Share

Reigniting The Flames: Claiming His Ex-Wife
Reigniting The Flames: Claiming His Ex-Wife
Author: Deandra

Capitulo Uno

“De Jesus, Arabella Fae. Ito ang araw na pinakahihintay mo. Laya ka na!” anunsyo ng BJMP officer.

“Congrats Fae!” bati sa kanya ng mga kasamahan niya sa selda.

“Salamat,” sensirong wika niya.

Ang masikip at maruming seldang ito ay ang naging tahanan niya sa loob ng halos isang taon. At ang mga narito ay itinuturing na niyang kaibigan. Sa mata ng ibang tao ay marumi at nakakatakot sila dahil suot nila ang kulay kahel na kamiseta.

“Baka makalimutan mo na kami, ah!” pagbibiro ni Leila sa kanya at niyakap siya.

“Paano kita makakalimutan kung sa bawat pikit ko mukha mo ang nakikita ko?” biro niya pabalik.

“Fae, ha! H’wag mo rin kaming kalimutan!” sigaw ni Anna na nakaupo sa ibabaw ng kamang gawa sa kahoy.

Ngumiti siya at tinignan isa-isa, “Hindi ko kayo makakalimutan, pangako ‘yan.”

Paano niya makakalimutan ang mga taong mas naging pamilya niya pa kaysa sa sarili niyang pamilya. Bago pa tumulo ang luha niya ay tumingala siya. Ayaw niyang makita siya ng mga ito na umiiyak. Sino ba naman ang hindi gugustuhin na makaalis sa impyernong iyon? Isang taon lang siya roon ngunit pakiramdam niya ay isang dekada na siyang naroon.

“Tama na ang dramahang ‘yan. Ano, lalabas ka ba o hindi?” malditang wika ng BJMP officer.

“Pasensya na po,” malumanay niyang aniya.

Binuksan ng opisyales ang selda niya. Kinawayan niya ang mga kasamahan bago tumalikod. Sa araw na ‘to ay makakamtan na niya ang kalayaang pinagkait sa kanya dahil sa bagay hindi naman niya ginawa. Sa pagtapak niya sa labas ng kulungan ay sumalubong sa kanya ang malamig na simoy ng hangin dala ng masamang panahon.

Malungkot siyang ngumiti nang makita ni isa ay walang sumalubong sa kanya. Walang kamag-anak na sumundo sa kanya. Imbes na magmukmok ay nagsimula na siyang maglakad. Hindi naman siya imbalido para hindi kayaning maglakad. Abutin man siya ng ilang oras ay ayos lang, makarating lang sa destinasyon niya.

 

Kahit isang piso ay wala siya. Kahit uhaw na uhaw siya ay tiniis niya, tuwing bubuhos ang ulan ay humihinto siya para sumilong. Hanggang sa makarating siya sa Manuel hospital kung saan naroroon ang kanyang Lola.

 

Medyo basa siya dulot ng ulan ngunit hindi niya iyon alintana, mabilis siyang naglakad papunta sa silid kung saan naroroon ang natatanging taong nagbibigay sa kanya ng pag-asa. Pinihit niya ang sedura, sa bawat segundo ang nagdaan ay palakas nang palakas ang kabog ng dibdib niya.

 

Unti-unting sumilay sa kanya ang Lola na nakahiga sa kama, namamayat ito at nanghihina.

 

“Lola Mamay…”

 

Nagmulat ito ng mata, nagtama ang paningin nilang dalawa. “Aking apo!”

 

“Lola Mamay!” dali-dali siyang lumapit sa matanda, niyakap niya ito at pinugpog ng halik sa buong mukha. “Ang Lola Mamay ko! Narito na ‘ko, Lola Mamay. Maaalagaan na kita araw-araw, araw-araw kitang aalagaan.”

 

Hinawakan niya ang kamay ng matanda at inilapat iyon sa mukha niya. Maluha-luha ang matanda, “Ang apo ko. Namamayat ka apo ko…”

 

Umiling siya, “H’wag niyo akong alalahanin Lola Mamay. Kalusugan niyo ang dapat nating unahin. Maayos naman ako Mamay kaya h’wag niyong alalahanin ako. Ang importante ay narito na ‘ko. Miss na miss kita Lola Mamay. Walang araw na hindi kita iniisip. Walang araw na hindi kita namimiss.”

 

“B-bakit, hindi ka ba dinalaw ng asawa mo sa kulungan?” nag-aalalang tanong ng kanyang Lola.

 

Ngumiti siya, “Dumalaw naman Mamay. Busy lang siya ngayon.”

 

Ayaw niyang sabihin rito na hindi man lang siya sinundo ng magaling niyang asawa. Panigurado ay kasama na naman nito ang babae nitong si Abegail. Ano nga bang laban niya roon? Si Abegail ang unang babaeng minahal ni Hendrix at kahit kailan ay hindi niya iyon mapapantayan kesohodang siya pa ang asawa. Mananatili at mananatili sa puso niya si Abegail.

 

“H’wag na nating pag-usapan ang asawa ko, Mamay. Kwentuhan niyo na lang ako sa mga nangyari sa ‘yo habang wala ako. Dumalaw na ba si Tiyo at Tiya sa ‘yo?”

 

Ilang oras silang nagkuwentuhan ng kanyang Lola. Kung saan-saan umabot ang usapan nila, miss na miss na niya ito. Ito lang ang rason kung bakit pinipilit niya pang mabuhay, kung bakit hanggang ngayon ay nagtitiis siya.

 

Maliit pa lang siya ay ito na ang kasama niya, ito ang bumuhay sa kanya at nagtaguyod para lang mapag-aral siya. Nagkasakit ito noong nasa huling taon na siya ng kolehiyo at lumala nang lumala. Bandang alas seis ng gabi ay pinilit na siya nitong umuwi.

 

“Umuwi ka na sa bahay niyo ng asawa mo. Dapat siya agad ang una mong pinuntahan apo. Baka magtampo sa iyo ‘yon. Nakakahiya naman sa kanya,” anas ng Lola niya.

 

“May hindi naman siguro,” wika niya-alam naman niyang hindi iyon mangyayari. Wala namang pakialam sa kanya si Hendrix, isa lang siyang laruan para rito.

 

 

“Hindi! Umuwi ka sa bahay niyo, unang araw mo rito sa labas. Dapat kay Hendrix ka agad nagtungo, siya ang priyoridad mo ngayon!” galit na wika ng matanda.

”May please… ang puso mo,” pakiusap niya rito. “Hindi ka pwedeng magalit!”

Humingang malalim ang matanda, “Kaya umuwi ka na ngayon din bago pa ‘ko magalit sa ‘yo.”

Wala siyang nagawa kundi ang um-oo, ayaw niyang bigyan nang sama ng loob ang Lola niya. Sapat na iyon nang makulong siya at malayo siya rito, malaking sama ng loob ang naibigay niya rito. Wala siyang nagawa kundi ang umuwi na lamang ang bahay kung saan naging impyerno ang buhay niya.

Inabot siya ng dalawang oras sa paglalakad. Sumabay pa ang sama ng panahon sa nararamdaman niya. Ang bawat hakbang niya ay mabigat, ang puso niya ang parang pinupunit sa sakit. Huminto siya sa tapat nang malaking bahay, naghuhumiyaw iyon sa karangyaan at ang isang tulad niya ay hindi nababagay roon. 

Sampung minuto ang lumipas ngunit hindi pa rin magawang pindutin ang door bell. Natatakot siya na sa pagbalik niya roon ay madudurog na naman ulit siya. 

“Sino ‘yan?” biglang bumukas ang malaking gate at iniluwa noon ang isang lalaking may katandaan na.

“Manong Arturo,” anas niya.

Nanlaki ang mata ng matandang lalaki sa gulat, “Ma’am Arabella? Mahabaging Diyos! Pumasok ka rine!”

Pinapasok siya nito sa mansyon at nagdire-diretso na siya sa silid na tinutuluyan niya. At nadatnan niya roon ang asawa niyang mahimbing ang tulog. Hindi niya mapigilang mapaiyak, hindi siya iyaking tao pero simula nang maikasal siya kay Hendrix ay halos araw-araw siyang lumuluha. 

“Oh, you’re here!” anas nito habang humihikab pa, namumungay ang mata nito at halatang kakagising lang niya. “Welcome home, My wife.”

Mabilis siyang tumalikod at pinahid ang mga luha niya at saka humarap siya kay Hendrix Levian Leviste. Ang asawa niyang walang pakialam sa kanya. Ang isa sa rason ng kalungkutan niya. Ang lalaking iniibig niya  buong buhay niya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status