Share

Chapter 3

BOOM!

Isang malakas na tunog sa labas ng mansion ang narinig. Sina Lucia at yaya na malapit sa hardin ay agad na narinig ang pagbagsak sa kanilang kinatatayuan. Hindi pa sila nakararating sa pinanggalingan ng tunog ay may nauna na pala sa kanila.

Ang guard ng mansion ay tila nanginginig na nakatingin sa isang halaman, direkta sa ibaba ng bintana ng kwarto ni Tristan. “Masama ito! Nahulog si Tristan galing sa kwarto niya!”

Galing sa ikalimang palapag?!

Dali-daling tumakbo si Lucia at ang kasama nitong katulong patungo sa kinatatayuan ng guard. Sinalo ng isang mabulaklak na mga halaman si Tristan, pero duguan ito’t walang malay. 

Tumingin din sa taas si Lucia at nakita ang mga nagpakataling kumot na ginamit ata ni Tristan upang makatakas sa kwarto. Umabot ang tali hanggang ikalawang palapag at doon na yata nagtangkang tumalon si Tristan.

“Tumawag kayo ng ambulansya!” sigaw ni Lucia habang nagpa-panic na inaalalayan si Tristan. Mabilis na tumakbo ang katulong at ang guard papasok ng mansion.

Naiinis siya sa presensya ng bata, pero hindi maipagkakaila na kailangang-kailangan ng pamilya Costaleon ang batang ito upang maging tulay sa pagitan nila ng pamilya Harrington. Ang batang ito ang naging tulay kung bakit nagawang pakasalan ni Maxwell si Olivia. Kung walang anak si Olivia, mas mapapatagal pa ang pagpapakasal nilang dalawa.

Hindi pa man nagtatagal, biglang may bumusina sa gate ng mansion kaya agad silang napalingon. Namumuo na ang pawis sa noo ni Lucia dahil sigurado siya kung sino ang laman ng kotse.

Si Maxwell Harrington. Kasama ang dalawang bodyguards nito na kilalang-kilala rin ni Lucia. 

Agad itong nagpanic. Dahan-dahan niyang ibinaba ang ulo ni Tristan at inayos ang kaniyang damit bago humarap kay Maxwell. Tumakbo ito patungo sa gate ng mansion at saka sumalubong. 

“Sir Maxwell, si T-Tristan!”

Kumunot agad ang noo ni Maxwell na animo’y galit na galit kay Lucia. “Bakit? Anong nangyari?”

“N-Nahulog po m-mula sa kwarto niya!” 

Wala ni isang nagsalita, parehas tumakbo sina Maxwell, Lucia, at ang dalawang mga bodyguard patungo sa lugar na itinuro ni Lucia. Dali-dali silang tumakbo at tila hindi hinihingal. Pagdating nila sa lugar, kitang-kita ng dalawang mata ni Maxwell ang duguang kinalalagyan ng kaniyang anak.

Agad nitong hinawakan ang leeg ng bata para siguraduhin kung may pulso pa ito. Nang malamang mayroon pa, agad siyang tumingin nang masama kay Lucia na animo’y papatay ito ng tao.

Nanginig ang tuhod ni Lucia’t napaupo sa damuhan kung nasaan sila ngayon. Kung gaano siya katapang sa ibang tao, ganon naman siya kaduwag pagdating sa harap ng isang Harrington na si Maxwell. 

Nangingilid na ang mga luha nito bago magpaliwanag. “H-Hindi ko po alam kung anong nangyari! Basta kanina noong pinagbibihis ko siya ng damit, ini-lock niya ang kaniyang sarili sa kaniyang kwarto. H-Hindi ko naman akalain na bigla siyang mahuhulog sa bintana kakalaro… Sorry, Sir Maxwell, kasalanan ko!”

Nandilim ang paningin ni Maxwell, tumayo, at saka humarap kay Lucia’t tinadyakan ito sa kaniyang tiyan. Wala siyang pakialam kung hipag niya ito o hindi. Pagdating sa anak niya, na tanging tagapagmana ng ari-arian ng pamilya Harrington, wala itong sinasanto.

“Kapag may nangyaring masama sa anak ko, ako mismo ang papatay sayo!”

Tinakpan ni Lucia ang kaniyang ulo sa takot na baka pagbuhatan pa siyang muli ng kamay.

Ilang sandali, dumating ang ambulansya na agad din namang pinapasok ng gwardiya. Wala nang pakialam si Maxwell sa iba at agad na isinakay ang anak nito sa ambulansya. 

Sa bilis ng ambulansya na kanilang sinakyan, nakarating agad sila sa pinakamalapit na ospital pagkatapos ng sampung minuto. Tinawagan na ni Maxwell kanina ang head ng ospital kaya ang chief of staff agad ng mga doktor na si Dr. Joaquin Lopez ang humarap sa kaniya. Gusto ni Maxwell na masigurado ang kaligtasan ng anak nito kaya nagbayad talaga siya ng malaki.

Kaya naman kahit maraming doktor ang available sa ospital na kanilang pinuntahan, sinigurado rin ni Dr. Joaquin na ang pinaka-magaling niyang doktor ang dapat humawak ng kasong ito. Dumiretso na sa operating room sina Tristan at Maxwell, samantalang naiwan naman malapit sa pintuan si Dr. Joaquin para salubungin ang hinihintay nito.

Kinuha niya ang kaniyang cellphone at sinubukan muling tawagan ang doktor. Pagkatapos ng ilang minuto, nakangiting sinagot ni Joaquin ang pagbati ng kausap nito sa kabilang linya.

“Dra. Natalia Costaleon, kumusta na?” 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status