Share

Chapter 20

Nang sumunod na araw, si Neal na may dalang malaking bouquet ng dilaw na rosas ang bumungad sa pintuan ng condo. Sobrang aga pa! Alas sais pa lang ng umaga at halos kagigising ko lang. 

Puting t-shirt at khaki shorts ang kaniyang suot. Nanlaki ang mga mata ko nang niyapos niya ang baywang ko at mahigpit akong niyakap. 

"Neal." Kumunot ang noo ko, hindi malaman kung yayakapin ko ba siya pabalik. 

"H-Hindi ko na iyon uulitin, Marwa. Hindi na ako magseselos. I'm sorry. Ayaw kong galit ka sa akin," punung-puno ng lambing ang boses niya habang patuloy akong niyayakap. 

"Neal, okay lang. Kinalimutan ko na iyon." Hinaplos ko ang kaniyang likod. Ilang sandali pa siyang nanatiling nakayakap sa akin bago ako pinakawalan. Bagsak ang kaniyang tingin sa sahig. Tumikhim siya at nag-angat ng tingin sa akin. 

"This is my peace offering. H-Hindi ko na iyon uulitin. I should have controlled myself. Alam kong natakot ka sa akin, Marwa. I'm really sorry about that." Umiling siya at nag-iwas ng tingin. 

Humugot ako ng malalim na hininga at pinilit ngumiti bago kinuha ang bulaklak. 

"Ayos lang talaga, Neal. Salamat dito. Ang ganda." 

Kinagat niya ang kaniyang labi at tila nahihirapang tumango. 

"P-Pwede ba akong pumasok? Hihintayin kita. Ihahatid kita sa school." 

Hindi na ako tumanggi pa. Pumasok kami sa condo at nilapag ko ang bulaklak sa aking kwarto. Ipagluluto ko sana siya ng almusal ngunit tumanggi siya. Gusto niya na mag-drive thru na lang kami sa isang fast food. Hinayaan ko siya sa gusto niya at naghanda na ako para sa pagpasok. 

Pinarada niya ang sasakyan sa isang nadaanan naming convenience store dahil aniya'y may bibilhin siya sa loob. Naghintay ako sa kaniya ng ilang minuto. Narinig ko ang pagtunog ng kaniyang cellphone na naiwan niya pala sa sasakyan. Hinayaan kong tumunog iyon ngunit hindi iyon tumigil. Hinanap ko ang cellphone sa backseat dahil doon nanggagaling ang ingay. Nahirapan pa ako sa paghahanap dahil may nakapatong na isang t-shirt doon. Nang tinanggal ko ang t-shirt, nahulog mula roon ang isang maliit na pekete. Kumunot ang noo ko at mabilis iyong pinulot. 

Nanginig ang kamay ko habang kinikilatis iyon. 

It looks like a white crystalline powder. At hindi ako tanga para hindi matanto kung ano ang hawak ko. 

Nalaglag ang panga ko at halos hindi makagalaw. Napalingon ako sa labas at naaninag ang paparating na si Neal. Mabilis akong umayos ng upo at sa sobrang taranta ko ay hindi ko na malaman kung bibitawan o itatago ko ba ang nakita! Ngunit dahil hindi na ako makapag-isip pa, mabilis kong kinuha ang t-shirt at nilagay doon ang pakete gaya ng kung paano iyon naroon kanina. 

Kinalma ko ang aking sarili nang sumakay si Neal. Hindi ko siya matignan kahit pa na malapad ang kaniyang ngiti habang kinakausap ako. Tulala ako sa bintana. Ni hindi ko marinig ang mga sinasabi niya. 

Pumikit ako nang mariin at sinapo ang noo. 

Kanino ang drugs na iyon? Sakaniya ba? Nagdru-drugs siya? Gumagamit siya? Kailan pa? Bakit siya gumagamit ng ganoon? Iyon ba ang dahilan kung bakit parang napapansin ko na tila mas pumayat siya kumpara noon? 

Ni hindi ko magawang makapagpaalam nang maayos sakaniya nang makarating sa eskwelahan. Sobrang pilit ng ngiti ko at ramdam ko ang panginginig ng aking kamay. 

Hindi mawala sa isipan ko ang nangyari. Paulit-ulit iyon sa utak ko at naiirita ako dahil hindi ko magawang makalimutan iyon.

Mag-isa akong nagtungo sa open field ng eskwelahan dala ang isang libro. Ilang minuto akong tulala lang habang nakaupo. Ngunit pinilit ko ang sariling kalimutan ang lintik na pakete na iyon sa pamamagitan ng pagbabasa. 

"P-Pwede ba akong makiupo?" 

Nag-angat ako ng tingin sa biglang sumulpot na si Limuel. Isang first year engineering student. Nagulat ako dahil hindi naman kami madalas mag-usap. Nakilala ko lang siya noong namigay kami ng survey questionnaire para sa aming research. 

Ngumiti ako sakaniya at binagsak ulit ang tingin sa binabasang libro. Hindi ko alam kung bakit gusto niyang umupo riyan, marami namang bakanteng mesa dito sa open field. Siguro ay dahil mag-isa lang din siya tulad ko. Naaninag ko sa gilid ng aking mga mata ang kaniyang pag-upo. Nanatili akong tahimik na nagbabasa. 

"Uh, anong binabasa mo?" Tumikhim siya.

Nilingon ko siya at kitang-kita ko na hindi siya kumportable. Bakit pa siya umupo riyan kung ganoon? 

Ngumuso ako. 

"Isa sa mga obra ni Leo Tolstoy." 

Tumango siya. 

"War and Peace?" Ngumiti siya. 

Umiling ako at napangiti rin. "Anna Karenina."

Hiniram ko lang ang librong ito kay Julia. 

"Ah! Oo nga. Maganda iyan. Subukan mong basahin ang war and peace. May libro akong ganoon. Pahihiramin kita, kung gusto mo," maligaya niyang alok.

"Sige ba. Basta ayos lang sa iyo." 

Ngumuso ako nang mapansing titig na titig siya sa akin. Kumunot ang noo ko at bahagyang natawa ngunit binagsak ko na lang ulit ang tingin sa librong binabasa. 

"N-Nililigawan ka raw ni Trevan?" may pag-aalangan sakaniyang tono. 

Sumulyap ako sakaniya. Sinara ko ang libro at tinuon sakaniya ang buong atensiyon.

"Sino naman nagsabi?" Tinagilid ko ang ulo ko. 

"H-Halos lahat yata alam ang tungkol doon. Totoo ba?" 

"Kung ang pagbibigay niya ng regalo sa akin ay ginawan niyo ng malisya, mali kayo ng iniisip. Hindi niya ako nililigawan." 

Kumunot ang kaniyang noo. 

"Binasted mo siya?" 

"Hindi ko alam kung pambabasted ba ang tawag doon kasi hindi naman siya nanliligaw." Nagkibit-balikat ako. 

"Pero kung liligawan ka niya, pahihintulutan mo ba?" may pag-iingat niyang sinabi. 

Saan ba niya gustong dalhin ang usapan na ito? Talaga bang tungkol doon ang gusto niyang topic? 

"Hindi ko alam." 

"Maraming gustong manligaw sa iyo, Marwa. Iilan lang talaga ang may lakas ng loob lumapit sa iyo dahil masyado kang mahirap abutin. Tingin sa iyo ay masyado kang pihikan at... masungit." 

Ilang sandali niya akong tinitigan. Ngumuso siya at nag-iwas ng tingin.

Hindi ko alam kung matatawa ba ako o ano sa sinabi niya. 

"Lalo pa't lahat ng napapabalitang nanliligaw sa iyo, agad mo raw binabasted," marahan niyang sinabi. 

Hindi ko na mapigilan ang matawa. Ganoon ang tingin nila sa akin? Hindi ko alam ang tungkol doon! 

Kinagat ko ang labi ko upang mapigilan ang tawa. 

"Iyon ay dahil hindi pa ako handa sa mga ganiyan, Limuel." 

"Pero kung handa naman maghintay, gugustuhin mo ba?" seryoso ang kaniyang tono. 

"H-Hindi ko alam, Limuel. Siguro? Ewan ko. Wala pa talaga sa akin ang ganiyan." 

Tumango siya na para bang naiintindihan ang sinabi ko. 

"Sige. Salamat sa oras mo, Marwa. Masaya na ako roon." Nag-iwas siya ng tingin at may kinuha sakaniyang bag. Nilabas niyo roon ang tingin ko'y chocolate bar. Nilapag niya sa batong mesa ang kulay purple na packaging na tsokolate. Malaki iyon at tatlong piraso. May pulang ribbon pa. 

"P-Para sa iyo. Alam ko kasi na mahilig ka sa chocolate, specifically sa brand na ito." Ngumiti siya at kitang-kita ko ang pamumula ng kaniyang pisngi. 

Namilog ang mga mata ko. 

"Talaga? Sa akin iyan?" 

Tumayo siya at sinabit sa balikat ang kaniyang bag. 

"Oo. Sige. Mauuna na ako, ah? Pupuntahan kita mamayang uwian. Alas singko ang labas namin ngayon. Salamat, Marwa," aniya at mabilis na naglakad paalis. 

Ngumuso ako habang tinatanaw ang mga tsokolate. Nilagay ko iyon sa aking bag at nagbasa ulit. 

Ilang sandali pa ang lumipas nang may bumagsak na libro sa batong mesa. Napatalon ako sa aking kinauupuan. Nag-angat ako ng tingin sa babaeng may gawa niyon. Sinarado ko ang binabasang libro habang lumilingon sa paligid. May ilang mga nagmamasid sa amin. 

Matalim ang tingin ng babaeng narito. Naka-uniporme ng tingin ko'y para sa mga psychology student. Hindi ko siya kilala. Maiksi ang buhok, maputi at singkit. 

Umangat ang kilay niya at kitang-kita ko ang pag-igting ng kaniyang panga habang tinatanaw ako. 

"Iyan ba ang bigay ng boyfriend ko?" malamig niyang untag nang bumagsak ang tingin sa aking suot na kwintas. 

Kumunot ang noo ko. Bigay ito sa akin ng ama ko at hindi ko alam kung sinong boyfriend ba ang tinutukoy niya! Bakit ba siya narito? Nakakahiya dahil may mga tumitingin sa amin. Nagsisi tuloy ako kung bakit ginusto kong mag-isa muna ngayon. 

"Hindi ko alam ang tinutukoy mo, Miss. Baka nagkakamali ka." Mabilis kong sinara ang libro at tumayo ngunit marahas niyang hinablot ang aking braso. 

Kinagat ko ang labi ko at napamura nang maramdaman ang hapdi dahil bumaon ang kaniyang kuko. 

"Mukha ka lang anghel pero ahas ka! Ganyan ka ba kakati at gustung-gusto mong maging kabit?!" Ramdam ko ang panggigigil niya habang niyuyugyog ang aking braso. 

Ngumiwi ako at sinubukang kumawala sakaniyang hawak ngunit masyadong mahigpit iyon. 

"Nasasaktan ako! Ano ba?! Hindi ko alam ang sinasabi mo! Ni hindi nga kita kilala!" Hindi ko mapigilang magtaas ng boses. Talagang masakit ang hawak niya at nasisiguro kong magdurugo iyon! 

"Hindi kilala?! Tangina ka pala, eh! Si Trevan! Kilala mo si Trevan?! Iyong nilalandi mo! Oo, tangina ka! Boyfriend ko iyon! Nakakagigil kang babae ka!" sigaw niya sa pagmumukha ko. 

Kitang-kita ko ang pamumula ng kaniyang mukha. Mas dumiin ang kaniyang mga kuko sa braso ko. 

Pumikit ako nang mariin. Hindi ko kayang tagalan ang hapdi sa aking braso. Marami nang nakiki-usyoso ngunit walang nangahas na lumapit. May ilan pang mga kinukuhanan kami ng video. 

"Hindi ko nilalandi si Trevan! Hindi ko iyon gagawin!" Desperado na akong kumawala sakaniya. Kahit anong gawin kong pagpupumiglas, hindi niya pa rin ako pinapakawalan. 

"Fuck you, bitch! Tumatanggap ka pa ng regalo sakaniya! Ano?! Hindi mo mapigilan ang pangangati kaya kahit may nagmamay-ari na, sinusunggaban mo pa rin?!" Kitang-kita ko ang mga ugat sakaniyang leeg dahil sa sobrang lakas ng kaniyang sigaw. 

Hindi ko na alam ang gagawin ko. Naiiyak ako sa sobrang kahihiyan. Naiiyak ako dahil wala akong magawa. Naiiyak ako dahil sa mga taong nakatingin. Naiiyak ako sa posibleng iniisip nila ngayon sa akin. 

"Hindi ko alam. Hindi ko alam ang sinasabi mo. Hindi ko siya inaagaw. Hindi ko iyon gagawin." Pumiyok ang boses ko dahil sa pag-iyak. 

Kung magiging ganito rin pala ang kahihinatnan ng pagtanggap ko ng regalo, sana pala ay hindi ko na lang talaga tinanggap! 

"Ikaw pa itong umiiyak! Ikaw pa itong parang naagrabyado! Kapal ng mukha mong malandi ka!" Bumitaw ang hawak niya sa aking braso ngunit kasabay niyon ang paglagapak ng kaniyang palad sa pisngi ko. 

Tila nabingi ako sa lakas ng sampal na natanggap. Napanganga ako at nanatili sa kanan ang aking mukha sa sobrang gulantang. Ngunit nang inabot niya nang tuluyan ang buhok ko ay doon ako mas lalong natakot. Dalawang kamay ang ginamit niya at mas lalo akong napadaing sa sakit nang ilang ulit niya akong pinagsasampal habang sinasabunutan ako!

"Malandi ka! Pokpok! Kulang pa sa iyo ito! Kakalbuhin talaga kitang babae ka!" Sigaw niya at patuloy akong sinampal. Hindi ko alam kung paano niya ako binitawan ngunit nang makita ko ang isang lalaki na pumigil sa amin ay halos pasalamatan ko siya. 

Nanginig ang mga labi ko nang tinignan siya. Mabilis ang kaniyang paghinga. Kinagat ko ang labi ko at hinayaan ang pag-agos ng mga luha ko.

Umatras ako palayo. Hindi na ako magugulat kung dumudugo na rin ang labi ko dahil sa mga paulit-ulit niyang sampal. 

"Tinanggap ko lang iyong kwintas! Wala akong intensiyon na kahit ano. Hindi ko alam. Wala akong alam tungkol sa inyo ni Trevan." Lumunok ako habang umiiling.

"Tangina ka pa rin!" Nakawala siya sa lalaking pumipigil sakaniya at umamba siyang susugurin ulit ako ngunit may humila sakaniyang braso. Natanaw ko ang galit na mukha ni Trevan habang hawak ang braso ng babaeng iyon. Ni hindi ko nga alam ang pangalan niya!

"What the fuck are you doing, Selene?! Baliw ka na ba?!" sigaw niya bago binitawan ang babaeng nagngangalang Selene at mabilis na humakbang palapit sa akin.

"Are you okay? I-I'm sorry." May pangamba sa mga mata niya habang sinusubukan akong hawakan ngunit mabilis akong lumayo sakaniya.

"Ang kapal niyong dalawa! Tangina ka, Trevan! Kayong dalawa ng babae mo! Tangina niyo!" sigaw ni Selene bago ko siya nakitang lumayo. May ilang sumunod sakaniya at tingin ko'y mga kaibigan niya ang mga iyon. 

Pinunasan ko ang aking pisngi at kinagat ang aking labi.

"Ayusin niyo iyan ng girlfriend mo, Trevan. Ayaw kong madamay. Huwag niyo 'kong idamay. Ayaw ko ng gulo," may diin kong sinabi bago pumihit palayo ngunit naramdaman ko ang pagpigil niya sa braso ko at pinilit akong iharap sakaniya.

"Hindi ko siya girlfriend, Marwa! Tapos na kami ni Selene! Wala akong girlfriend!" desperado niyang sigaw.

Marahas akong bumuga ng hangin at hinawi ang kaniyang kamay.

"Bitawan mo ako, Trevan. Hindi siya magkakaganoon kung wala na kayo. Hindi ako makapaniwalang nilagay mo ako sa ganitong sitwasyon. Kausapin mo siya at huwag na huwag mo na akong lalapitan."

Tuluyan na akong lumayo sa lugar na iyon. Dinig ko ang ilang pagtawag niya sa akin ngunit hinayaan ko na lamang siya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status