Share

Chapter 8


Mahaba ang naging byahe, puro gasgas pa rin ako at walang kahit anong dala kung hindi ang sarili ko, na puro gasgas at maduming damit. Maliban sa pera at cellphone ko wala na akong nabitbit na gamit. 

Tumawag ako kila mama pero walang sumasagot, malamang tulog na sila kaya kay Finley ako tumawag. Alam kong umaga na kung matulog ang babaeng 'yon, kaya nasagot niya ang tawag ko. Sa boarding house nila sa Manila, ako tutuloy ngayon para magpahinga. Nagpahanda rin ako ng mga gamot para rito sa mga sugat ko. Paidlip-idlip ang tulog ko dahil sa pagod, so far wala naman akong nakasalamuhang multo sa bus na sinasakyan ko. Walang bata na humahawak sa paa. Sana tuloy-tuloy na ganito, normal lang.

Agad akong sinalubong ni Finley nang makarating ako sa boarding house nila.

"Ano bang nangyari sa 'yo?" Pagtatakang salubong nito sa akin.

"Isang karumaldumal na pangyayari at ayoko na munang pag-usapan." Tinulak ko siya para makapasok ng tuluyan sa loob.

Apartment nila ito at maraming kwarto, mga nag-aaral at nagta-trabaho ang kalimitan nilang boarders.

"May room pa ba?" Huminto ako at humarap sa kaniya.

"Sa 3rd floor, room 14. Sakto, kaaalis lang ng boarder doon," sagot nito na sa cellphone ang tutok. Patuloy ang pagpindot niya at rinig ang lagutok ng mga kuko nitong sobrang haba.

"Alas-tres na gising ka pa." Sita ko rito.

Hindi niya ako pinansin at nilampasan pa. Napangiti pa ako ng makaisip ng isang kalokohan. Mabilis akong lumingon sa kaniya at tumakbo palapit dito.

Nakaupo siya ngayon habang nakataas ang paa, ang mga mata nito ay talagang tutok sa kaniyang ka-chat.

"Alam mo ba na devil hour ngayon?" Bulong ko rito na may pananakot na boses.

"Hindi naman daw iyon totoo." Tamad na sagot nito.

"Sigurado ka? E, bakit may babaeng nakadungaw sa likuran m–"

"Para ka kamong tanga, Quinn!" Agad akong napakagat sa ibabang bahagi ng labi ko para magpigil ng tawa. Bigla ba naman siyang tumalon sa akin at takot na tumingin sa likuran niya.

"At sabi nila madalas daw sa mga taong naaabutan ng devil hour, lalo raw itong nilalapitan ng mga kaluluwa." Muli kong bulong rito at lalo siyang sumiksik sa akin, tinulak ko siya, pero lalo siyang sumiksik sa akin.

"A-ano ba? 'Yong mga sugat ko." Pilit kong tulak sa kaniya, dahil tumatama ang mga sugat ko sa damit nito, humahamdi tuloy.

"Ikaw naman kasi, bahala ka na nga." Dali-dali itong tumakbo papasok sa kwarto niya. Natulala pa ako saglit at biglang natawa, hindi ko na talaga mapigil ang tawa ko. Si Finley lang pala ang papawi ng galit at inis ko, kaya paburito siyang takutin ng mga pinsan ko, dahil ang bilis niyang maniwala. Minsan nga kapag biglang pinapatay ang ilaw talagang lumilipad na siya palayo.

Madaling araw na at kailangan ko ng linisan ang sugat ko, gusto ko na rin kasing matulog at ng maging presko na rin ang utak ko. Wala munang ligaw na kaluluwa, walang Keir o Grim reaper at lalong walang multong demonyo na si Florence.

"Anong ginagawa m–"

"Ay demonyo!" Napatalon pa ako sa gulat ng biglang may babaeng tumabi sa akin. 

"Bakit ba nanggugulat ka?" Napahawak pa ako sa dibdib ko habang bumabalik sa pag-upo, grabe naman itong isang boarder nila, gising pa ng ganitong oras. Wala ba silang mga pasok bukas?

"Hindi ako makatulog, ano bang nangyari sa 'yo?" Tanong nito habang tinitingnan ako sa paglalagay ng betadine sa sugat ko.

"Nadapa lang, pero pagtapos nito matutulog na rin ako," sagot ko sa kaniya habang isinaayos ang mga ginamit ko. 

"Room 14 ako, ikaw, di ka pa ba matutulog?" Tanong ko rito matapos kong tumayo, kinuha ko pa ang damit na hiniram ko kay Finley.

"Room 13, sabay na tayong umakyat." Tumayo na rin ito at sabay kaming umakyat. 

"Anong pangalan mo?"

"Chelsea ate, bago lang kami rito ng pinsan ko. Siguro nasa 7 days pa lang, ikaw te?" Lumingon pa ako sa kaniya habang umaakyat kami.

"Ngayon lang makikitulog, tita ko may-ari nito," sagot ko. Narinig ko pa ang pamamangha sa kaniya ng sabihin ko ito.

Hindi naman ako suplada kaya kahit sinong kumausap sa akin ay kinakausap ko, sa totoo lang si Keir at Florence lang ang nakakapagpainit ng ulo. Sila lang dalawa naglabas ng isa ko pang ugali.

"Sige pasok na ako, goodnight." Ngumiti ako sa kaniya at kumaway pa, bago pumasok sa room 14. Nagmadali akong magpalit ng damit at muling humarap sa salamin. Saglitan ko lang tiningnan ang sarili ko at muling umiwas, bakit ba ako naiilang sa babaeng nakikita ko sa salamin? 

Kumawala muna ako ng malalim na paghinga at dahan-dahang humiga. Napatulala pa ako sa kisame at muling pumikit, kailangan kong pilitin ang sarili kong makatulog. Simula noong araw ng pagkakahulog ko, hindi na ako nakatulog pa ng maayos at parang hindi na ako naging normal na tao.

Wala munang grim reaper at wala munang mission. Walang multong demonyo at walang mga galang kaluluwa, dapat sarili ko muna ang isipin ko. Tulog at pahinga ang kailangan ko, wala ng iba pa, bukas na ako mag-iisip kung paano ko gagawan ng paraan ang third eye na ito, para matanggal na.

Kunot noo akong dumilat, napatakip pa ang kamay ko dahil sa liwanag ng sikat ng araw na sa mukha ko pa talaga nakatapat. Naririnig ko na rin ang ilang boarders na nasa labas, hindi ko alam kung anong oras na, pero inaantok pa ako.

Umunap pa ako at tumagilid, muli akong pumikit. Wala naman akong lakad ngayon kaya okay lang,  hanggang mamayang hapon. Malapit lang naman ang bahay kaya pwede akong gabi umuwi.

"Hindi ka pa ba gising?" Mabilis akong napadilat matapos itong marinig. 

Bumungad sa harapan ko ang nakangiting mukha ni Grim reaper, magkalapit ang mukha namin. As in malapit talaga, para kaming mag-jowa na magkatabing natulog sa kama. 

"Maganda ka pa rin pala kahit bagong gising." Saka lang ako natauhan ng hawakan niya ako sa ilong, agad ko siyang sinipa paalis sa kama at nagtalukbong.

"Bwisit! Anong ginagawa niya rito?" Bulong ko sa sarili. Paano niya ako nasundan dito? Isa pa, kanina pa ba niya ako tinitingnan habang natutulog? Haaayyy! Nakita niya ba akong nakanganga habang tulog? 

"Ano? Kanina pa ako rito, mataas na ang sikat ng araw. Hindi ka pa ba tatayo?" Tanong pa nito. Mariin akong pumikit at nag-isip ng paraan, para isipin niyang tulog ako. Inayos ko pa ang pagkakatalukbong ko, at humilik ng sobrang lakas. Pumikit din ako kahit pa hindi niya ako nakikita, para mas dama ko ang acting.

"Hindi ganiyan ang hilik mo kanina." Muli akong napadilat sa sinabi niya. Humihilik ako kanina? Himihilik ba ako? Huminto ako at inayos ang paghilik, maarteng hilik ang ginawa ko. Matagal iyon at hindi na nagsalita si Keir, mukhang naniwala sa acting ko. 

"Ayos din pala rito no?" Matapos itong marinig ay lalo kong nilakasan ang hilik, na akala mo ay isa akong contraction worker na sobrang pagod sa trabaho.

"Hindi ba sumasakit ang lalamunan mo sa ginagawa mo?" Humina nang humina ang hilik ko matapos niya itong sabihin, hanggang sa tumigil ako. Tama nga siya, nakakangawit ang ginagawa ko. Napalunok pa ako dahil sa panunuyo ng lalamunan ko.

"Alam mo bang isa sa mga boarder dito ay patay na, at maging siya hindi ito alam?" Agad kong tinanggal ang saklob ng kumot at umupo. Inayos ko pa ang gulo-gulo kong buhok at tumingin kay Keir na nakatayo sa harapan ng bintana, pero sa akin nakatingin.

"Anong sinabi mo?" Kunot noo kong tanong sa kaniya.

"Ang ibig kong sabihin, buhay ang katawan niya ngunit hindi ang kaluluwa." Paliwanag nito at lumakad palapit sa akin.

"Mero'n bang gano'n?" Muli kong hinawi ang buhok ko nang nagulo ito ng hangin, mula sa electric fan.

"Tingnan mo ito." Napatingin ako sa papel na hawak niya, tumingin akong muli sa kaniya at kinuha ito.

"Vazk–ano raw?" Kumunot pa ang noo ko, dahil hindi ko ma-gets ang nakasulat dito. Tumingin ako kay Keir na nakatayo pa rin sa harapan ko.

"Isang klase ng ritwal iyan na kung mabibigkas mo ng tama, hihiwalay ang kalukuwa mo sa katawan mo." Seryosong saad nito. Agad ko namang naitapon ang papel at napahawak sa magkabila kong pisngi.

"Buti na lang bobo akong magbasa." Napapikit pa ako at napabuntong hininga. Mabuti na lang at hindi ko alam basahin iyon, hindi man lang ako pinigil ni Keir. Siguro gusto rin talaga nito, maalis ang kaluluwa ko para maging kagaya na niya ako.

"Teka nga, anong mangyayari sa kaniya?" Tanong ko rito habang nakatingala pa rin.

"Buhay ang katawan niya, pero walang kaluluwa. Maaari siyang makausap ng mga tao, pero mas madaling pasukin ng kahit anong espirito ang katawan niya," paliwanag nito.

"Ang ibig sabihin kapag pinasok siya ng bad spirit, magiging bad siya?" 

"Oo, sa kung sino man ang papasok sa katawan niya, ito na ang may-ari nito." Matapos niya itong sabihin ay agad akong napatayo. 

"Paano kapag ang kaluluwa niya ulit ang bumalik sa katawan niya?" Kumawala muna siya ng isang malalim na paghinga, bago tuluyang sinagot ang tanong ko.

"Doon na siya tuluyang mamamatay." 

Tila may kung anong sumabog sa loob ko ng mga sandaling marinig iyon. Dahan-dahan akong napaupo sa kama at natulala, ang ibig sabihin wala rin siyang pagpipilian? Pero sino rito ang may kaluluwang nawawala?

"Masyadong malakas ang ritwal na iyan, kaya gano'n na lang ang bilis ng paghiwalay ng kaniyang kaluluwa at katawan. Ang kailangan ay mahanap natin siya, para mabalaan." Matamlay akong napatingin kay Keir, bumuntong hininga pa ako at humilata. 

Bakit parang nalungkot ako? Ang sabi ko ayoko ng tulungan siya pero bakit ganito? Hindi ko alam ang pakiramdam na ito, basta parang naaawa ako sa kinahantungan ng tao na iyon.

"Paano natin malalaman?" Tamad kong tanong sa kaniya.

"Kailangan mong malaman kung sino sa kanila ang marunong magbasa ng ganiyan. Sa oras na malaman mo ito ay muli mong ipabasa sa kaniya, sa oras na matapos niya itong basahin, bigla na lang masusunog ang papel na ito. Kailangan nating ipaalam sa kaniya ang nangyayari." Muli akong napatayo sa mahaba nitong paliwanag. 

"Kakausapin ko ang mga tao rito kung sino ang marunong bumasa ng Latin." Tumayo ako at padabog na kinuha ang papel. Tinupi ko pa ito at inipit sa bulsa ng short na suot ko. 

Hindi na ako nag-ayos, bumaba na agad ako at nagtungo sa banyo. Tumambay muna ako sa lababo, nakatingin akong muli sa babaeng kaharap ko sa salamin. Isang kurap bago ko inalis ang tingin. 

Binuksan ko ang gripo at sinahod ang palad ko para magmumog, matapos nito ay pinunasan ko ang labi ko, gamit ang laylayan ng damit ko.

Sa lahat na lang ba ng lugar na pupuntahan ko may ganito? Tumakas ako, pero sa lugar na pinagtaguan ko pa mero'n akong makakasalamuha at mas malala pa. Pero paano ko malalaman ito? Wala bang palatandaan manlang? Nasaan na ba si Grim reaper? Nasa galaan na naman siya at ang trabaho niya ay sa akin na ipinasa.

"Good morning, Quinn." Bati ni Finley habang tutok pa rin sa cellphone niya, habang nagkakape. Konti na lang talaga magiging taong cellphone na rin ito. 

Tumabi ako sa kaniya at kinuha ang kape.

"Ano ba? Pwede ka naman magtimpla." Angal nito, pero huli na dahil naubos ko na, kalahati lang siya palaging magtimpla ng kape kaya mabilis ko itong nauubos sa tuwing inaagaw ko ang kape niya.

"Sinong ka-chat mo? 'Yong jowa mong feeling famous, pero 'cimon ang basa sa 'c'mon?" Inirapan lang ako nito bilang sagot. 

Paano ba naman, noong isinama niya ang lalaking iyon sa outing namin, binasa ba naman niya chat ni ate Jade at ganoon ang pagkakabasa, kaya simula noon ay palaging iyon ang panukso namin sa kaniya.

"Kaysa naman sa 'yo, hindi naniniwala sa multo, pero ang jowa naman ang ghost." Napaatras pa ako ng ihampas nito sa akin ang hindi kahabaan niyang buhok. Tumalikod ito at muling humarap sa cellphone.

"Kery lang, sumalangit nawa ang malandi niyang kaluluwa." Pambawi ko rito. 

Kinuha ko rin ang cellphone ko at nag-facebook na lang, bakit kasi nauso pa ang ghosting na iyan. Isa pa okay na ako, wala akong pakialam kung masaya siya sa best friend niyang ipinalit sa akin. Mas maganda naman ako doon no, o baka gusto nilang sabay ko silang ihatid sa kabilang buhay.

"Baliw talaga." Napatigil ako sa tawa ni Finley. Umirap pa ako at muling bumalik sa pagpindot sa cellphone ko.

"Ganiyan ka ba maghanap ng kaluluwa?" Sa gulat ko ay napalipat ako ng upo, dahilan ng paglagapak ni Finley sa sahig. 

"Wala ka bang alam gawin, ha? Puro ka gulat!" Galit akong napabalik sa upuan ko.

"Ano bang problema mo, Quinn? Ang sakit." Napangiwi pa ako ng makita si Finley na nakahawak sa balakang niya, habang pabalik sa pag-upo.

"M-may ipis kasi." Pagsisinungaling ko rito. Umirap siyang muli habang tumatalikod sa akin. Muli akong bumaling ng tingin kay Keir na nakangiti sa harapan ko. 

"Ano ng balak mo? Bakit hindi mo pa hanapin?" Napahawak pa ako sa sintido ko at matalim na tumingin kay Keir. Ibang klaseng Grim reaper ito, sa iba inuutos ang trabaho.

"Bakit hindi ikaw ang humanap? Wala ka bang palatandaan kung paano natin malalaman?" Nag-pout pa ito at umiling.

"Ngayon lang ako nakasagupa ng ganiyan at base sa naririnig ko sa ibang Grim reaper, matagal din ang inaabot bago nila ito mahanap." Pinigil kong umikot ang mata ko dahil sa sinabi niya.

"Anong gagawin natin? Sa iba mo na lang ipagawa." Kalampag ko sa mesa. Nagulat pa si Finley at tumingin sa akin.

"Ang weird mo na naman, sinong kinakausap mo?" Mabilis akong napatingin kay Keir na nagkibit-balikat lang. Napapikit pa ako ng mariin, bakit hindi siya nagpapakita? Nagmumukha akong baliw sa ginagawa niya.

"A-ahhh, nag-acting lang. Alam mo na, miss ko na maging bida sa mga theater play." Palusot ko sa kaniya na may ilag na ngiti. Napatango lang siya sa sinabi ko, pilit man ang ngiti ko at least napaniwala ko siya.

"Akala ko nababaliw ka na, nagsasalita ka mag-isa," saad nito at muling balik sa pagtingin sa cellphone. Napabuntong hininga pa ako at tumingin kay Keir, pinandilatan ko ito dahil sa pang-aasar na tawa niya.

"Marunong ka pa lang umarte?" Pangungulit nito. Hindi ko na siya sinagot, dahil baka akalain na nababaliw na nga talaga ako.

"Ano ng gagawa natin?" Tanong nito na hindi ko pinansin. Iisipin ko na lang na isa siyang hangin at wala akong naririnig. Basta, bahala siya sa buhay–patay na nga pala siya. So, bahala na siya sa...basta bahala siya.

"Ano nga? Bahala ka hindi kita titigilan." Sa totoo lang Grim reaper ba talaga siya?

"Kung gumaniyan ka parang hindi mo ako niyakap kanina, tuwang-tuwa ka pa nga." Pinandilatan ko ito ng mata. Mabuti na lang talaga at walang nakakarinig sa kaniya.

"Tapos halos ayaw mo na akong pakawalan." Niyakap pa nito ang kaniyang sarili habang inaasar ako, hindi ako nagsasalita pero pinapatigil ko siya. Tumitingin pa ako kay Finley dahil baka mahalata niya ako.

"Masarap ba akong kayakap kaya ayaw mong bumitawa, ha? Kaya siguro masarap ang tulog mo. Tumulo pa nga ang laway mo sa braso k–"

"Manahimik ka!" Mahina kong diin dito, hinampas ko pa siya sa balikat na ikinatawa niya. Habang ako hirap na hirap kung paano mag-react sa ginagawa niya, siya naman itong tawa nang tawa dahil sa pagpapahirap sa akin. Ano bang klaseng buhay ito!

"Kung gus–"

"Sinabi ng tumahimik ka." Sabay takip ko sa bibig niya.

"Ngayon hinahawakan mo naman ang bibig ko, ikaw, napapansin na kita. May gusto ka sa akin, no?" Mabilis kong hinila ang kamay ko palayo. Nakangiti pa rin ito na labas ang dimple, tinaasan ko siya ng kilay at inirapan.

"As if naman magkakagusto ako sa Grim reaper na tamad humuli ng mga kaluluwa." Humalukipkip ako at ibinaling na lang ang tingin kay Finley. Nagulat ako sa tingin nito sa akin na parang hinuhusgahan na buong pagkatao ko.

"A-ano ba talaga ngayayari sa 'yo?" Lumunok pa ako bago sinagot ang tanong niya.

"Hindi mo maiintindihan kaya 'wag mo ng iintindihin." Kumunot pa ang noo niya at mukhang hindi kumbinsido sa sinabi ko.

"Grabe ka naman sa kaniya, parang sinabi mong hindi siya marunong umintindi." Epal na bulong ni Grim reaper. 

"Tumahimik ka na sinabi." Bulong ko rito at siniko pa siya. Napatingin pa rito si Finley, pero alam kong hindi naman niya ito nakikita.

"Inuunat ko lang, masakit pa rin kasi ang sugat ko." Pilit kong ngiti sa kaniya. Napangiwi pa ito at umiling. Alam ko iniisip ng babaeng ito, baka akala niya nababaliw na ako dahil sa mga inaasta ko. Paano pa ako mabubuhay ng normal, kung ganito ang nangyayari sa akin? Kahit saan ako magpunta hanggat nakasunod ang Grim reaper na ito, magmumukha akong baliw.

"A-ano bang ginagawa mo? Ka-chat mo ba jowa mo?" Pag-iba ko ng usapan. Matapos ko itong sabihin ay saka lang niya ibinaling ang tingin sa cellphone.

"Ah, hindi may binabasa akong joke. Ipapakita ko sana sa 'yo, kaso hindi ka pala marunong sa Latin words." Nanlaki ang mga mata kong tumingin kay Finley. 

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko, hindi kaya si Finley na ang hinahanap namin? Hindi pwede!

"M-marunong ka magbasa ng Latin?" Panginginig ng boses kong tanong.

"Konti lang, kasi mahilig ako sa Harry Potter 'di ba? Sa book may nababasa ako," paliwanag pa nito. 

Dahan-dahan akong humarap kay Keir na tutok din sa usapan namin. Kinapa ko ang papel sa bulsa ko at nilabas ito, muli akong bumaling ng tingin kay Finley, habang tutok pa rin siya sa screen ng kaniyang cellphone.

"Sa tingin mo siya na ang hinahanap natin?" Tanong ni Keir.

"Ewan." Mahina kong bulong dito. 

Muli akong tumingin sa papel, nanginginig ang kamay kong hawak ito. Hindi pwedeng si Finley ang hinahanap namin, dahil sa oras na mahanap namin ang kaluluwa niyang umalis. Maaaring mamatay siya, pero kapag hindi namin ginawa iyon ay maaring mapasok siya ng bad spirit, mas lalong ayokong mangyari sa kaniya iyon.

"Finley." Mahinahon kong tawag sa kaniya.

"Bakit?" Tanong nito at agad binaba ang cellphone na hawak. Napatitig pa ito sa mukha ko bago ibinaba ang tingin sa papel na nanginginig, itinaas ko ito at inabot sa kaniya. Kumunot pa ang noo nito bago kinuha.

"Ano ito? Love letter mo sa akin?" Natatawa niyang tanong. Tutok ako sa kaniya at kung anu-anong tumatakbo sa utak. Hindi ko magawang matawa sa joke niya, ang daming tanong na binubuo ang itak ko, ang daming what if's.  

Pero paano kung tama ang hinala ko? Sa aming magpipinsan si Finley ang pinaka-close ko, siya ang palagi kong kasama dahil isang anak lang ako at nag-iisang babae lang siya sa kanilang magkakapatid. Paano kung mangyari ang dapat mangyari? Maiiwan ako? Sa lahat pa naman ng ayoko ay may nadadamay sa kamalasan ko, gusto ko kapag ako lang, ako lang ang mahihirapan.

Tutok ang mga mata ko habang binubuksan niya ito, mabilis ang kabog ng dibdib ko at maging ang mga palad ko ay pinapawisan.

"Sigurado ka bang siya? Kapag nabasa niya ng tuluyan at hindi masunog ang papel, maaaring mangyari sa kaniya ang nangyari sa unang nakabasa niyan." Napatingil ako sa sinabi ni Grim reaper. Oo nga, paano kung hindi siya?

"Teka!" 

Nag-agawan pa kami sa papel, mabuti na lang at hindi ito napunit ng maagaw ko ito. Hindi ako maaaring magpadalos-dalos, dahil isang pagkakmali lang pwede siyang mapahamak.

"Alamin muna natin, marami pa namang tao rito." bulong muli nito.

"Ano ba iyan? Akala ko ba ipapabasa mo sa akin?" Humalukipkip ito at padabog na tumayo, para siyang bata na umalis. Gusto ko pa sana siyang habulin, pero may dapat pa akong gawin. Saka ko na sa kaniya sasabihin ang lahat kapag maayos na ako.

"Tara na?" Aya ni Keir, tumayo ako at sumunod sa kaniya. May iilan pa namang narito, kaya baka may mapagtanungan pa ako kung sino ba sa kanila ang marunong magbasa ng Latin.

"Bakit kasi parang pahirap nang pahirap ang ginagawa natin? Sa dami ng hahanapin, ay iyon pang walang palatandaan?" Reklamo ko pa rito.

"Siguro kung ang pagrereklamo nakakahaba ng buhay, aabot ka pa ng 2,000 years. Puro ka kasi reklamo." Napahinto pa ako at humarap sa kaniya.

"So, gano'n? Ako na naman? Siguro kung nakakabuhay ng patay ang pambu-bwisit, malamang buhay na buhay ka!" Ito ang ayaw ko sa kaniya, sa tuwing naiinis ako, ang mukha niya walang mababakas na kahit ano. Puro pang-aasar na ngiti. Ang hirap manalo sa taong ito, hirap kalabanin.

"Isa pa ku–"

"Hala, sorry ate." Napatigil ako nang bigla akong may mabangga, nagkatinginan pa kaming dalawa. Siya ang babaeng kausap ko kagabi.

"Chelsea, wala kang pasok?" Tanong ko rito. Umusog si Grim reaper at tumabi sa akin.

"Wala po, maga-apply pa lang po ako ng work." Mabilis na sagot nito at pinulot ang papel na nahulog ko.

"Ang gwapo ng boyfriend mo ate." Kunot noo akong napatingin kay Keir.

"S-sinong boyfriend?" Pagtataka kong tanong.

"Ayan si kuya, hindi mo ba siya boyfriend?" Napauwang pa ang bibig ko sa sinabi niya. 

"Nakikita mo ako?" Pagtatakang tanong ni Keir.

"Oo naman kuya, mukha ba akong bulag?" Agad kaming nagkatinginan ni Keir, bakas sa mukha namin ang gulat. Paano niya nakikita si Grim reaper? May third eye rin ba siya?

"Sa 'yo ba ito, ate?" Sabay buklat niya ng papel, aagawin ko pa sana ito ng magsalita siya.

"Andito lang pala ito, akala ko nawala ko na," saad nito habang nakatingin sa may papel. 

Para kaming naging estatwa ni Keir ng mga sandaling ito. Maging si Chelsea ay nagulat ng biglang nasunog ang papel na hawak niya.

"Siya ang hinahanap natin," saad ni Grim reaper. 

Tama, siya nga ang taong hinahanap namin. Hindi si Finley o maging sino mang narito, kung hindi si Chelsea. 

"A-anong nangyayari?" Panginginig na boses nitong tanong, maging ang mga kamay nito ay nanginginig rin.

Hindi ko alam na mas mahirap pa lang magpaliwanag ng mga bagay na nangyayari, kumpara sa hanapin kung sino ang taong nakapagbasa nito.

Paano ko ipapaliwanag sa kaniya na wala na sa katawan niya ang kaniyang kaluluwa?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status