Share

KABANATA 6

Pagkatapos mag-withdraw ni Lilliane ng pera ay muli siyang sumakay ng taxi.

“Saan po tayo, Ma’am?”

“Dalhin mo ako manong sa...” saglit siyang nag-isip. Nang kumalam ang kaniyang sikmura at tila naghahanap nang mainit na kape ang lalamunan ay, “may alam po ba kayong coffee shop sa labas nitong Las Piñas?”

Sinilip siya ng driver sa rearview mirror.

“Laguna na po, Ma’am.”

Binasa niya ang nanunuyong mga labi at mahinang napatango.

“Sige, Manong, sa Laguna ho tayo.”

Nanghahapong isinandal niya ang likod sa backrest upang kahit paano ay maipahinga ang nanglalatang katawan.

“Ayos lang po ba kayo, Ma’am?”

Napasulyap si Lilliane sa matandang driver na pinanonood siya mula sa rearview mirror at ginawaran ito nang maliit na ngiti saka tinanguan.

“Oho, maraming salamat.”

Ipinikit niya ang mga mata. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya tatakbo at magtatago. Iniisip pa lang na ganito na siya sa mga susunod na buwan at taon ay nahahapo na siya.

Kung tutuusin ay wala siya gaanong alam pagdating sa pag-co-commute at pagtungo sa kung saan-saan.

Bahay, eskuwelahan, at sa trabaho lang umiikot ang buong buhay niya. Wala siya gaano naging kaibigan.

At pansin niya noon na tila ayaw man lang siya barkadahin ng mga naging kaklase na kinalulungkot niya. Madalas pa noon na napapansin niya na kailangan lang siya ng mga ito kapag mapakikinabangan. Habang ang mga babae naman ay nahuhuli niya minsan na mataray na nakatingin sa kanya o hindi kaya ay malamig kung makitungo.

Hindi niya alam kung bakit ganoon ang mga ito lalo na kapag may mga lalaki na kumakausap o lumalapit sa kanya. Wala naman siyang masamang ginagawa pero pakiramdam niya minsan ay mayroon. Hindi na lang niya pinagtutuunan ng pansin ang bagay na iyon dahil ayaw niyang malunod sa kalungkutan at pag-iisip ng kung anu-ano.

Alam din naman niya na hindi siya gaya ng mga ito na mahilig sa party at inuming nakalalasing. Isa marahil iyon sa dahilan kung bakit hindi siya makabuo nang matinong circle of friends. Na hindi niya masabing kaibigan niya ang ilang kahit paano ay nakauusap niya sa klase. Dahil pakiramdam niya ay nag-iisa pa rin siya. Iniisip marahil ng mga ito na boring siyang tao.

Binilinan siya noon ng kaniyang mga magulang na maging maingat sa pakikihalubilo at sa pagpili ng kaibigan dahil hindi lahat ay genuine ang pakikitungo. May mga agenda. Higit daw sa katulad niyang maagang nahinog ang katawan.

Nang maisip niya ang mga magulang ay hindi niya napigilang maluha. Dumaloy ang mainit na likido sa kaniyang mga pisngi at mabilis na pinunasan iyon. Idinilat niya ang mga mata at pinigilan din niya ang kaniyang sarili na humagulgol.

Kung buhay pa ang kaniyang mga magulang ay hindi niya daranasin ang lahat ng ito. Hindi siya miserable. Pero hindi niya sinisisi ang mga ito na maaga siyang iniwang mag-isa at naiwan siya sa kustodiya ng kaniyang auntie Mathilda dahil batid din naman niya na hindi ginusto ng mga ito ang maiwan siyang mag-isa.

Alam naman niyang noon pa man ay masama na talaga ang ugali ni Mathilda pero nang maiwan siya ng mga magulang ay roon niya mas natikman ang lupit ng babae. Ang uncle Richard niya kahit paano ay nakikitaan naman niya ng kabaitan at concerned sa kaniya.

Huminga siya nang malalim at tumanaw sa labas ng saradong salaming bintana ng sinasakyan.

Kailangan niyang mag-isip at magplano ng mga dapat niyang gawin ngayon para sa sariling kaligtasan at kalayaan. Kailangan niya maging maingat at matalino sa bawat kilos niya. Kailangan niyang lituhin at iligaw ang mga tauhan nila Mathilda—at maging ito rin.

Batid ni Lilliane na kapag nahuli siya ng mga ito ay hindi maganda ang kasasadlakan niya.

Nang maalala niya si Mr. Fuentes ay mas lalo niyang kailangang magtago. Ayaw niya sa matandang iyon! Sa uri ng mga binabato nitong tingin at pananalita sa kaniya’y batid niyang katawan lang talaga niya ang nais nito.

Hindi mawala sa isip niya kung paano siya nito tignan noong nagkita sila sa isang okasyon kasama ang kaniyang mga magulang. Menor de edad pa lang siya noon at kahit hindi naman malaswa ang suot niya’y para siyang nakah ubad sa paningin nito kaya halos isiksik niya ang katawan sa pagitan ng mga magulang.

Ibinaba siya ng driver ng taxi sa tinutukoy nitong café. Napansin niya na wala gaanong tao roon nang makapasok siya.

“Ma’am, coffee?” tanong ng barista.

“Yes, please.” Nag-order na rin siya ng sandwich.

Matapos masabi ang order ay pinili niyang maupo sa isang sulok.

Habang inaantay niya ang kaniyang order ay pinakawalan na rin muna niya ang kaniyang mahabang buhok mula sa pagkakatago niyon sa kaniyang baseball cap.

Wala naman sigurong tauhan sila Mathilda sa lugar na iyon lalo na’t nag-withdraw siya ng pera sa Las Piñas. Iisipin ng mga ito na naroon pa rin siya.

Pinihit niya pabukas ang takip ng binili niyang bottled water sa counter kanina at mabilis na uminom doon. Kanina pa siya nauuhaw at pakiwari niya ay matutuyuan na siya ng tubig sa katawan kung hindi siya iinom ng tubig ngayon.

“Here’s your order, Ma’am.”

Napatingin si Lilliane sa waitress at natigil sa pag-inom ng tubig.

“Thank you,”

Nang mailapag nito ang order niya sa mesa at angatan siya nang tingin ay nakita niya ang pagguhit nang mangha sa mukha nito bago ngumiti.

“Napakaganda n’yo, Ma'am.” biglang wika nito. Nahihiyang ngumiti si Lilliane sa waitress at hindi niya mapigilang mag-blush dahil sa papuri nito. “Pasensya na,” hinging paumanhin nito dahil tumagal ang pagtitig nito sa kaniyang mukha kanina. “Sige po. Enjoy your order, Ma’am. At kung may kailangan po kayo tawagin n’yo lang po ako.”

“Salamat,” aniya bago sumimsim sa mainit na kape. Hindi niya mapigilang mahinang mapaungol nang gumuhit ang init niyon sa kaniyang lalamunan.

Napahinga si Lilliane. Kailangan niyang maghanap nang pansamantalang matutuluyan para sa araw na iyon.

Hindi mapakali si Mathilda hangga’t wala pa ring natatanggap na maayos na report kung nasaan si Lilliane. Naaapektuhan nito maging ang kaniyang trabaho sa kumpanya, dumagdag pa ang mga tawag galing kay Fuentes at inaapura siya.

Nang tumunog ang kaniyang cellphone ay dali-dali niya iyong sinagot. Galing sa kinuha niyang imbestigador ang tawag.

“Ma’am, may bago po akong update.”

Animo’y nakahinga nang maluwag si Mathilda. Nagpalakad-lakad siya, ang isang kamay ay nakapahinga sa baywang.

“Nahanap n’yo na ba siya?” mahinahon niyang tanong.

“Ayon sa kaniyang bank transaction kaninang bandang alas diez nang umaga, nasa Las Piñas pa rin ho si Miss Lilliane. Kaparehong lugar din kung kailan siya nag-withdraw ng pera noong araw ng Linggo.”

Ibig sabihin talaga’y pagkatapos ng kanilang naging appointment kay Fuentes ay nagdesisyon itong takbuhan sila!

Nagsimula muling uminit ang ulo ni Mathilda at nasabunutan ang sariling buhok.

“Kung nasa Las Piñas lang siya bakit hindi n’yo pa rin siya magawang mahanap?!”

“Ma’am, ginagawa na po namin ang lahat para mahanap si Miss Lilliane—”

“Kung kailangan n’yong halughugin ang buong Las Piñas, bawat bahay, establisyemento, apartment—kahit saan! Gawin n’yo! Hindi puwedeng makawala ang babaeng ‘yan! Naiintindihan n’yo ba ako?!” Hingal na hingal sa galit at gigil na saad ni Mathilda. “Hindi ko kayo binabayaran para lang sa wala! Hanapin n’yo ang babaeng iyan at iharap n’yo sa akin!”

Hindi na niya hinintay pang makasagot ang nasa kabilang linya dahil gigil niyang ibinato ang cell phone sa katapat na couch bago buong galit na humiyaw.

“Humanda ka sa akin Lilliane kapag nahuli kita!”

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Meg Saturno
ui mayaman ka nman pla Mathilda e KC isipin mo may mga tauhan ka na binabayaran para lng mahanap c lilliane,,,e d Ikaw gumawa ng paraan sa Sarili mo kung panu mo ulit iangat Ang kumpanya ng kptid mong winaldas nyo ng Asawa mo,boseeet ka,ipapain mo pa c lilliane e
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status