Share

TBTO 4: Escape

Tahimik ako na nakatingin sa kawalan. Pinunasan ko ang luha na dumaloy sa aking pisngi. Hindi ko alam kung makakalabas pa ba ako rito sa bahay na ito. Hindi ko alam kung makatatapak pa ba ako kahit sa labas lang ng gate ng bahay.

Kahit anong paliwanag ko ay pinipilit pa rin niya na ako si Beatrice. Hindi ko naman siya masisisi kung nagmahal lang naman siya pero hindi rin niya ako masisisi na magalit dahil wala naman talaga akong kinalaman sa kanilang dalawa.

Sa halip na magmukmok sa loob ay muli akong lumabas. Gabing-gabi na at ang siyang ikinagulat ko ay bukas ang pinto.

Simula nang mapunta ako rito ay madalas talagang sarado itong pinto ng room na ito kaya nagugulat talaga ako kapag nabubuksan ko lalo na kung gabi at wala rin susi rito sa loob kaya kung hindi ako pupuntahan ni Lazaro ay hindi rin ako makakalabas. Para naman makakatakas ako sa lagay na ito. Ni hindi ko nga alam kung paano buksan ang gate. Wala rin naman mahahawakan para makaakyat ako at makatawid patungo sa kabila.

Napalunok ako nang bumungad sa akin ang walang ilaw na sala. Kahit na ganoon ay maliwanag pa rin naman dahil bukas lang ang ilaw sa kusina.

Napahawak na lang ako sa tiyan ko nang tumunog iyon. Gutom na gutom na ako.

Sinikap ko na hindi gumawa ng ingay upang tumungo sa kusina. Simula nang ihagis ni Lazaro ang pagkain ay hindi na ako humawak-hawak pa sa kusina dahil sa isip ko ay baka sa akin na ibato kung sakali na hindi ko na naman masunod ang gusto niya.

Sakto at mayroon pa na kanin sa rice cooker nang tanggalin ko ang takip noon. Nilagyan ko na lang iyon ng toyo at mantika upang mapawi ang gutom ko.

Halos mabulunan pa ako sa pagmamadali na sumubo dahil sa gutom. Isa pa ay natatakot ako na baka may biglang pumasok dito sa kusina kahit gabing-gabi na.

Napabuga na lang ako ng hangin habang nakikipagtitigan sa ref ni Lazaro. Medyo maingay iyon nang binuksan ko iyon ng nakaraan. Walang choice na kumuha ako ng baso at isinahod iyon sa gripo upang iyon na lang ang inumin.

Ganoon na lang ang pagtigil ko sa pag-inom nang makita ang isang pinto. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat at napatintin sa bungad ng kusina nang may marinig na nalaglag. Napapalunok na iniwan ko na ang pinagkainan ko sa lamesa at saka binuksan ang pinto na nakita ko kanina.

Hawak ang door knob ay pinakinggan ko ang loob ng kusina ngunit parang wala naman na tao. Kunot ang noo ko na tiningnan ang pader sa harapan ko.

Sinundan ko ang daan na patungo sa kung saan. Ang nasa isip ko na lang ngayon ay baka may daan rito para matakas at makauwi na ako sa bahay. Desperado na ako.

Kaso ako rin ang sumuko dahil sa kahit anong lakad ko ay wala naman akong ibang makita. Tahimik ako na bumuga ng hangin at saka ako sumampa sa isang sirang lamesa.

Nalula ako nang tuluyan ko na makita ang likod ng pader. Napahawak na lang ako sa dibdib ko habang nakatingin doon. Mula rito ay kitang-kita ko ang malalim bangin na siguro isang metro lang ang layo mula rito sa pader.

"Pumunta kayo rito, magtawag kayo ng iba! Tatakas si Ma'am Beatrice!"

Napasinghap ako sa gulat nang marinig iyon. Sinamaan ko ng tingin ang sumigaw na iyon at saka ako nagmamadali na sumampa sa pader upang makatalon sa kabila.

"Ma'am delikado riyan!" dinig ko pa na sigaw noon upang pigilan ako ngunit hindi ko na pinansin pa.

Hindi ko na nagawa pa na indahin ang sakit na tinamo ko dahil sa maling pagkakabagsak. Iika-ika ako na naglakad upang makalayo roon.

Kapit na kapit ako sa pader dahil sa takot na bumagsak ako at hindi ko makontrol ang sarili ay baka bumulusok naman ako sa bangin na nasa gilid ko.

Patagal nang patagal ay dinig ko ang naglalakasan na mga boses nila. Halos suntukin ko ang mga hita ko dahil hindi ko magawa na magmabilis pa lalo na maglakad nang makita ang iilan na mga kalalakihan na nagsitalon din sa pader kung saan ako tumalon kanina.

Dumiretso ako sa isang masukal na bahagi. Sobrang dilim at kahit takot ay tumungo ako roon. Humawak ako sa mga puno at saka nagtago nang makita na medyo napalalayo na ako.

Halos mapigil ko ang hininga ko nang makita sila sa hindi kalayuan. Dire-diretso sila na tinakbo ang daan dahilan upang mapapikit na lang ako.

Nang wala na akong makita pa na nakasunod sa kanila ay saka na ako tumayo. Kahit masakit ang mga hita at binti ay pinilit ko pa rin na maglakad ngunit ganoon na lang ang pagtigil ko nang makita si Lazaro na hindi ko alam kung saan nanggaling.

Nanliliit ang mga mata niya na nakatingin sa banda rito. Mukhang inaaninag din ang parte na ito.

Malakas ang kabog ng dibdib ko na bahagya akong umatras. Ngunit ganoon na lang din ang pagsisisi ko nang hindi sinasadya na may natapakan ako na tuyong dahon sa pag-atras.

Ganoon na lang ang paghiling ko na maisip na lang niya na baka may nalaglag lang ngunit sa isang iglap ay nawala ang mga emosyon sa mukha niya habang nakatayo ng diretso roon.

Nagpamulsa siya. "Lumabas ka na riyan," utos niya na para bang sigurado na naririto ako. "Huwag mong hintayin na ako pa ang kukuha sa'yo, Beatrice. Lumabas ka na," seryosong aniya.

Napahilot ako sa sintido ko at saka tiningnan ang likuran ko. Wala na akong makita roon dahil sa sobrang dilim ngunit kahit ganoon ay nangapa ako sa dilim ng mahahawakan upang makalayo roon at hindi makita ng isa sa kanila.

"Lumabas ka sabi!" sigaw niya na nagpagulat sa akin.

Umiling ko at nagpatuloy na naglakad patungo sa kawalan. Nagmadali na rin ako nang marinig ang mga nag-uusap-usap na mga lalaki.

"Dahil mga inutil kayo!" dinig ko na sigaw ni Lazaro. Mukhang may kausap na.

Halos mapamura ako nang sa isang iglap ay magliwanag ang paligid ko. Nakatutok dito ang flashlight nila at mukhang inutusan na sila ni Lazaro.

Napapadasal na lang ako na tumago sa isang malaking puno. Bangin na ang nasa likod ko kaya naman ay ganoon na lang ang pagkapit ko sa puno. Kung hindi lang masakit ang binti at hita ko ay posible na inakyat ko na itong puno huwag lang nila ako makita.

"Maghiwa-hiwalay kayo!" dinig ko na sigaw ng isang lalaki.

Hinilot ko ang hita ko nang sumigid ang sakit doon. Mukhang ngayon ko pa lang nararamdaman ang sakit ng pagbagsak ko kanina. Pigil ko ang hininga ko nang lumiwanag na parang umaga sa inuupuan ko.

"Nandito, Boss!" sigaw ng isang lalaki.

Sinikap ko pa na tumayo upang tumakas ngunit hindi ko na nagawa pa nang may humawak na rin sa magkabilang braso ko.

"Bitawan niyo ako," mariin na utos ko.

Para silang walang naririnig na iginiya ako patungo sa labas. Nagpumiglas ako ngunit wala rin naman naging resulta dahil nakita ko na lang ang sarili ko sa harapan ni Lazaro.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status