Share

Chapter 10

"Andito na tayo." Masayang saad ko at agad na lumabas. Sumunod na rin si Chelsea at nagtaka pa noong umalis na si Keir. 

"Bakit hindi siya sumama?" Tanong nito.

"Hindi ko rin alam d'yan." Tamad kong sagot at pumasok na sa loob. 

Si manong Roly ang unang bumungad sa amin. Pagbukas ng pinto napatingin pa sa amin si Cora at ate Mona, napatigil din sila sa kani-kanilang ginagawa at agad lumapit sa amin.

"Ang akala ko hindi ka na babalik," si ate Mona.

"Hindi na nga sana, kaso." Sabay turo ko kay Chelsea.

"Hello po." Naiilang na bati nito. Pinakilala ko sa kaniya isa-isa ang mga narito. Pinaliwanag ko rin kung ano ang lugar na ito at kung anong klaseng boss ang mero'n dito. Lahat na ng kasiraan sa puri ni Florence, sinabi ko na.

"Anong kaguluhan 'yan?" Napatigil kaming lahat matapos itong marinig, napairap pa ako ng marinig ang boses na iyon. Humawi sila ate Mona at mang Roly sa daraanan ng multong demonyo, hindi ko ito tiningnan habang papalapit. Kay Chelsea ko na lang ibinaling ang attention ko.

"Hala, kamukha niya si Keir?"

"Hindi siya 'yan." Sita ko rito. Baka tawagin niyang Keir mapagalitan pa siya.

"Si Florence 'yan." Bulong ko pa rito. Napatango lang siya pero hindi pa rin inaalis ang tingin dito. Malamang pati siya nagtataka kung bakit magkamukha ang dalawa, pero kahit itanong niya sa akin hindi ko rin alam.

"Akala ko ba aalis ka na?" Bungad na tanong nito, tamad na tamad akong tumingin sa kaniya.

"Kung sana marunong makaramdam ng kaluluwa ang Grim reaper na ipinasama niyo sa akin." Deretsyong sagot ko rito. Lumihis naman siya ng tingin, patungo sa hawak nitong isang baso na may lamang wine.

"Baka hindi siya Grim reaper?" Sagot nito bago saglit na uminom. Matapos nito ay muli siyang tumingin sa akin, suminghap pa ito bago tumalikod.

"Sandali." Pagpigil ko sa kaniya.

"Papuntahin mo siya sa office ko." Malamig nitong sagot at tuluyan ng umalis. 

Napatingin pa sa amin sila Cora bago rin sila nag-alisan. Kumawala muna ako ng isang malalim na paghinga, matapos ay tumingin kay Chelsea na may pamamangha sa kaniyang nakikita.

"Ang galing 'no? Hindi ko alam na may ganito pala." Napangisi pa ako sa reaction ng mukha niya. Noong unang pasok ko rito malamang ganito rin ang reaction ng mukha ko.

"Tara, sasamahan na kita sa office ni Florence." Aya ko sa kaniya. Tutal ito naman ang sinabi ni Florence, kaya dapat ko siyang ihatid. Siguro hindi ko pa sinasabi alam na niya ang balak namin. Naramdaman niya kaya ang katauhan ni Chelsea? Pero bakit si Grim reaper hindi niya alam?

"Mag-iingat ka, demonyong multo 'yan." Natatawang bulong ko habang papasok kami. Isang beses lang akong kumataok. 

Pagpasok namin naabutan namin siya habang nakatanaw sa bintana at iniikot ang hawak niyang baso.

"Flo–"

"Lumbas ka na." Putol nito sa sasabihin ko.

"Mamaya kita kakausapin," dugtong pa nito.

Aapila pa sana ako sa gusto niya pero tinapik ni Chelsea ang kamay ko. Napatingin ako sa kaniya at nakangiti ito, kumawala muna ako ng isang malalim na paghinga bago nagsalita.

"Basta mag-iingat ka sa kaniya, ha?" Sad'ya kong nilakasan ang boses ko para marinig niya. Napatigil naman si Florence ng gawin ko iyon.

"Ayos lang ate, baka mag-uusap lang kami," sagot nito. 

Tumango ako at tumingin kay Florence, hindi pa rin siya tumitingin sa pwesto namin. Marahan akong lumakad palabas, this time dahan-dahan kong isinara ang pinto. Aalis na sana ako pero curious ako sa magiging usapan nila. Kaya isinandal ko ang tainga ko sa pinto para marinig ang magiging usapan nila.

"Sir Florence pw–"

"Ang sinabi ko umalis ka, hindi ko sinabing makinig ka sa usapan!" Kumunot pa ang noo ko sa sinbi niya. Nataranta lang ako nang marinig ko ang mabibigat niyang yapak, kaya nagmadali akong tumakbo paalis doon. May nabangga pa akong isang Grim reaper pero mabilis din akong umalis. 

Matapos ko tumigil sa pagtakbo ay napasandal ako sa pader, habang hawak ang dibdib ko. Mabilis ang kabog nito dahil sa pagod sa ginawa kong pagtakbo.

"Bakit narito ka ms. Quinn?" Napasigaw ako matapos itong marinig mula sa gilid.

"Bakit ka ba nanggugulat mang Roly?" Napahilot pa ako sa sintindo ko. Nakakaloka!

"Bakit ka ba kasi nagulat?" Hindi ko alam kung bakit ako natawa sa sinabi niya. Nakita ko naman sa mukha niya ang pagtataka, dahil sa bigla kong pagtawa. Napakamot pa siya sa kaniyang ulo. 

"Sa totoo lang hindi ko alam kung bakit ka biglang natatawa," saad nito at doon lang ako huminto. Baka isipin nito nababaliw na ako.

"Wala po, baka gutom lang." Katwiran ko at napahawak sa aking tiyan. May pagkain kaya rito? Kumakain ba ang mga multo?

"Walang pagkain dito, paano kaya ito? Marunong ka bang magluto ms. Quinn?" Tanong nito. 

"Wala kasing buhay rito, may mga gulay sa hardin kung gusto niyo sasamahan ko kayong kumuha." 

Napaisip pa ako, pero pumayag din naman. Hindi ko pa ganoon nakikita ang kabuoan ng hotel na ito kaya sumama na ako sa kaniya.

"Ano bang mga kinakain mo?" Tanong niya habang naglilibot ng tingin sa paligid.

"Mangga na lang para hindi na ako magluluto, sa labas na ako kakain mamaya," saad ko habang nakatingala. Nagutom ako bigla sa mangga, sobrang hitik sa bunga ng mga ito. 

Kinuha pa ni mang Roly ang panungkit, habang ako naman ang pumupulot.

"Tama na po, ako lang naman ang kakain nit–awww." Agad akong napatayo habang hawak ang ulo.

"Hala." Pag-aalala nito habang palapit sa akin.

"Gusto ko lang kumain ng mangga, pero bakit sa ulo ko pa hinulog?" Natatawa kong saad habang hinihimas ang ulo ko. Masakit iyon pero kery na, ilang beses na rin naman akong nahulugan ng mangga sa ulo.

"Palabiro ka talaga, masakit ba?" Tanong nito.

"Ayos lang po, mas masakit pa rin po noong iniwan niya ako. Char! Doon na lang po tayo sa fountain mag-usap." Aapila pa sana siya sa kagustuhan ko ng hinila ko na agad siya papunta roon. May bench sa tapat nito at doon ko nilagay ang mga mangga na bitbit ko.

"Bawal pon–"

"Bakit hindi na naman bukas? Ang ganda kaya ng lugar na ito tapos papabayaan lang?" Saad ko at tumakbo para buksan muli ang foundation. Muli ko na namang narinig ang patak ng tubig at talagang magaan ito sa pakiramdam, lumakad na ako pabalik kay mang Roly, na parang natatakot sa ginawa ko.

"Ang ganda 'di ba?" Masaya kong tanong at umupo na, kinuha ko pa ang isang mangga. May dagta pa ito, pero hindi ko na pinansin. Noong mga bata kami kapag nasa bukid kami, ganito ang gawain namin.

"Hindi ka po ba uupo?" Tanong ko rito, tumingin muna siya sa akin, nag-aalangan pa itong umupo.

"Bawal po kasi rito." Mahinang saad nito.

"Bakit naman po?" Tanong ko habang nginangatngat ang mangga. Siguro kung nasa panahon nila ako bawal kumain ng ganito ang mga babae, balahura e.

"Ayaw ni sir Florence, simula noong nawala si Valeria." Napatigil ako sa pagkagat at tumingin sa kaniya.

"Sino po ba si Valeria?"

"Si–"

"Oppps...'wag ka pong magagalit, ha? Si Florence kasi nagalit sa akin, e." Naalala ko na naman tuloy ang araw na iyon. Tinanong ko lang naman siya kung sino si Valeria.

"Isa siya sa mga kaluluwa na nawala rito, sa katunayan apat silang lumabas noon at isa pa lang ang naibabalik mo." panimula nito. Hindi na ako kumagat pa ng mangga, gusto ko muna makinig sa sasabihin niya.

"Si Valeria, Arlyn at Renna, ang mga hindi pa nakikita. Si Valeria ang kasintahan ni sir Florence at iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, narito pa kami." Seryoso nitong kwento.

"Ano po bang nangyari? Sa lahat po?" Hanggang ngayon kasi nlilito pa rin ako sa mga nangyayari, tumutulong ako pero walang maayos na paliwanag.

"Gusto naming sabay-sabay kaming aalis upang sabay-sabay rin kaming muling ipanganak, ngunit noong araw na paalis na kami bigla silang nawala. Matalik na magkakaibigan silang apat, ngunit sabay-sabay rin silang lumabas. Sa oras kasi na lumabas ka ng hotel na ito, wala kang ng  maaalala na kahit ano, maging ang mga Grim reaper hindi kami natulungan. Hanggang sa dumating ka." Tumingin siya sa akin ng seryoso. Hindi naman ganoon katanda si mang Roly, pero mukha siyang makalumang tao.

"Ikaw na lang ang pag-asa namin, matagal na kaming namamalagi rito. Gusto ko ng umalis." 

Napalunok ako sa sinabi niya. Nababakas ko sa mukha niya ngayon ang pagod, tumaliwas ako ng tingin dahil maging ako hindi ko alam ang gagawin.

"Bakit hindi na lang po kayo umalis? Pwede niyo naman pong iwan si Florence habang wala pa si Valeria." Umiling ito sa sinabi ko.

"Sabay-sabay kaming nangako bago kami namatay na maging sa susunod na buhay ay sabay-sabay rin kami," sagot pa nito. 

Hindi ko na talaga alam ang sasabihin, hindi naman kasi ako magaling magbigay ng suggestions. Ang hirap naman talaga.

"Paano po ba kayo namatay? Sa gera? Pinatay ba kayo ng mga sundalo ng hapon?" Naiilang kong tanong.

"Hindi." Huminga muna ito ng malalim at muling nagsalita. 

"Bago ang araw na sugurin ang lugar na ito kami namatay." Kunot noo akong tumingin sa kaniya. Mas lalo akong naguluhan sa sinasabi niya.

"May pumatay na agad sa inyo?" Tanong ko pa. Marahan itong tumango dahilan ng pag-uwang ng bibig ko. Ang saklap naman ng buhay nila, pero swerte pa rin, dahil kung naabutan pa sila malamang mas brutal ang nangyari sa kanilang pagkamatay.

"May salu-salo noong araw na iyon kasama ang mga pari, madre maging ang mga bata na kinupkop namin. Sa kasiyahan na iyon unang nawalan ng malay si Renna, ang akala namin ay dahil sa pagod hanggang sa sumunod si Cora at Mona, palapit ako sa kanila ng maging ako ay bumagsak na rin. Maging ang mga kaluluwa namin ay naging saksi sa kalunos-lunos na kaganapan sa lugar na ito. Sa kung paano nila patayin ang lahat ng narito, kung paano nila pahirapan, maging pagsamantalahan ang mga kababaihan." Napatigil ito at nakita ko ang pag-iwas nito ng tingin.

"Sorry po." Mahina kong paghingi ng tawad, at hinagod siya sa likod. Feeling ko tuloy binalik ko lahat ng sakit noong araw na iyon.

"Ikaw na lang ang pag-asa namin, pakiusap. Kahit hindi kayo magkasundo ni sir Florence. Mabait naman siya sad'yang nagagalit lang siya sa sarili niya, dahil sa pagkawala ng kaniyang kasintahan." Bumitaw ako sa pagtapik sa likod niya at inayos ang buhok ko. 

"Para po sa inyo kaya ko ito gagawin, tutal tatlo na lang pala ang hahanapin namin, makakaya ko pang magt'yaga sa ugali ng demonyong multo na iyon." Matapos ko itong sabihin ay siya naman ang natawa. Nakitawa na lang ako para naman sabayan siya.

"Mahal na mahal niya po si Valeria, ano?" Bigla kong tanong.

"Sobra, simula pa lang noon labis na ang pagmamahal na ibinibigay niya rito. Wala ng iba pang babae ang tiningnan niya maliban kay Valeria." 

Ibang klase pala magmahal si Florence, maging hanggang kamatayan kaya niya maghintay. May ganito pa lang klase ng pag-ibig?

"Mabait si sir Florence, kung maibabalik mo lang ang dati niyang ugali magiging madali ang lahat." Hindi ko alam kung bakit ako biglang natawa sa sinabi niya. Babait pa kaya iyon? Subukan ko ngang maging nice sa kaniya, baka sakali na bumalik ang ugali niya noon. 

Pero susubukan kong mahanap ang tatlo pa, lalo na si Valeria para naman matapos na rin ang lahat ng ito. Gustong-gusto ko na matapos ang lahat, gusto ko ng bumalik sa normal kong kuhay.

"Bumalik na po tayo sa loob, baka po hinahanap na ako ni Chelsea," aya ko at kinuha ang mangga na napitas namin. Itatabi ko ito sa kwarto ko, para kapag balik ko may kakainin ako.

Pagpasok namin sa loob ay naghiwalay na kami agad, dumeretsyo ako sa kwarto ko para ilagay ang mga mangga. Naligo muna ako dahil mamaya ay aalis na naman kami ni Chelsea kasama si Keir, para maghanap ng mga galang kaluluwa.

Matapos kong mag-ayos ay lumabas ako. Kumawala muna ako ng malalim na paghinga bago naglakad. Nakangiti ako dahil gusto ko na magmukhang nice sa lahat, lalo na kay Florence. Katulad ng sinabi ni mang Roly, baka nga may itinatago itong kabutihan kahit 1% lang mero'n pa rin. Basta 'wag niya lang ako iinisin para, everybody okay.

"Oh, buti hindi ka tumatakbo? Iiwas na sana kami." Natatawang saad ng isang Grim reaper, huminto ako at ngumiti pa sa kanila, pero nahihiya talaga ako. Malamang sila ang nabangga ko kanina.

"Congrats, nga pala sa ginawa mo kanina." Bati ng isa pa. Nakakaloka! Hindi ko talaga expected na hindi masungit ang mga Grim reaper.

"Wala iyon, mamaya susubukan ulit namin ni Keir," saad ko.

"Sino naman iyon?" Tanong pa ng isa. Parehas silang matangkad pero mas payat ang isa.

"Iyong Grim reaper na kasama ko palagi." Nakangiti kong sagot. Kumunot pa ang noo nilang dalawa.

"Grim reaper ang kasama mo palagi?" Nagtatakang tanong ng payat na Grim reaper. Tumango ako bilang sagot sa tanong nila.

"Ha? Pero hindi Grim reaper si–" 

"Florence!" Sigaw ko dahilan ng pagtigil nila. Hindi ko naintindihan ang huli nitong sinabi dahil nakita ko ang paglabas ni Florence.

"Sige, usap tayo later." Paalam ko sa kanila at tumakbo na palapit kay Florence. Nakasimangot ito at matalim ang matang nakatingin sa akin, gusto ko siyang awayin na hindi ko alam, pero dapat nice ako sa lahat. Sisikapin ko lalo na sa kaniya, ibubuhos ko na lahat ng pasensya ko.

"Si Chelsea?" Tanong ko matapos huminto sa harapan niya.

"Pinalayas ko na." Mabilis at walang halong pag-aalinlangan na sagot nito.

"Ano?" Gulat kong tanong.

"Bingi ka ba? Hindi ko na inuulit ang mga sinasabi ko." Mabilis itong tumalikod, pero tumakbo ako para harangin siya. 

"Nababaliw ka na ba? Pwedeng pasukin ng bad spirit ang katawan nito!" Diin ko sa kaniya. Wala na ba talaga siyang pakialam sa iba? Puro na lang ba sarili niya at kagustuhan na makita si Valeria?

"Ikaw ang nababaliw, paan–"

"Shut up!" Putol ko sa balak niyang sabihin, mabilis umuwang ang bibig nito habang titig sa akin.

"A-anong sabi mo?" Tinaasan ko siya ng isang kilay at humalukipkip. 

"Isang beses ko lang sasabihin. Okay! Kung ganiyan kasama ang ugali mo, fine. Hahanapin ko ng mas maaga ang mahal mong Valeria, para naman matahimik na ang kaluluwa mo!" Sigaw ko sa mukha nito, magsasalita pa sana siya pero muli ko siyang inunahan.

"Hindi kita boss at hindi mo ako tauhan. Andito ako para tulungan ka, so, kung may problema ka sa akin wala akong pakialam, okay? Uulitin ko kung sad'yang bingi ka! WALA.AKONG.PAKIALAM.SA 'YO! Sila mang Roly ang inaalala ko, hindi mo ba napansin? Pagod na sila, gusto na nilang umalis, pero andito sila para sa 'yo. Tandaan mo, hindi lang ikaw ang nahihirapan dito, maging ako! Gusto ko ng bumalik sa normal kong buhay. 'Wag puro sarili mo lang ang iniisip mo, hindi lang ikaw ang nahihirapan!" Duldul ko sa pagmu-mukha nito. Umirap ako bago padabog na umalis. Pinilit ko naman talaga maging nice sa kaniya, pero hindi ko talaga kaya ang pagiging makasarili niya. Paano na lang si Chelsea? Saan ko siya hahnapin ngayon?

Dapat kasi talaga hindi ko siya iniwan sa tabi ng demonyong multo na iyon. Kawawa naman si Chelsea, paano kung biglang pasukan ang katawan niya ng bad spirit? Konsensya ko pa? Ako ang nangako sa kaniya. Kainis! Wala talaga siyang pakialam sa iba.

Hindi ako hinarang ni mang Roly, siya na mismo ang umiwas sa dinaraanan ko. Inis na inis akong lumabas, maaga talaga akong tatanda sa lugar na ito.

Bakas sa mukha ko ang inis at humalukipkip pa para hintayin si Keir. Sana naman itong isa na ito hindi ako bwisitin.

"Quinn." Nakabusangot akong tumingin kay Grim reaper. Mabilis napauwang ang bibig ko ng huminto siya sa harapan ko.

"Seriously?" Tanong ko rito sabay turo sa kaniyang sasakyan na dala.

"Oo, para maiba magmotor tayo." Sabay ngiti nito na para siyang isang pakboi na naghahanap ng babae na maisasakay.

"Ano pang hinihintay mo? Tara na." Sabay abot nito ng helmet. 

Seriously? Hindi ako sumasakay ng motor. Pero mabuti na lang talaga at naka jeans ako ngayon at hindi ko naisip na magsuot ng dress.

"Hanapin natin si Chelsea," saad ko habang sinusuot ang helmet, ayoko sana nito pero alam ko wala na akong magagawa.

"Bakit?"

"Basta." Tamad kong sagot dito. Mamaya ko na ipapaliwanag sa kaniya, kailangan muna naming mahanap si Chelsea.

"Humawak ka ng maigi," utos nito nang makaupo na ako sa likuran. Napalunok pa ako dahil hindi ko alam kung saan ako hahawak.

"Okay na." Sa inuupuan ko na lang ako kumapit. Napapikit pa ako dahil sa kaba na nararamdaman. Ghad! Puro pahirap naman sa buhay ko, feeling ko hindi ako tatagal sa mundong ito.

"Sigura–aahhhh! Ayoko pa mamatay!" Mangiyak-ngiyak kong saad. Bigla naman akong napayakap sa kaniya ng mahigpit.

Paano ba naman bigla niyang binilisan ang andar at hininto, kung hindi ako napayakap malamang nahulog na ako rito.

"Kakapit ka rin pala, e." Pang-aasar nito, naramdaman ko pa ang pag-alog ng likod nito, isang tanda ng pagtawa.

"Bwisit ka–aahhh!" Muli akong humigpit ng yakap sa kaniya matapos nitong ipaharurot ang motor. Nakapikit ako habang nagdarasal. Ayoko pa mamatay, 'wag sa ganitong paraan. Malapit pa naman na ang birthday ko. 

Hindi ko alam kung karma ko ba ito noong past life ko. Bakit sa dami ng tao ako pa naatasan tulungan ang mga ito? 

My God! Magpakita na kayong tatlo para matapos na ito lahat. Dagdag pa si Chelsea, saan ko naman siya hahanapin ngayon?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status