Share

Chapter 1

"On the way na ako. Hintayin mo ako sa labas."

Agad kong pinutol ang tawag at agad na pinaandar ang bike para masundo na ang kaibigan.

Hindi ito bago sa akin. Dahil sa kaunti lang ang tao sa ampunan, kami na mismo ni Crystal ang nagvolunteer na bumili ng mga kailangang gamit para sa mga bata. Mula nang namulat ako sa mundo ang ampunan na ang naging tirahan ko. Kaya ngayong nasa wastong edad na kami, gusto naming ibalik ang kabutihang natanggap namin.

Malapit na akong makarating pero hindi ako makaraan dahil sa maraming nagsusulputang tao sa daan. Parang may hinahabol na kung sino.

"Padaan..." Pinilit kong dumaan sa kumpol ng tao.

"Ano ba naman? Baka hindi na natin sila makita," reklamo ng isang babae nang dumaan ako sa gitna nila. "Ang boyfriend ko, hinihintay na niya ako." Biglang naging malumanay ang boses niya nang naisip ang boyfriend.

Nagpatuloy lang ako hanggang sa matanaw si Crystal na may maraming bitbit na plastic. Kumaway ako sa kanya pero hindi niya ako nakita. Imbes na sa direksyon ko tumingin ay sa ibang direksyon pa siya humarap. Umandar na naman pagka-usisira ng babaeng 'to.

"Ano? Sasakay ka o sasali ka sa kanila?" Halos pagalit kong tanong sa kanya.

"Huwag mo nga akong tingnan nang ganyan. Nakakapangit ang pagtataray kaya tigilan mo na iyan. Gusto ko lang din kasi makita ang mukha nila."

"E sino ba 'yang hinahabol nila? Nakakagulo pa sila sa daan."

Masyado talagang nakatuon ang atensyon niya sa iba kaya ako na mismo ang kumuha sa mga dala niyang plastic at nilagay ito sa harap ng bike.

"Ang gwapo talaga ng mga Guevarra. Nakakalaglag panty. Mas bet ko 'yong laging nakangiti. Ayan sila oh." Nabuhay na naman ang kalandian niya.

Wala akong planong sundan ang tingin niya pero nang humarap na ako para ihanda ang bike ay sakto namang may tatlong lalaking papalapit. Hindi ko gaanong kita ang mukha nila dahil nakarap ako sa liwanag ng araw. Mayamaya ay mas lalong gumulo ang tao sa paligid namin.

"Tumabi ka nga. Dito sila dadaan. Wag kang haharang-harang." Isang babae ang taas-kilay na nag-utos sa akin nang harap-harapan.

"At bakit naman? Hindi sa kanila ang daan!" Hindi ko na mapigilang sumigaw sa galit.

Alam ni Crystal na madali akong magalit kaya mabilis niya akong sinita para kumalma.

"Sa kanila naman talaga ang buong lugar na 'to. Pag-aari nila ang mall at ang buong lugar na nakalibot dito." Mahinang bumulong siya sa akin.

"E sana hindi na lang sila nagpapasok ng tao dito para sila lang makadaan," balik ko naman sa kaibigan.

Hindi ko na rin magawang tumingin sa babae kanina dahil mukhang nawala na rin sila. At hindi nagtagal ay dumaan na rin sa wakas ang pinagkakaguluhan nila. Nasa gilid lang ako at naging mas mahirap ang paghawak ko sa bike dahil nagtutulakan na ang tao.

Mas hinigpitan ko ang pagkapit sa manubela para hindi ako matumba. Umingay na rin ang buong lugar sa sigawan. Nilingon ko si Crystal pero nawala na rin siya. Natangay na siguro ng tulakan. O baka siguro nagpatangay. Hinding-hindi pa naman siya nagpapahuli sa balita at chismis.

"Isaac ko! Ghad! Ang gwapo mo talaga."

"Sa akin lang siya!"

"Ako na girlfriend niya kaya tumigil kayo!"

Nagbangayan pa ang tatlong babae sa harap ko. Sa dinami pa naman ng tao hindi ko magawang iwasan sila. Dumating din ang mga kasamahan nila at kanya-kanyang nagtulukan hanggang sa nadamay na nga ako. Hindi ko na kayang suportahan ang bike kaya natumba ako. Wala namang nasira sa pinamili ni Crystal dahil tinukod ko ang tuhod para hindi magsilaglagan ang mga pinamili.

Natigil sila ngunit hindi manlang nila ako tinulungan. Tiningnan lang nila ako bago nagsi-alisan kasama ng mga tao kanina.

"Buhay nga naman," buntung-hininga ko.

Mabibilang na lang talaga ang mga may mabubuting-puso ngayon. Pinilit kong tumayo pero hindi ko magawa dahil ang sakit ng binti ko. May naipit yatang ugat. Napaupo ako sa daan. At hinaplos-haplos na lang ang binti.

Siguro hintayin ko na lang na bumalik ang usisirang babae na nag-iwan sa akin dito. Baka pag nakuntento na siya sa nakalap na balita balikan na ako rito.

"O, heto!" May biglang naghagis ng malamig na kung ano sa tiyan ko kaya napaangat ako ng tingin.

Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya dahil wala akong makitang emosyon sa kanyang mukha.

Binalik ko ang tingin sa malamig na bagay at nakitang isang pack pala ito ng ice cream na drumstick.

"Ice cream? Salamat pero wala ako sa mood kumain nito." Hinagis ko pabalik ang ice cream. "Ibigay mo na lang sa iba."

"Sinabi ko bang kainin mo." Malamig na sabi niya. Kasing lamig ng ice cream ang boses niya. Nanatili pa rin ang walang emosyong mukha niya.

"E, ano ba dapat gawin sa ice cream? Tingnan na lang hanggang sa matunaw." Ginigigil niya ako. Pinagmumukha niya pa akong bobo e.

"Ilagay mo sa binti mo. Kung ayaw mo naman e di tingnan mo na lang hanggang sa matunaw." Muli niyang hinagis ang pack ng ice cream bago umalis.

"Tsk, gwapong aroganteng hindi marunong makipag-usap," pahabol ko.

"Sinong gwapo 'yan? Pakilala mo ako!"

Aba, pambihirang babae. Hinding-hindi talaga makakaligtas sa kanya ang mga ganitong bagay.

"Wala. Sabi ko ang ganda mo at iniwan mo ako rito."

"Teka, napano ka? Bakit namumula na iyang binti mo?"

At ngayon lang niya napansin.

"Mawawala rin ito mayamaya. Nalagyan ko na naman ng malamig. Ikaw muna magbike."

Tumayo ako nang marahan. Hinanda na rin niya ang bike para makaalis na kami.

Beep! Beep! Beep!

May biglang bumusinang sasakyan at nakita kong sakay nito ang gwapong arogante kanina.

"Ano na naman?" Malakas na sigaw ko para marinig niya kasi ang lakas ng busina niya. Talagang hindi siya marunong makipag-usap nang maayos.

"Sakay! Ihahatid ko na kayo?"

"Naku, Twinkle hindi mo naman sinabi na isang Guevarra pala ang sinasabi mong gwa--" agad kong tinakpan ang bibig niya.

Ang tabil talaga ng dila ng babaeng ito. Hindi manlang naisip na nakakahiya na siya. Pero totoo bang isang Guevarra ang lalaking nasa harap namin?

"Wag na okay lang kami. Malapit lang naman kami rito." Pagtanggi ko pero mukhang hindi ako narinig ng kaibigan ko kasi isa-isa na niyang nilagay sa likuran ng sasakyan ang mga pinamili.

"Huwag na tayong tumanggi, friend. Kanina pa tayo hinihintay ng mga bata." Aba nagpapalusot pa ang bruha.

At siya pa ang unang sumakay.

"Ano na?" Naiinip na sabi naman ng nag-aya. Siya pa itong may ganang mainip e siya ang nag-aya. Ibang klase rin ha.

Todo ngiti lang ang ginawa ni Crystal sa akin. Kung makaasta siya parang nanalo sa lotto.

Hinay-hinay akong naglakad papunta sa sasakyan pero natigil nang walang pasabing buhatin ng walang hiyang lalaki. Agad niya akong binaba sa upuan sa harap. Parang isang kariton lang akong nilipat niya sa tamang lalagyan. Nakakahiya.

Agad niya ring pinaandar ang sasakyan. Hindi na ako tumingin sa likod kasi ayaw kong makita ang pagmumukha ngayon ni Crystal. Lumilipad na naman siguro ang imahinasyon niya. Kaya tinuon ko na lang ang tingin sa harapan. Hindi rin naman kami nagkikibuan ng katabi ko kaya mabuti na ring ganito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status