Share

KABANATA 5

JANIYA'S P.O.V

DAHIL SA PAGMAMAKAAWA NI MAMAY AT DAHIL NA RIN SA KAWALAN KO NG PAGPIPILIAN, NANATILI PA RIN AKO SA MANSION DE CASTILLEJOS. KAPALIT NG KONDISYON NA IPAPALIWANAG SA AKIN NI MAMAY ANG MGA PINAGSASASABI NI VICENCIO KANINA.

"Alam mo kasi Niya, hindi lumaki si Yvonne na kasama na ako. Itong mga nalalaman ko, kwento niya lang din sa akin at… base na rin sa mga nasaksihan ko nitong kasama ko na sila ni Vicencio,” pagsisimula ni Mamay.

Nandito na ulit kami sa kwartong ipinagamit niya sa akin. Kasalukuyan kaming umiinom ng maligamgam na gatas at kumakain ng tinapay.

"Sabi ni Yvonne noon, hindi niya na maalala kung kailan sila unang nagtagpo ni Crisanto, ng papa mo. Basta ang alam niya lang daw, lumaki siya at nagkamalay na magkasama na silang dalawa. Sobrang close raw nila sa isa't-isa. Umabot pa sa punto na napagkakamalan na silang magkarelasyon. Pero hindi raw naging totoo iyon kahit kailan.”

"Hindi po naging si Yvonne at Papa? Kahit kailan?” paniniguro ko.

"Iyon ang sabi ni Yvonne,” pagkumpirma ni Mamay sa pagitan ng pagnguya. "Pero sa kanya na rin nanggaling na muntik na.”

Napakunot-noo ako.

"Muntik na?”

"Noong bago raw makatapos sa high school ang dalawa, umingay na raw lalo ang issue na mag-on sila. Hanggang sa hindi inaasahan, nagkaaminan. At totoo nga, pareho pala silang may tinatagong nararamdaman para sa isa't-isa. Ang kaso…”

Hindi ako nagsalita. Nakatuon lang ako sa mga sinasabi ni Mamay at naghihintay ng mga kasunod na parte.

"Kinailangan ng papa mo na umalis. Kasi sa ibang siyudad na siya ipinasok ng mga magulang niya sa college. Nangako ang ama mo na babalikan si Yvonne, magiging sila; pero hindi na nangyari iyon dahil nabalitaan niya na lang na may iba nang kasintahan ang papa mo at buntis na nga. Ikaw malamang ang bunga niyon.”

Napakagat-labi ako.

"K-Kaya po ba galit na galit si Vicencio kay Papa? Kasi parang niloko niya noon si Yvonne?” tanong ko. Parang unti-unti ay nagiging malinaw na sa akin ang lahat. O nagiging malinaw na nga ba?

"Hindi iyon dahil doon. May sama ng loob si Vicencio sa papa mo dahil sa ibang kadahilanan,” tugon ni Mamay. "Noon kasi, nagkaroon pa ng pagkakataon si Crisanto at Yvonne na magkausap. Kasama ka pa ni Crisanto noon, ewan ko lang kung naaalala mo pa. Nagkaayos sila. Nagkalinawan at bumalik silang dalawa sa pagiging magkaibigan. Nangako sila na wala nang hard feelings. Naayos naman dahil pareho naman na silang may kani-kaniyang pamilya. Pero noong… Dalawang taon na ang nakararaan, biglang nanghina si Yvonne dahil sa biglaang karamdaman. Nakipaglaban din siya, pero hindi na talaga kinaya. N-Naratay siya. At ang huling hiling niya sana ay makita si Crisanto. Ginawa ni Vicencio ang lahat para magkatotoo iyon. Pero hindi dumating si Crisanto…”

Habang nakikinig ako ay unti-unti kong nararamdaman na parang may pumipiga sa puso ko. Masakit. Parang bigla akong nahirapang huminga.

"P-Pero, Mamay… H-Hindi po alam ni Papa na… n-na wala na si Yvonne. S-Sigurado po akong hindi niya alam. Kasi kung alam niya, h-hindi niya ako bibilinan na hanapin siya…”

Muling pumatak ang luha sa isang mata ko.

"Siguro nga. Pero ang buong akala ni Vicencio ay alam ng ama mo ang nangyari. Dahil nga ginawa niya ang lahat para madala noon si Crisanto kay Yvonne. Iyon din malamang ang dahilan kung bakit may sama ng loob si Vicencio sa papa mo.”

Sa nalaman ko ay parang nabawasan bigla ang inis na naramdaman ko kay Vicencio kanina. Napalitan pa iyon ng awa. Naaawa ako dahil hindi ko maisip kung gaano kasama sa pakiramdam niya bilang anak na hindi niya napagbigyan ang huling kahilingan ng mama niya bago ito nawala.

***

KINABUKASAN, KAHIT PUYAT AY PINILIT KO PA RING GUMISING NG MAAGA.

Balak kong maghanda ng almusal, hindi lang para sa amin ni Mamay kundi pati na rin at lalo nang para kay Strike.

Oo, Strike. Mula ngayon, iyon na ang itatawag ko sa kanya. Ayon kay Mamay, "Strike Vicencio Castillejos" daw ang buong pangalan ng lalaki. Hindi ko raw ito pwedeng tawagin ng "Vicencio" dahil magagalit ito. Si Mamay lang daw ang tanging nakakatawag sa kanya ng ganoong pangalan na hindi nito magawang kagalitan. Ang "SV" naman na palayaw nito ay masyado nang common dahil iyon daw ang tawag dito ng mga katrabaho nito. So, mag-i-stick na lang ako sa "Strike". Besides, wala rin naman daw ibang tumatawag ng ganoon sa lalaki. Tsaka para unique na rin.

Bagay din sa kanya ang pangalang "Strike" dahil mukha siyang masungit. At "striking" ang looks at appeal niya!

Napailing na lang ako sa huli kong naisip.

Alas sais pa lang ng umaga ay nakahanda na lahat ng niluto kong almusal— sinangag, pritong daing na bangus, bacon, hotdogs, at itlog. May nakahanda na ring mainit na kape at fresh na orange juice— naka-prepare na pareho para kung anuman ang gustuhin niya ay meron na. Meron ding nilagang saba at mais.

Magkakalahating oras na akong nakaupo lang at naghihintay sa pagbaba ni Strike pero hanggang ngayon, wala pa rin siya. Nagsisimula na akong kabahan dahil baka lumamig na ang mga pagkain.

Nang makarinig ako ng mga yabag sa hagdan ay agad akong napatayo. Naglakas-loob na rin ako na salubungin si Strike at batiin.

"Good morning, Stri— Mamay.”

Agad akong nawalan ng gana at nadismaya nang imbis na si Strike ay si Mamay ang nakasalubong kong pababa ng hagdan.

"O, Niya? Bakit ang aga mo namang nagising? Puyat ka kagabi, 'di ba?” takang-taka na sabi ni Mamay.

Diretso siyang naglakad patungo sa kusina. Nahihiyang sumunod na lang ako.

"O… Bakit ang daming pagkain? Ikaw ba ang naghanda ng lahat ng ito?” namamanghang sabi niya nang mabungaran ang saganang almusal sa mesa.

"S-Sorry po, pinakialaman ko na ang kusina. G-Gusto ko lang po kasi sanang bumati kay Strike dahil sa nangyari kagabi,” sabi ko.

"Strike?” aniya. Tumango ako. "Ah, si Vicencio!”

Ngumiti lang ako ng tipid.

"Teka…”

Pagkatapos niyon ay dali-dali siyang naglakad palabas ng kusina. Hindi naman na ako sumunod dahil baka may gagawin lang siya at magmukha pa akong usisera.

Mayamaya lang din ang nakita ko na siyang pabalik.

"Naku, Niya, mukhang wala na si Vicencio,” sabi niya na ikinapanlumo ko.

"P-Po?”

"Wala na sa garahe ang sasakyan na paborito niyang gamitin. Mukhang maaga siyang umalis.”

"E-Eh, bakit parang ang aga naman po?” tanong ko sa pilit pina-kaswal na boses. Ayokong nahalata niya na disappointed ako dahil baka kung ano pa ang isipin niya.

"Siya kasi ang boss. Gusto niya, maayos ang lahat ng sakop niya. Ano kasi siya… Ano nga ulit iyon? C… C…”

"C-CEO po?”

"'Ayun! Oo nga. CEO. CEO siya. CEO ang Vicencio ko!” biglang bulalas ni Mamay.

Napanganga ako. Iyong nganga na parang biglang nakalas ang bolts ng mga panga ko. CEO?!

No wonder, sa asal niya pa lang kagabi ay halatang superior na siya. At sa ayos niya pa lang, halatang-halata na rin na hindi siya basta-bastang tao lang.

"Ngayon, mukhang mapapalaban tayo sa almusal niyan,” patawang sabi ni Mamay.

Napangiti na lang din ako kahit sa loob-loob ko ay dismayado pa rin ako.

"Sa… hapunan na lang po siguro ako babawi, Mamay. Anong oras po kaya siya makakauwi?”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status