Share

Kabanata 17

Aviona’s POV

“Mahal na mahal ka ng Tata Pedro, Ana.”

“Ikaw kaya ang pinakapaborito ko sa lahat! At ikaw din ang pinakamaganda rito.”

“Ang ganda mo talaga, anak.”

“Akin ka lang, Ana. Akin lang ang katawan mo!” Nasundan iyon ng isang kahila-hilakbot na halakhak.

Para akong nakaahon mula sa pagkalunod. Hingal na hingal akong napabangon sa aking kama. Napahawak ako sa aking dibdib. Ang sakit nito. Parang may pumipiga rito. Ang isa kong kamay ay naglakbay sa aking pisngi. Humihikbing pinahid ko ang luhang umagos sa aking pisngi. Pinagsamang luha, pawis, at sipon ang bumasa sa aking mukha.

Nagising na naman ako mula sa isang bangungot. Napaatras at napasandal ako sa headboard ng kama. Niyakap ko ang aking mga binti habang walang tigil na humahagulgol. Sa tuwing nagigising ako mula sa isang masamang panaginip ay awtomatikong magbabalik-tanaw ang aking utak sa pinagdaanan ko sa mga kamay ni Tata Pedro. “Tama na,” bulong ko. Ilang beses ko pa iyong binanggit hanggang sa unti-unti akong napasabunot sa aking buhok.

“Hindi ako nagkamali sa pagkupkop sayo, Ana.”

“Ahhh… ang sikip mo talaga, anak.”

“T-tama na p-po.” Napailing ako at mas sinabunutan ang buhok dahil habang tumatagal ay mas lumalakas ang boses ni Tata Pedro na aking naririnig. Napapikit ako nang mariin. Ngunit hindi pa rin nawawala ang tinig na iyon. Magkakasunod na halinghing at ungol ng demonyo ang aking narinig.

“M-maawa po kayo, Tata Pedro,” pagmamakaawa ko.

“Ssshh. Tingnan mo ako, Ana,” may mahinang tinig na utos niya.

Nilukob ng takot at kaba ang aking puso dahil sa narinig. Narito ba talaga siya?

“Tingnan mo ako, anak,” pag-uulit niya.

Umiling ako. Ayaw ko. Mas diniinan ko pa ang pagpikit.

“Tingnan mo ako sabi!” galit na bulyaw niya. Kaagad kong naramdaman ang mahigpit niyang hawak sa aking magkabilang braso. Iyon ang sanhi para bigla kong maimulat ang aking mga mata.

Parang luluwa ang mga ito sa nakita.

Narito nga siya sa aking harapan!

Ang ngisi niya ay parang sa demonyo. “Na-miss mo ba ako, anak?”

Agad kong iwinaksi ang kaniyang mga kamay at agad na bumangon sa kama. Tumakbo ako patungo sa pintuan. Nanginginig ang mga kamay na pinihit ko ang seradora ng pinto. Tumakbo ako sa kahabaan ng pasilyo. Narinig ko pa ang nakakatakot niyang halakhak.

Nang lingunin ko siya ay nasa labas na siya ng aking kwarto at naglalakad papalapit sa akin.

Nang muli akong humarap sa aking dinaraanan ay laking gulat ko nang makitang tila nagtriple ang haba ng pasilyong aking tinatakbuhan. Muli akong napalingon sa kaniya.

Umalingawngaw sa buong paligid ang kaniyang tawa. “Akala mo ba ay matatakasan mo ako, Ana?” parang kulog na tanong niya sa akin.

Hindi ko siya pinansin. Humahangos na tumakbo ako papalayo sa kaniya. Kailangan kong makarating sa kusina para makakuha ng kutsilyo. Ngunit habang tumatakbo ako ay mas lumalayo at humahaba pa ang daan. Halos hindi ko na matanaw ang kabilang dulo ng pasilyo na kinaroroonan ng hagdan.

Dinig na dinig ko ang aking paghinga sa kabila ng nakakabingi at nakakakilabot niyang halakhak.

“Kung ako sayo, hindi na ako ako tatakbo. Hindi mo naman ako matatakasan kahit kailan eh. Habang buhay ka nang mabubuhay kasama ako, Ana.” Muli na naman siyang tumawa.

Hindi sadyang nilingon ko siya. At halos humiwalay ang aking kaluluwa nang makita kong halos isang pulgada na lamang ang layo ng kaniyang mukha sa akin.

“Hindi mo ako matatakasan, Ana!” sigaw niya at nanlalaki ang mga matang tumawa.

Napabangon ako sa aking kama. Para akong hinabol ng isang daang kabayo. Akala ko ay totoo iyon. Akala ko ay talagang nahanap niya ako. Panaginip lang pala. Panaginip sa loob ng isang panaginip.

Napasandal ako sa headboard ng kama at napasuklay sa aking buhok. Hanggang ngayon ay hinahabol ko pa rin ang aking hininga. Wala nang lumabas na luha sa aking mga mata.

Ilang minuto pa bago ko tuluyang mapakalma ang aking sarili.

Napatingin ako sa orasan. Alas kwatro pa lang pala. Ngunit ayaw ko nang matulog pa ulit. Baka bangungutin na naman ako.

Napagpasyahan kong lumabas na lang sa kwarto. Ginawa ko ang lahat para hindi makalikha ng tunog. Mabuti na lamang at tulog pa ang lahat ng tao sa mansyon.

Pupunta sana ako sa kusina ngunit nang makarating ako sa sala ay hindi sadyang napatingin ako sa may bintana. Imbes na sa kusina ako mapunta ay hinila ako ng aking mga paa patungo sa labas.

Nakatulog ang security guard na nagbabantay sa may gate kaya malaya akong nakalabas ng mansyon.

Ang sarap lumanghap ng hangin mula sa labas. Umihip ang hangin kaya napayakap ako sa aking braso. Hindi pala ako nakapagbalabal.

Yakap-yakap ko ang aking sarili na binagtas ang kahabaan ng kalsada. Napakatahimik ng village. Palibhasa ay madaling araw pa lang kasi. Naglalakihan rin ang mga bahay na nakatayo sa buong village. Hindi pa ako nakakalabas ng mansyon simula nang tumira ako doon kaya naman ay unang beses ko pa lang na makapaglibot dito. Hindi ako makaramdam ng takot dahil walang mga tao at may mga poste rin ng ilaw sa paligid. Ang totoo ay mas takot pa ako sa mga tao kaysa sa kadiliman.

Napatigil ako sa pagtingin sa paligid nang makarinig ako ng atungal. Nang tingnan ko ang pinagmumulan niyon ay natagpuan ko ang isang kulay brown na tuta.

Awtomatikong gumuhit ang ngiti sa aking labi. Ang nakakapagpangiti lang sa akin sa mundong ito ay mga bata at mga alagang hayop na tulad ng tutang ito. Napakainosente kasi ng mga ito. Siguradong hindi ka nila sasaktan kapag hindi mo naman sila ginagawan nang masama. Nakakaginhawa sila ng pakiramdam tingnan.

Lalapitan ko na sana ang tuta na nakatitig sa akin ngunit agad siyang tumakbo nang humakbang ako. Dala ng kasabikan ay hinabol ko ito.

Buti na lang at hindi siya nawala sa aking paningin. Bahagya akong hiningal bago tumigil ang tuta.

Nang mapatingin ako sa paligid ay napagtanto ko na isa itong children’s park sa loob ng village na ito.

Nabaling ang aking atensyon nang maramdaman ko ang pagdila ng tuta sa aking paanan. Napatawa ako ay napaupo. Nginitian ko ang tutang nakatitig sa akin.

Bigla niyang tiningnan ang duyan sa gitna ng parke.

Mas lumawak ang aking ngiti. “Gusto mo bang magduyan?” tanong ko sa kaniya.

Sabik na sabik itong tumahol.

“O sige. Halika.” Binuhat ko siya at naglakad ako papalapit sa duyan. Naupo ako roon at kinalong ang tuta. Sinimulan kong pagalawin ang duyan.

Kumapit ako sa bakal na tali ng duyan gamit ang aking isang kamay. Napapikit ako at dinama ang paghampas ng malamig na hangin sa aking mukha.

Naalala ko ang aking pagkabata. Iyong mga panahon na hindi pa dinudungisan ng mundo ang aking pag-iisip. Iyong wala akong ibang iniintindi kundi ang makipaglaro sa mga kasama kong bata sa bahay-ampunan. Sana nanatili na lang akong bata. Sana nanatili na lang akong ganoon.

Tumigil rin kami kalaunan nang maramdaman kong nagsawa na ang tuta sa pagduyan. “Gusto mo bang maglaro?” Pinaharap ko siya sa akin na parang bata.

Tumahol ito nang tumahol kaya naman ay pinagbigyan ko siya.

Masayang-masaya akong nakipaglaro at nakipaghabulan sa tuta. Para akong bumalik sa pagkabata. Ang tanging nasa isip ko lang sa mga sandaling lumipas ay ang magpakasaya kasama ang natagpuang tuta. Hindi ko na nga namalayan na nagbukang-liwayway na pala.

Muling tumakbo ang tuta papalayo sa akin. Gustong-gusto niya talagang nagpapahabol. Kaya naman agad ko siyang hinabol. Maliksi siyang nagpaikot-ikot sa buong parke. Ngunit nang nagtagal ay nag-iba siya ng direksyon. Tumakbo siya palabas sa parke.

Agad ko siyang sinundan para lamang mapatigil sa paghabol sa kaniya nang makita ko kung kanino siya tumigil.

Dinidilaan niya ang paanan ni Stavros na seryosong nakatingin sa akin ngayon.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status