Share

Kabanata 9

Aviona’s POV

Sa mundong aking ginagalawan ngayon, maaari akong maihalintulad sa isang may sinding kandila. Unti-unting natutunaw at nauubos. Hindi alam kung gaano katagal ngunit siguradong nauubusan na ng oras.

Alam kong lahat ng buhay, bagay at pangyayari sa mundo ay may katapusan. Kalabisan na ba kung hihilingin ko sa Maylikha na tapusin na ang aking paglalakbay?

Dahil para saan pa ang pagpapatuloy? Gayong bago pa ako magsimula ay may pumigil na sa akin na tuklasin ang kabutihan at kagandahan ng mundo.

Pagod kong iminulat ang aking mga mata. Agad na bumungad sa akin ang magarang kisame ng aking kwarto. Narito na naman ako. Sa isang hawla na kung saan ako mismo ang namiling ikulong ang aking sarili.

Bakit ba hindi pa ako namamatay? Ano pa ba ang ganap ko sa mundo? Ano pa bang kalupitan ang kailangan kong danasin bago Niya mapagpasyahang bawiin ako?

Pagod na pagod na ako. Hindi lang ang aking katawan kundi pati ang aking isip, puso, at kaluluwa.

Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakatitig sa kisame. Tumigil lamang ako nang makaramdam ako ng kakaibang sakit mula sa aking braso.

Unti-unti kong inilipat ang aking tingin sa aking kaliwang braso.

May benda ang aking palapulsuhan.

Muli kong naalala ang ginawa kong paglalaslas pagkagising ko kaninang madaling araw.

Akala ko ay katapusan ko na. Ngunit hindi pa pala. Dahil narito pa ako. Mulat na mulat at humihinga pa.

Sayang. Sinigurado ko pa naman na tinamaan ko ang ugat sa aking braso.

Sino kaya ang gumamot sa aking mga sugat?

Hinaplos ko ang nakabenda kong palapulsuhan. Pipisilin ko sana ito ngunit biglang bumukas ang pinto ng aking kwarto.

Mula sa aking kinahihigaan ay nakita ko si Stavros.

Nanlaki ang aking mga mata at kaagad na kumalat sa aking sistema ang takot. Napabangon ako at napaupo.

Kaagad akong umatras sa ulunan ng kama. Napangiwi ako sa sakit dahil ang naitukod ko palang braso ay iyong may sugat.

“A-anong g-ginagawa mo rito?” padepensang tanong ko.

Natigilan siya sa kaniyang paglapit dahil sa aking tanong. Bumaba ang kaniyang tingin sa kaniyang mga kamay.

Sinundan ko rin iyon ng tingin.

May hawak-hawak siyang tray ng pagkain.

Tumikhim siya. “Nagdala lang ako ng makakakain mo. Wala pa kasing laman ang iyong tiyan mula kaninang umaga. Pananghalian na ngayon,” mahinahong sagot niya.

Bakit parang ang amo niya ngayon? Hindi ba’t kagabi lamang ay galit na galit siya sa akin?

May binabalak kaya siya kaya niya ako kinakausap nang mahinahon ngayon? At nagawa niya pa akong dalhan ng pagkain.

Bumalik ang aking atensyon sa kaniya nang marinig kong muli ang kaniyang mga yabag.

“’W-wag kang lalapit!” tarantang sigaw ko sa kaniya. Hinila ko ang kumot upang matakpan ang aking katawan. Saka ko kinuha ang unan at itinakip sa aking dibdib.

Napaawang nang bahagya ang kaniyang labi dahil sa aking sigaw.

“Hindi kita sasaktan,” sambit niya nang makabawi sa pagkabigla.

Iyan din ang sabi sa akin Tata Pedro noon. Pero sa huli, lagi niya akong sinasaktan sa paraan na kailanman man ay hindi maghihilom ang mga sugat na dulot niya.

“Sinungaling! Sinungaling kayong lahat!” galit na bulyaw ko sa kaniya. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang tapang na naibabato ko sa kaniya ngayon. Nagawa ko siyang tingnan, mata sa mata. “Wala kayong ibang ginawa kundi ang saktan ako! Hindi niyo nga ako sinasaktan ng pisikal pero ang dangal at katinuan ko naman ang kinuha niyo! Wala nang natira sa akin! Kinuha niyo nang lahat! Bakit ba ayaw niyo pang tumigil? Patayin niyo na lang ako para niyo nang awa.” Humina ang aking boses sa bandang huli. Wala ring ampat ang pag-agos ng luha sa aking mga mata. Napayuko ako at pilit na pinunasan ang mga luhang lumalabas.

Lumabas ang saloobing ilang taon kong itinago. At nakakatawa dahil sa harap pa ng taong hindi ko naman lubos na kilala.

“Look at me, Aviona,” utos niya.

Nawala na ulit ang tapang ko. Hindi ko na siya kayang tingnan pa ulit.

Baka galit siya dahil sinigawan ko siya.

“Look at me, please?” mas mahinahong sambit niya.

Hindi ko alam ngunit ang marinig ang kaniyang pakiusap ay naghatid ng kakaibang pakiramdam sa akin kung saan kusang kumilos ang aking mga mata upang tingnan siya.

Naroon pa rin siya kung saan siya huling tumigil. Hindi siya gumalaw. Wari ko ay nakatitig lang siya sa akin habang umiiyak ako kanina.

“Aviona,” tawag niya sa akin.

May kakaiba sa kaniyang mga mata ngayon. Hindi ko matukoy ngunit malayong-malayo ito sa nakasanayan kong mga tingin niya. Hindi ko gustong tinitingnan ang kaniyang mga mata dati dahil wala akong masalamin na emosyon mula sa mga ito. Nagkakaroon lamang kapag galit siya.

Ang mga mata niya kasi ngayon ay may kakaibang kislap.

Ano bang gusto mong iparating, Stavros?

“I’m sorry about my actions last night. I know that there is nothing that can justify the mistake that I did. But I want you to know that I’m really sorry,” seryosong aniya. Titig na titig siya sa aking mga mata na para bang nangungusap na nagsasabi siya ng totoo.

Napaiwas ako ng tingin dahil hindi ko kayang tagalan ang intensidad ng kaniyang tingin. Gusto ko mang maniwala sa mga sinabi niya ay ayaw ng isip ko.

Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya. “If you don’t mind. I will come near you to lay down this tray on your bedside table. I swear. I will not touch you. Ilalapag ko lang ito at lalayo rin ako agad.”

Napalunok ako. Hindi ako sumagot sa kaniya.

Tinanggap niya bilang pagpayag ang aking pagtahimik.

Napapikit ako nang mariin nang maramdaman kong papalapit na siya. Pakiramdam ko ay bumilis ang pagtibok ng aking puso dahil sa kaniyang paglapit.

“I’m done.” Muli itong tumikhim. “Kumain ka na. Papaakyatin ko na lang si Manang Eba para linisin at gamutin ang sugat mo. Siya na rin ang magdadala ng iinumin mong gamot para gumaling na ang sugat mo.”

Hindi ako nag-abalang sumagot o balingan siya ng tingin. Narinig ko na lamang ang pagsarado ng pinto.

Dahan-dahan akong lumingon sa may pintuan at nakitang nakasarado na ang pinto. Saka ko lang din nalaman na tumigil pala ako sa paghinga.

Napasapo ako sa aking dibdib at hingal na hingal na huminga.  

Nang bumalik sa normal ang aking paghinga ay bumangon ako at nagtungo sa banyo. Itinodo ko ang bukas ng gripo at saka naghilamos.

Ang malamig na tubig ay sapat na upang mahimasmasan ako nang bahagya mula sa mga nangyari mula kagabi. Napakapit ako sa pasimano ng lababo at tinitigan ang aking mukha.

Ang putla ng kulay ng balat ko pati ang aking labi. Dahil dito, halatang-halata ang pangingitim ng ilalim ng aking mga mata. Humupyak din ang aking mga pisngi. Tanda na nabawasan na naman ang aking timbang.

Napasuklay ako sa aking buhok. Maraming buhok ang nalagas.

Ipinangsalo ko ang aking kamay sa umaagos na tubig upang malaglag ang mga buhok na nalagas rito.

Hindi ko namalayan na masyado na palang napatagal ang aking pagbabasa.

Napangiwi ako nang naramdamanan kong nabasa ang benda sa aking kamay.

Pinatay ko ang gripo at saka lumabas. Pabagsak akong umupo sa kama at sinimulang tanggalin ang benda.

Ang hirap. Palibhasa ay isang kamay lang ang aking gamit.

 “Argh!” inis na ungot ko.

Tok tok tok!

“Si Eba ito, anak. Papasok na ako ha?”

Naabutan ako ni Manang Eba na hirap na hirap na magtanggal ng benda.

“Ay nako kang bata ka! Bakit naman pinipilit mong tanggalin ang benda sa kamay mo,” alalang saway niya sa akin. “Nako! Bakit mo naman binasa ito, anak!” tarantanta niyang saad.

Tumigil ako sa pagkalikot dahil inagaw na ni Manang Eba ang aking ginagawa. Tumitig na lang ako sa kaniya.

“Masakit ba ang sugat mo, anak?” sipat niya sa aking kamay matapos niyang tanggalin ang basang benda. “Nako! Ano ba naman kasi naisipan mo at hiniwa-hiwa mo ang kamay mo. Hindi naman ito tadtaran. Ang mga kabataan talaga ngayon!” Nililinis niya na ang sugat ko. May dala-dala siyang medicine kit kanina.

Hindi ko namalayang tumulo na pala ang luha ko. Napahikbi ako.

Napatingin na sa akin si Manang Eba dahil sa aking paghikbi.

Lalong nalukot ang kaniyang mukha sa pag-aalala. Kinulong niya sa kaniyang mga palad ang aking mukha. “Nako! Bakit ka umiiyak, anak? Masakit ba? Naging marahas ba ako sa paggamot ha? Bakit ka umiiyak?”

Napahagulgol na ako sa mga sinabi niya.

“Nako pasensya ka na, anak. Hindi ka naman kasi nagsasalita eh—”

Niyakap ko siya. Isinubsob ko ang aking mukha sa kaniyang balikat.

Nabigla siya ngunit makalipas ang ilang saglit ay niyakap niya ako pabalik at hinaplos ang aking buhok. “Ikaw na bata ka! Ano bang pinagdaraanan mo? Pwede ka namang magkwento sa akin. Sinasaktan ka ba ni Stavros ha?”

Dahil sa kaniyang ginawa ay hindi lang ang aking pisikal na katawan ang kaniyang niyakap. Niyakap niya rin ang malamig kong puso.

Bakit po? Bakit ngayon Niyo lang po ako binigyan ng taong handang makinig at mag-alala sa akin?

Bakit ngayon lang po kung kailan wala na akong dahilan pa para lumaban?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status