Share

Ex-Wife's Revenge: Hiding the Billionaire's Twins
Ex-Wife's Revenge: Hiding the Billionaire's Twins
Author: JV Writes

Chapter 1

“TULONGGG!” isang malakas na sigaw ni Natalia pagpasok nito sa pinakamalapit na hospital sa kanilang lugar. Hindi nito alam ang kaniyang gagawin. Ang alam lang nito’y kailangan niyang mailigtas ang kaniyang anak na dala-dala nito sa sinapupunan. Bahagyang bumigay ang tuhod nito ngunit agad naman siyang nasalo ng isang doktor na inalalayan siya.

“Ano pong nangyari, Ma’am?” tanong ng doktor.

“M-Manganganak na po ako!” nanginginig nitong sambit kasabay ng pagtulo ng kaniyang mga luha. 

“Ano hong pangalan nila?”

“N-Natalia…” mahinang sambit nito. “Natalia Harring—! Mali… Natalia Castaleon ang pangalan ko.”

Kahit alas-diyes na ng gabi ay tila maingay at maliwanag pa rin dahil sa rumaragasang bagyo sa kanilang lugar. Kasabay ng pagdagungdong ng kalangitan ay ang pag-sigaw ni Natalia upang humugot ng lakas para sa kaniyang panganganak.

Mahirap. Masakit. Kitang-kita sa kaniyang mga mata ang pag-aalala ngunit pinilit pa rin niyang maging malakas para sa kaniyang anak. Halos kalahating oras na ang nakalipas, tuluyan nang lumabas ang isang sanggol mula sa kaniyang sinapupunan. 

“PUSH!”

Pagkabanggit noon ng doktor ay lumabas na ang anak nito. Sinubukan niyang imulat ang namumugto niyang mga mata, agad na tiningnan ang kalalabas lang nitong anak. Mariin itong napangiti. Kahit na nanlalabo na ang kaniyang mga mata’y sinubukan niya pa rin niya itong titigan.

Ngunit hindi rin nagtagal ang ngiti sa kaniyang labi nang biglang lumagabog pabukas ang pinto ng emergency room. Nanginig ang mga tuhod nito’t napalitan ng takot ang marka sa kaniyang mukha. 

“NANDITO KA LANG PALANG GAGA KA!”

Isang babae’t dalawang naka-tuxedo’ng lalaki ang pumasok sa loob ng emergency room, may dalang mga baril. Agad na nagsitakbuhan palabas ang mga doktor at nurse dahil sa takot. Kahit ang gwardiyang sinubukang pumasok ay agad napatumba ng dalawang lalaking bantay.

Nanigas si Natalia sa kaniyang kinauupuan. Humigpit na lamang ang hawak nito sa kanyang anak para protektahan at hindi nila makuha. “A-Anong ginagawa mo dito, Lucia?”

Kanina’y galit na galit, pero ngayo’y tila isang mapang-asar na ngiti ang ipinakita ng babaeng nagngangalang Lucia. Tinaasan nito ng kilay si Natalia’t saka ngumisi. “Ibigay mo sa amin ang bata. Matagal ko nang sinasabi sa’yo na kabayaran ‘yan sa lahat ng kasalanan mo!”

Mabilis na umiling si Natalia habang umiiyak. “H-Hindi mo makukuha ang anak ko!” 

“ANG KAPAL TALAGA NG MUKHA MO!” Isang malakas na sampal ang nakuha ni Natalia mula kay Lucia nang lumapit ito. Lalong umagos ang mga luha sa pisngi ni Natalia at saka nanlabo pa ang kaniyang mga paningin. “Napaka-walang kwenta mo talagang kapatid, ano?”

“Kapatid?” Agad na natigilan si Natalia sa sinabi ni Lucia. “K-Kailan mo ako itinuring na kapatid, ha? Lucia? KAILAN?”

Isa pang sampal, halos tumabingi na ang mukha ni Natalia. “Wala ka nang pakialam. Ibigay mo na lang sa akin ang bata!”

Kinuha ni Natalia ang cellphone nitong nasa kaniyang tabi at saka sinubukang tawagan ang asawa nito. Maxwell Harrington, isang mayaman, matangkad, mestisong asawa niya nang dalawang taon… hanggang ngayon. Ngunit nitong mga nakaraang buwan ay animo’y nawalan na siya ng asawa nang makahanap ito ng iba.

Hanggang sa huli, hindi pa rin ito sumasagot. Sinubukan niya nang paulit-ulit ngunit wala talagang nangyayari. 

Pagkatapos ng ilang beses na pagsubok ay tumawa na lamang ng malakas si Lucia at saka hinablot ang cellphone sa kaniya. “Sa tingin mo talaga may pake pa ang asawa mo sayo?”

Walang naisagot si Natalia. Sa dalawang taon nilang pagsasama ng kaniyang asawa – na siyang nagbunga pa ng kanilang anak – ay tila biglang nawala ang lahat ng pagmamahal nito. Hindi lang nawala… napalitan pa ng galit at poot.

“Utang mo sa kapatid natin ang batang iyan. Sa tingin mo ay bubuhayin ka pa ni Maxwell pagkatapos ng ginawa mo sa minamahal niya?”

Nagpantig ang tainga ni Natalia’t binigyan si Lucia ng isang malakas na sampal bilang ganti. Nagngitngit ang ngipin nito habang nanlilisik ang kaniyang mga mata. “Ako ang mahal ng asawa ko!”

“HINDI NA NGA ‘DI BA! Si Olivia na ang minamahal niya ngayon!”

“KABIT LANG SIYA!” 

Gumanti na naman si Lucia’t sinampal si Natalia. “Ang kapal ng mukha mong sabihan na kabit ang kapatid natin?” Tumawa ito nang malakas ngunit agad ding sinamaan ng tingin si Natalia. “Wala ka rin namang magagawa.”

Tumingin si Lucia sa dalawang lalaking nakabantay sa kaniyang likuran. “Kuhanin ang bata!”

Sa isang iglap, tila nawala sa mga bisig ni Natalia ang kaisa-isang anak nito na matagal niyang inalagaan. Hindi na niya nararamdaman at tila naaaninag ang kapaligiran. Tuluyang nanlabo ang kaniyang paningin at umiikot na ang kaniyang paligid. Lumalim ang kaniyang paghinga ngunit pinipilit pa rin niyang tingnan si Lucia at ang mga alipores nito. 

“I-Ibalik mo sa’kin ang anak ko! H-Hindi ako ang nanakit kay Olivia, bakit sa akin niyo isinisisi?!”

Patuloy na umagos ang kaniyang luha, kasabay ng tuloy-tuloy na pagdaloy ng dugo mula sa kaniyang tiyan. Kahit na mabigat ang pakiramdam niya’y sinubukan niyang tumayo para sana bawiin ang kaniyang anak; ngunit hindi rin niya nagawa.

Natumba si Natalia, pero rinig na rinig pa rin nito ang huling linya na binitawan ng kaniyang kapatid. “Hindi naman ako ang may sabing ikaw ang nanakit kay Olivia… ang asawa mo mismong si Maxwell ang nagsabi. Kung sinabi niyang ikaw ang may kasalanan, EDI IKAW ANG MAY KASALANAN! H’wag ka nang pumalag pa dahil wala ka rin namang magagawa.”

Tumigil sa pagsasalita si Lucia kaya napatingala si Natalia para tingnan ito. Natawa lang ang kaniyang kapatid bago magsalita muli. “Mas pipiliin pang pakasalan ni Maxwell si Olivia kaysa ang balikan ka, Natalia. Pero bago mangyari ang lahat ng iyon, kailangan namin ang anak mo.”

Ang mga litanyang iyon mula kay Lucia ang tila sumaksak sa damdamin ni Natalia. Sa dalawang taong pagsasama nila ng kaniyang asawa, hindi nito naisip na rito lang magtatapos ang lahat. Ang akala niyang happy ending ay worst ending pala.

Hindi na niya tuluyang nararamdaman ang paligid at ngayo’y parang wala na siyang makita. Bagama’t hirap na hirap, sinubukan niyang tumayo, pero agad din siyang nahilo’t natumba. 

Unang tumama ang ulo ni Natalia sa sahig, dahilan para lalo itong mahilo. Hindi na niya alam ang nangyayari.

Tuluyang umagos ang mga luha nito habang pinakikinggang papaalis na sa silid sina Lucia at ang mga kasama nito. Hindi kalaunan, pumasok na rin ang mga nurse at doktor na kanina’y umalalay sa kaniya.

Lahat sila’y nakita kung gaano karami ang dugong nawala kay Natalia. Mas lumalim ang paghinga nito na animo’y wala na talagang malay. Ilang sandali, isang nurse ang sumigaw. “Dok! Ang pasyente!”

Walang gumalaw. Ni walang nagsalita para tumulong kay Natalia na hirap na hirap. Ngayon, alam nilang lahat kung sino si Natalia sa mundo ng mga Harrington, ang pamilya ni Maxwell. Isang kilalang negosyante at bilyonaryo sa buong Pilipinas; wala ni isang tao ang sinubukang tumulong muli kundi pati sila ay madadamay sa gulo ng pamilya.

Ilang saglit, isang mahabang tunog mula sa aparato ang narinig. 

“P-Patay na siya…” sambit ng isang doktor.

Nanatili silang tahimik hanggang sa lahat sila’y nagsilabasan na lang at ang mukha’y hindi maipinta. Hindi nila alam, may isang lalaking doktor ang naglakas-loob na pumasok sa silid, tinitigan si Natalia’t tiningnan ang kaniyang kondisyon. 

“M-May isa pang bata sa kaniyang tiyan...”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status