Share

Capítulo Tres

 

 

 

Nakatulala siya, hinihintay na ma-cremate ang katawan ng Lola niya. Hindi niya alam kung paano siya uusad, kung paano siya mabubuhay. Napahawak siya sa mukha niya, hinang-hina na siya. Tumayo siya at lumapit sa babaeng nasa front desk.

 

“Ma’am?”

 

Nag-angat ng tingin ang babae, “Yes? Ano po ang maipanglilingkod ko?”

 

“Pwede po bang makitawag ako sa telepono niyo?” sabay turo sa teleponong nasa mesa.

 

Tumango ito at nginitian siya kaya mabilis niyang sinubukang tawagan ang telepono sa opisina nito. Kailangan niya si Hendrix, kailangan niya ng may masasandalan sa mga oras na ‘to.

 

“Hello?” ani niya nang may sumagot na roon. “Hendrix?”

 

“Hello, sino sila?” ang sekretarya ni Hendrix ang sumagot sa tawag niya.

 

Napakagat labi siya sa inis, “Nasaan  si Hendrix?”

 

“Miss Arabella?”

 

“Ako ‘to, Mark. Nasaan si Hendrix?” napapikit pa siya nang marinig niyang bumuntong hininga si Mark sa kabilang linya. “Please, answer me honestly, Mark.”

 

“Magkasama po sila ni Ma’am Abegail. Bigla po kasing inatake ng hika si Miss Abegail at isinugod sa hospital. Hindi nga po naka-attend si Sir ng meeting niya today—”

 

“Ahh,” dismadayo niyang wika. “Sige, salamat na lang Mark.”

 

Binaba niya ang tawag, ano pa bang ini-expect niya? Kahit kailan ay wala siya sa priority list ng asawa niya. Palaging nangunguna ang kababata nitong si Abegail.

Umuwi siya dala-dala ang abo ng Lola niya. Buong gabi ay nasa kwarto lang siya umiiyak. At ni anino ng asawa niya ay hindi niya nakita. Lumipas ang mga araw at nagpatuloy lang siya sa buhay. Walang nakakaalam na wala na ang Lola niya. At ilang araw na rin niyang hindi nakikita ang asawa niya.

Nagpasya siyang mag-apply ng trabaho. Nais niyang magsimulang muli at isang bagay ang lubos niyang pinag-isipan ng mabuti. At iyon ang makipaghiwalay na kay Hendrix. Dahil alam naman niyang walang patutunguhan pa ang pagsasama nila. At alam naman niyang kahit kailan ay hindi niya mapapantayan sa puso nito si Abegail.

“Hija, sa’n ka pupunta?” nag-aalalang tanong ng mayordoma sa bahay nilang mag-asawa.

“Ahh,” napahinto siya sa paghila ng maleta niya. “Aalis na po ako Manang.”

Kumunot ang noo ng ginang, “Saan ka naman pupunta? At alam ba ‘yan ng asawa mo? Baka magalit na naman ‘yon. Alam mo naman iyon, anak.”

Ngumiti siya, “Ano bang ini-expect ni Hendrix Manang? Hintayin ko siya habang-buhay? Nagpapaka-asawa siya kay Abegail. Tas ako dito parang tangang hihintayin lang siya? Isa pa Manang gusto kong magkaroon ng bagong buhay.”

“Ewan ko ba d’yan sa asawa mong ‘yan. Laging andoon sa babaeng baliw na ‘yun,” nakangiwing sambit ni Manang. “Kung ano man ang magiging desisyon mo ay susuportahan kita. May pera ka ba d’yan?”

“May naitabi naman po akong pera, Manang. Saka susubukan kong makahanap ng trabaho at sana palarin ako.”

Nilisan niya ang bahay na iyon, hindi na siya lumingon pa at wala na rin siyang planong bumalik pa sa bahay na iyon. Kahit kailan ay hindi naman siya nakaramdam na nararapat siya sa bahay na iyon. 

Naghanap siya ng bahay na matitirhan. Naglakad lang siya kung saan-saan, makahanap lang ng murang mauupahan. Nakahanap siya ng isang boarding house, kung saan may bakante pang higaan. Lahat ng ibinigay sa kanya ni Hendrix ay iniwan niya sa bahay. Mula sa mga alahas, damit, at pera wala siyang dinala na nagmula sa pera ni Hendrix. Dala-dala lang niya ang lumang bag na naglalaman ng mga damit niya na mula sa sariling bulsa  niya. 

Kahit papaano ay may ipon naman siyang pera ngunit hindi gaano ka laki ang ipon niya. Sapat lang iyon upang makapagsimula siyang muli. 

Kinabukasan ay maaga siyang gumayak para magtrabaho. Dala-dala ang mga papeles niya ay naglakad-lakad siya sa mga hospital na maaari niyang pag-applyan. Hanggang sa mapadpad siya sa St. Joseph Hospital, kung saan ay agad siyang natanggap–isa kakabukas lamang na hospital, kakaunti pa ang staffs kaya mabilis siyang natanggap. 

Pumirma siya ng kontrata at agad na nabigyan ng uniporme. Naglibot-libot muna siya sa hospital kung saan sinusubukan niyang maging pamilyar sa lugar para hindi na siya manibago bukas. 

“Drix, can't you stay a little longer?” 

Napahinto siya nang marinig ang pamilya na boses na ‘yon. Masyadong malaki ang lungsod para magtagpo ang landas nila ng asawa niya at ng babae nito. 

“I really can’t stay for tonight, Abby. You know that my wife is back. I haven’t spent my time with her–”

“Hindi naman siya mawawala, e. She won’t get back to prison unless may gawin na naman siyang masama!”

“Abby…” saway ni Hendrix sa dating nobya. 

“Fine, sorry. I didn’t mean it that way. And I am sure she will understand Drix. Hindi ka niya ipagkakait sa ‘kin.”

Unti-unti siyang lumingon kung saan nanggagaling ang mga boses na iyon. Hindi nga siya nagkakamali, si Hendrix at Abegail. Si Hendrix na nasa likod ni Abegail habang ang babae naman ay nakaupo sa wheelchair at pareho silang nakatanaw sa mga puno. 

Hindi na niya kinaya kaya mabilis siyang umalis roon. Kahit pa sanay na siya sa tagpong iyon ay ganoon pa rin ang epekto sa kanya. Sa apat na taong kasal sila ni Hendrix ay hindi nawala si Abegail. Kung papipiliin si Hendrix ay parating si Abegail ang sagot nito.

Wala siya sa priyoridad nito. Kahit pa noong nakulong siya? Kahit kailan ay hindi siya nito dinalaw. Noong nagmakaawa siya ay matigas ang puso nito sa kanya. Umasa siya na kahit papaano ay may katiting itong awa sa kanya. Pero sino nga ba siya? Kung wala ang apelyidong Leviste, isa lanv siyang dukha.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status