Share

Kabanata 14

Aviona’s POV

“Nagpakasal sila. At sa huli ay nagkaroon sila ng mga anak. Namuhay silang magkasama at masayang-masaya.” Isinara ni Sister Janet ang librong hawak niya. “At d’yan nagtatapos ang kwento natin para sa araw na ito.”

Ang ganda ng kwento! Kwento iyon ng isang prinsesang naligaw at napahamak sa isang syudad tapos ay iniligtas ng isang ordinaryong lalaki. Nahulog iyong lalaki sa prinsesa kaya’t ginawa niya ang lahat para mapasagot ang prinsesa kahit na pinahirapan siya ng amang hari nito.

“Oh, nariyan na pala ang Tata Pedro niyo!” nakangiting sabi ni Sister Janet na nakatingin sa aming likuran.

Napukaw ang atensyon ko dahil sa sinabi ni Sister Janet. Agad kaming napalingon at nakita namin si Tata Pedro na may hawak-hawak na mga supot ng tsokolate.

“Tata Pedro!” excited naming sigaw.

“Na-miss niyo ba ako, mga bata?” nakangiting tanong niya sa amin.

“Tata Pedro!” Muli naming hiyaw saka tumayo sa aming pagkakaupo at patakbong lumapit kay Tata Pedro.

Dahil sa aking kaliitan ay napunta ako sa dulo ng pila.

Ang mga nauna ay pumila agad para hingiin ang kanilang pasalubong.

Ngiting-ngiti ako nang malapit na ako sa susunod na mabibigyan ng pasalubong. Pero agad na nawala ang saya sa aking mukha nang maabutan kong wala nang laman ang supot. Naubos na ang pasalubong ni Tata Pedro. At ako lang ang hindi nabigyan.

Nakaalis na ang mga kasama kong bata dahil nakuha na nila ang kanilang mga pasalubong na tsokolate.

“Ana, lumapit ka rito,” malumanay na tawag ni Tata Pedro.

Nakayuko at malungkot akong lumapit sa kaniya. Ngayon lang kumulang ang mga pasalubong na iniuwi ni Tata Pedro sa amin. Kaya ngayon lang ako hindi nakatanggap ng pasalubong mula sa kaniya. Ramdam ko ang pamumuo ng luha sa aking mga mata. Ayokong magtampo pero hindi ko mapigilan. Bakit hindi sakto ang biniling pasalubong ni Tata Pedro? Nakalimutan niya na ba ako?

Lumuhod si Tata Pedro at ikinulong sa kaniyang mga palad ang aking mukha.

Tumulo na ang kanina’y nagbabadya lamang na luha sa aking mga mata. Kaagad rin akong sinipon kaya napasinghot ako.

Ngumiti si Tata Pedro. “Nagtatampo ka ba sa Tata Pedro, Ana?” masuyong tanong niya.

Umiling ako saka ako nag-iwas ng tingin sa kaniya.

Munting humalakhak si Tata Pedro at saka ipinaling ang aking mukha pabalik sa kaniya. “Masama ba ang loob mo dahil walang natirang pasalubong si Tata Pedro para sayo?” muling tanong niya.

Muli akong umiling. Hindi ako makatingin sa kaniya dahil ang totoo ay tampong-tampo ako sa kaniya.

“Di ba sinabi ko sa inyo na masama ang magsinungaling?”

Napatango ako.

“Tatanungin ulit kita, anak. Magsabi ka ng totoo. Nagtatampo ka ba sa Tata Pedro? Tingnan mo ako sa mata at sabihin mo ang totoo.”

Wala akong nagawa kundi tumingin kay Tata Pedro. “O-opo. N-nagtatampo po ako, T-Tata,” pag-amin ko.

Gumihit ang ngiti sa kaniyang mga labi. “Nako. Napakamatampuhin mo pala, anak,” natatawang asar niya.

Napatungo ako sa hiya. “S-sorry po kung nagtatampo ako dahil wala akong pasalubong galing sa inyo.”

Muli niyang ikinulong ang aking mukha sa kaniyang mga palad. “Akala mo ba ay talagang wala akong pasalubong para sayo?” Hindi mawala ang ngiti sa kaniyang mukha. “Ikaw pa ba naman ang mawawalan ng pasalubong mula sa akin? Syempre may pasalubong ako para sa paborito kong bata rito sa bahay-ampunan.”

Pumalakpak ang aking tenga at umaliwalas muli ang aking mukha dahil sa sinabi ni Tata Pedro. “Talaga po? May pasalubong po kayo sa akin?” masiglang tanong ko.

Ginulo niya ang aking buhok at saka tumayo. “Aba syempre naman! Hindi pwedeng hindi mabigyan ng pasalubong ang isang batang kasing ganda mo!” Yumuko si Tata Pedro para makuha ako at makarga. “Nasa opisina ko ang pasalubong mo. Tara, kunin na natin.”

Masayang tumango ako sa kaniya.

Naglakad si Tata Pedro habang karga-karga ako papunta sa kaniyang opisina.

Ano kayang pasalubong sa akin ni Tata Pedro? Katulad kaya ng mga kasama kong bata na tig-iisang tsokolate? Kahit ano pa iyon ay masayang-masaya na ako dahil hindi ako kinalimutan ni Tata Pedro.

Ibinaba ako ni Tata Pedro nang makapasok kami sa opisina niya para i-lock ang pinto. Nang matapos iyon ay humarap siya sa akin at ngumiti.

Ngumiti ako pabalik. “Nasaan na po ‘yong pasalubong ko, Tata Pedro?” sabik kong tanong.

Natawa ito at hinawakan ang aking kamay at saka ako iginiya palapit sa kaniyang mesa. Binuhat niya pa ako para mapaupo sa silya sa harapan saka siya naglakad papunta sa kaniyang upuan.

Yumuko siya at may kinuha sa ilalim ng mesa.

Hindi ako mapakali dahil sa pagkasabik.

“Wow!” Napanganga ako nang iangat ni Tata Pedro sa aking harapan ang isang napakagandang teddy bear. Kulay brown iyon at may pulang ribbon sa may leeg.

Tumayo si Tata Pedro at bumalik sa aking harapan. Ibinigay niya sa akin ang teddy bear na kasingkalahati ng katawan ko.

Agad ko iyong kinuha at niyakap nang mahigpit.

“Nagustuhan mo ba, Ana?” masayang tanong niya.

Mas pinalawak ko ang aking ngiti. “Opo naman, Tata Pedro! Ang ganda-ganda niya po! Maraming salamat po dito!”

Napatawa siya at muling ginulo ang aking buhok.

Muli kong niyakap nang mahigpit ang teddy bear. Nag-isip ako ng ipapangalan sa kaniya.

Alam ko na! Papangalanan ko siyang Lili!

Inihiwalay ko si Lili sa aking katawan para matitigan siyang mabuti.

Ang ganda-ganda niya talaga!

Nagulat ako nang maramdaman ko ang yakap ni Tata Pedro mula sa aking likuran. “Masaya akong makita kang masaya sa binili kong pasalubong para sayo, anak,” malambing na aniya.

Nakangiting nilingon ko siya. “Syempre naman po! Kahit ano pong regalo at pasalubong niyo sa akin, magiging masaya po ako!”

Napangiti siya at saka ako hinalikan sa noo.

Napapikit ako sa ginawa niya. Buti na lang talaga at may pasalubong ako kung hindi, magtatampo talaga ako sa kaniya!

Muli akong napangiti nang malapad sa aking naisip. Ngunit napawi iyon nang maramdaman ko na gumapang paakyat sa aking dibdib ang kaniyang mga palad. Nakaramdam ako ng pagkailang sa kaniyang ginawa. “T-Tata, b-bakit niyo po pinipisil ang dibdib ko?” nagtataka at nalilitong tanong ko.

Kinilabutan ako nang maramdaman ko sa aking tainga ang kaniyang hininga.

“Alam mo bang mas gusto ng mga lalaki ang may mga malalaking dibdib na mga babae?” pabulong na tanong niya.

Parang nahigit ang hiningang napabalikwas ako sa aking kinahihigaan.

“Avi, anak?”

Nanginginig at naluluhang napalingon ako sa aking tabi.

“Binabangungot ka. Ayos ka lang ba?” Bakas ang pag-aalala sa kaniyang mukha.

Nanginginig at kumikibot ang aking mga labi. “M-manang Eba!” Agad ko siyang niyakap. Napahagulgol ako sa kaniyang balikat.

“Sshh. Tahan na. Nandito na si nanay. Tahan na, anak,” alo niya habang hinahaplos-haplos ang aking buhok.

Lalo akong pumalahaw ng iyak sa kaniyang sinabi.

Takot na takot ako. Takot na takot. Akala ko ay totoo iyon. Akala ko ay bumalik ako sa nakaraan. Akala ko ay nasa kamay na naman ako ni Tata Pedro. Akala ko bumalik na naman ako sa bahay ng demonyo.

Pilit ko na siyang kinakalimutan. Pero bakit hanggang ngayon ay hinahabol pa rin ako ng kaniyang bangungot?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status