Share

Chapter 5

Nakaupo ako at nakaharap sa kaniya, habang binabasa ang mga nakasulat sa contract, pero wala akong maintindihan dahil patuloy ang sulyap ko sa kaniya. Kamukha niya talaga si Keir, maging ayos ng buhok, pointed nose, kahit pa ang kulay abo nitong mga mata, ang problema lang ay matalim ang tingin nito na akala mo ay galit sa mundo.

"Kung titingnan mo lang ako hindi ka na matatapos d'yan," saad nito habang pinapaikot sa kaniyang palad ang ballpen. Umayos ako ng upo at muling tumingin sa papel.

"Hin–" 

"Just sign it, hindi ko kailangan ng reklamo." 

Umirap pa ako at padabog na ibinaba ang papel. Tumingin pa ako ng masama sa kaniya at inagaw ang ballpen na kanina pa niya nilalaro. Nakipag-agawan pa siya at nakipagpalitan ng masamang tingin, pero ako pa rin ang nanalo.

"Bibitawan rin pala." Bulong ko sa sarili at napangisi.

"May sinasabi ka?" Tanong nito at dinig ko ang paglapit ng inuupuan niya. Matapos kong pumirma ay nakangiti kong ibinalik sa kaniya ang ballpen, nakatingin naman siya sa akin ng seryoso habang ang mga braso niya ay nakapatong sa lamesa. Tinaasan ko siya ng isang kilay, hindi siya pwedeng magsungit sa akin, babae ako, kaya dapat ako ang masungit hindi siya. Unless babae ang puso niya.

"Dapat sa pinakamagandang kwarto ako tutuloy, tutal kayo naman ang may kailangan sa akin." Ipinatong ko rin ang isa kong kamay sa lamesa at nakipagtitigan sa kaniya. Tumaas-baba pa ang isa niyang kilay at ngumisi.

"Sure." Mabilis na sagot nito at hindi maalis sa labi ang ngisi. Kunot noo akong tumayo at sumunod sa kaniya palabas. Nakasunod ako sa likuran niya habang nagtataka kung bakit ganito umasta ang kumag na ito, para siyang may masamang balak na ewan.

"Saan ba tayo pupunta?" Tanong ko pa rito, pero patuloy lang siya sa paglalakad at tanaw ko ang pag-alog ng mga balikat niya, na akala mo nagpipigil ng tawa. Napakamot na lang ako sa likod ng tainga ko habang sumusunod sa kaniya. Tingnan mo, isang mali lang nito suntukin ko talaga siya.

"Andito na tayo." Napahinto ako at tumingin sa isang malaking pinto. Kulay ginto ito at may silver lining, napatingin pa ako sa ibang pinto na katabi nito, simpleng design lang ang mero'n. Mabilis naman lumawak ang ngiti ko at humarap kay Florence, nakangisi pa rin ito.

"Thank you," saad ko rito at nanliit pa ang mga mata. 

"Pumasok ka na." Alok nito at inilahad ang kamay patungo sa pinto, inabot pa niya sa akin ang susi at agad ko itong binuksan. 

Nalaglag ang panga ko dahil sa lawak at ganda ng kwartong ito, ang laki ng kama at mukhang sobrang lambot nito. May mga painting ng bulaklak sa paligid, at maganda ang aura ng kwarto.

"Enjoy," saad nito na hindi talaga mawala sa mukha ang ngisi, hindi ko alam kung nakakaasar lang talaga ang mukha niya o sad'yang nang-aasar siya.

"Paano pala ang mga gamit ko?" Paalis na sana siya matapos ko itong itanong. Huminto siya pero hindi na ako hinarap.

"Si Mona ang magdadala mamaya, mas mabuti pa, magpahinga ka na muna. Mag-enjoy ka sa pinakamagandang kwarto sa hotel na ito." Napakibit-balikat na lang ako nang lumakad na ito palayo. Okay! Magpahinga na nga lang muna ako habang hindi pa nadadala ang mga gamit ko.

Mabilis kong isinara ang pinto at binulsa ang susi. Bumuntong hininga ako habang inililibot ang paningin sa paligid, ang aliwalas at ang ganda talaga rito. 

Lumakad pa ako palapit sa painting at tinitigan ang isa rito, black lotus ito pero sobrang ganda ng pagkakagawa. Hahawakan ko sana ito ng bigla akong makarinig ng kalabog mula sa likuran, papunta ito sa cr. Kaya agad akong nagtungo roon, pero muli akong nakarinig ng pagtakbo mula sa gilid. 

Bakit nga naman ako magtataka kung may multo rito, lahat naman ng nakatira rito multo. 

Nanunuyo ang lalamunan ko at agad akong napahawak sa dibdib, kinakabahan akong makakita ulit ng multo. Noon wala akong pakialam sa mga multo, pero simula nang makakita ako parang gusto ko na lang pumikit palagi. 

Halos mahilo na ako kakahabol ng tingin sa biglang tumatakbo, halos maputulan na rin ako ng hininga dahil sa bilis ng tibok ng puso ko. Dahil sa takot nagmadali akong tumakbo papunta sa kama, para sana doon na lang humiga, nang biglang may humila sa paa ko mula sa ilalim ng kama, rinig na rinig pa ang kalabog ng pagbagsak ko. 

"Aahhh..." Napatagilid pa ako dahil sa sakit ng likuran. Bwisit na multo ito mapanakit.

"Laro tayo." Bulong nito at sabay hagikgik. Gulat na gulat ko itong hinarap pero wala akong naabutan. Base sa narinig ko, boses ito ng bata.

"Bwisit!" Napapikit ako sa inis at dumapa para sana tumayo, ang problema naramdaman ko ang pagsakay niya sa likuran ko.

"U-umalis ka nga!" Pilit kong hampas sa kaniya para lang mapaalis ang pagpatong niya sa likuran ko. Ang bigat kaya!

"Laro tayo," saad nito at ginawa pa akong parang kabayo, kahit pa man kaluluwa lang ito, ramdam ko ang bigat ng kaniyang katawan. Bata nga siya pero feeling ko sobrang taba nito, halos lumuwa na mga lamang loob ko, sa kada taas-baba niyang upo sa likuran ko. Ugh! The reason why I hate kids! 

"Ano ba?!" Kahit hirap ay tumayo ako, naramdaman ko naman ang pagtakbo nito sa ibang deretsyon ng kwarto. 

Kakainis! Kaya siguro grabe ang ngiti ng mokong na iyon kanina, dahil alam niya ang mangyayari sa akin dito sa loob. Napatampal na lang ako sa noo ko at pabagsak na umupo sa kama. Maganda pa naman dito tapos ganito lang mangyayari sa akin?

"Ugh! Humanda ka talaga sa akin Florence!" Gigil na gigil ako habang sinasapak ang gilid ng kama. Nag-iinit na ang kamao ko, gustong-gusto ng dumampi sa mukha ng Florence na iyan. 

Matapos kong magwala rito ay huminga ako ng malalim para kumalma, hindi lang sa mga multo ako maaaring mamatay pati na rin sa bwisit sa Florence na iyon. Dapat gantihan ko siya, malamang tuwang-tuwa siya sa kakaisip kung ano na ang nangyayari sa akin dito sa loob.

Dahil hindi ko na ramdam ang batang multo ay naisipan kong tumayo na, pero biglang sumaklob sa akin ang kumot at ngayon alam kong hindi lang ito isang bata, kung hindi tatlong bata ang kinukulong ako sa loob ng kumot.

"L-let me go!" Pilit akong kumakawala, pero nagpagulong-gulong lang ako sa sahig, rinig na rinig ako ang bawat hagikgik nila na parang mga batang tuwang-tuwa sa bagong laruan. Mukhang nagmukha akong barbie ng mga ito, 'wag naman sana nila ako tanggalan ng ulo.

"May bago na tayong laruan," saad pa ng batang babae na hinihila ako sa paa at ang dalawa naman ay nakasampa sa likuran ko. Hindi na ako makahinga kaya ulo ko na lang ang inilabas ko, nilingon ko pa sila at nakita ang tatlo pang batang nag-aabang sa kanila at pumapalakpak pa. 

"Mabuti naman at nagbigay na sila ng pwede nating laruin," sabi pa ng isang bata matapos ako bitawan, nakahinga na rin ako nang umalis na ang dalawa pa na nakadagan sa akin, pero hindi pa rin ako gaanong makagalaw dahil sa kumot na nasa katawan ko.

"Ang ganda niya." Sabay pag-ayos ng higa nito sa akin, tanaw ko pa ang mga mukha nilang sobrang putla, sobrang puti nila, maging ang mga mata nila purong itim at wala kang matanaw na puti. Maging ang labi nila, parang kulay violet na. Lahat sila nakasuot ng kulay puting dress na may kwelyo. Pare-parehas sila na akala mo ay uniform nila.

"Tara ayusan na natin siya," aya ng isang babae na mas mataba sa kanila, halos iluwa ko na ang bituka ko ng bigla itong dumagan sa tiyan ko. Napapikit pa ako at tumagilid ang ulo, ang sakit kaya nito. Mabilis nitong nakuha ang lakas ko. 

Imagine 'yong pamangkin mong mataba, pabigla na lang umupo sa sikmuraan mo.

"Ayusin natin ang buhok niya," saad pa ng isang bata at mabilis hinila ang buhok ko, napainda pa ako dahil sa pagsambunot niya sa akin. 

"Tama na, ano ba!" Kahit anong pilit kong umangal ay wala akong nagawa, hindi ko na alam kung ano ng nangyari sa buhok ko, siguro buhol-buhol na ito at lagas-lagas, ramdam ko ang paglagutok ng anit ko dahil sa pilit nilang paglalagay ng ipit sa buhok ko. Dalawa sila sa buhok ko habang ang dalawa naman ay inaayusan ako ng mukha. 

Saan ba galing ang make-up ng mga batang ito? Gusto atang maging kagaya nila ako, kahit pa man hindi ko makita ang sarili ko alam kong lagpas ang pagkakalagay nila ng lipstick, lahat ng nilalagay sila sa mukha ko at maging ayos ng buhok ko.

"Ayan, tapos na." Sabay-sabay silang pumalakpak at doon lang umalis ang batang babae na nakadagan sa akin, doon ko lang nagawang matanggal ang nakabalot na kumot sa katawan ko. Hirap na hirap akong napaupo at bumungad sa harapan ko ang anim na pasaway na batang multo, kita ko sa mga mukha nila ang tuwa, pumapalakpak pa silang lahat.

"Tingnan mo na ang sarili mo, bilis!" 

Ayoko pa sana dahil hindi ko gustong makita ang kababuyan nilang ginawa sa mukha ko, pero sad'yang sadista ang mga batang ito. Agad nila akong hinila, kahit madapa-dapa ako ay hindi nila ako binitawan. 

Ganito siguro feeling ng mga barbie noong nilalaro namin sila no'ng mga bata pa kami.

"Ayan, tingnan mo." Napaluhod pa ako nang itulak ako ng mga ito sa harap ng salamin. 

"A-anong ginawa niyo?" Halos maiyak akong tumingin sa salamin, sala-salabat ang ipit ko, may nakataas at buhol-buhol pa gaya ng inaasahan ko. Ang lipstick ko halos umabot na sa baba at kulang na lang ilagay na rin sa ilong ko. 

Daig ko pa ang sinampal sa kapal ng blush-on, na buong pisngi ay talagang pulang-pula. Maging pagkakalagay ng kilay ko umabot na hanggang sintido. Jusko! Bakit ako pa ang maisipan na paglaruan? Maging damit ko gusot-gusot na.

"Hindi ba ang ganda mo?" Nanlulumo akong humarap sa kanila. Siguro kung nakikita lang nila ang nasa isip ko, pinaghahampas ko na sila roon. Mukha ba akong laruan ng mga batang multo, kaya rito niya ako dinala? Bwisit ka talaga Florence!

"Mukhang masaya siya," sabi ng isang batang babae, matapos niya itong sabihin ay hindi ko na mapigil maiyak. 

"Sobrang saya ko ba?" Kahit alam kong mga multo ito hindi ko na talaga mapigil ang sarili ko. Ano bang nagawa kong kasalanan noong past life ko at ganito ang parusa sa akin? 

"Mabuti naman at natuwa ka." Kahit iika-ika ay pinilit kong tumayo, nakita ko pa ang pagtingala ng mga batang ito. Ang buong akala ko ay mga nakakatakot na mukha ng multo ang makakasagupa ko, hindi ko naman alam na maging makukulit na multo rin. Kung gaanong tuwa ang makikita mo sa kanilang mukha, ganoong dismaya naman ang sa akin.

Mangiyak-ngiyak akong lumabas ng kwarto at nanlulumo pa. Gutay-gutay ang damit, kalat na make-up, gulo-gulong buhok at nakapaa akong lumakad sa malawak na pasilyo ng hotel na ito. Katulad ng may-ari na baliw, ganoon din pala ang mga multo rito. 

Walang gana akong lumabas ng elevator at habang palakad, nakita ko ang tingin sa akin ng ibang multo na naglalakad sa loob, marahil iniisip nilang isa akong kawawang nilalang dahil sa mukha kong ito.

"Mahabagin! Anong nangyari sa iyo?" Gulat na tanong ni Mona, napatakip pa ito sa kaniyang bibig. Ngayon ko lang napansin na maayos ang mukha nito, mukha siyang buhay maliban sa kulay ng kaniyang balat.

"Bakit hindi niyo naman sinabi sa akin na sobrang sadista ng mga batang multo na iyon?" Mababakas sa mukha ko ang pagmamakaawa, sobrang lala talaga ng ginawa ng bwisit na Florence na iyon.

"Hindi ba nasabi ni sir Florence? Ang sabi niya kasi ikaw naman ang may gusto." Napapikit pa ako matapos niya itong sabihin.

"Ang sabi ko sa pinakamagandang kwarto, hindi sa pinakanakakalokang kwarto." 

"Iyon na nga po ang pinakamagandang kwarto at para iyon sa mga batang makukulit." Laglag balikat akong tumingin sa kaniya. Kaya pala gano'n na lang ang saya niya matapos kong hilingin iyon, sinadya niya talagang hindi sabihin sa akin!

"May–"

"Ang ganda mo d'yan." Mabilis nangitngit ang mga ngipin ko at matalim na tumingin kay Florence, habang papalapit ito sa amin kasunod ang babaeng multo sa likuran niya. 

Marahil dito rin ito nagta-trabaho dahil sa suot niya, maganda ito at maamo ang mukha. Parang sa sobrang hinhin niya, kahit katahimikan hindi niya kayang basagin. Bilugan ang mga mata nito, maliit na ilong at hugis puso na labi, maganda ang shape ng panga at maputi rin ito, dahil nga mga multo sila.

"Tuwang-tuwa ka ba?" Taas kilay kong tanong dito.

"Med'yo, dapat nilagyan ka nila ng bangs na hanggang dito." Sabay pakita niya sa itaas ng kilay. Putot na bangs kung baga, iyon pala ang nais niyang makita na gawin ng mga bata.

"Well, wait for my revenge sir Florence." Tinaasan ko ito ng kilay at humalukipkip pa. Kita ko ang paglayo ni Mona dahil sa pagsagot ko sa boss niyang baliw.

"Okay! Cora, pagpalitin mo na ng damit itong..." Tumingin pa siya sa akin mula ulo hanggang paa, kulang na lang malagutan siya ng hininga sa pangalawang pagkakataon. 

"Barbie ng mangkukulam." This time, napahalakhak na talaga siya. Tuwang-tuwa nga talaga sa mga pinagdaanan ko? Kahit ganito ang ginawa nila sa akin maganda pa rin ako. Duh! Multo na nga bulag pa tumingin.

"Pero bagay naman sa 'yo, para kang sinaunang mukhang tanga," asar pa nito at muling sumilay ang mapang-asar na ngisi nito, aabutin ko na sana siya ng suntok ng humarang sa harapan ko sila Cora at Mona. 

Agad nila akong inilayo roon, pero kumukulo talaga ang dugo ko habang pinagmamasdan ang mapang-asar na ngiti ni Florence. Gaganti talaga ako, ikaw naman iinisin ko.

"And'yan na ang mga gamit mo, maligo at mag-ayos ka na rin," utos ni Cora. Inabot niya sa akin ang susi pero hindi ko ito binuksan.

"Anong klaseng multo ang nag-aabang sa akin?" Seryoso ko itong sinabi pero pinagtawanan lang nila akong dalawa.

"Solo mo lang sa kwartong iyan, sad'yang ipinalaro ka lang ni sir Florence sa mga iyon," sagot ni Mona.

"Ano bang nangyari sa mga batang iyon? Bakit hindi pa sila hinahatid?" Tanong ko pa bago kuhanin ang susi mula kay Cora.

"May field trip ang mga batang iyon noon, nang mahulog sa tulay ang sinasakyan nilang bus, anim silang namatay mula sa bus na iyon. Matagal na rin sila rito, pero dahil makukulit, hindi sila mailabas sa room na iyon. Palagi silang naghahanap ng malalaro kaya minsan binibigyan namin sila, pero hindi namin sila mapilit na umalis." Napahinto ako sa paliwanag ni Mona. 

"Mga bata pa sila at hindi nila alam na patay na sila, ang buong akala nila narito sila para maglaro," dagdag pa ni Cora. 

Nakaramdam ako ng awa sa mga sandaling marinig ang buong kwento. Ang mga ngiti sa mukha ng mga batang iyon, ang paglalaro nila, ang mga walang muwang nilang isipan. 

Ang mga tuwa na nakita ko sa kanila ay tuwa ng mga batang maagang tinanggalan ng kalayaang mabuhay. Wala silang malay na matagal na silang patay. Kung iniisip kong kawawa ako kanina, nagkakamali ako. Sila ang tunay na nakakaawa, mga bata lang sila na gusto maglaro at maging masaya.

"Saan ka pupunta? Hindi ka ba muna mag-aayos?" Pigil sa akin ni Cora matapos kong maglakad.

"Hindi, may gagawin muna ako." Matapos ko itong sabihin, tumakbo ako pabalik sa kwarto. Hingal na hingal akong tumayo sa tapat ng pinto, at maingat itong binuksan. Gumawa ng ingay ang pinto na ito dahilan ng pagtingin nila sa akin. Naglalaro sila sa kama at agad kong nabakas ang tuwa sa kanilang mga mukha. Tumakbo sila palapit sa akin at umupo ako para maharap sila.

"Hindi mo tinanggal?" Masayang tanong ng isang bata. Tumango ako at pilit na huwag maiyak. Mahina ako sa ganitong bagay, lalo na sa mga bata. Pakiramdam ko nadudurog ang puso ko habang pinagmamasdan ang mga ngiti sa kanilang mukha, ang mga nginit ng mga musmos na batang dapat ay nasisilayan ng mundo.

"Ate sana paglaki ko kasing ganda mo ako." Napatingin ako sa isang batang babae.

"Ako nga pala si Quinn, kayo anong pangalan niyo?" Kahit pa nanginginig ang boses ko ay pilit ko itong tinanong. Hindi ito dahil sa takot, kung hindi dahil sa pagpigil ko ng iyak. 

"Ako si Dinda."

"Ako naman si Lyla, 5 years old."

"Ako si Babilyn."

"Ako po si Kyla."

"Ako po si Princess, dalawa kami parehas pangalan." Sabay akbay nito sa katabi niya. 

Nakaupo sila sa harapan ko ngayon, para tuloy nila akong teacher. Dahil mababait sila ngayon sa harapan ko, sinamantala ko na ang pagkakataon. Nagsimula akong magkwento ng mga pambata at talagang nagustuhan nila ito. Sobrang bibo at matatalino ang mga batang ito, nakikinig talaga silang mabuti. Hindi ko mapigil ang mapangiti habang pinagmamasdan ang mga batang ito, pero may kirot din akong nararamdaman dahil sa katotohanan.

"Ate Quinn, papapuntahin niyo na po ba kami sa heaven?" Agad akong napatigil sa tanong ni Kyla.

"Kasi lahat sila rito gusto na kami papuntahin doon, 'di ba mga patay lang pumupunta roon?" Dagdag na tanong pa ni Dinda.

"Alam niyo naman na galing kayo kay God, 'di ba? Lahat tayo pupunta rin pabalik sa kaniya. Mga bata pa kayo masyado para maintindihan ang mga bagay na ito. Pero gusto niyo bang maging angel?" Malumanay na tanong ko sa mga ito.

"Opo." Sabay-sabay na sagot nila. Bumuntong hininga muna ako at umayos ng upo.

"Kung gano'n dapat nasa tabi kayo ni papa God, ang mga angels na kagaya niyo ay dapat nasa heaven." Pinisil ko pa ang pisngi nila isa-isa.

"Paano naman po sila mommy at daddy? Iiyak sila kasi patay na kami." Rinig ko pa ang paghikbi ni Princess, agad akong lumapit sa kaniya at hinawakan siya sa balikat.

"Alam niyo ba na kapag napunta na kayo sa heaven, pwede pa kayong ibalik sa tiyan ng mga mommy niyo? Para kapag nangyari iyon hindi na sila iiyak, kasi nga babalik kayo bilang baby nila." Napatango pa sila sa mga sinabi ko. 

Nasabi na kasi sa akin ito ni Kier, na ang mga bata ay kalimitang nagiging reincarnation ng susunod na anak ng mga magulang nila. Ang mga hindi na pwedeng magkaanak ay maaring sa mga kamag-anak nila mapupunta. 

"Talaga po? Gusto ko na magpunta ng heaven para po makabalik na ako." Masayang saad ni Babilyn at tumayo, gano'n din ang ginawa ng iba. Bakas sa mga mukha nila ngayon ang tunay na saya, nakangiti ngunit lumuluha akong nakatingin sa kanila. 

Hindi ko alam ang pakiramdam habang pinagmamasdan ang ngiti sa mukha ng mga musmos na batang ito, alam kong mas doble ang magiging saya nila sa oras na makapiling na nila si God. Mas maganda ang magiging lagay nila at alam kong sa oras na ipanganak silang muli, mas maging mahaba pa ang kanilang buhay.

Masaya at tuwang-tuwa kaming bumaba, habang magkakahawak kami ng kamay ay nakangiti kaming naglalakad patungo sa isa pang Grim reaper na naroon. Nakita ko ang ngiti sa mukha nila Cora at Mona, hindi ko man makita ang saya kay Florence, alam kong masaya rin siya para sa mga batang ito. 

Dahil sa wakas maaari na rin silang maging tunay na masaya. Sad'yang sa mga walang muwang na bata mo makikita ang tunay na saya, tunay ngang masarap maging bata.

"Bye ate Quinn, sorry kung hindi maganda pagkakaayos namin sa 'yo. Promise pagbalik namin magaling na kami mag-ayos." Umupo akong muli at sa huling pagkakataon ay nginitian ko ang mga batang ito.

"Aantayin ko iyon, kayo ang mag-aayos sa akin balang araw." Kahit pa pigilan ko na huwag maiyak ay hindi ko kinaya. Sad'yang malambot ang puso ko pagdating sa mga bata. 

Kumaway sila sa akin sa pinakahuling pagkakataon, habang tinatanaw ko ang pagpasok nila sa isang pinto na sobrang liwanag sa loob.

Mas magiging tunay na kayong masaya sa lugar na patutunguhan ninyo at sa muling pagbabalik niyo, nawa'y mas maging masaya pa kayo lalo. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status