Share

Chapter 3

Hapon na ng makalabas ako sa hospital at deretsyo kami sa hotel. Dahil maayos naman na ako pwede na ulit kami magbyahe pabalik ng Manila, bukas ng hapon.

"Sigurado ka bang hindi ka sasama sa Burnham park ngayon?" Tanong ni mama habang nagsusuklay. 

"Hindi na po muna, gusto ko sanang dito na lang muna," sagot ko pa at dumungaw sa bintana. Hanggang ngayon nababagabag pa rin ang isipan ko sa lalaking iyon, at sa nakita ko. 

May kinalaman kaya ito sa pagkakahulog ko? Tapos nagbukas ang third eye ko? Pero hindi naman talaga ako naniniwala sa mga ganiyan, baka nga nasobrahan lang ang pagkakabagok ko kaya kung anu-ano na lang iniisip ko.

"Ma, naniniwala po ba kayo sa multo? Sa third eye?" Tanong ko at ibinaling ang tingin kay mama na napahinto pa sa pagsusuklay.

"Sabi nila totoo raw, bakit mo naman naitanong?" Umayos pa ng upo si mama para humarap sa akin.

"Wala naman po." Lumakad ako palapit sa kaniya at umupo sa tabi niya.

"Kasi sila Finley takot na takot sa mga multo." Natawa siya matapos ko itong sabihin.

"Bakit sila natatakot sa isang bagay na hindi pa naman nila nakikita?" Dagdag ko pang tanong dito. Naramdaman ko ang paghagod ng kamay niya sa buhok ko.

"Hindi kasi lahat ng hindi natin nakikita ay hindi na totoo at hindi lahat ng nakikita natin ay totoo," saad nito mula sa kaniyang malumanay na boses. Tumango ako at niyakap siya.

"Sorry ma," saad ko habang subsob sa kaniya. Alam kong nag-alala siya ng sobra.

Nag-iisa lang akong anak, ang sabi pa nga na miracle baby rin ako. Noong ipinanganak ako hindi raw ako umiyak o humihinga, ilang beses akong nirevive ng mga doctor pero hindi nagawa. Ilang oras lang ang lumipas ay maging mga doctor ay nagulat noong umiyak ako. 

Bawal kasing manganak si mama, ilang beses na rin silang nag-try noon pero palaging hindi natutuloy. Hindi ko alam kung anong klaseng himala ang nangyari sa akin, pero thankful pa rin naman ako dahil hanggang ngayon ayos naman ako–maliban doon sa mga kakaiba kong nararamdaman.

"Tita, tara na po?" Napaangat ako ng tingin ng biglang pumasok si ate Jade.

"Sige na ma, sa room na lang muna nila Finley ako." Tumayo na ako matapos humalik sa pisngi nito. 

Gusto pa sana niyang samahan na lang ako rito pero gusto kong mag-enjoy sila, nasira lang naman ito dahil sa kapabayaan ko. Mapapaaga tuloy ang uwi namin.

"Finley." Tawag ko rito na agad naman siyang lumingon. Napatakbo pa ako palapit sa kaniya.

"Dito na lang ako sa room niyo." Agad kong hinila ang susi sa kamay niya, kasama niya rito si ate Railyn at tita Dinda. 

"Sure ka? Nakakatakot sa kwarto na iyan." Bigla akong napahinto sa sinabi niya, dahan-dahan ang pagbukas ko sa pinto at napatingin sa kaniya.

"There's some strange sound kapag mag-isa lang ako, minsan tinatanong ko sila tita pero wala naman daw. Kaya nga minsan ayoko magpaiwan mag-isa." Mahinang saad ni Finley, dati kapag sinasabi niya ito hindi ako kinakabahan pero ngayon, mabilis nanlalamig ang buo kong katawan at bumibilis ang tibok ng puso ko.

"Alam ko hindi ka takot, pero umiiyak siya palagi at parang humihingi ng tulong." Napalunok pa ako para lang hindi ipahalata ang kaba. 

"Baka may nanonood lang sa kabilang room, and'yan ba laptop ko?" Pag-iba ko ng usapan namin. Ayokong takutin ang sarili ko dahil alam ko naman na hindi totoo ang mga multo, parte lang ito ng imahinasyon at binuo ng utak na inaakalang totoong nakikita.

"Oo nga pala, hindi ko naisauli sa 'yo." Napakamot pa ito sa kaniyang tainga at ngumiti na akala mo ay may pang-aasar.

"Sige na, dito na muna ako." Matapos ko itong sabihin ay agad akong pumasok sa loob. Agad ko naman nakita ang laptop, padabog akong umupo matapos mahawakan ang laptop, binuksan ko ito para mag-open ng Facebook. 

Puro mga pictures nila ang nakikita ko at maging pictures namin noong nasa Dominican hotel kami. Inisa-isa ko ang bawat kuha nila sa paligid, lumang-luma ang paligid at walang mababakas na kahit anong bago. Muli na namang pumasok sa isipan ko ang nakita ko, imposible na hindi iyon totoo. Alam kong nakita ko, maganda ang lugar na ito at hindi ganito kaluma.

Sa pagtitig ko sa bawat litrato ay napapikit ako dahil sa isang likido na biglang tumulo mula sa noo ko pababa sa mga mata ko, agad ko itong pinunasan at pinahid sa likuran ng damit ko. Pabalik na ako sa pag-type nang mapansin ang kulay pulang nasa kamay ko. Muli akong makaramdam ng kaba habang nanginginig ang kamay kong tinitingnan ito. 

Lumunok muna ako bago ibinaling ang tingin sa pinapunasan ko. Dugo, dugo nga ito. 

Muli akong napapikit ng sunod-sunod ang patak nito mula sa itaas, muli kong pinaragasa ang palad ko sa aking noo habang isinasantabi ang  laptop.

Punong-puno na ng dugo ang palad ko at sa palagay ko ay maging ang mukha ko. Nanginginig ang mga mata kong itiningin ito sa itaas, maging ang mga kalamnan ko ay hindi na mapakali dahil sa kakaibang pakiramdam dulot ng kaba.

"T-tulong..." Agad akong napaatras sa dulo ng kama at napatakip sa aking bibig, wala akong pakialam kung puno man ito ng dugo.

"T-tulungan mo ako..." Sa bawat pagsasalita nito ay tumutulo ang dugo mula sa kaniyang bibig. 

Mabilis ang tibok ng puso ko habang ang utak ko ay gulong-gulo pa rin. Deretsyong nakalutang ang babaeng ito sa itaas, nakasuot siya ng kulay green at white. Puno ng dugo ang katawan niya at ang mukha nito ay may mga ugat na tila nangingitim na rin. Umiiyak siya ngunit dugo ang pumapatak sa kaniyang mga mata. Hindi ako makapag-isip ng maayos sa mga nakikita ko, hindi ito totoo. 

"H-hindi ka totoo." Kahit pa man hirap ako sa pagsasalita ay paulit-ulit ko itong sinasabi habang umiiling.

"T-tulungan mo ako." Agad akong napatakip sa aking mukha ng bigla itong mahulog mula sa pagkakadikit niya sa kisame, napabaluktot naman ako sa aking pagkakahiga. Ilang segundo ang tumagal, habol ako sa aking paghinga at patuloy na iniisip na hindi ito totoo.

"Tulong..." Muling bulong nito dahilan ng pagtakip ko sa aking tainga, habang patuloy ang pag-iling.

"Tulungan mo akong mahanap nila ang katawan ko," saad pa nito mula sa kanilang napakalalim at malamig na boses, paulit-ulit ko itong naririnig sa kung saang parte ng kwarto. Gusto kong tumayo pero nanginginig at nanghihina na ang mga tuhod ko.

"Tulungan mo ako, gusto ko ng matahimik." 

Kumawala ako ng isang palalim na paghinga bago dahan-dahang iminulat ang aking mga mata, napapikit akong muli ng bumungad siya sa aking harapan. Agad akong napakagat sa ibabang bahagi ng labi ko upang hindi gumawa ng ano mang ingay. 

"U-umalis ka muna sa harapan ko." Matapos ko itong sabihin ay naramdaman ko ang malamig na hangin paalis sa aking harapan. 

Huminga ako ng marahan para pakalmahin ang puso kong kanina pa hindi mapakali. Dumilat akong muli at marahan na tumayo, natumba pa nga ako dahil sa panginginig ng mga tuhod ko. 

Muli akong napatingin sa mga kamay ko at wala na ang mga dugo kanina.

"Sa cr." 

"Aahhh!" Agad ko siyang tinaboy matapos niyang bumulong sa aking likuran. 

"Kaya mo ito, Quinn." Muli akong huminga ng marahan para kumalma. Hindi ako pwedeng matakot, hindi pwede! Matapang ako at hindi sa ganitong bagay lamang ay matatakot na ako.

"Tutulugan kita basta 'wag kang magpapakita sa akin." Kabado kong pakiusap sa kaniya, hindi ako ready makita ang purong itim niyang mga mata at 'yong mga ugat sa mukha niya. Basta ang pangit niya, nakakatakot.

Nanginginig ang mga kamay kong binuksan ang pinto ng cr. 

Pumasok ako ng tuluyan sa loob at inilibot ang paningin sa paligid, maayos naman ang loob pero bakit dito niya ako pinapunta? 

Lumakad pa ako ng mapadpad ako sa salamin, agad akong napapikit dahil sa gulat. Para na ata akong baliw dito dahil maging sariling repleksyon ko kinatatakutan ko pa.

"Bak–" Agad akong napatalon sa gulat ng biglang bumukas ang drawer sa ilalim ng lababo. Napahawak pa ako sa dibdib ko dahil sa gulat, grabeng multo naman ito pwede naman niyang dahan-dahan buksan iyon. Pero mas mabuti na rin ito dahil hindi siya nagpapakita sa akin.

Lumapit ako roon at sumilip, hindi ito matanaw ng ilaw kaya agad kong dinukot ang cellphone ko. 

Mga towel ang nakalagay rito kaya inalis ko muna ito at ipinatong sa lababo. Parang wala namang mali rito, bakit naman dito niya inakalang nakalagay ang katawan niya? 

Dahil wala akong makitang mali ay kinapa ko na lang ang bawat bahagi, dahil sa bahay ay may mga sikretong taguan ako at kung may taguan man dito, malamang iba ang texture ng mga gamit. 

Hindi nga ako nagkamali, iba ang klase ng kahoy na ginamit sa ibabang bahagi. Umayos ako nang upo at kinatok ito. Maging ang tunog nito ay iba rin sa mga nasa paligid, inangat ko pa ito pero nahirapan ako. Pinilit ko pa itong hilahin at sa pagkakataong nahila ko ito ay tumalsik ako pasandal sa salamin ng liguan. 

Gumapang ako palapit dito at nakita ang kakaibang pagkakasemento sa ilalim na ito.

Alam kong may kakaiba rito dahil sa ganda at mahal ng hotel na ito, siguro naman maayos ang pagkakasimento ng mga gumawa rito at isa pa imposibleng walang makakapansin nito, lalo na ng mga nagtatrabaho. Kung dito man siya ibinaon hindi ito basta magagawa ng customer lang.

Agad akong tumayo at bumungad ulit ang mukha ko sa salamin at ang babaeng iyon sa aking likuran, napalundag pa ako sa gulat kahit pa man sa damit niya lang ako nakatingin. 

Nanliit ang tingin ko at napansin ang logo sa suot niyang damit. Ganito ang logo na suot ng mga housekeeper dito, hindi kaya isa siya sa mga nagtatrabaho rito? 

Dali-dali akong lumabas at gumamit ng telepono, tumawag ako sa manager para magpaakyat ng tao sa room namin. Hindi ko pa man naibababa ang tawag ay dumating na sila.

"Sa loob po ng cr." Mahina kong saad. 

Agad naman nagtungo roon ang apat na lalaki at naiwan sa akin ang isang babae, lumakad kami palapit sa kama. Parating pa lang din daw ang mga pulis para makausap ako.

"May nawawala po bang housekeeper dito dati?" Tanong ko pa sa kaniya. 

"Oo, dalawang buwan na rin. Kasama ko siya noong mga bago pa kami rito. Ginagawa pa itong second floor noon, inutusan kaming umakyat dahil may ipinapaabot sa engineer. Ang problema noong paakyat na kami ni Sandy may isang customer na tinawag ako. Ang sabi ko sa kaniya antayin na lang ako para dalawa kaming magpunta, pero ang sabi niya kaya niya naman. Galit na galit kasi ang customer kaya hindi na rin ako nakasunod sa kaniya. Noong natapos kong makausap ang customer sumunod ako sa kaniya sa itaas pero hinarang ako ng isa sa mga tao do'n at bawal daw umakyat dahil nga under construction pa. Sinabi ko ang tungkol kay Sandy ang sabi sa akin bumaba na raw siya." Mahabang paliwanag nito habang marahan ang paghikbi. Hinagod ko siya sa likod para pakalmahin.

"Uwian na namin at hindi ko pa nakikita si Sandy, hindi rin daw siya nag-out kaya masama ang kutob ko, umakyat ulit ako at nasalubong si engineer pero itinulak niya ako at ayaw akong papasukin. Nagsumbong ako pero ang sabi ng manager na umuwi na raw ito ng mas maaga. Hanggang sa hindi na talaga namin siya nakita," dugtong pa nito. 

"Naririnig mo rin ba ang paghingi ng tulong niya? Karamihan kasi ng nagro-room dito palaging reklamo ang pag-iyak ng babae, pero binabalewala lang ng manager kahit pa ng owner." Malamang ito ang sinasabi ni Finley, kanina na babaeng palagi niyang naririnig na umiiyak. 

"Kan–"

"Ms. Abellana, pwede ka bang makausap?" Putol ng isang pulis sa aming usapan, dumating na pala sila hindi manlang namin napansin.

"Sige po." Tumayo ako at sumunod sa kaniya. Tumawag na rin pala ako kay kuya Denis para masabi kila mama at tita ang nangyari, pabalik na rin sila ngayon.

Kinausap ako ng pulis kung paano ko nalaman na may bangkay na nakatago roon. Ibinalot daw sa isang bag ang hiwahiwalay na katawan ng biktima at sinimento roon. Ngayon ay hinahanap nila ang CCTV video, maging ang engineer na gumagawa noong araw na sinabi ng isang housekeeper. 

Nagdahilan pa ako sa kanila na nalaglag ang hikaw ko habang kumukuha ng towel, at napansin ang bagay na iyon. Hindi ko naman kasi pwedeng sabihin na nakausap ko ang multo dahil baka masabihan pa akong baliw.

"Quinn." Sabay pa kaming napatingin kila mama na nagmamadaling pumunta sa akin. Nakita ko pa nga ang pagtingin ni kuya Denis sa bag, habang kinukuhanan ito ng litrato ng mga taga-soco.

Sila tita na ang kinakausap ng mga pulis ngayon, marami na rin ang nakiki-chismis sa paligid, ang iba ay kumukuha pa ng litrato. Isang malaking eskandalo ito para sa hotel na ito.

"Baka siya 'yong babae na umiiyak, paano mo nalaman?" Bulong sa akin ni Finley at halata ang takot sa boses nito.

"Sinabi niya sa akin." Nakangisi akong humarap sa kaniya.

"Umayos ka nga Quinn, alam mong matatakutin ako para kang tanga." Sabay hampas nito sa braso ko.

"Oo nga at and'yan siya sa likuran mo nakatayo." Tumagos ang tingin ko rito at nakita ang babaeng multo.

Hindi na nakakatakot ang mukha niya, dahil nawala na ang mga itim na ugat at dugo sa kaniyang mukha. Mas maaliwalas na siyang tingnan ngayon dahil sa ngiti. Tumango pa ito at lumakad palagpas sa akin, mabilis ko itong sinundan ng tingin at si Finley naman ay todo kapit sa braso ko, tila takot sa inaasta ko. Hindi niya naman kasi nakikita ang nakikita ko.

"Umayos ka nga Quinn, hindi ka nakakatuwa." Marahan akong natawa sa sinabi niya, pero hindi ko na siya binalingan ng tingin, hindi pa rin kasi kumakawala ang tingin ko sa babaeng ito. 

Masarap sa pakiramdam kahit pa nakakatakot, magiging mapayapa na ang kaniyang kalukuwa ngayong, makakamit na niya ang hustisya.

Nakangiti akong nakatingin sa kaniya ngunit napawi rin ito ng huminto siya sa lalaking nakaitim, siya ulit. Iyong lalaki na nasa hospital.

Binuklat niya ang kaniyang notebook at parang may hinahanap. Matapos nito ay isinara na niya ang notebook, sandali pa nga siyang humarap sa akin. Ngumisi ito at sinabayan na ang babaeng multo. 

Bumagal ang paligid kahit pa man ang iba ay nagkakagulo dahil sa pangyayari. Tila tumahimik ang paligid, marami silang sinasabi sa akin pero wala akong maintindihan, dahil ang buong attention ko at utak ay nasa lalaking iyon.

Maari kayang ang lalaking ito ay isang grim reaper?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status