Share

Kabanata 10

Aviona’s POV

“Kain lang nang kain, iha.”

Natapos nang gamutin at balutin ng benda ni Manang Eba ang aking sugat. Kaagad niya akong pinakain nang matapos. Nagpresinta akong kumain nang mag-isa ngunit nagpumilit siyang subuan ako. Ang katwiran niya ay hindi raw ako makakakain nang maayos dahil sa aking sugat.

“Lagi kitang hinihintay na bumaba upang mabantayan ka naming kumain. Ang kaso naman ay madalang ka lamang na lumabas sa kwarto mong ito.” Muli siyang sumalok ng pagkain gamit ang kutsara saka isinubo sa akin.

Nilunok ko muna ang pagkain sa aking bibig bago nagsalita. “Pasensya na po kayo. Hindi po kasi ako sanay na humarap sa mga tao,” pag-amin ko.

“Naiintindihan ko naman. Ang sa akin lang, kung may problema ka, magsabi ka sa amin. At kung wala man kaming maibigay na adbays, kahit papaano naman ay may napagsabihan ka. May nakinig sa iyo. Tulad nga ng napanood ko sa tibi, malaking gaan sa pakiramdam ang paglalabas at pagsasabi ng saloobin.” Hinaplos-haplos niya ang aking likuran.

Tipid akong ngumiti sa kaniya. “Susubukan ko po.”

Napangiti siya. “Alam mo ba? Nagulat ako nang araw na dalhin ka rito ni Ser Stabros. Unang beses niya lamang kasing mag-uwi ng babae n’on. Ang akala ko nga ay pinsan o pamangkin ka niya na makikitira lang saglit dito. Kaya naman sobrang gulat ko nang malaman kong asawa ka pala niya.”

Kiming mga ngiti at pagtango lamang ang binigay ko sa kaniya.

“Mabait naman iyang si Ser Stabros. Minsan nga lang ay may kasungitan siyang taglay. Siguro ay dahil sa kawalan niya ng nobya noon. Akala ko nga ay balak niyang tumandang binata. Ay susko! Sayang naman ang lahi.” Napasapo pa siya sa kaniyang noo. “Kaya naman laking tuwa ko nang malaman kong ikinasal na siya. Kahit na nakakagulat ang balitang iyon,” dugtong niya.

Nakakatuwa. Ganito pala ang pakiramdam kapag may kausap ka. Iyong kausap na hindi ka lang kakausapin dahil may kailangan siya sayo. Iyong handang pakinggan ang hinaing mo sa buhay. Iyong nag-aalala kapag may nangyayari sa iyong hindi maganda.

Buong buhay ko kasi ay walang nagtangkang makinig sa akin. Sa tuwing nagsusumbong ako, sa tuwing nagsusumamo ako, nagiging bingi silang lahat.

Iyong mga taong akala ko ay pwede kong lapitan noong panahong unti-unting sinisira ang aking pagkatao, wala. Hindi pala sila maaasahan. Dahil dinaig pa nila ang mga bulag at bingi.

Tandang-tanda ko pa rin kung paano nila ako tinanggihang tulungan.

“Ano bang pinagsasabi mo, iha? Alam mo bang kasalanan ang mambintang sa iyong kapwa? At talagang si Tata Pedro pa ang pinagbibintangan mo! Dios mio kang bata ka!” Hawak-hawak ni Sister Janet ang kaniyang dibdib na animo’y gulat na gulat sa aking isiniwalat sa kaniya.

Si Sister Janet ang isa sa mga pinakamalapit sa akin na tagapamahala sa bahay-ampunan na ito. Kaya naman ay siya ang naisipan kong pagsumbongan dahil hindi ko na kaya ang ginagawa ni Tata Pedro sa akin.

Labing-anim na taong gulang na ako. Kaya akala ko ay maniniwala siya sa akin. Ngunit mukhang nagkamali ako.

“Pero, sister. Nagsasabi po ako ng totoo! Ginahasa po talaga ako ni Tata Pedro! Ginagahasa niya po ako hanggang ngayon!”

Para niyo na pong awa! Pakinggan niyo naman po ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi ko na alam kung sino ang maaari kong lapitan.

Hinila ako ni Sister Janet papalapit sa kaniya. Nanatili ang kaniyang mga kamay na nakapatong sa magkabilang balikat ko. “Makinig ka sa sasabihin ni Sister Janet, iha ha?”

Umiling ako at suminghot. Wala ring tigil ang pagpatak ng aking mga luha.

Hindi siya naniniwala. Bakit? Bakit?! Hindi ba niya ako mahal? Hindi ba ako mahalaga sa kaniya? Hindi ba siya nag-aalala sa akin? Hindi ako kailanman nagsinungaling sa kaniya. Bakit ngayon ay ayaw niyang maniwala sa akin?

“Walang ginawa si Tata Pedro sayo. Sobrang bait ni Tata Pedro. Lalo na sayo. Hindi ko alam kung bakit mo nasasabi iyan sa kabila ng kabutihang ginagawa niya sayo. Ikaw pa nga ang paborito niya eh. Gusto mo bang mapaalis sa bahay-ampunan na ‘to? Gusto mo bang tumira sa lansangan? Sa lansangan wala kang maayos na higaan at wala ring pagkain doon. Hindi ka rin makakapag-aral kapag nasa lansangan ka na. Gusto mo ba n’on?”

Muling tumulo ang luha mula sa aking mga mata. Akala ko ay manhid na ako. Pero nasasaktan at nasasaktan pa rin ako sa tuwing nagbabalik-tanaw ako sa aking nakaraan.

Kaagad na pinunasan ni Manang Eba ang aking mga luha gamit ang kaniyang hinlalaki. “Gusto mo ba munang magpahinga?” Mababanaag sa kaniyang mga mata ang pag-aalala.

Tumango ako bilang sagot.

“O sya, sige. Basta ipapangako mo sa akin na hindi mo na uulitin ang ginawa mo sa kamay mo. Dahil baka atakihin na ako sa susunod na mangyari pa ulit ‘yon, anak.”

Muli akong ngumiti.

Ang bait niya talaga. Kung sana kasing bait niya ang lahat ng tao sa mundo na nakasalamuha ko, siguro naging masaya at nagkaroon ng direksyon ang buhay ko.

Lumipas ang saglit at nakalabas na si Manang Eba sa aking silid dala ang medicine kit at pinagkainan ko.

Habang ako naman ay naiwan dito. Nakahiga sa malambot na kama. Nakatitig sa kisame. At punong-puno ng mga isipin ang utak.

Bigla kong naalala si Stavros. Naalala ko rin ang kaniyang mukha habang humihingi ng tawad kanina.

Pumasok na kaya siya sa trabaho? Nagalit kaya siya dahil sa ginawa kong pagsagot sa kaniya kanina at sa hindi ko pagtanggap sa kaniyang paumanhin?

Ang sabi ni Manang Eba kanina ay mabait daw si Stavros. Ngunit hindi ko alam kung maniniwala ba ako sa kaniya. Dahil simula nang nagkakilala kami ay hindi na natanggal ang takot ko sa kaniya.

Dahil sa mga nangyari sa buhay ko ay nawalan ako ng tiwala sa mga tao. Lalo na sa mga lalaki. Hirap na hirap akong magtiwala sa mga taong nakakasalamuha ko. Pakiramdam ko, sa isang saglit lamang ay may gagawin na sila sa akin na hindi maganda. Parang sasaktan nila ako lagi. Natatakot din akong buksan ang sarili ko sa kanila dahil baka sa huli ay hindi sila maniwala at akalain pang isa akong baliw. Kaya mas pinipili kong magkulong na lamang at magtago mula sa mga taong maaaring makasakit sa akin.

At isa na roon si Stavros. Kailangan kong iwasan si Stavros hangga’t maaari. Dahil mapanganib siya. Dahil isa siyang lalaki.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status