Home / Romance / ANNULMENT / Chapter 4

Share

Chapter 4

Hindi mawala ang ngiti sa mga labi ni Clavier hanggang nakauwi. Sa wakas ay nakita niya rin muli ang dating asawa at nakasama kahit sa maikli lang na sandali. Hindi lang iyon dahil may unlimited yakap pa. Masayang-masaya siya. Hindi man lang siya nakaramdam ng gutom dahil sa kaganapan kanina lang ay parang nabusog na siya—sa saya.

Matapos niyang kumain ay umakyat na siya sa kaniyang kuwarto at dumiretso sa banyo para mag-toothbrush. Nakasanayan na niyang maligo bago matulog pero sa pagkakataong ito ay hindi siya maliligo. Ayaw niyang mawala ang mabangong amoy ni Assy na halos dumikit sa kaniya. Kahit saang parte niya amuyin ang polo ay naroon ang pabangong laging ginagamit ni Assy noon at hanggang ngayon.

Para siyang timang na ngumingiti habang palabas ng banyo. Nagtungo siya sa kaniyang closet at kumuha ng puting sando saka nagpalit ng damit. Hinubad din niya ang pantalon at inilagay sa basket na nasa likod ng pinto sa banyo. Naka-boxer na lamang siya, tutal ganito naman siya tuwing natutulog. Binitbit niya ang polo at sumampa sa kama. Nakatihaya at nakadipa siya sa kama habang nakapatong sa kaniyang mukha ang polo. Inabot niya ang cellphone na nakapatong sa side table at binuksan ang gallery. Pinagmasdan niya ang mga litrato nilang dalawa ni Assy sa baba ng Parola. Nakapag-picture pa sila kanina bago umuwi. Ginawa niyang home screen wallpaper ang solo picture ni Assy at lock screen wallpaper naman iyong kuha na silang dalawa. Hinaplos niya ang litrato nito at ngumiti saka muling pumasok sa isip iyong sinabi ni Assy doon sa Parola.

“Tama siya. Dapat kong tanggapin ang nakaraan at itatama na ang ngayon para walang pagsisisihan bukas. Sisimulan ko, kung paano tayo nagsimula noon, Assy.”

Nilapag niya sa side table ang cellphone bago nagkumot at pinatay ang lampshade. Ngayon ay makakatulog na siya nang mahimbing.

After one week, makapagpahinga rin siya sa wakas! Inspired siyang nagtrabaho kaya sa loob ng isang linggo ay natapos niya ang tambak na mga gawain sa opisina. Nag-unat siya ng mga braso habang nakasandal sa swivel chair. Tiningnan niya ang cellphone at matamis na ngumiti. Isang linggo na rin hindi niya nakikita si Assy. Hindi niya rin matawagan dahil nakalimutan niyang hingiin ang number nito noong nasa Parola sila.

Isa sa dahilan kung bakit binilisan niya ang mga gawain ay balak niyang mag-leave kahit dalawang linggo lang. Gusto niyang magbakasyon at yayayain niya si Assy na sumama sa hiking at sea travel o saan man nito gustong magpunta. Napagdesisyonan din niya na hindi isama ang mga kumag na kaibigan lalo na't nasa plano niyang si Assy ang isasama. Naibalita na rin niya sa tatlo na dumating si Assy at natuwa naman ang mga ito.

Natigil siya sa pagmuni-muni nang tumunog ang alarm sa wristwatch niya. “Time for lunch.” Tumayo siya at tiniklop ang white folder bago lumabas ng office.

Saktong paglabas ay makakasalubong niya galing sa elevator ang sekretarya niyang si Rowena. Huminto ang babae at hinintay siyang makalapit sa kinatatayuan nito. Diretso lang siyang naglakad at agad naman itong bumuntot.

"Sir, may meeting po kayo mamayang 3 o'clock," ani Rowena.

"Okay, with whom?" tanong niya.

"With Mrs. Zafra, Sir."

Hindi agad siya nakasagot nang marinig ang pangalan ni Mrs. Revone Zafra. Once in a blue moon lang magpa-schedule ng meeting sa kaniya ang Ginang, at alam niyang importante ito. Napaisip siya kung ano ang posibleng problema. "Okay." 

Pinindot ng sekretarya ang open button ng elevator at pumasok siya nang bumukas iyon habang nagpaiwan naman doon si Rowena.

Bumili siya ng maraming pagkain at dinala sa Southville Tambayan. Doon siya magtatanghalian kasama ang mga kaibigan tutal sampung minuto lang naman iyon biyahiin. Pagdating niya roon ay nasurpresa ang tatlo sa presensiya niya pero hindi mawawala sa mukha ng mga ito ang pang-aasar. Masyadong good mood siya upang magpaapekto sa mga ito kaya inilabas na lang niya ang mga pagkain sa plastics.

“Mga dude! Tataya ako mamaya sa lotto, siguradong mananalo ako!” nakalabing saad ni Rey nang makaakyat bitbit ang mga plato at kutsara.

“Paano mo naman nasisigurong mananalo ka?” nakasunod na tanong ni Micmac. Bitbit naman nito ang glass pitcher at mga baso na nakalagay sa lagayan. Habang si Winston ay nakapuwesto na sa gitna ng mahabang sofa nito.

“Isa sa lucky number ko, ay ang araw na ito. Naghihimala kasi!” natatawang sagot ni Rey sabay ibinigay isa-isa ang mga plato bago umupo sa puwesto nito. 

Natawa rin ang dalawa kaya napailing si Clavier. Siya na naman ang tinutukoy nitong naghihimala. Himala na magkasama silang nag-lunch ngayon. Dati kasi ay palagi niyang tinatanggihan ang alok ng mga ito na sabay silang mag-lunch.

“Oo nga pala, dude.” Agaw pansin ni Winston na sumasandok ng kanin kaya nilingon niya ito. “Isama mo naman si Zsammsey dito. Hindi pa namin siya nakita simula no'ng sinabi mong nakauwi na siya, eh.”

“Hindi ko pa siya nakita ulit, eh.” Binuksan niya ang pineapple can juice at uminom.

“Eh, `di tawagan mo,” suhistiyon ni Winston.

Lumunok siya bago sumandal habang hawak ang can juice. “I forgot to ask her number.”

“Oww…” Mapanuksong lumingon sa kaniya si Rey. “Nakita mo lang siya, naging makalimutin ka na, ah!” Humaba ang nguso nito at pumikit saka kunwari'y humalik sa hangin na ikinangiwi ni Micmac at Winston. “Nakapuntos ka naman ba?” Nagkagat ito ng labi matapos dumilat.

Ibinato ni Winston ang kinuyumos na plastic sa mukha ni Rey. “Ang halay mo! Pati hangin pinapatos. Yak!” anas nito.

“Trabaho lang, walang personalan!” Ibinato pabalik ni Rey kay Winston ang plastic sabay tumawa.

“Kumain ka na nga lang.” Nilingon ni Clavier si Micmac sa kaliwa at busy lang ito sa kaharap na pagkain. Ibinalik niya sa sariling plato ang paningin at lihim na ngumiti.

Pagkatapos kumain ay bumalik siya sa opisina at kinuha sa drawer ang tablet. Doon niya binuksan ang kaniyang social media accounts at hinanap ang pangalan ni Assy. Nang makita iyon ay tiningnan niya ang bawat album nito ngunit nabigo siya sa nais makita—wala ni isang picture sa boyfriend nito. Tiningnan din niya ang status nito pero single ang nakalagay.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status