Home / Romance / PRINCESS DELA BOTE / Chapter 3 : SWEET PROMISES

Share

Chapter 3 : SWEET PROMISES

So there we were, drank with the wine of love,

words bloomed like flowers with the sweetest scent;

the hum of a bee won't know it all,

because they were whispered just between you and me.

But ties strengthen as they seem

and our union defied the seams;

the future, we looked into

and there we hoped to make it true.

By just a kiss, we sealed the times;

though pass they may, at least we've set their rhymes —

the rhymes of our hearts to withstand all,

though many times we're bound to fall.

By just a kiss, we locked the promise

and by just another kiss, one day,

it will be reopened

as a fulfilled wish.

***

(By Just a Kiss)

---Arnel T. Lanorio---

Mula nang unang gabing iyon ng panliligaw ni Enrico kay Ana ay lagi na siya nitong dinadalaw. Kung hindi siya nito binibisita kung gabi ay inihahatid naman siya tuwing umaga sa Heaven-Sent, ganoon din tuwing hapon kung pauwi na sila ni Minerva. Laging sakay ito ng bisikleta at wari bang lagi itong nagbabantay at nakabakod sa kaniya.

Paano naman, simula rin nang gabing iyon na ligawan siya ng binata ay pinutakti siya ng mga manliligaw. Nariyang lumitaw si Nomer na kalapit-apartment lamang nila ni Minerva at sina Lando, Mikko, Denboy at Andro na kapwa niya mga factory worker sa Heaven-Sent. Nariyan din ang magkapatid na Rusky at Reuben na mga taga-Cavite pa. Na-meet niya ang mga ito nang masiraan ng sasakyan sa tapat ng apartment nila ni Minerva. Mula nang masilayan siya ng mga ito ay madalas nang dumadayo para manligaw sa kaniya.

Siyempre, sa lahat ng mga ito na puro may hitsura, only one, wika nga, ang mansanas ng kaniyang mga mata at alam niyang si Enrico iyon. He was the only man in the world that she has entertained well and made her feel a real woman of earth.

Paano nga ba naging ganoon? Ah, siguro dahil bawat araw na kasama niya ito ay marami siyang natututunan at natutuklasan sa mundo — sa mundo ng pag-ibig.

Tulad na lang ng mga bulaklak ng rosas na regular na yata niyang supply mula kay Enrico, hindi niya alam na may espesyal na kahulugan pala.

Ang sabi ni Enrico, romantiko raw ang mga rosas, sentimental, masuyo at sumisimbulo raw sa tunay at namamalaging pagmamahal. Wala na raw ibang bulaklak ang maihahalintulad dito kung pag-ibig ang pag-uusapan.

Ganoon nga siguro. Hilig din kasi ng mga kalalakihan ang mag-alay ng mga bulaklak na rosas sa kanilang mga nililigawan. Gustung-gusto naman ito ng mga kababaihan at kinikilig kapag nakatatanggap ng tatlo nito o kahit man lang ng isa na buko pa at hindi pa lubusang namukadkad.

Bakit nga pala ganoon? Kasi nga ay masuyo, sentimental at, iyon nga, romantic ang dating. Talaga namang mai-in love ang sinumang Eba na aalayan ng sinumang Adan ng bulaklak ng rosas.

Kaya naman pala lalo siyang nai-in love kay Enrico ay dahil sa mga rosas nito. Paano nga kaya kung ilang-ilang ang ibibigay sa kaniya o kaya naman ay sampaguita, santan, gumamela o bogainvilla? Magmumukha siguro siyang imaheng poon na ang kulang na lang ay ilagay sa altar at dasalan ng mga deboto!

Marami pa siyang natutuhan maliban sa mga bagay na may kinalaman sa mga rosas. Natutuhan rin niyang tanggapin ang lahat ng mga kahinaan ni Enrico, gaya na lang ng pagiging mahirap lang nito. Natutuhan niyang hanapin ang magagandang mga katangian ng lalaki katulad ng pagiging maunawain nito, pagiging handang magbago kung kinakailangan, handang tumanggap ng pagkakamali hanggat may tutulong sa kaniyang makita ito at marami pang magagandang prinsipyo nito sa buhay.

Napabilib nga siya lalo na sa paborito nitong Bible verse na patungkol sa mga kalidad ng isang tunay na pag-ibig . Ang verse na ito ay ang nasa Unang Corinto, kabanata trese at mga talatang kuwatro hanggang otso.

Ayon dito, ang pag-ibig daw ay matiisin at magandang-loob. Ganoon si Enrico, matiyagang naghihintay sa kabila ng maraming banta lalo na't marami itong karibal na nagsusulputan sa palibot niya.

Ang pag-ibig din daw ay hindi mapag-imbot, hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo, hindi nag-uugaling mahalay, hindi hinahanap ang sariling kapakanan, hindi nayayamot at hindi inaalumana ang masama. Ganoon ang mga napupuna niya kay Enrico at aware din siyang naipapamalas niya mismo ang mga ito. Siguro ay sila na nga talaga ang para sa isa't isa.

Pero siyempre, hindi pa rin siya nakasisiguro nang sandaang porsiyento. Hindi naman kasi niya hawak ang kapalaran. Panahon lang ang makapagdidikta. Ang tanging magagawa lang niya sa ngayon ay ang sumunod sa idinidikta ng kaniyang puso.

Mahal na nga niya si Enrico. Ito lang kasi ang tanging lalaking nagpatibok ng kaniyang pusong babae, ang tanging lalaking laging laman ng kaniyang mga panaginip, ang laging kaulayaw ng kaniyang isip at ang tanging lalaking nagawa niyang pangakuan ng wagas na pag-ibig.

Hindi nga niya malilimutan ang araw na iyon na siya at si Enrico ay nagpangakuan ng kani-kanilang pag-ibig sa isa't isa.

"Ito ang bahay namin." lahad ni Enrico sa simpleng bahay nila na yari lang sa pawid na bubong at mga dingding na yari naman sa kawayan. Presko ang dating nito sa kaniyang paningin na para bang nginingitian siya kahit na halatang may kalumaan na. Nalililiman lang kasi ito ng mga puno sa tabi-tabi kaya malamig ang dating sa paningin. "Yaks, 'no?" waring nandidiring dugtong ni Enrico.

"Ikaw naman," reaksiyon ni Ana. "Masyado ka. Sarili ninyong bahay nakukuha mong tuyain? Baka akala mo, palasyo na iyan para sa akin."

"Naks! Talaga ba?"

"Naman!"

"Ibig mong sabihin, prinsipe na pala ako, hindi ko pa alam?" pakunwaring manghang tanong ni Enrico na ang tindig ay lalong pinakisig para makmukhang tunay na prinsipe. Kinuha nito ang kaliwa niyang braso saka ito kinipit. Pagkatapos ay tumugtog ng ‘ten-ten-tenen’ habang sila'y naglalakad palapit sa bahay. Matawa-tawa si Ana sa iniaakto nito. Imagine, para na silang ikakasal!

“Nagpapatawa ka naman, Mr. Trying-hard Fake Prince!" komento nga ni Ana.

“Oh, I'm not, my labli and byutipul princess. I'm dead siryus po,” ngunit sagot lang ni Enrico na halatang nasisiyahan sa itinatakbo ng eksena nila. Halata ring hindi ito sanay mag-English. Hindi kasi nito mabigkas nang maayos ang mga letrang 'v' at 'f'. Sa halip ay nagiging 'b' at 'p' ang mga ito.

Tumirik ang mga mata ni Ana sa langit sa kalokohan ng lalaki. “Kung kurutin kaya kita sa tagiliran nang magtigil ka,” bantang biro niya.

At akma na lang niyang kukurutin ang lalaki nang sumungaw ang isang may edad na babae sa bintana ng bahay. Napatitig siya sa maamo at kahit tumanda na'y maganda pa rin namang bilugang mukha nito. Napansin niyang marami sa magagandang pisikal na katangian nito'y namana ni Enrico.

“Oy, nariyan ka na pala anak,” malamyos na tinig ng babae. Nagpukol din ito ng tingin sa kaniya at ginawaran siya ng isang nasisiyahang ngiti. Siyempre, sinuklian din niya iyon ng gayon ding ngiti.

“Siya na ba si Ana, Enrico?” tanong nito pagbaling sa anak.

“Siya na nga po, inay. Siya rin ang magiging prinsesa dito sa palasyo natin!”

Ganoon? Sa hiya ay wala sa loob na naituloy niya ang pagkurot sa tagiliran ng binata. Hindi sinasadyang nangigil siya kaya namilipit ito sa sakit.

“Aray ko naman! Bakit, sinasabi ko lang naman sa mahal na reyna natin, a!” Kahit hindi malaman kung ngingisi o ngingiwi dahil sa tindi ng kurot na natamo ay nakuha pa ring magbiro ni Enrico.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status