Share

Chapter 4.2

__________

Pagkatapos ng sagutan nilang iyon ay walang ginawa si Enrico kundi maghanap, ngunit hindi ng trabaho, sa halip ay ng mapagpapalipasan ng tensiyong dala ng matinding pag-iintindi sa kanilang mga problema. Ang natagpuan nga nito ay mabisa. Natagpuan na lang nito ang sarili na nagpapakalunod sa mga bula ng alak.

Noong una’y hinahayaan lang ni Ana ang paminsan-minsang pakikipag-inuman ni Enrico sa mga kumpare nito. Batid naman kasi niyang kailangan iyon minsan ni Enrico para pansumandaling makalimutan ang kagipitang kanilang pinagdaraanan. Basta ang ginagawa niya’y nandiyan pa rin naman siya para magpaalala sa asawa sa obligasyon nito bilang padre de pamilya.

Ngunit kalauna’y nakalilimot magpaalala si Ana. Palibhasa’y kailangan din niyang dumiskarte, madalas na ang isip niya’y nakatutok sa kung paano palihim na magka-racket para kahit paano’y may pampuno sila sa pang-araw-araw na gastuhin ng kanilang pamilya. Nariyang tumanggap siya ng kaunting labada para hindi mapansin ni Enrico, magsulsi ng sirang mga damit mula sa mga kapitbahay, tumanggap ng kaunting komisyon sa pagbebenta ng tanim na plantilya ng iba, at kung anu-ano pang kahit mababang uri ng trabaho’t kakarampot lang ang kita’y marangal naman.

Hanggang sa magumon nga si Enrico sa pag-iinom ng alak at madalas maging mitsa ng kanilang pag-aaway.

“Wala ka na bang ibang aatupagin kundi ang maglasing nang maglasing? Puro alak na lang ba ang papamilyahin mo?” Si Ana na minsa’y magdamag na naghintay kay Enrico sa salas ng munti nilang dampa sa lugar na iyon na sila na lang yata ang napag-iwanan na ng panahon. Namumula sa galit at nakapamaywang na hinarap niya si Enrico na 'di naman siya gaanong pinapansin.

“Aba'y marami na yata tayong nalutas na mga problema sa bahay!” patuloy na pagbubunganga ni Ana..

Ngunit sa pagsita niya rito’y nakuha pang pukulan siya ni Enrico ng malagkit at nang-aakit na titig. Dahil dito’y lalong kumulo ang kaniyang galit. Daig pa ng mga pisngi niya ang kulay ng pulang-pulang rosas, idagdag pang nanlilisik ang mapupungay niyang mga mata.

“Hoy, masuwerteng lalaki! For your information, lutas na ang mga problema natin!" sarkastiko ang tono na wika niya sa asawa. “Una, kakakabit lang ng kuryente. Ikalawa, ayos na ayos na ang budget natin sa lahat-lahat. Ikatlo, burado na lahat ang mahabang listahan ng mga utang natin kay Aling Trining!”

Ipinagdiinan ni Ana ang mga katagang: masuwerteng lalaki, lutas na, problema natin, kakakabit, kuryente, ayos na ayos na, budget, lahat-lahat, burado na lahat, mahabang listahan, utang natin at ang pangalan ni Aling Trining. Tama lang para rumehistro sa isip ni Enrico. Pero hindi pa tapos si Ana. Nagpatuloy pa ang pamamaywang at kasesenyas niya ng mga kamay sa ere.

“Ikaapat, maipagpapatuloy pa ng mga anak mo ang pag-aaral. At higit sa lahat, senyor, magaling na magaling na si Junior. Hindi na siguro kailangan pang ipadoktor!”

Marami nang nasabi si Ana at lahat ng mga iyon, idagdag pa ang patuyang tono niya ng pananalita, ay sapat na para magtagis ang mga bagang ni Enrico. Napansin nga niyang nagngingitngit na ito sa galit. Nasaling marahil nang ganoon na lang ang ego nito. Ipinamukha ba naman niya’t lahat dito na wala itong kakayahang lumutas ng mga problema, na ito'y mahinang klase at walang silbing padre de pamilya.

Pero hindi magawang lubusang magalit sa kaniya at magwala ni Enrico. Tila gustung-gusto nitong mambulyaw at manakit pero nagpipigil lang.

Pilit kinakalma ni Enrico ang sarili. Batid ni Ana na masasakit ang mga nabitawan niyang mga kataga at ramdam na ramdam niya ang pagtitimpi ng namumuong galit ng asawa. Oo, ramdam niya ang mga iyon pero hindi pa rin niya batid lahat ng nasa isip ni Enrico. Ano man ang nilalaman ng isip nito ay labas na siya roon. Ang importante’y mailabas niya ang nararamdamang sama ng loob dito.

“O, ano, mister? Okay ka lang diyan?” si Ana uli iyon. “Baka nagugutom ka na? Umaapaw ang pagkain sa kusina!” Itinuro pa niya ang direksiyong tinutukoy.

Hindi na rin nakapagpigil pa si Enrico. Insultong-insulto na ito sa ibinubunganga ni Ana. Sinalubong na rin nito ang galit ng asawa.

Malutong itong napamura. Sinugod nito si Ana at mahigpit na sinungaban sa mga braso at marahas na niyugyog.

“Sumusobra na ang bunganga mo, Ana!" singhal ni Enrico na halos di maghiwalay ang magkalapat na mga ngipin habang buong tigas na nagsasalita. “Akala mo ba ikaw lang ang namumuroblema? Kung pinuproblema mo ang lahat sa bahay na ito, ikaw lang ba? Ako man, Ana. Ako man, namumuroblema. Hindi lang ikaw!”

Pagkasabi ng mga iyon ay marahas na itinulak ni Enrico si Ana na halos pasadsad na napasandal sa kahoy na dingding ng kanilang dampa. Nabigla siya sa ikinilos ni Enrico. Pero kahit ganoon, nangibabaw pa rin naman ang pagkamuhi niya rito.

Muli siyang nagsalita. “Ah, gan'on naman pala, e. Namumuroblema ka rin pala'y bakit kailangang idaan-daan mo pa sa inom-inom? Bakit hindi kami ng mga anak mo ang atupagin mo?”

“Shit! Ana! Puwede ba, itigil mo na lang ang bunganga mo? Lalo mo lang pinasasakit ang ulo ko!” sawata ni Enrico sa kaniya, pero hindi niya ito pinansin.

“Pinasasakit? Paanong sasakit, e, namumuroblema ka, tayo, tapos uminom ka pa. Sabihin mo nga sa 'kin, naduduwag ka ba at hindi mo maharap ang mga problema kaya naglasing ka?” lalo niyang pagbubunganga.

Sobra na ang mga insultong ipinabata ni Ana ay Enrico. Dahil dito ay walang sabi-sabing nabuhat ni Enrico ang isang silyang kahoy at ubod lakas na ibinalibag sa mismong tabi ni Ana. Sa lakas ng pagkakahampas nito sa dingding na kahoy, at dahil may kalumaan na rin, ay halos nangabali ang mga paa ng silya. Ikinagising ng mga anak nila ang ingay na nilikha ng pagbalibag na iyon. Sa gulat ay natarantang tinungo ng mga ito ang sala, maliban kay Junior na idlip na idlip dahil sa tindi ng lagnat na binabata.

“Rinding-rindi na ako sa bunganga mo, Ana!” bulyaw ni Enrico kay Ana na hindi na alintanang naroroong napapatulalang nakatunghay ang kanilang maliliit na mga anak. “Kung hindi ka rin lang papipigil, mabuti pa nga sigurong lumayas ka na sa pamamahay ko! Ngayon din, Ana. Ngayon din!” patuloy ni Enrico na buong panginginig na itinuturo ng hintuturo nito ang mismong pintuan ng kanilang bahay.

Si Ana naman ay punung-puno na rin. Pinipigil ang luhang pinagsalitaan pa niya ang asawa na noo'y sobra na niyang kinamumuhian.

“Ah, gan'on? Okay lang. Sinong hinamon mo? Pero para sabihin ko sa 'yo, masahol ka pa sa lalaking 'di ko inakalang magiging ikaw. Makupad na. lasenggo pa. Hindi na naawa sa asawa't mga anak niya. Wala nang inatupag kundi alak, alak, alak. Wala na ngang malamon ang pamilya!" mga tirada ni Ana. Habang nagsasalita siya’y pinatatahan ang mga anak na nag-iiyakan na dahil sa eksena nilang mag-asawa. Inakay niya ang mga anak papuntang kuwarto at doon ay tahimik na lumuluhang nag-empake ng mga gamit.

Matapos makapag-empake ay kinausap niya ang mga anak, lalo na si Junior. Mahigpit niyang niyakap ang mga ito saka malungkot na muling lumabas ng kuwarto.

Sa labas, sa sala, nang mamataang muli ni Ana ang asawa ay nilamon ulit siya ng matinding galit. Bahagya siyang lumapit sa kinaroroonan ni Enrico saka muling nagbunganga.

“Wala kang muwang, wala kang kuwenta at walang silbing asawa at ama! Siguro, kung ako ikaw, nagpakatino at nag-isip-isip akong mabuti. Hinarap ko siguro nang buong tatag ang mga problema. At ngayon, pinalalayas mo na ako dahil, kesyo, hindi ka na makatiis. Lalayas naman ako, e. Hindi ako duwag na paris mo!”

Wala na, dalang-dala na talaga si Enrico sa tinurang iyon ni Ana.

“Ikaw, babae ka!” gigil na bulyaw ni Enrico. “Huwag na huwag ka nang tutuntong pang muli sa pamamahay na ito! Makita ko pang pagmumukha mo't kakalimutan kong minsan ay naging asawa kita!”

Sa mga binitawang iyon ni Enrico’y tila ilang ulit na inulos ng punyal ang puso ni Ana. Bigla siyang hiningal sa tindi ng emosyong sumanib sa kaniyang puso. Ibig pa niyang sagutin si Enrico ngunit tila siya nabibilaukan at umuurong ang kaniyang dila. Sa huli’y humahagulgol na tumakbo na lamang siya palabas ng munti nilang dampa na minsa’y itinuring niyang paraiso ng pagmamahalan nila ni Enrico. Narinig pa niya ang malakas na pabalyang pagsara ni Enrico sa pinto. Totoong nagkasakitan sila sa maaanghang na mga salita at nalason ng poot ang kanilang mga puso sa isa’t isa nang gabing iyon.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status