MIKS DELOSO
Sa mundo ng marangya at makapangyarihan, si Apple Imperial ang babae na pinapangarap ng lahat ngunit kinatatakutan ng iilan. Sa kanyang mala-anghel na mukha at maalindog na katawan, nagagawa niyang paikutin ang puso ng kahit sinong lalaki. Ngunit sa likod ng kanyang mapanlinlang na ngiti, nakatago ang isang madilim na lihim—si Apple ay isang mapanganib na gold digger.
Dati siyang prinsesa ng kayamanan, lumaki sa karangyaan ng pamilyang Imperial. Ngunit nang bumagsak ang kanilang negosyo, nawala ang lahat—ang yaman, at ang dangal. Ang bawat halik niya ay may presyo, ang bawat yakap ay may layunin. Sa bawat lalaking nahuhulog sa kanyang bitag, isang hakbang siya papalapit sa pagbabalik ng yaman na nawala sa kanya.
Ngunit nang makilala niya si Lance Martin—ang guwapo, makapangyarihan, at sobrang yaman na CEO ng Emerald Malls—nagbago ang pananaw niya sa buhay at pag-ibig. Si Lance ang perpektong target, ngunit siya rin ang tanging lalaking nagpaalala kay Apple kung ano ang ibig sabihin ng tunay na pagmamahal. Sa kabila ng kanyang mapanlinlang na paraan, si Lance ang nagdala ng liwanag sa madilim niyang mundo.
Subalit ang lihim ni Apple ay hindi kayang itago habang-buhay. Nang magdesisyon si Lance na ipagkatiwala ang kanyang buong puso at yaman kay Apple at nagbabalak na pakasalan ito,ngunit nalaman niya ang masakit na katotohanan—ang babaeng kanyang minahal ay naglalaro sa apoy. Sa gitna ng kanyang pagtataksil, iniwan siya ni Lance, at tuluyang nawala sa kanyang buhay.
Pero hindi pa tapos ang kanyang kabiguan. Nang malaman ni Apple na siya’y nagdadalang-tao, biglang nagbago ang lahat. Ang anak na nasa kanyang sinapupunan ang maaaring maging dahilan ng kanilang pagbabalikan—o ang maghahatid sa kanya sa mas malalim na pagdurusa.
Magagawa kaya ni Apple na itama ang kanyang mga kasalanan? O magbabayad siya ng pinakamabigat na presyo para sa lahat ng kanyang kasinungalingan?