Share

Chapter 19

Naroon ulit siya at nakahilig sa pintuan. Nilalaro niya ang susi sakaniyang kamay. Nang magtagpo ang mga tingin namin ay nakita ko ang pag-ayos niya ng tayo. 

Natigilan ako sa paglalakad nang makitang nagsimula siyang maglakad palapit. Diretso ang mga mata niya sa akin. Habang ako ay natulala ng ilang sandali. 

Kinalampag ang dibdib ko sakaniyang paglapit. Nanghina ang mga tuhod ko dahil sakaniyang titig. Ilang dipa ang aming pagitan nang huminto siya. Kitang-kita ko ang pamumungay ng kaniyang mga mata habang tinatanaw ako. 

Sumisikip ang dibdib ko. Ramdam ko ang pag-init ng sulok ng mga mata ko. Hindi ko alam kung bakit may parte sa aking guminhawa nang makita siya. Sa dalawang beses kong pagpunta sa feeding program sakanilang mansiyon, hindi ko siya nasilayan. Wala raw siya sa mansiyon, iyon ang sabi ng mga kasambahay. At ang makita siya ngayon dito ay naghahatid sa akin ng kakaibang pakiramdam. 

"Can I drive you home?" marahan niyang sinabi.

Nilunok ko ang namuong bukol sa aking lalamunan. Hindi ko alam kung bakit may parte sa aking guminhawa ngayong nakikita ko siya. 

Kumurap ako at nag-iwas ng tingin. Shit! Bakit ba ako naiiyak?! 

Hindi ko alam ngunit tumango na lang ako bigla sa sinabi niya. Hindi na ako nag-isip pa. Pakiramdam ko ay ito lang ang makakapagpasaya sa akin kahit papaano. Kung bakit ganoon ang iniisip ko ay hindi ko alam. 

Ilang sandali siyang tumitig sa mukha ko matapos kong tumango. Kitang-kita ko ang pagdadalawang-isip niya. Tila ba sinisigurado kung totoo bang pumapayag ako. 

Nag-iwas ako ng tingin at sinubukang kalmahin ang kumakalabog kong dibdib. 

"Okay lang ba kung ihatid mo ako? Kaya ko naman mag-commute," wika ko kahit pa na tumango na ako kanina. 

Mas lalong dumoble ang kaba ko dahil patuloy lang siya sa paninitig sa aking mukha. Hindi ko alam kung ano bang kawili-wili sa mukha ko at ganoon niya ako tignan. 

"I can even drive you home everyday if you would just let me," aniya bago marahan na binalot ang kamay ko sa kamay niya.

Bumagsak ang tingin ko sa magkasiklop naming kamay. Umawang ang labi ko at tila natunaw ang puso ko dahil roon. Nag-angat ako ng tingin sakaniya. Umigting ang kaniyang panga bago nag-iwas ng tingin at nagsimulang maglakad. 

Binuksan niya ang front seat kaya kaagad akong sumakay doon. Tahimik lamang kami nang magsimulang umusad ang sasakyan. 

Ramdam na ramdam ko ang pagtambol ng puso ko. Ngunit gayunpaman, ramdam ko rin ang mga nagkakagulo sa aking tiyan. 

Pasimple ko siyang nilingon sa gilid ng mga mata ko. Seryoso lamang siyang nakatutok sa daan. Ang isang braso ay nakahilig sa bintana habang hinahaplos ang kaniyang labi. Kunot ang kaniyang noo. 

Ngumuso ako nang pasadahan ng tingin ang kaniyang suot. Puting longsleeves polo na tinupi hanggang siko. Nag-iwas ako ng tingin nang sumulyap siya sa akin. 

Narinig ko ang munti niyang halakhak kaya kunot-noo ko siyang binalingan. 

"Why are you staring, hmm? You don't know how it affects me, baby." 

Tumindig ang balahibo ko sakaniyang malambing na boses. Halos buksan ko ang pintuan at tumalon palabas ng kaniyang sasakyan. Uminit nang husto ang pisngi ko. Naramdaman ko ang panginginig ng kamay ko kaya hinaplos ko 'yon.

Alam ba niya ang ginagawa niya? Ano sa tingin niya ang ginagawa niya? 

Ni hindi ko magawang lumingon sakaniya. Nakatunganga lang ako sa bintana. Nagulat ako nang itinabi niya ang sasakyan sa gilid ng abalang highway na ito. Nilingon ko siya sa pagtataka at nakita ang pagkagat niya sa kaniyang labi at umiling. 

"Damn, I miss you. Kung pwede lang kitang yakapin," halos bulong lamang iyon. 

Umawang ang mga labi ko at tumunganga sakaniya. 

Mapungay ang kaniyang mga mata nang ngumiti sa akin. 

"I can't help it. Hindi ko kayang balewalain ka, Marwa. Ako lang din ang nahihirapan." Kinagat niya ang kaniyang labi at nag-iwas ng tingin. 

"Hayes..." nanginig ang boses ko. Suminghap ako at pakiramdam ko ay nawawalan ako ng hangin. 

"I know, baby. I know. I don't want to scare you. Please, don't be scared," malambing niyang sinabi. 

Kitang-kita ko ang frustration sakaniya ngayon. Ang dalawang kamay ay nakahawak sa manibela at pagod akong dinudungaw. 

"I'll take it slow..." bulong niya bago pinausad muli ang sasakyan. 

Tulala pa ako nang halos mapatalon ako nang maramdaman kong hinawakan niya ang kamay ko na nasa aking hita. 

Nilingon ko siya at naabutang tutok siya sa daan. Nalaglag ang panga ko nang dinala niya iyon sakaniyang mga labi at marahang hinalikan. 

Mapungay ang kaniyang mga mata nang tumingin sa akin. Nasa labi pa rin niya ang kamay ko. 

"What do you wanna eat?" marahan niyang untag bago ibinaba ang aking kamay. Nakatuon na ngayon ang mga mata niya sa harapan. Nasa highway kami kaya pasulyap-sulyap lang siya sa akin at hindi nagtatagal ang tingin. 

Ramdam ko ang kuryente sa aking batok. At ang mga nagwawala sa aking tiyan ay mas lalong nagkagulo ngayon. Tila ba alam na alam nila na may nangyayaring ganito. Pumikit ako nang mariin at kinalma ang sarili. Sukdulan na ang paghataw ng puso ko ngunit sa kabila noon, hindi ko maipaliwanag ang nag-uumapaw na tuwa na hindi ko maipaliwanag. 

"Kahit ano. H-Hindi ko alam," sagot ko nang hindi siya nililingon. 

Hindi siya sumagot. Nakita ko na lamang na niliko niya sa drive thru ang sasakyan sa isang fast food. Pinanood ko siyang sabihin ang kaniyang order. Nakita ko pa ang walang hiyang pagkakalaglag ng panga niyong crew habang ibinibigay sakaniya ang mga order. May binulong siya sa babaeng nakatalikod at kaagad itong tumingin sa banda namin. Nang bumalik ang babaeng crew dala ang isa pang brown paper bag ay marami na siyang bitbit na mga kasamahan na sinisipat ang aming sasakyan. Mukhang naibalita na nito na may gwapong nasa drive thru! 

"Hi sir! Welcome to McDonald's!" 'Yan ang magarbong sinasabi ng mga nakiki-usyosong staff. 

Kumunot ang noo ko at ngumuso. Tinignan ko si Hayes na seryoso lamang nilalapag ang dalawang brown paper sa aming tabi. Tumango lamang siya nang todo ngiting nagpasalamat ang babaeng staff at halos lahat sila ay kumaway nang paalis kami. Napailing na lamang ako. 

"Itatabi ko ang sasakyan. Let's eat first," aniya. 

Halos hindi ko maubos ang fries habang kinakain ito. Nililingon ko si Hayes na mukhang wala naman problema sa sitwasyon na ito dahil normal lang siyang kumakain. Salungat sa akin na halos hindi na makakain dahil sa presensiya niya. 

"Marwa, just eat. Please, stop staring," aniya bago nilapag ang drinks sakaniyang tabi. Umiling siya at ngumisi sa akin.

Uminit ang pisngi ko. 

Napakurap ako at nag-iwas ng tingin. 

"Hindi naman kita tinititigan," sabi ko kahit na huling-huli na ako! 

Tahimik lamang ang aming biyahe hanggang sa makarating sa gusali ng condo. Mabilis kong hinawakan ang handle ng sasakyan pagkaparada at binuksan iyon. Bumaba ang salamin nito nang tuluyan na akong nasa labas. Seryoso lamang si Hayes habang tinatanaw ako mula sa loob. 

Kinagat ko ang labi ko at ngumiti. "Salamat. Mag-iingat ka," marahan kong saad at hindi na hinintay pa ang sasabihin niya. 

Kinalma ko ang sarili ko pagkapasok sa elevator. 

Bakit ganoon? Bakit ang bilis naman? Bakit pakiramdam ko hindi sapat iyon? Bakit parang mas gusto ko pa ng mahabang oras kasama siya? 

Pumikit ako nang mariin.

Shit! Ayaw ko ng ganito. Hindi ko ito nagugustuhan. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status