Share

KABANATA 5:

KABANATA 5:

Kinabukasan ay maagang pumunta si Dindo sa bahay, nagtataka ako kung bakit napakaaga niya dahil ang usapan namin ay mga alas otso niya ako susunduin subalit alas siyete pa lamang ay naroon na siya.

"Ang aga mo naman, Dindo. Kumain ka na ba?" tanong ko sa kanya sabay tungga sa mainit kong tea.

"Nag-away na naman kami ni Carla, gusto niyang mag resign na ako," bumuntonghiningang sambit niya sa akin.

"Nagseselos ba siya sa akin? Kung malalaman lang niya, tiyak kong mas lalo siyang maghihimutok." Tumayo ako sa aking kinauupuan at nagtungo sa kusina.

Tamang-tama may niluto naman akong fried egg at hotdog. Kinuha ko rin ang stock kong korean noodles at pinakain kay Dindo.

Lumabas ako sa kusina bitbit ang almusal para kay Dindo.

"Nakakahiya naman, pero salamat dahil—"

"Namiss kitang ipaghanda ng makakain!" totoong sagot ko sa kanya at iniiwas ko ang paningin ko sa kanya.

Hindi ko man maamin pero mahal ko pa rin si Dindo, siya lang ang lalaking minahal ko sa aking buhay. Pero sinaktan niya ako at ipalalasap ko sa kanya ang pait ng masaktan.

"Sana pala pinili kita," sabi pa ni Dindo habang kumakain ng almusal.

"Hayaan mo na iyon, mas pinili mo akong saktan sapagkat hindi mo talaga ako minahal," malungkot kong sabi na para bang maiiyak.

"Minahal kita, Annabelle. Sa maniwala ka man o hindi, minahal kita kaso—"

"Kaso, natukso ka at nagpatukso ka!" dagdag kong turan at tumalikod na sa kanya.

Hindi ko inaasahan na lalapit siya sa akin likuran at yayakapin ako.

"Patawarin mo ako, Annabelle. Kung maibabalik ko lang sana ang ating kahapon, ikaw pa rin ang pipiliin ko," mahinahon at puno ng pagsisisi na bulalas niya sa akin.

"Kung ganoon, halikan mo ako sa aking labi, Dindo. Angkinin mo muli ang mapula kong labi, Dindo." Humarap ako sa kanya at nagtama muli ang aming mga mata. Matagal kaming nagkatitigan hanggang sa maglapat muli ang aming mga labi. Palihim kong kinunan ng litrato ang aming paghahalikan.

Nais kong gamitin ang bagay na ito upang lalong pasakitan si Carla.

Matagal na naglapat ang uhaw naming mga labi bago kami kumalas sa isa't isa.

"H-hindi ko sinasadya ang bagay na ito," nahihiyang turan niya sa akin.

"Wala kang dapat ihingi ng tawad. Mag-asawa pa rin tayo kahit na may kerida ka, siya maliligo na muna ako," 'yon lang at iniwan ko na siya sa salas. Patakbo akong pumanhik sa second floor kung saan naroon ang aking kwarto.

Pagpasok ko roon ay tiningnan ko ang mga kuha namin ni Dindo, maayos ang bawat anggulo. Hinanap ko ang f* account ni Carla at sinend ko sa kanya ang mga pictures namin ni Dindo. Wala akong pakialam kung masaktan ang damdamin nito dahil para sa akin, isa siya sa mga taong may utang na dapat kong pakasingilin.

Nangingiti na lamang ako sa mga plano ko na unti-unting natutupad at malapit ko nang makamtan ang pinakamalakas na halakhak dahil ako naman ngayon ang magbubunyi. Ako naman!

Masaya akong bumaba sa aking kotse, kasabay kong pumasok sa loob ng opisina si Dindo. Sinalubong kaagad ako ng aking sekretarya.

"Ma'am, mayroon hong isang babae na kanina pa naghihintay sa inyo at kung ano-ano na po ang kanyang pinagsasabi tungkol sa inyo," pagbibigay alam ni Venus sa akin.

Hindi ko na tinanong ang pangalan ng taong iyon dahil tiyak kong alam ko na kung sino ang tinutukoy ni Venus.

"Ang kapal ng mukha mo!" isang malakas na sampal ang iginawad ni Carla sa akin nang magkita kami sa opisina.

"A-anong pinagsasabi mo?" maang-maangan kong tanong sa kanya.

"Huwag ka ng magkunwari pa! Tigilan mo ako sa bait-baitan mong hitad ka!" muli sana niya akong sasampalin subalit sinalag iyon ni Dindo.

"Tumigil ka na, nakakahiya sa mga empleyado ni Annabelle, maghunos dili ka!" pananaway na iyon ni Dindo sa kanyang kerida.

"Kinakampihan mo pa ang babaeng iyan! Bakit mas masarap ba siya kaysa sa akin? Sabihin mo, Dindo, sabihin mo!" nanggagalaiti na bulyaw ni Carla kay Dindo na halos sumabog na ang kanyang litid kakasigaw. Damang-dama ko ang nagpupuyos na si Carla, kaya nakaisip muli ako ng eksena upang lalong pagmukhang masama si Carla sa mga mata ng aking empleyado.

Lumapit ako sa harapan ni Carla at hinayaan kong sabunutan at sampal-sampalin ako nito at pagkatapos ay nagkunwari akong nawalan ng malay tao na ikinataranta ng bawat empleyado.

"T-tumawag kayo agad ng ambulansya, magmadali kayo!" natataranta na sabi ni Dindo na dinig na dinig ko ang matindi niyang pag-alala sa akin. "Kapag may nangyaring hindi maganda kay Annabelle, hinding-hindi kita mapapatawad, Carla. Umalis ka na ngayon din bago pa ako tumawag ng pulis at ipahuli ka!" panduduro pang turan niya kay Carla. Humahagulgol namang lumisan sa opisina ko si Carla at pagkaalis niya ay bigla akong nagising.

"Are you alright?" nag-aalala pa ring tanong sa akin ni Dindo habang yakap-yakap ako.

Ngayon ko lang naramdaman ang kakaibang init na yakap na iyon ni Dindo sa akin. Para akong nakukuryente ng mga sandaling yaon.

"D-Dindo, hindi ako makahinga." Tinulak ko siya upang maglayo ang aming katawan panandalian.

"S-sorry, ano pang masakit sa iyo?" Hinaplos niya ang buhok ko at hinalikan ako sa may noo. Nakaramdam ako ng sensiridad sa pinakita na pag-aalala ni Dindo sa akin.

"Nahilo lamang ako dahil sa lakas ng sampal at sabunot niyang iyon. Hindi ka dapat nadadamay pa, Dindo kung may galit sa akin si Carla," pinilit kong maiyak sa kanyang harapan upang sa ganoon ay maging mas makatotohanan ang aking pagkukunwari.

"Hindi ko alam kung ano ang ikinagalit niya? May kung anong bagay ka bang pinakita para magalit sa iyo si Carla?" tanong niyang iyon sa akin.

Medyo kinabahan ako sa tinanong na iyon ni Dindo subalit pinangatawan ko ang aking isinagot sa kanya.

"W-wala akong maalala, ang alam ko lang last time na hinatid kita tapos naging ganoon na ang kanyang pakikitungo sa akin. Wala naman tayong ginagawang mali, pero bakit parang ako ang may kasalanan?" kunwari ay paninisi ko sa aking sarili. Niyakap na lamang ako ni Dindo at sinabing,

"Wala kang kasalanan, kaya huwag mong sisihin ang sarili mo. Alam kong mabuti ka pa ring tao," 

"Salamat, Dindo sa pagtatanggol mo sa akin," nakangiti kong turan habang nakayakap sa kanya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status