko nga po, tita!”

Isang malakas at pinong kurot sa tagiliran ang natanggap ni Tristan dahilan para ito’y bahagyang mapaluha. Hinawakan nito ang parteng kinurot ni Lucia at bahagyang hinilot para maibsan ang sakit. “Pabigat ka talagang bata ka, ano? Susuotin mo na lang nagmamatigas ka pa!”

Kahit sumigaw pa si Lucia, hindi ito maririnig ng ama ni Tristan dahil nasa ikalimang palapag ng mansyon ang kwarto ng bata. Bukod pa riyan,  wala rin ang ama nitong si Maxwell dahil nasa business meeting pa. Nanigas sa kinatatayuan nito si Tristan nang biglang tumayo si Lucia at sinipa ang Lego castle na itinayo ni Tristan.

Nanlaki ang mata ng bata’t tuluyan na ngang umiyak. “B-Bakit niyo p-po ‘yan ginulo? Huhuhu!” 

“H’wag mong subukin ang pasensya ko.” Hindi pa nakontento si Lucia dahil hinila niya pa ang braso ni Tristan at saka pinaluhod sa napakaliliit na lego na sinipa niya kanina. Bahagyang mas malaki pa ito sa butil ng munggo kaya ramdam na ramdam ni Tristan ang sakit sa kaniyang mga tuhod. “Ano? Sasagot ka pa?”

“M-Masakit na po, T-Tita Lucia!”

“Makinig ka saking bata ka, ha! Kung wala ako dito sa pamamahay na ‘to, baka matagal ka nang nasa bahay-ampunan dahil walang gustong tumanggap sa pabigat na tulad mo! Wala akong pakialam kung anong iniinda mo ngayon… Tiisin mo ‘yan, suotin mo ang damit na ‘to kahit gusot, at pumunta ka sa baba dahil paparating na ang ama mo!”

Sa lakas ng boses ni Lucia ay tila nabibingi na ang bata. “Pag hindi mo ginawa, ipapa-ampon kita.” Isang malakas na sampal muli ang binitawan ni Lucia kaya agad na natumba si Tristan. Wala itong pakialam kung bata o matanda ang kaniyang kaharap dahil kapag nainis siya sa kaniyang kausap, kusang lumalabas ang tunay na ugali niya.

Tinitigan nito ang bata at binantayan kung isusuot nga nito ang damit na inihanda. Pagkatapos ng ilang segundo, iniangat nito ang kaniyang tingin at saka ngumisi. “Kung ayaw mo bumaba, edi h’wag mo!”

Kinuha ni Lucia ang susi nito at saka ikinulong si Tristan sa kwarto mula sa labas. Ang kawawang bata nama’y sinubukan itong buksan, pero nang ma-realize nitong hindi niya kaya ay agad itong nag-panic at nagsisigaw.

“Tita, palabasin niyo po ako rito!”

Nagsisigaw ito nang ilang beses ngunit wala pa ring nangyayari. Ilang minuto itong nag-iiyak hanggang sa siya ay makatulog.

Dahil hindi pala naka-saradong maigi ang bintana ay agad itong bumukas nang tumama ang malakas na hangin. Mahimbing ang tulog ni Tristan kakaiyak kaya hindi nito narinig ang lumagabog na bintana nang ito’y bumukas. Umuulan na naman nang malakas. Pinasok ng malakas na hangin ang loob ng kwarto dahilan para liparin ang iilang gamit sa loob.

Kahit ang damit ni Tristan ay nilipad din, ngunit hindi naman tumilapon palabas. Bumaliktad ang damit na ito dahilan para makita kung ano ang nakasulat sa loob.

‘Happy Birthday to Me!’ 

Kaarawan pala ngayon ni Tristan. Susunduin sana sila ng kaniyang ama na si Maxwell para pumunta sa kaniyang magarbong handaan, ngunit sa lahat ng dadalo, si Tristan pa ata ang tila hindi masaya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status