Share

Kabanata 15

Aviona’s POV

“Nako kung nakita mo lang ang reaksyon ni Ser Stabros noong dumating siyang hindi pa namin nabubuksan ang pinto ng banyo mo. Para siyang magbubuga ng apoy anumang oras. At noong hindi niya kayang buksan iyong pinto sa pagtadyak, nagpakuha siya ng bareta kay Jessa. Sinira niya kaya ang pinto ng banyo mo para lang mailigtas ka,” masiglang kwento ni Manang Eba na may kasama pang mga aksyon.

Lihim akong napabuntong-hininga.

“At saka kung nag-alala kami ng mga kasambahay nang makita namin ang kalagayan mo noon, mas grabeng pag-aalala ang naramdaman ni Ser Stabros para sayo,” naging malumanay ang boses na dugtong niya.

Tipid ko siyang nginitian. Hindi ko magawang maniwala sa kaniyang ikinuwento. Napakaimposibleng mag-alala si Stavros sa akin ng ganoon. Sa hinuha ko ay sinosobrahan lamang ni Manang Eba ang kaniyang kwento para maging okay kami ni Stavros. At saka sino ba naman ako sa buhay niya para mag-alala siya ng ganoon kalala? Hindi niya naman ako kilala nang matagal. At naging mag-asawa lamang kami dahil binayaran niya ang kumupkop sa akin.

Natigil sa pagkukwento si Manang Eba nang bumukas ang pinto ng hospital room. Pumasok si Stavros mula roon.

Napakuyom ako ng aking kamao sa ilalim ng kumot. Hindi na mawala sa aking sistema ang makaramdam ng kakaibang takot at kaba sa tuwing may lalaki akong nakikita sa aking paligid. Kapag nakakakita ako ng gaya nila kahit na nasa malayo pa basta abot ng aking paningin ay kaagad akong kinakabahan. At kapag unti-unti naman silang lumalapit o kung malapit lang sila sa akin ay awtomatikong nanginginig ang aking mga kalamnan.

Hindi na ito mawawala sa akin dahil halos buong buhay ko akong namuhay sa takot sa mga lalaking nagtatangkang lumapit at mapalapit sa akin. Para sa akin ay mga nilalang silang walang alam kung hindi ang busugin ang tawag ng kanilang laman sa pamamagitan ng pang-aabuso sa akin.

Masisisi ba nila ako kung malalaman nila kung anong klaseng pangbababoy ang naranasan ko sa ilan sa mga kauri nila?

Ramdam ko ang panginginig ng luha sa aking mga mata.

Bakit pa ba siya pumupunta rito? Hindi ba ay may trabaho siya? Bakit pa siya dumadalaw kung narito naman si Manang Eba para bantayan ako. Dapat ay pumapasok na lang siya sa kaniyang trabaho. Sana ay tulad ng dati na hindi siya lumalapit o nagpapakita sa akin.

Naramdaman ko ang paghaplos ni Manang Eba sa aking braso. Ngumiti ito sa akin. “Iiwan muna kita rito, anak. Uuwi na muna ako para kumuha ng pamalit mo. Huwag kang mag-alala. Babantayan ka ni Ser Stabros habang wala ako,” paalam niya.

Agad kong hinawakan ang kaniyang braso gamit ang isa kong kamay. Tiningnan ko siya nang may pagmamakaawa. Ayokong maiwan dito kasama ang isang lalaki.

Tinanggal ni Manang Eba ang pagkakahawak ko sa kaniya. Muli niya akong nginitian na parang sinasabi niyang ayos lang na maiwan ako dito kasama si Stavros.

“Manang,” nanghihinang tawag ko sa kaniya. Huwag niyo akong iwan dito, please?

Tumingin pa ito kay Stavros bago ako muling binalingan ng tingin. “Babalik din ako agad, anak,” aniya saka kinuha ang bag na naglalaman ng mga ginamit kong damit. “Babalik din ako agad,” pag-uulit niya bago tuluyang lumabas ng silid.

Hindi sadyang napatingin ako kay Stavros dahil nasa malapit pa rin siya ng pintuan. Napaatras ako sa ulunan ng kama nang magsimula siyang humakbang. Akala ko ay lalapit siya sa akin. Ngunit medyo nakahinga ako nang maluwag nang makitang naglakad siya papunta sa sofa na nakapwesto sa dulo ng silid kung saan siya nakaupo nang unang beses akong magising sa kwartong ito.

“Don’t worry. I won’t come near you,” saad niya nang mapansin ang reaksyon ng aking katawan.

Gayunpaman ay nanatili pa rin akong alerto. Humiga ako at binalot ng kumot ang aking katawan. Ipinukol ko ang aking tingin sa pinto. Pero nakikita ko pa rin siya sa gilid. Parang magkaka-stiff neck ako sa pagpigil na lumingon sa pwesto niya.

Napatikhim siya na nagpaigtad sa akin. “How are you feeling?”

Napahigit ako sa aking hininga. Nanatiling tikom ang aking bibig. Napakagat ako sa aking pang-ibabang labi. Sa halip na sagutin ang kaniyang tanong ay tinalikuran ko siya.

Bumuntong-hininga siya.

Nakarinig ako ng kaluskos ng kaniyang paggalaw kaya napapikit ako nang mariin.

Huwag kang lalapit, please?

“Look, Aviona. I know I’ve already talked about this with you. But I want to apologize again about what I’ve done to you that night. I know that there is nothing that can justify the immorality that I did. But I still want to ask for forgiveness. I know that you can’t forgive me yet. But I am willing to wait,” biglang salita niya.

Napapikit ako at muling sinariwa ang nangyari noong gabing iyon, kung paanong napunta kami sa sitwasyong iyon. Siguro kung nanatili na lang ako sa aking kwarto noon ay hindi mangyayari iyon. Pero kahit hindi niya itinuloy ang naumpisahan niya ay hindi iyon naging sapat para mawala ang takot ko sa kaniya. Dahil lalo lamang iyong tumindi.

Paano kung malasing ulit siya? Paano kung sa susunod ay ituloy niya na ang binabalak niya? Kaya hindi ko magawang maniwala sa kaniya dahil sa dami ng katangungan at posibilidad na tumatakbo sa utak ko.

Kahit ganito, may gusto pa rin akong malaman. Napalunok ako. Ibinuka ko ang aking bibig. Mga ilang segundo pa ang dumaan bago may lumabas na tinig mula rito. “B-bakit?” Nanatili akong nakatalikod sa kaniya kaya hindi ko makita ang kaniyang reaksyon.

“A-anong bakit?” takang tanong niya.

Nabubuo sa aking isipan na nakakunot ang kaniyang noo ngayon.

“B-bakit mo ako iniligtas?” Sa wakas ay naisatinig ko iyon. Sa unang pagkakataon mula nang nangyari ang insidente ay nagawa kong makipag-usap sa kaniya nang hindi sumisigaw at nagwawala.

“Bakit hindi? I care for you so I saved you.”

Hindi ko alam ngunit parang saglit na may humaplos sa aking puso nang marinig ko ang sinambit niyang iyon. Gaya ng haplos sa puso noong nilinis ni Manang Eba ang nabasa kong sugat. Ngunit agad iyong pinigil ng utak ko. Napakalakas ng parte nito ang nagsasabi na nagsisinungaling si Stavros. “B-bakit ka m-mag-aalala sa akin?” Napahinga pa ako nang malalim dahil hirap na hirap akong magsalita dahil sa kaniyang presensya. “H-hindi mo naman ako kilala n-nang matagal.”

Parang may dumaang anghel dahil hindi agad siya nagsalita.

“Hindi kailangan ng tao na makasama nang matagal ang isang tao para mabuo ang pag-aalala niya rito. Likas sa isang tao ang mag-alala sa isang taong nasaktan. Even though I don’t know much about you, that isn’t a reason for me not to care for you.”

Natahimik ako sa kaniyang sinabi. Muli akong nakaramdam ng mainit na pakiramdam sa aking dibdib. Hindi ko na nagawang magsalita pa dahil alam kong iyon lang ang kaya kong masabi sa kaniya nang hindi gaano nanginginig ang boses.

Napatikhim siya ulit. “I know this is too much. Pero pwede ko bang malaman kung bakit ka humantong sa ganitong sitwasyon? Anong dahilan kung bakit mo sinasaktan ang sarili mo?”

Nakurot ko ang likod ng aking palad. Nalasahan ko ang dugo sa aking bibig dulot nang madiin na pagkagat ko sa aking labi. Naalala ko na naman kasi ang aking nakaraan. Akala ko ay kaya ko nang marinig ang tanong na iyon mula sa bibig ng ibang tao. Pero hindi pa rin pala. Masakit. At nakakaubos.

Hindi ko namalayan ang pagtulo ng luha sa aking mga mata.

“I’m sorry if I asked that sensitive question. But please remember that if you’re ready to share your burdens, we’re here. Manang Eba is here. I will be here for you. We’ll wait until you’re ready. And I want you to know that we’re not your enemy here. We’re here to help you overcome what you’re going through.”

Rumagasa ang luha sa aking mga mata.

“I will go out now. You can sleep while waiting for Manang Eba. Please get well soon, Aviona,” paalam niya bago tinungo ang daan palabas.

Naiwan akong tahimik na umiiyak sa kwartong ito. Nalilito ako sa aking sarili. Ang isip ko ay sumisigaw na huwag magtiwala sa kaniya. Ngunit ang puso ko ay sumasalungat. Kaya ko na nga bang magtiwala sa isang lalaki? Kaya ko na nga bang ipaubaya ang aking lihim sa aking asawa?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status