Share

Chapter 6

“Nasaan si Tristan? Kumusta ang anak ko?”

Dali-Daling pumasok si Maxwell sa operating room na tila hindi pansin si Natalia na nasa tabi lang ni Tristan. Dumiretso ito sa kaniyang anak at saka ito niyakap. Nagtagal ito ng ilang segundo kaya pinili na lang ni Natalia na tumayo at lumayo mula sa pwesto ng mag-ama.

Hanggang ngayon, hindi pa rin makapaniwala si Natalia na kamukhang-kamukha ng bata ang itinatago niyang anak mula sa dati nitong asawa. Tila naninigas ang kaniyang katawan dahil sa pinaghalong takot, galit, at sakit habang pinanonood si Maxwell na niyayakap ang isang bata na kamukha ng anak niya. Pakiramdam nito'y nahuli na siya, kahit na ang totoo'y hindi pa dahil kamukha lang naman ang bata.

Hindi maipaliwanag ni Natalia kung bakit, pero ilang mga salita ang lumabas sa kaniyang bibig kaya't napatingin sa kaniya si Maxwell. "A-Anak mo?"

Kumalas mula sa pagkakayakap si Maxwell at umayos ng tindig bago harapin si Natalia. Kahit si Maxwell ay hindi rin makapaniwalang pagkatapos ng pitong taon na pagkawala ni Natalia, bigla na lang itong susulpot sa isang hindi inaasahang pagkakataon. "Oo, anak ko."

"K-Kay Olivia?"

"Wala kang karapatang banggitin ang pangalan ng asawa ko!" Isang malakas na sigaw ni Maxwell kung kaya't nanlaki sa gulat ang mga mata ni Natalia. 

Ngunit kasabay no'n, maingay na tumunog ang aparato na nakakabit kay Tristan kaya nag-panic silang dalawa sa nangyayari. Agad na lumabas ng operating room si Natalia para tawagin ang mga kasamahan nito sa kabilang kwarto. Si Maxwell naman ay nanatili sa loob at tila hinahawakan nang maigi nanginginig na si Tristan.

Pagkatapos ng ilang segundo, agad na napuno ng mga nurse at doktor ang kwarto. Pinalabas din naman si Maxwell na alalang-alala pa rin sa kaniyang anak.

Gaya ni Natalia, may itinatagong sakit at galit din si Maxwell sa dati nitong asawa. Kung iisipin, hindi lang si Natalia ang siyang nasaktan sa nakaraang pitong taon. May kwento rin sa likod ni Maxwell kaya naging ganito ang sitwasyon nila ngayon.

...

"Sa ngayon, naging matagumpay na talaga ang operasyon sa bata, pero hanggang ngayon ay may lagnat pa rin ito. Kapag bumaba na ang lagnat niya within 24 hours, maaari na tayo makampante. Kailangan muna siyang ma-obserba-han sa intensive care unit ngayon." 

'Yan ang sunod-sunod na sambit ni Natalia paglabas nito ng operating room. Hindi na rin ito muli nagpapasok sa loob ng kwarto kaya maging si Maxwell ay nanatiling nakasilip sa bintana upang sulyapan ang anak.  

"Isa pa. Wala munang pwedeng dumalaw sa bata..." paalala ni Natalia kaya agad namang napatingin sa kaniya si Maxwell. Mabigat ang bawat titig nito habang nakatingin sa doktor na nasa kaniyang harapan. "Kahit kapamilya niya pa."

Pagkasabi niya no'n, agad nang umalis si Natalia sa kaniyang kinatatayuan. Ang ibang nurse naman ay pumasok muli sa loob ng operating room para ihanda ang paglipat ng kwarto ni Tristan papunta sa intensive care unit. Sina Maxwell, Lucia, at ang mga bodyguard nito ay nanatili sa kanilang kinatatayuan upang mabantayan ang paglilipat ng kwarto ni Tristan.

Naging mabilis ang paglakad ni Natalia hanggang sa makarating na ito sa elevator papunta sa kaniyang opisina. Nasa ikalawang palapag ng hospital ang opisina nito kaya naman nang makarating siya doon ay agad siyang huminga nang malalim. Tinanggal nito ang kaniyang lab gown at saka itinapon sa basurahan. Hinubad niya rin ang kaniyang damit pagkatapos nitong takpan ng kurtina ang transparent nitong pinto.

"Halos tanghali pa lang pero pagod na pagod na ako." sambit ni Natalia. 

Ang opisina nito sa ikalawang palapag ay sobrang laki, dahil na rin isa siya sa pinakamagagaling at iniingatang doktor sa hospital na ito. Hindi dahil kaibigan niya ang chief of staff na si Joaquin, kundi dahil sa naiambag nito sa hospital. Sa likod ng opisina niya ay may karugtong na kwarto... may kama, CR, at kung ano pa. 

Sa sobrang busy kasi nito dati ay dito na talaga siya natutulog sa opisina.

Pagpasok nito sa kaniyang kwarto ay agad din siyang nahiga sa kama. Biglang tumunog ang telepono nito kaya dali-dali niya ring tiningnan.

"Joaquin Lopez." sabi sa screen. Sinagot nito ang tawag at saka ipinahinga ang kaniyang mga mata.

... 

"Dra. Allyson? Hello?" Habang tinatawagan ni Joaquin si Natalia, nasa harap nito si Lucia na tila ay nagbubunganga na naman. Pinatatawagan nito ang doktor na nakaaway niya kanina na siyang si Natalia. 

Kanina'y sumagot pa si Natalia sa tawag ni Joaquin pero wala namang narinig na boses ang huli kaya pinatay din niya ang tawag. Nang subukan nitong tawagan muli, hindi na ito sumagot. Hindi tuloy alam ni Joaquin kung iniiwasan siya ni Natalia dahil sa pamimilit nito sa operasyon, o baka sadyang nakatulog lang ang kaibigan.

Si Lucia, na siyang inip na inip, ay muling nagsalita. "Ano? Hindi mo matawagan ang babaeng 'yon o iniiwasan niyo lang ako? Idedemanda ko ang hospital na 'to!" Isang malakas na sigaw ni Lucia na siya namang nakapagpatingin sa maraming tao. Nasa lobby na sila ngayon dahil katatapos lang mailipat ng kwarto ni Tristan. Si Maxwell ay sumunod muna papunta sa intensive care unit kung saan inilagi si Tristan, samantalang itong si Lucia, kasama ang dalawa nilang body guards, ay nagpaiwan sa lobby. 

Hindi sigurado si Joaquin kung bakit ba nandito ang mga ito. Ang alam lang niya, kailangan nilang umiwas sa gulo dahil kung hindi, baka magkaroon ito ng masamang epekto sa imahe ng hospital.

"Pasensya na po, Ms. Lucia, pero hindi po talaga sumasagot sa tawag si Dra. Allyson." mariing sambit ni Joaquin. Hindi kailangang magsinungaling ni Joaquin dahil hindi naman talaga siya sinasagot ng kaniyang kaibigan.

"So anong gagawin natin dito? Palalampasin na lang natin ang ginawa ng babaeng 'yon?" Itinaas ni Lucia ang kaniyang kilay habang pinipigilan ang sarili na masaktan ang doktor sa kaniyang harapan. "Ang kapal ng mukha ng Allyson na 'yan ha! Kung hindi pa siya kinaladkad ni Maxwell, hindi pa siya susunod? Hindi niya ba kami nakikilala?"

"Manahimik ka na, Lucia!" sambit ni Maxwell sa 'di kalayuan kaya agad na napatikom ang bibig ni Lucia. 

Hindi nagawang tumingin ni Lucia kay Maxwell dahil sa galit ng tono nito. Ang alam lang nito, kailangan niyang manahimik para hindi maibuntong sa kaniya ang galit ni Maxwell. 

Ito namang huli, hinawakan ang kamay ni Joaquin at saka dinala sa lugar kung saan wala masyadong tao. Malapit sila sa hagdan sa tabi ng elevator kung saan pumasok kanina si Natalia.

Nang masigurado ni Maxwell na wala nang nakaririnig sa kanila, agad na itong nagsalita.

"Nasaan yung nag-opera sa anak ko?" mariing tanong ni Maxwell.

Agad na napakunot ang noo ni Joaquin dahil sa iniaasta ng kaharap niya. "Hindi ko ho siya ma-contact, Mr. Maxwell. Sasabihan ko kayo kapag maaari niyo na siyang makausap--!"

"Ilabas mo sa'kin si Natalia!" 

Nang isigaw 'yon ni Maxwell, nanigas sa kaniyang kinatatayuan si Joaquin hindi dahil sa takot, kundi dahil alam ng kaharap niya ang tunay na pangalan ni Dra. Allyson. 

Sa isang iglap lang, agad na bumukas ang elevator na nasa kanilang tabihan. Sa hindi inaasahang pagkakataon, iniluwal nito si Natalia na tila kakagising lang.

"Maxwell? Joaquin?"

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status