Share

TBTO 6: I'm Sorry

"Kumain ka na," utos niya matapos ilapag ang tray sa mini table rito sa kuwarto niya.

Kanina pa niya ako inaaya sa ibaba para sabay na kami kumain pero nagmatigas ako. Hindi ko rin naman inaasahan na dadalhan pa rin niya ako rito.

Nakasuot siya ngayon ng three-piece suit at mukhang papasok sa opisina. Pairap ko na iniwas ang mga mata ko mula sa kaniya nang tingnan niya ako hawak ang kaniyang neck tie.

Ramdam ko ang paglapit niya sa akin pero hindi ako nag-abala na balingan siya. Mukha lang akong tanga na nakaupo sa sofa at hinihintay siya na makaalis upang ako naman ang umalis.

"Kuhanin mo," aniya nang iabot sa akin ang neck tie na hawak niya.

"Anong gagawin ko riyan? Pananakal sa'yo—"

"Can't you just put it on me and don't say too much. Damn, why are you so talkative. That happened since when?" tanong niya.

"May mga kamay ka 'di ba? Bakit hindi mo gamitin?" sagot ko. Ginawa pa akong katulong.

"You used to put it on me," aniya. "And this— this is the tie you bought for me," pahina nang pahina na aniya na animo'y nahihiya pa.

Nang balingan ko siya ay nakatayo lang siya sa harapan ko. Hawak ang neck tie at hinihintay na abutin ko iyon. Hindi ko alam kung ano ang ginawa ni Beatrice sa lalaki na ito pero mukhang hulog na hulog ang loob sa kaniya kaya nagiging ganito.

"Fine— fine, I'll do it on my own—"

Padarag ko na inabot sa kaniya ang neck tie upang ilagay na lang din sa kaniya dahil mukhang kaawa-awa naman siya sa harapan ko.

"Isasakal ko talaga sa'yo 'to," inis na usal ko at hinila ang kuwelyo niya upang maisuot ko ang neck tie sa sa kaniya.

Ilang na ilang ako habang sinusuot iyon sa kaniya. Nakatitig lang siya sa akin habang ako ay pilit na binabaling ang atensiyon sa ginagawa.

Hindi ko ikakaila ang guwapo niya na mukha. Matikas din ang pangangatawan niya kaya hindi ako magtataka kung maraming magkakandarapa sa kaniya. Kung siguro hindi lang kami nagkakilala sa ganitong sitwasyon ay hindi imposible na magustuhan ko siya kaso nang dahil sa mga ipinakita niya sa akin mula nang nandito ako ay wala akong ibang naramdaman kung hindi galit.

"I'm sorry," maya-maya ay bulong niya. Bahagya ako na natigilan sa ginagawa ko nginti pinilit din na bumalik agad sa ginagawa. "I'm sorry for being rude to you since you step here on my house... again. I'm just upset because you just left me without informing me nor leave at least a single message, that will do but I received nothing. Iniwan mo ako nang hindi mo man lang sinabi kung ano ang dahilan. You left me hanging when you stole my heart that I promised to myself, I will never give to anyone especially to you. I'm sorry, Beatrice," aniya.

Hindi ko alam kung anong tapang ng loob ang pumasok sa akin para salubungin ang mga mata niya na na kanina pa hinihintay na salubungin ang aking mga mata. Tipid siya na ngumiti.

Akma pa siya na yayakap nang itulak ko na siya palayo sa akin. "Tapos na," sambit ko.

"Alright. Thank you," aniya at kusa na rin na umatras sa akin. "Baka gabihin ako ng uwi mamaya dahil may project tour kami. You have my number, call me if you need anything. Re-reply-an kita," aniya.

"Mukha ba akong may cellphone. Nakita mo ba na sarili ko lang ang dala ko nang pumunta ako rito. Kung hindi ba naman kasi kayo mga hibang ay nakuha ko sana ang mga gamit ko sa dressing room."

"I'll get you one later," aniya.

Natawa ako habang nakatingin sa kaniya. "Hindi na baka dumagdag pa sa utang ni Beatrice," sagot ko.

"Please be kind to me, love. Hindi ako sanay na tinatrato mo ako ng ganito," aniya.

Napahilot na lang ako sa sintido ko at saka muling umupo sa sofa. Sinigurado ko na maramdaman niya na ayaw ko na makipag-usap pa.

Dinig ko ang marahan na pagbuntonghininga niya bago yumuko. Hindi ko inaasahan ang biglang pag-atake ng mukha niya upang patakan ako ng halik sa labi kaya naman hindi ko na naiwasan pa iyon.

Masama ang pinukol ko sa kaniya na tingin habang siya ay tipid lang ang ngiti na binigay sa akin. "I'll go now. Kumain ka na. I cooked your favorite dish. I love you," aniya.

Napairap na lang ako sa kawalan. Nag-asikaso na rin siya. Nang makuha na ang bag niya ay umalis na rin siya. Nagtagal pa sa pinto at mukhang may gusto pa na sabihin pero sa huli ay umalis na lang din siya.

Nagpalipas lang ako ng ilang minuto upang siguraduhin na hindi na siya babalik pa bago ako tumayo upang lapitan ang mini table at tingnan ang hinanda niya na pagkain.

Kusang tumaas ang kilay ko nang makita ang paborito ko roon. Sino ba si Beatrice at mukhang halos lahat ng bagay ay pareho kami.

Kinuha ko ang kutsara at tinidor, wala pa sanang balak na umupo pero nang matikman iyon ay hindi ko na napigilan pa ang sarili ko.

Ang tagal ko na nag-crave sa beef caldereta dahil na rin sa wala naman talagang natitira sa sahod ko. Lahat ng pera ko ay napupunta sa mga utang namin ni Mama at ang iilan ay pinangsusugal pa niya kaya wala talagang budget na natitira para mabili o makain ko ang mga gusto ko.

Pang-dalawang serving ang nilagay niya sa mangkok na siyang ipinagpapasalamat ko dahil talaga naman na busog na busog ako matapos kainin iyon. Hindi pa naman sumapat ang kinain ko kagabi sa kusina.

Said at walang tira ang mga plato na nasa harapan ko. Naitakip ko pa ang palad ko sa bunganga ko nang dumighay ako nang dahil sa sobrang kabusugan.

Sa halip na bumaba nang makaramdam ng sakit ng tiyan ay dumiretso na ako sa comfort room ni Lazaro. Nagulat pa ako dahil punong-puno ng salamin ang loob. Kahit ang inaapakan ko ay salamin kung saan kitang-kita ko ang sarili ko.

Nang dahil din doon ay kitang-kita ko ang kalinisan ng comfort room niya. Kahit pa nakakaramdam ako ng takot dahil baka bigla na lang mabasag ang salamin na inaapakan ko ay ipinagsawalang bahala ko na lang dahil sa sakit ng tiyan ko.

Pansin ko rin ang hitsura ko. Ilang araw na rin mula nang hindi ako makaligo at ang nakakahiya pa roon ay galing pa ako sa trabaho mula ng araw na iyon. Hindi naman ako nangingialam ng mga gamit doon sa kabilang room. Ang tanging ginalaw ko lang doon ay ang bagong toothbrush at sabon na panghilamos.

Naalibadbaran na rin ako sa sarili ko kaya hindi ko na naiwasan pa na mangialam ako sa mga gamit niya at saka naligo. Mahahaba ang mga damit niya na umaabot na hanggang sa tuhod ko kaya hindi na ako nag-abala pa na mag-short dahil wala rin akong makita na garterized short na mayroon siya.

Puro iyon maluluwang sa baywang at kung pipilitin ko na suotin ay baka malaglag lang din sa akin.

Hinugasan ko na rin sa ibaba ang mga pinagkainan ko upang matanggal na ang amoy na paikot-ikot sa loob ng room niya.

Sinubukan ko pa na sumilip sa labas at saka muling pumasok sa loob nang magkatinginan kami ng isa sa mga tauhan ni Lazaro. Mukhang mahihirapan talaga ako na makaalis sa bahay na ito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status