Share

Chapter 18

"Ano 'yan?" untag ni Neal habang nagmamaneho. Nilingon ko siya at nakitang nakadungaw siya sa hawak kong pulang box. May hinahanap ako sa aking bag kaya inilabas ko ang mga gamit ko.

"Kwintas." Nagkibit-balikat ako at nagpatuloy sa paghahanap sa aking ponytail. 

"Bigay nino?"

"A friend." Binalik ko ang mga gamit ko nang matagpuan ang hinahanap.

"A friend wouldn't give that kind of gift, Marwa," may diin sakaniyang boses. 

Hinawi ko ang aking buhok bago ko ito tinali sa isang bun.

"Ikaw nga singsing, eh." Humalakhak ako. Kinagat ko ang aking labi nang matantong hindi yata tama ang sinabi ko.

"That's because I don't want to be your friend," aniya at sumulyap sa akin ngunit nag-iwas agad ng tingin at marahas na bumuga ng hangin.

"Sino ang nagbigay, Marwa? Pinopormahan ka?" Diretso ang kaniyang tingin sa kalsada.

Kumunot ang noo ko. "Ewan ko. Binigay niya lang kanina. Graduation gift daw. Hindi ko alam, Neal," sagot ko sa hindi interesadong tono. 

"Dapat ay hindi mo na lang tinanggap. Bakit? Do you like whoever gave you that necklace? Ni hindi mo natanggihan? Ganoon ba?" Nahimigan ko ang pait sakaniyang tono.

Umawang ang mga labi ko at pinagmasdan siya.

Kunot ang kaniyang noo habang ang mga mata ay diretso ang tingin. Ni hindi niya ako nililingon.

"Masama bang tumanggap ng regalo, Neal?" May bahid na ng iritasyon ang boses ko dahil sa inaasal niya. Bakit ba parang pinapalaki niya ang pagtanggap ko ng regalo?

"Ang masama ay ang pinapaasa mo iyong tao, Marwa. Iisipin ng kung sinumang poncio pilatong nagbigay sa 'yo niyan ay gusto mo rin siya!"

Hindi ko makuha ang punto niya. Seryoso ba siya? Sa simpleng pagtanggap ko ng regalo, nagkakaganito siya?

Umiling ako at hindi na lang nangahas na sumagot. Walang katuturan ito. Sumulyap na lang ako sa bintana at hinayaan siyang magmaneho roon.

Tumunog ang cellphone ko dahil sa natanggap na mensahe mula sa isang hindi kilalang numero. Ngumuso ako habang binabasa iyon. 

– Hey, Marwa. Sana ay mapagbigyan mo ako kahit isang dinner lang. I hope you like my gift. This is Trevan. Yep. I have your number because I have connections. 

Kanino naman kaya niya nakuha ang numero ko? Nag-reply ako kahit papaano. 

– Salamat, Trevan. Pero sana huwag nang masundan pa ang binigay mong regalo.

Nilagyan ko ng isang smiley para naman hindi masyadong dry ang reply ko. Isang minuto ang tinagal ng kaniyang reply. Hindi ko inasahan na ganito iyon kahaba! Kaya pala natagalan! 

– I'm glad you like it. I want to get to know you more, Marwa. Hindi sapat ang paglapit ko kanina sa 'yo. I really wanna date you. I hope you won't be uncomfortable with this but I just want you to know that I like you a lot. Matagal na, Marwa. 

Ilang sandali akong natulala sa kaniyang mensahe. Hindi ko alam kung dapat ko bang pantayan ang haba ng kaniyang text. Ngunit dahil wala talaga akong alam sabihin ay nagdesisyon na lang akong huwag mag-reply.

"Sino 'yan?" 

Nilingon ko si Neal at kinunotan siya ng noo. 

"Kaibigan lang." Nag-iwas ako ng tingin. 

"Kaibigan na naman, Marwa?" Nag-iba ang kaniyang tono kaya hindi ko mapigilan ang pag-usbong muli ng iritasyon ko. 

'To na naman siya! Hindi naman niya nakikita kung sinong ka-text ko. Malay ba niya kung sina Sania o Julia! Kung makapagduda siya ay akala mo may dapat pagdudahan! 

"Kaibigan nga lang, Neal. Sino ba sa tingin mo?" 

"Aba, malay ko ba kung sino 'yan! Respeto naman sa akin, Marwa. Narito ako, oh. Bakit ka pa naghahangad ng iba?" iritado niyang tugon. 

Pumikit ako nang mariin at suminghap. 

"Neal, hindi ito ang tamang oras para riyan. Mag-drive ka muna." Sinubukan kong maging mahinahon. 

"I can fucking drive while I talk to you! I want you to stop texting whoever the fuck is that! Hindi ako nagsayang ng mga taon sa paghihintay sa 'yo para mapunta ka lang sa kung sino lang!" Hinampas niya ang manibela at halos tangayin ang kaluluwa ko nang bumilis ang kaniyang patakbo sa sasakyan. 

Nalaglag ang panga ko. 

"Neal! Shit! Ano ba?!" sigaw ko habang ang buong sistema ko ay nabalot ng takot. 

"Sabihin mong ako lang, Marwa! Ako lang dapat!" 

Hindi ko alam kung anong magiging reaksiyon ko sakaniya! Pulang-pula ang kaniyang mukha at pakiramdam ko'y hindi siya ang kilala kong Neal! Dumoble ang takot sa akin habang nakatitig sa kaniya. Bumilis ang paghinga ko at halos manginig sa aking kinauupuan.

Hininto niya ang sasakyan sa gilid ng highway. Tulala ako dahil sa nangyari. Hindi ko pa magawang mahagilap ang sarili ko nang maramdaman ko ang haplos niya sa kamay ko. Mapungay ang kaniyang mga mata habang tinatanaw ako. 

"I'm sorry, Marwa. H-Hindi ko sinasadya. Patawarin mo ako..." Nanginig ang kaniyang boses. 

Hindi ko magawang sumagot. Nakatulala lang ako sakaniyang mukha na punung-puno ng pagsisisi at takot habang hinawakan ang kamay ko. 

Lumunok ako at sinubukang bawiin ang kamay. 

"B-Bababa na lang ako," bulong ko, wala sa sarili. Ramdam ko pa rin ang takot dahil sa mabilis niyang pagmamaneho. 

"N-No! No. Marwa, ihahatid kita. I'm sorry. Ayaw kong magalit ka sa akin. Sorry na..." Nagsusumamo ang kaniyang boses. 

Kumunot ang noo ko at nag-iwas ng tingin. Pinakalma ko ang aking sarili nang ilang sandali. Unti-unti na rin siyang kumalma. Hindi na ako nagsalita pa, ganoon din siya. Hanggang sa pinausad niyang muli ang sasakyan.

Hindi ako nagsalita nang makarating sa gusali ng condo. Mabilis akong lumabas at hindi na lumingon pa. 

Kumain ako at naligo pagdating sa condo. Hindi mawala sa isipan ko ang nangyari. Ngayon ko lang nakitang ganoon si Neal. Ngayon lang ako natakot nang ganoon sakaniya. Hindi ko makuha kung bakit ganoon ang naging reaksiyon niya kanina.

Pinilit kong iwaksi sa utak ko ang nangyari. Siguro ay may problema siyang hindi nasasabi sa akin at nasabayan ko pa iyon kaya hindi na niya nakontrol pa ang sarili.

Inabot ko ang aking cellphone dahil napagpasyahan kong tawagin si Tita Margaret. Hindi ko alam kung pauunlakan niya ba ang gusto ko. Ni hindi ko alam kung nasa bahay ba siya na tinitirahan namin noon. Hindi siya tumatawag sa akin. Wala akong balita sakaniya. 

"Hello, Tita?" Kinagat ko ang labi ko. 

Dinig ko ang maingay na musika sa kabilang linya. Unti-unting humina ang musika at tingin ko'y lumayo siya sa ingay. 

"Hello? Marwa? Bakit ka naman tumawag?" Hindi nakatakas sa akin ang iritasyon doon.

"Tita, graduation ko po sa susunod na buwan. P-Pwede ko po ba kayong imbitahan na umakyat sa stage?" 

Ilang sandali bago siya nakasagot. May narinig ako sa background na mukhang tinatawag siya. 

"Sunod ako! Teka lang! Hello? Ano kamo, Marwa? Gra-graduate ka? Bakit?" 

Hindi ko alam kung matatawa ba ako o ano. Anong bakit?

"Pwede niyo po ba akong samahan umakyat ng stage? W-Wala naman po kasing iba na pwede..." Lumunok ako. 

"Hay! Oo na! Sige na! Pupunta ako. Sige na. Ibababa ko na ito." Bago pa ako makasagot ay tuluyan nang naputol ang linya. 

Natulala ako nang ilang sandali. Tumuntong ang alas onse ng gabi. Nagtungo ako sa aking kwarto at tumihaya sa kama. Ilang sandali akong tulala sa madilim na kisame. Sa bawat segundo ay kung anu-anong pumapasok sa utak ko. Hindi ko maintindihan. Hindi ko namalayan ang pagdalaw ng pait sa sistema ko. Ganito palagi. Bawat gabi, tuwing mag-isa ako, ginagambala ako ng matinding kalungkutan. Kahit gaano ko man pilitin ang sarili kong maging matatag, hindi ko pa rin magawa. Hirap na hirap ako. Ganito palagi ang nangyayari tuwing sarili ko na lang ang kasama. Miss na miss ko na si Mama. Miss na miss ko na ang boses niya. Miss na miss ko nang maramdaman ang pagmamahal niya. At ang ama ko... hindi ako makapaniwala na sobrang bilis lang ng pagsasama namin. Parang pinatikim lang ako ng mundo sa pansamantalang saya at kaagad din itong binawi sa akin. 

Humagulgol ako at sinapo ang aking mukha. 

Para akong nababaliw. Hindi matigil ang pag-iyak ko. Ang sakit-sakit sa puso. Ang sakit-sakit sa pakiramdam ng ganito. Iyong wala kang masabihan. Iyong wala kang makausap. Iyong tinatago mo lang sa sarili mo ang lahat ng sakit. Sa bawat pagtatago mo, mas lalong lumalala. Sa bawat paglilihim mo, mas lalong nagiging mabigat. Sana ay may nakakausap ako. Sana ay may handang makinig. Kahit isa lang... kahit isa lang sana. 

Ang hapdi ng lalamunan ko. Hindi matigil ang mga luha ko. Para bang sa bawat patak ay mas lumalala ang hirap sa akin. Tila kinakain ng dilim ang buong pagkatao ko. Hindi ko maintindihan. 

Nakatulugan ko ang lungkot. Pagkagising ay halos wala akong lakas. Para akong pagod na pagod kahit pa na kagigising ko lang. Ganito naman palagi. Hindi ko pa rin magawang masanay. Ayaw kong masanay. Hindi tama na masanay ka sa isang bagay na mapanganib. Dahil sa oras na mangyari ito, hahanap-hanapin mo iyon. Ikatatakutan mo na ang pagiging masaya. 

Tulala ako sa kusina habang nagkakape. May mga mensahe akong natatanggap ngunit hindi ko iyon pinapansin. Isang katok sa pintuan ang nagpabalik sa akin sa huwisyo. Hindi ko inaasahan ang pagbungad sa akin ni Denver. Puting panloob, itim na jacket at maong pants ang kaniyang suot. Pinaupo ko siya sa sofa at pinagtimpla ng kape. 

"Narinig ko na pupunta rito si Maam Minerva upang kunin ang condo, Marwa. Ngayong wala na si Mr. Albarenzo, palagay ko ay mas nagkaroon siya ng lakas ng loob para palayasin ka rito lalo pa't alam niyang sa asawa niya nakapangalan ang condo." 

Natulala ako sa narinig. Inaasahan ko na mangyayari nga iyon. Ngunit wala pa akong nabubuong plano. Hindi ko alam kung saan ako lilipat. Hindi ko alam kung tatanggapin ba ako ng tiyahin ko. 

Pinisil ko ang kamay ko. Ano nang mangyayari sa akin ngayon? 

"K-Kung ganoon... sige. Wala naman akong magagawa kung kukunin niya ito. M-Maghahanap ako ng matutuluyan. Kahit maliit na kwarto lang." Nag-iwas ako ng tingin nang hindi ko na mapigilan ang pag-iinit ng sulok ng mga mata ko. 

"Marwa, iniisip mo ba na iiwan ka ng ama mo nang hindi ka binibigyan ng pamana? Of course not. Hindi iyon hahayaang mangyari ni Mr. Albarenzo."

Seryoso lamang siya at tila sigurado sakaniyang sinabi. 

"H-Hindi ko naman kukunin ang pamana, kung mayroon nga. Hindi ko iyon kailangan, Denver. Mas magagalit sa akin ang pamilya niya kung tatanggapin ko iyon." Kinagat ko ang labi ko. 

Iyon ang totoo. Nasisiguro kong hindi makakapayag si Minerva na makuha ko ang mana, kung sakaling mayroon nga. Siguro ay ang dapat ko na lang gawin ay ang lumayo sa pamilya ni Mr. Albarenzo. Ako lang naman ang tinik sa buhay nila. Kung lalayo ako, hindi na nila ako kailangan pang problemahin. Aalis ako sa condong ito. Susubukan kong kausapin ang tiyahin ko. Kung hindi man ito papayag, wala akong ibang paraan kundi ang maghanap ng sariling matutuluyan. 

"Hindi ko pa alam kung ano ang nasa kaniyang last will. Hindi pwedeng wala kang parte roon, Marwa. Anak ka rin niya." 

"Anak sa labas..." may halong pait kong sinabi. 

"Still. Anak ka pa rin niya. Abogado si Mrs. Filomena. Sa ganitong kaso na may mamanahin ang isang illegimate child, I'm sure she knows the process." 

Buo ang desisyon ko na hindi tanggapin ang mana. Hindi ko iyon kailangan tulad ng sinabi ko. Kayang-kaya kong magtrabaho habang nag-aaral. Kayang-kaya kong kumuha ng scholarship. Kakayanin kong mabuhay nang hindi umaasa sa kahit kanino o kahit na ano. 

"Hindi na kailangan, Denver." Bumagsak ang tingin ko sa kamay kong pinaglalaruan ang tela ng aking ternong kulay pulang checkered na pantulog. 

"What? Sinong tao ang hindi kailangan ang pera, Marwa? At bakit ayaw mong tanggapin? Karapatan mo iyon. Walang magagawa roon si Ma'am Minerva. You need the money for your education, for your everyday expenses. Saan ka kukuha ng panggastos kung hindi mo kukunin?" may diin na sinabi ni Denver. Nag-angat ako ng tingin sakaniya at kitang-kita ko ang iritasyon. 

Nag-iwas ako ng tingin. Hindi niya naiintindihan. Ayaw ko nang tumagal pa ang diskusyon na ito gayong hindi na magbabago ang desisyon ko. 

Isang buwan na lang ay gra-graduate na kami. Masayang-masaya ang lahat. Sa mga makakakuha ng awards, sa mga handaan at sa pagtatapos bilang senior high. Sabik na sabik sila na tumungtong ng kolehiyo. Sina Julia, Trixi at Sania ay tuwang-tuwa habang nagkwe-kwentuhan dito sa aming cafeteria. 

Hindi ako makasabay sa mga kaibigan kong nag-uusap. Lumilipad ang utak ko. Ni hindi ko na nga alam kung anong pinag-uusapan nila. Paulit-ulit kong tinatapik ang ballpen sa mesa habang nakatingin sa kawalan. 

"Ikaw, Marwa? Ang tiyahin mo ba ang pupunta sa iyo?" 

Nilingon ko si Sania. Nakangiti siya sa akin ngunit basang-basa ko ang awa roon. Nilingon ko sina Julia at Trixi na nakatingin na rin sa akin.

Tumikhim ako at nag-iwas ng tingin. Kanina pa sila nagsisikap na isabay ako sa pag-uusap nila. Pansin siguro ng mga ito na wala ako sa sarili.

"Hkndi ko alam. Hindi ko pa nakausap si tita tungkol diyan," sagot ko dahil hindi rin naman ako sigurado kung talagang pupunta siya gaya ng sinabi niya. 

"Bakit naman? Dapat sabihan mo na kaagad ang tiyahin mo," si Sania.

"Sa susunod na buwan pa lang naman ang graduation. At kung hindi man siya dumalo, ayos lang. Hindi na lang ako pupunta," wala sa sarili kong sagot. 

"Marwa, hindi ko maisip ang sarili ko sa kalagayan mo. Namatayan ka pero ang hinayupak mong tiyahin parang walang pakialam sa iyo! Responsibilidad ka niya kung tutuusin," iritado ang tono ni Trixi. 

"Marwa, paano na niyan? Saan ka tutuloy? Ngayong wala na ang... tatay mo, baka kunin ng asawa niya ang condo." Titig na titig sa akin si Sania. Tila inaabangan talaga ang magiging sagot ko. 

Kung mangyari man iyon, siguro wala na akong magagawa kundi ang ibigay na lang nang tuluyan ang condo. Kanila naman talaga iyon. Hindi ko na lang ipaglalaban. Bahala sila. Hindi ko na alam kung saan ako pupulutin kung nagkataon. 

Hinawi ko ang aking mahabang buhok at pagod na sumandal sa upuan. Iyon naman talaga ang plano ko. Kung sakaling hindi makakapunta si Tita Margaret, hindi na lang ako dadalo sa graduation namin. Ayos lang. Matapos ng nangyari, wala na akong gana para sa kahit na ano. May diploma pa rin naman ako kahit hindi na ako umakyat sa stage.

"Ewan ko. Hindi ko alam, Sania." Marahan akong pumikit at umiling. 

"Sa amin ka na lang tumuloy noon, Marwa. Tabi tayo sa kwarto ko. Sigurado akong maiintindihan ni mama," pursigido ang tono ni Julia. 

Bumaling ako sakaniya at tinitigan ang kaniyang mukha. Suminghap ako at lumunok. "Ayos lang, Julia. Salamat sa inyo. Ako nang bahala."

Unti-unti nang lumulubog ang araw nang pinayagan kaming umuwi. Sinubukan kong maging masigla sa harapan ng mga kaibigan ko dahil batid ko ang pagmamasid nila sa akin. Para bang mayamaya ay inaasahan nila ang pag-iyak ko. Tapos na akong umiyak. Napagod na siguro ang utak kong isipin ang malungkot na pangyayaring iyon.

Sa pagliko ko sa kalsadang dinadaanan ko pauwi, hindi ko alam kung tatakbo na lang ba ako pabalik nang maaninag ko ang isang pamilyar na sasakyan.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status