Share

KABANATA 5

Hindi mapakali si Mathilda habang paroo’t parito sa loob ng kaniyang opisina. Ilang araw ng hindi pumapasok si Lilliane at hindi rin nito sinasagot ang ano mang tawag at message niya at nababahala siya.

At kung hindi pa niya pinagtanong kanina kung pumasok ba si Lilliane ngayon ay hindi rin niya malalaman na ilang araw na pala itong absent. Nabinbin din ang mga dapat ay trabaho nito.

Naikuyom ni Mathilda ang kaniyang mga kamao at nanggigigil sa galit sa isiping tinakasan at pinagtataguan sila ngayon ng kaniyang pamangkin.

Mabibigat ang mga paa na nagmartsa siya palabas ng opisina. Kailangan niya ngayong gumawa ng aksyon.

“Carla!”

“Ma’am,” gulantang na napatayo ang kaniyang sekretarya sa biglaang sigaw niya.

Hindi mapigilang matakot at bahagyang mapaatras ni Carla dahil sa nakikita niyang galit sa mga mata ng amo.

“Kailangan kong malaman kung nasaan si Lilliane ngayon!” nagtatagis ang mga ngipin na sigaw nito, hindi alintana ang ilang mga empleyado na nakatingin at napasusulyap sa kanilang gawi, nakikiusyoso.

“Y-yes, Ma’am.”

“Hindi ko mapapalampas ang kung ano mang pinaplano at iniisip niya,” gigil nitong ani na halos ibulong na lang iyon sa hangin subalit hindi pa rin naman nakatakas sa pandinig ni Carla.

Kung tama ang kutob niyang tinakasan at tinataguan sila nito, alam niyang malamang ay dahil iyon sa nalalapit nitong pagpapakasal kay Mr. Fuentes. Batid niyang tutol na tutol doon si Lilliane at hindi siya makapapayag na mauudlot ang mga balak at plano niya.

“P-pero Ma’am, paano ko po pala mahahanap si Miss Lilliane kung—”

“Tonta!” singhal niya sa nanlalaking mga mata na muling nakapagpaatras kay Carla, “Pumunta ka ngayon sa condo unit niya. Tignan mo kung may makikita kang ano mang palatandaan kung nasaan siya—at kung umalis nga ba siya!”

“O-opo,”

Mabilis na umalis si Carla at nagmamadaling lumabas ng building.

Pagdating ni Carla sa condo unit ni Lilliane ay agad niyang isinuksok sa keyhole ang spare key na iniabot ni Mathilda sa kaniya bago siya tumalilis kanina.

Sinalubong siya nang madilim at napakatahimik na unit. Kinapa niya ang switch ng ilaw at bahagya siyang nasilaw nang lumiwanag ang loob.

Malinis at maayos ang loob ng unit.

Nasulyapan niya ang pinto ng marahil ay silid ni Lilliane at napansin na bahagya iyong nakabukas. Lumakad siya palapit doon at tinulak ang dahon ng pinto. Binuksan niya ang ilaw ng silid at tumambad sa kaniya ang magulong kama, ang heels na nakakalat sa lapag gayon din ang hinubad na dress na kulay soft blush pink.

Umawang ang labi niya at sinuyod ng tingin ang buong kuwarto.

Hindi nakasara ang pinto ng closet nito at may ilang damit na nalaglag at nawala sa pagkakasabit sa hanger.

Alam niyang may mali kaya agad niyang tinawagan ang among si Mathilda upang ipagbigay alam dito ang natuklasan niya.

Sa pagkakaestima niya sa bawat sulok ng unit ay batid niyang walang ano mang palatandaan na naroon si Lilliane.

“Ma’am, mukha pong tama kayo, wala po rito si Miss Lilliane,” mahihimigan ang pagkabahala at pag-aalala sa tinig ng babae. “Makalat din po ang loob ng silid niya. Nandito pa maging ang hinubad niyang dress at heels, nakakalat sa sahig.”

Nagtitimping napahinga nang malalim si Mathilda, nanggigigil at naiinis. Hindi siya maaaring matakasan ni Lilliane!

“Nandito pa rin naman po ang ilan niyang mga gamit pero mukhang wala na po rito ang mga personal niyang gamit.” ani nito habang may binubuklat sa isa sa mga drawer.

“Sinadya niya ang lahat ng ito! Hindi niya maaaring sirain ang lahat ng plano at pinaghirapan ko!”

Napangiwi si Carla at nailayo ang cellphone na nakadikit sa tainga dahil sa bulyaw ni Mathilda. Ramdam na ramdam niya ang matinding galit sa tinig nito.

Kung hindi lang niya kailangan ng trabaho at kung madali lang din sana maghanap ay matagal na siyang umalis sa NexTech matapos mamatay ng mag-asawang Olivares. Hindi na talaga niya kaya ang ugali ng kapatid ng dating may-ari ng kumpanyang pinaglilingkuran.

Napaangat ang ulo ni Richard mula sa pagbabasa ng hawak na papeles nang marahas na bumukas ang pinto ng kaniyang opisina.

“Richard!” gigil na tawag ni Mathilda sa pangalan ng asawa at hindi na inabalang isara ang pinto.

Salubong ang kilay na tinunghayan ng lalaki ang mukha ng kabiyak.

“Ano ba, Mathilda? Bakit ka ba sumisigaw?”

“Ang magaling mong pamangkin, tinakasan tayo!”

“Ano?”

“Hayop ang Lilliane na ‘yan! Akala ko ba ay malinaw na sa kanjya ang lahat at pumayag siya na magpakasal kay Mr. Fuentes!” lumilitaw na ang litid sa kaniyang leeg habang isinisigaw ang mga salitang iyon.

“Puwede bang ibaba mo ang boses mo? Masyado kang nag-eeskandalo.” mahinahon ngunit mariin na wika ni Richard. Tinungo niya ang pinto ng kaniyang opisina at ipininid iyon pasara.

Gigil pa rin na humalukipkip si Mathilda.

“Sigurado ka na ba sa sinasabi mo?”

“Oo!” nanlilisik ang mga mata na sagot ng babae. “Walangya siya, ipahihiya pa tayo! Hindi ko siya hahayaan na magtagumpay sa kung ano mang pinaplano niya! Hindi ko hahayaan na mawala itong kumpanya, hindi ako makapapayag na pulutin sa putikan!”

Napahinga nang malalim si Richard at napakamot sa kilay dahil sa nakikitang paghuburamentado ng misis. Kung tama nga si Mathilda sa iniisip ay dapat na nilang hanapin si Lilliane ngayon din. Malaking gulo at sakit sa ulo ang ginawa nitong pagtakbo lalo na’t nakapagbigay na nang malaking halaga si Mr. Fuentes upang kahit paano ay makaya pa rin ng NexTech Solutions ang umahon mula sa bankruptcy.

“Kailangan na nating kumilos ngayon. Gagawin natin ang lahat nang makakaya upang mahanap ang buwisit na babaeng ‘yan! Kahit kailan, kahit kailan talaga!”

Nang maisip si Mr. Fuentes ay lalo pang nainis si Mathilda. Aburido na ang matanda, gusto na nitong ideretso sa kasalan ang lahat at hindi na kailangan pang idaan sa engagement party. Nais na nitong makaisang dib dib si Lilliane sa lalong madaling panahon.

Batid ni Mathilda kung bakit ito nagmamadali. Ang batang katawan lang naman ni Lilliane ang nais nito—mula bata pa ito ay pinagnanasaan na nang matandang iyon!

Dapat din siyang gumawa nang paraan para hindi makaabot kay Fuentes na nawawala si Lilliane dahil kung hindi, malilintikan sila at ang kumpanya.

“Kung hindi natin siya matutunton dito sa lungsod, kailangan nating mas palawakin ang paghahanap sa labas ng lungsod. Sa mga kalapit probinsya—at hindi dapat ito malaman ni Fuentes!” saad ni Richard na biglang sumakit ang ulo dahil sa kaalamang tinakasan sila ni Lilliane.

“Anong plano natin?” tanong ni Mathilda.

“Ipahahanda ko ang ibang mga tauhan na halughugin ang buong syudad. At kung wala rito si Lilliane, kung kinakailangan nilang lumabas ng lungsod, gagawin nila.”

Marahas na napahinga si Mathilda.

“Hindi natin maaaring hayaang magtagumpay si Lilliane sa mga plano niya,” sabi ni Mathilda. “Kailangan natin siyang mahanap at matiyak na hindi masisira ang mga plano ko—natin.”

Ang galit at pagkasuklam na nararamdaman niya sa pamangkin ay higit na lumaki ngayon.

Hingal na hingal at nagmamadaling tumakbo si Lilliane sa isang matao ngunit magulo na lugar.

Kahapon ay napansin niya ang ilang lalaki na may kakaibang ikinikilos, mukhang may hinahanap. Tinubuan siya ng kaba at takot sa dib dib na mukhang alam na nila Mathilda na tinakasan niya ang mga ito at ngayon nga ay nagtatago siya at pinahahanap nito.

Kaninang umaga ay bibili sana siya ng pandesal sa malapit na bakery nang makita niya ang isang lalaki na may pinagtatanong. Nang masulyapan niya ang hawak nitong larawan ay nanlalaki ang kaniyang mga mata at dali-dali siyang tumakbo pabalik sa inuupahan niyang apartment.

Walang pagdadalawang-isip na agad niyang binitbit ang traveling bag niya at lumabas ng pinto.

Nagsuot din siya ng itim na jacket at ipinasok sa suot na baseball cap ang umaalon niyang buhok. Kabadong-kabado siya habang binabaybay niya ang kalsada, hindi alam kung saan tutungo ngayon. Hindi rin niya alam kung paanong nalaman nila Mathilda na nasa Las Piñas siya.

Pasimpleng lumingon si Lilliane sa kaniyang likuran habang bahagyang nakatungo.

Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita na malapit na sa kaniya ang isa sa mga tauhan ng kaniyang tiya.

Binilisan niya ang kaniyang lakad at pinilit na hindi makahalata ang mga tauhan ng tiya niya na siya ang hinahanap ng mga ito.

Lumiko si Lilliane sa isang mataong lugar at naghanap ng maaaring lusutan.

Nanlalamig ang kaniyang pakiramdam at natutuliro. Iniisip niya kung saang lugar ba siya maaaring magtago upang hindi tuluyang matutunton ng kaniyang tiyahin.

Sa gulo ng isip niya ay wala sa sarili na pinara niya ang dumaang taxi. Sumakay siya roon habang nag-iisip kung saan siya makahahanap ng ligtas na lugar.

“Ma’am, saan ho tayo?”

Napamulat ng kaniyang mga mata si Lilliane.

“Saan po ba may malapit na bangko rito, Manong? Doon n’yo po ako dalhin.”

Umandar ang taxi at pinayapa ni Lilliane ang sarili.

Naisipan niyang mag-withdraw ng pera upang palabasin na hindi pa rin siya umaalis sa lugar na iyon. Dahil ngayon ay batid na niya na iyon ang dahilan kung bakit nalaman nila Mathilda kung nasaan siya.

Alam din niyang gagamitin ni Mathilda ang mga magiging transaction niya sa bangko ngayon upang matunton kung nasaan siya. Kung gayon nga ay kailangan niyang lituhin ang mga ito habang nag-iisp siya kung saan nga ba siya dapat sumuot at magtago.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Meg Saturno
hay naku liliiane ,galingan mo Ang pagttago para d ka matunton ng mg atauhan ng tiyahin mong walngya...sna mapadpad ka sa Lugar ni miguel
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status