Home / Romance / PRINCESS DELA BOTE / Chapter 4 : SIPS OF WINE

Share

Chapter 4 : SIPS OF WINE

If troubled days come swimming by

upon our pool of love;

and if the end's to say goodbye,

I'll choose us be as doves.

Though we may fly free as the air,

and roam the depths of skies;

we know that life sometime's not fair,

sometimes it breaks all ties.

But reasons may mean that or this,

that distance is what fits;

who knows what lies beyond the seas,

that only hurts can meet.

We may be miles apart from now,

but heartbeats, still the same;

ours may be a broken vow,

but still I know your name.

***

(Still I Know Your Name)

---Arnel T. Lanorio---

Dahil sa maalab na bugso ng kani-kanilang mga damdamin at sa kapusukan ng kanilang kabataan ay naging mabilis ang mga pangyayari sa buhay nina Ana at Enrico. Hindi pa man establisado ang para sa kanilang kinabukasan ay naisipan na kaagad nilang magpatali sa isa’t isa. Kakapasok lang noon ni Ana ng trabaho at si Enrico nama’y walang permanenteng hanapbuhay. Maraming manliligaw si Ana at si Enrico’y lapitin ng tsiks. Ito rin ang isa pang salik na nagtulak sa kanila sa isang desisyong hindi nila alam kung gaano kaseryoso.

"Ano ang pakiramdam mo Ana, ngayong kasal na tayo?" masayang tanong ni Enrico sa asawang ubod ng ganda noong mahalagang araw na iyon ng kanilang mga buhay. Kakakasal lang nila noon sa huwes. Karga ni Enrico si Ana sa mga bisig nito habang pinagmamasdan ang kagandahang taglay ni Ana na noon ay solong-solong pag-aari na nito.

"Siyempre, masaya, as in masayang-masaya!" ngiting-ngiting sagot ni Ana. Kumikinang din ang kaniyang mga mata. "E, ikaw, anong pakiramdam mo?"

Napangiti rin si Enrico habang titig na titig kay Ana. "Siyempre, pakiramdam ko, ako ang pinaka sa pinakamasayang lalake sa balat ng lupa!" sagot nito na binigyang-diin ang katagang "pinaka".

"Talaga lang ha? Grabe ka. Exaggerated!" natatawang reaksiyon ni Ana.

"Hindi a. Gusto mo patunayan ko?" Pilyo ang ngiting pinakawalan ni Enrico sa mga labi. Nang-aakit pati ang mga matang iniukol sa asawang pinamulahan naman ng mukha.

Humantong sila sa isang papag na kawayan sa simpleng bahay na iyon nina Enrico. Naghahalakhakan silang naghuhubaran at naghihipuan. Ganoon sila noong magsama na sila sa iisang bubong. Matatamis ang mga halikan at mga yakapang pinagsasaluhan nila bawat magdamag. Nagpapakalulong sila sa himno ng kanilang mga ungol at halinghing.

Kahit noong sumunod na mga araw, ang pag-iibigan nila ay laging matimyas at makulay. Palaging ipinagluluto si Ana ni Enrico noong naglilihi na siya. Pinatitikman siya nito ng masasarap na mga putaheng gustung-gusto niya. Lahat ng klase ng prutas ay hinanap nito para lang sa kaniya. Pinagsilbihan siya nitong kagaya ng pangako nito — ang gawin siyang tulad ng isang prinsesa.

"Alam mo, Enrico. Masyado mo akong ini-spoil," puna minsan ni Ana. "Baka lumaki ang anak nating spoiled brat, ha?"

Natawa si Enrico. "E, sa natutuwa nga akong pagsilbihan ka. Bakit, ayaw mo ba ng gano'n?"

"Hindi naman sa ayaw 'no. Pinatataba mo lang kasi masyado ang puso ko kapag nakikita kitang nasisiyahang pagsilbihan ako," tapat na sagot ni Ana.

"Ako rin naman, eh. Tumataba ang puso ko nang sobra kapag nakikita kong nasisiyahan ka sa lahat ng ginagawa ko para sa iyo," gagad esplika ni Enrico.

"Talaga?" si Ana.

"Oo, naman. Gusto mo patunayan ko?" paghahamon ni Enrico.

"Ops! Hindi puwede!" pigil ni Ana sa gagawin sana ng asawa. Iniharang pa niya ang kaniyang kamay. Nasanay na kasi siyang tuwing maririnig ang mga salitang "gusto mo patunayan ko?" mula sa mga bibig ni Enrico ay alam na niya ang kasunod. "Malaki na kaya ang tiyan ko. Hoy, baka mapisa," natatawang dugtong wika niya habang napapahaplos sa nakaumbok nang tiyan.

Nagtawanan sila habang masuyo siyang yakap-yakap ni Enrico mula sa kaniyang likuran. Pinuno nga nila ang munting kubong iyon ng malulutong nilang tawanan.

Ngunit hindi sa lahat ng panahon ay masaya sila sa piling ng isa’t isa. Dumating ang panahong sunud-sunod na dinalaw sila ng maraming problema sa kanilang buhay may asawa. Mga problemang hindi nila kapwa napaghandaan. Ang rason ay dahil nga mga bata pa lamang silang maituturing. Akala nila, sa yugtong iyon, ay kaya na nilang magpamilya. Pero hindi pa pala. Hindi pala ganoon kadali ang lahat.

"Enrico, wala na pala tayong bigas. Pananghalian na lang ang natitira sa bigasan,” isang araw ay malungkot at nag-aalalang imporma ni Ana kay Enrico.

"Mangungutang tayo kay Aling Trining," ito ang agad sagot noon ni Enrico.

"Enrico, wala nang gatas si Erick!" isang araw ulit ay malamlam ang mga matang dulog ni Ana sa asawa.

"Pupunta ako kila Aling Trining." Si Aling Trining ulit ang naisip na sagot ni Enrico.

"Enrico, may malubhang sakit si Nico. Kailangan natin siyang dalhin sa duktor!" alalang-alala at naluluha pang minsan ay panggigising ni Ana kay Enrico minsang kalaliman ng gabi.

"Manghihiram ako ng pera kay Aling Trining," ito agad ang natatarantang naisagot ni Enrico saka nagdudumaling pinuntahan ang bahay nina Aling Trining kahit alanganing oras.

Puro si Aling Trining ang bukam-bibig ni Enrico nang mga panahong iyon. Iyon kasi ang pinakamabilis na paraan dahil madali namang lapitan ang matandang may-ari ng tindahang malapit sa kanilang lugar.

Hanggang sa kalaunan ay nabaon sila sa utang at problemahin ang pagbabayad kay Aling Trining.

"Ano ang gagawin natin ngayon, Enrico?" minsan ay malungkot at mangingiyak-ngiyak na tanong ni Ana. Sa tono ng kaniyang boses ay naroroon ang kawalang-katiyakan.

"Bahala na, Ana," iyon lang ang tanging naisagot ni Enrico. Medyo nakainom ito noon. Painum-inom na rin kasi ito sa paniwalang sa tulong niyon ay malilimutan nito ang mabibigat na mga problema.

"Anong bahala na? Aba'y kailangan nating mag-isip at gumawa ng paraan, Enrico. Hindi puwedeng wala tayong gagawin," desperado at medyo iritadong wika ni Ana.

Napabuntung-hininga si Enrico. Nagawa na nitong mag-isip nang mag-isip. Sa malas nga lang dahil wala itong makapa. Sinubukan na rin nitong mag-apply ng kahit anong trabaho, pero kung bakit naman kasi puro walang bakante. Kung mayroon man, para lang naman sa mga may natapos.

"Alam ko na!" nang biglang singit ni Ana sa abalang pag-iisip ni Enrico. "Ano kaya kung maghanap din ako ng trabaho? Kahit maglabada o magkatulong ay tatanggapin ko," parang nakasilay ng pag-asang sambit niya. Noon kasi’y natanggal na siya sa Heaven Sent na dating pinapasukan nila ng pinsan niyang si Minerva simula nang siya ay mabuntis. Sinubukan niya noong makiusap kay Mr. Delgado, pero naging matigas ito at hindi na siya tinanggap pang muli.

Ngunit ang naisip ni Ana’y hindi nagustuhan ni Enrico. Sa halip na matuwa ay kinakitaan niya ng galit ang ekpresyon nito ng mukha. Halatang hindi ito makapapayag sa gusto niyang mangyari.

"Hindi puwede, Ana!" mariing tutol ni Enrico. "Dito ka lang sa bahay. Hindi ako makapapayag na magpaalipin ka sa iba. Hayaan mong ako na lang ang maghanap nang maghanap," wika pa nito sa tonong kung pwede lang ay itali o ikulong na lang sa bahay ang asawa.

"E, ano naman ang gagawin ko rito? Tutunganga maghapon at mamataan lang ang mga anak nating mag-iyakan kapag wala akong maiabot kahit singkong duling? Wala ka rin lang namang mahanap—"

"Huwag kang mapilit, Ana!" putol ni Enrico sa paghuhuramentado ni Ana. "Hindi ka ba makaintindi? Hindi puwede sa akin ang gusto mong mangyari!" pagalit na patuloy nito. Tumayo ito't tinungo ang bintana, bumubuntung-hiningang itinukod ang mga kamay roon at matiim ang mga matang tumanaw sa kung saan. Magkahalong galit, pagkasiphayo at pagpoprotesta ang nakapinta sa mukha nito. "Saka isa pa, walang mag-aasikaso sa mga anak natin," pagkatapos ay dugtong nito.

"Iyon lang ba? E, di patingnan kay inay. Problema ba iyon?" sagot ni Ana.

"A, basta! Hindi pa rin puwede!" pinal na wika ni Enrico. Halatang hindi talaga nito maaatim na si Ana ang maghanap-buhay sa halip na ito. Kung sabagay ay malaking insulto rito bilang padre de pamilya kapag nagkataon.

"Hmp, bahala ka nga!" himutok ni Ana na naikamot-suklay na lang ang mga daliri ng kamay sa mahaba niyang buhok.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status