Share

Chapter 21

Dinungaw ko ang braso ko na may mapupulang marka. Sobrang hapdi at may dugo akong nakikita roon. Bawat makakasalubong ko ay nililingon ako. Hindi ko na alam kung anong itsura ko ngayon. Wala na akong pakialam. 

Nakasalubong ko sina Sania at Trixi na parehong mukhang nag-aalala nang papunta ako sa CR. Hinaplos ni Sania ang buhok ko at inayos iyon.

"Jusko! Sabi ko na nga ba at mag-e-eskandalo talaga 'yang Selene na 'yan! Anong ginawa niya sa iyo? Shit! May kalmot ka!" aniya nang matanaw ang aking braso.

"Hala! Dumudugo! Kailangan natin tapalan ng band aid 'yan!" natatarantang sinabi ni Trixi.

Umiling lamang ako sakaniya. "Ayos lang ako. Ako na ang gagamot dito mamaya," marahan kong sinabi.

"Dapat talaga sinampal ko na si Trevan noong nilapitan ka niya! Alam ko na talagang ganito ang mangyayari!" ani Sania habang patuloy sa pag-aayos ng buhok kong siguradong sabog dahil sa sabunot ni Selene. 

Sinamahan nila ako sa CR upang ayusin ang sarili. Mayroon akong band aid sa bag at iyon ang ginamit ko sa aking sugat. Hindi ko na pinagtuonan ng pansin ang mga taong panay ang tingin sa akin. Hindi ko alam kung naaawa ba sila, kung natatawa o kung nagagalit. Nagpunta ako sa cafeteria upang bumili ng tubig. Hindi na ako nagpasama pa kina Sania kahit nagpupumilit sila dahil hindi naman na kailangan pa. Tingin ko ay hindi na rin ako guguluhin ni Selene. Kung guguluhin man niya ako, hindi ko na siguro mapapalagpas iyon. 

Pagkaabot sa akin ng bottled water ay nalingunan ko ang paparating na si Trevan. Mabilis ang mga hakbang niya papunta sa akin. 

Umusbong ang iritasyon ko nang makita siya. Mabilis akong naglakad palayo ngunit pinigilan niya ako sa aking braso. Marahas ko iyon binawi at matalim siyang tinignan. 

"Marwa, I'm sorry." Kitang-kita ko ang malungkot niyang mga mata. Halos matawa ako. 

"Ano ba, Trevan? Hindi ka ba nahihiya? Ano na lang sa tingin mo ang iisipin ng mga tao sa atin? Kahit pa na wala naman talaga dapat!"

"Tapos na kami ni Selene. She's just probably insecure to you! She's jealous! I'm sorry. Hindi ko ginusto ang nangyari." Iniwas ko ang aking braso nang sinubukan niya akong hawakan. 

"Wala akong pakialam," matalim kong sinabi bago siya nilayasan. 

Pagdating sa gate ng eskwelahan, natanaw ko roon si Limuel na mag-isa. Ngumiti siya nang makita ako. Hawak niya ang isang strap ng kaniyang bag.

Ngumuso ako at nilingon ang mga kasama. 

"Hala? Sinong nginingitian ni Limuel?" ani Sania. Naramdaman ko ang pasimpleng pagsiko niya sa akin.

"Ikaw yata, eh," aniya.

"Mas bet ko iyan kaysa kay Trevan. Gwapo at gentleman iyang si Limuel, Marwa. Ang alam ko, hindi pa iyan nagkaka-girlfriend," ani Julia.

"Dinig ko rin. Mabait talaga iyan. Crush ko nga dati 'yan, eh." Humagikgik si Trixi. 

Kumunot ang noo ko.

"Huwag na kayong maingay," wika ko nang makitang papalapit si Limuel sa amin. 

Sinalubong kami ni Limuel at naroon pa rin ang kaniyang ngiti. Nilingon niya ang mga kasama ko at binati ang mga ito. 

"Sige! Bye! Ingat kayo, ah!" Kumaway sina Sania bago naglakad palayo. 

Tumikhim si Limuel nang kaming dalawa na lang ang naiwan. Ngumiti ako sakaniya. 

"Akala ko hindi ka seryoso sa sinabi mong hihintayin mo ako kanina." 

Kitang-kita ko ang pamumula niya nang nag-iwas ng tingin. 

"Seryoso ako, 'no." Sumulyap siya sa akin. "N-Narinig ko na sinugod ka ni Selene. Sana pala hindi ako kaagad umalis para naabutan ko ang pagdating niya at napigilan siya sa pananakit sa iyo," seryoso ang kaniyang tono.

Ngumiti lamang ako at umiling. "Hindi na iyon problema sa akin, Limuel." 

Bumagsak ang tingin niya sa braso ko. 

"Gago talaga si Trevan. Huwag na huwag ka nang lalapit sakaniya, Marwa. Hindi siya kailanman nagseseryoso sa mga babae." 

Tinitigan ko lamang siya. Kitang-kita ko ang galit sa mga mata niya. Napakurap siya at nag-iwas ng tingin. 

"Hindi ko sinasabi ito para siraan si Trevan sa iyo. Gusto ko lang malaman mo ang totoo." 

"Hindi na mahalaga iyon, Limuel. Huwag na natin iyon pag-usapan." 

Sa sinabi ko ay tila doon lang siya nagising. "Uh, a-ako na magdadala sa bag mo?" aniya. 

"Naku! Hindi na. Kaya ko ito. Araw-araw ko itong bitbit." 

Hinaplos niya ang kaniyang batok at ngumiti. "Kain tayo? Libre ko. Kahit sandali lang, Marwa." Kitang-kita ko ang sinseridad niya at nahihiya akong tanggihan siya. 

"Uhm." Napakurap ako. 

"Marwa, ayaw kong isipin mo na makulit ako pero gusto ko talagang makasama kang kumain sa labas. K-kahit ngayon lang. Kahit isang beses lang, Marwa." 

Ngumuso ako at nag-iwas ng tingin. 

"Uhm, baka sa ibang araw, Limuel. Tsaka lumulubog na ang araw, oh." 

Kitang-kita ko ang pagbagsak ng kaniyang balikat sa sagot ko. Pilit ang kaniyang ngiti at hindi ko tuloy maiwasang malungkot. 

"Sige. Hihintayin ko ang ibang araw na sinasabi mo. Pero pwede ba kitang ihatid kahit sa sakayan lang?" 

Tumango ako at hindi na tumanggi pa sakaniya. 

Mabagal ang mga hakbang namin. Sa sandaling kasama siya sa paglalakad, natanto ko na masaya siyang kasama. Maraming kwento at hindi ko mapigilan ang matawa sa mga sinasabi niya. 

Pagliko namin sa may maliit na kalsada, kaagad nahagip ng tingin ko ang itim na sasakyan at ang lalaking nakahilig doon. 

Bakit na naman siya narito? 

Para akong tinangay ng hangin nang lumingon siya sa aming banda. Kulang na lang ay hilahin ko pabalik si Limuel para lang hindi kami mapalapit sakaniya. 

Hindi ko na maintindihan ang mga sinasabi ni Limuel. Lumilipad na ang utak ko. 

Kitang-kita ko ang pagsalubong ng kaniyang kilay habang tinatanaw kami. Nagtagal ang titig niya kay Limuel at pagkatapos ay sa akin. Akala ko ay kakausapin niya ako ngunit nagkamali ako. Sumakay siya sa sasakyan niya at pinaandar iyon. Hinablot ni Limuel ang braso ko upang tumabi nang makitang umikot ang sasakyan ni Hayes. Napatalon ako nang bumusina iyon nang napakalakas! Nakatabi naman kami pero bakit pa niya kailangang bumusina nang ganoon?! 

Hindi ko maiwasang irapan ang sasakyan niya. 

Napadaan na naman siya? Bakit ba ang hilig niyang dumaan doon? Tambayan niya ba iyon? Ayaw kong mag-assume na ako ang inaabangan niya pero ang sarap lang isipin na ganoon nga. 

Bakit hindi niya ako nilapitan? Bakit hindi niya ako kinausap at sabihing ihahatid niya ako? Talagang naroon lang siya para tumambay! Hindi ko alam kung bakit sa dinami-rami ng pwedeng tambayan, sa kalsada niya pa napili! 

Nang makarating sa sakayan ay nagpasalamat ako kay Limuel bago sumakay. Nanatili siyang naroon at kumaway nang umusad ang sinasakyan ko. Ngumiti ako at kumaway pabalik. 

Pagdating sa gusali ng condo ay kaagad kong namataan ang nakaparadang sasakyan sa tapat mismo ng gusali. 

Ano naman ang ginagawa niya rito? Hindi ko siya makita mula sa loob dahil madilim ang mga bintana. Nagkibit ako ng balikat at hindi na pinansin pa ang sasakyan niya. Nasa kalagitnaan ako ng paglalakad nang may humawak sa braso ko. 

Nilingon ko si Hayes na siyang may gawa niyon. Para akong napaso sa hawak niya at nagulat ako nang mabilis niya rin iyon binitawan. 

Itim na longsleeves na tinuping hanggang siko at slacks ang kaniyang suot. Tipikal na suot niya. 

Biglang kumalampag ang puso ko habang tinatanaw siya. Gustung-gusto ko siyang narito sa harapan ko ngayon. Natutuwa akong isipin na ako ang pinunta niya rito at hindi ang ibang tao. Pero ako ba talaga ang pinunta niya? 

"Ihahatid sana kita pero may kasama ka." Nag-iwas siya ng tingin at kumunot ang kaniyang noo. 

"A-Anong ginagawa mo rito?"

"Just checking on you. So who's that boy?" aniya at nahimigan ko ang kung ano sa tono niya.

"Huh? Sinong boy?" 

"Iyong kasama mo kanina." Tumaas ang kaniyang kilay.

"Anong boy? He's Limuel. He's a nice guy." 

"Yeah. Of course," he snorted. 

Kumunot ang noo ko. "Kaibigan ko iyon. Hinatid niya lang ako sa may sakayan."

"Why would you even have to ask someone to drive you home? Sinusundo naman kita araw-araw," aniya sa tono na para bang may nagawa akong mali. Nag-iwas siya ng tingin at kitang-kita ko ang pagtitimpi niya. 

Iyon ba iyon? Kaya ba palagi siyang naroon? Sinusundo niya ako?

Kinagat ko ang labi ko. Hindi ko mapigilang magdiwang sa sinabi niya. Gustung-gusto kong ngumiti ngunit pinipigilan ko. 

"Sa sakayan lang ako hinatid. Bakit mo ba kasi ako kailangang sunduin? Hindi naman ako nagpapasundo sa iyo. Umalis ka na nga!"

Halos bawiin ko ang huli kong sinabi. Baka nga umalis siya nang tuluyan! Ayaw kong mangyari iyon. 

Umirap ako kahit pa na pinipigilan ko na ang nagbabadyang ngiti. 

"I'm sorry." Pumikit siya nang mariin at umiling.

"I sound like a jealous boyfriend. Fuck." He looked away. 

Suminghap ako. Nagwawala na nang tuluyan ang mga nasa tiyan ko. Tila mga nagsasayawan ang mga iyon. 

"Bakit ka nagseselos?" Hindi ko mapigilang ngumiti. 

Kumunot ang kaniyang noo at umawang ang kaniyang labi. Para bang nagtataka siya sa tanong ko. Natawa ako dahil sa kaniyang reaksiyon. Hindi niya yata inasahan ang tanong na iyon. 

"I'm not jealous." Nag-iwas siya ng tingin. 

Humaba ang nguso ko sa sagot niya. 

"Kakasabi mo lang, eh." Tumawa ako. 

"Marwa, I'm not. I didn't say that. Iba ang ibig-sabihin ng sinabi ko," mariin niyang tanggi na mas lalo kong kinatawa.

Hinawakan ko ang pisngi niya dahil umiiwas siya sa tingin ko. Natatawa pa rin ako. 

"Bakit hindi ka makatingin?" Ngumisi ako. 

Tinuon niya sa akin ang kaniyang mga mata. Seryoso at hindi natatawa tulad ko. Nabura ang ngiti ko at natulala sakaniyang mukha. 

Uminit ang pisngi ko at mabilis na lumayo sakaniya. Napakurap ako at lumingon sa paligid.

Shit! 

Parang tinatambol ang puso ko. Kinagat ko ang labi ko at sinubukang mag-angat ng tingin sakaniya.

Ngumuso siya at patuloy akong pinagmasdan. Nag-iwas siya ng tingin at pinasadahan ng daliri ang kaniyang buhok.

Humakbang siya palapit sa akin at halos malagutan ako ng hininga nang inabot niya ang kamay ko.

"Kumain muna tayo bago ako umalis," marahang wika niya at hinila ako patungo sakaniyang sasakyan. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status