Share

Chapter 2-Pakiusap

NAGISING si Alexander mula sa masamang panaginip kinagabihan. Muling uminit ang kaniyang ulo dahil hindi niya magawang bumangon upang kumuha ng maiinum. Isa pa sa ikinagalit niya ay hindi pa bumabalik si Tibor mula kahapon. Tanging ang ama niya ang nagisnan kaninang umaga at nagbantay sa kaniya. Ayaw naman niya itong kausap kaya hindi niya alam kung nasaan na si Tibor.

Naikuyom ni Alexander ang kanang kamao nang maalala ang panaginip. Mabilis niyang pinindot ang red button na nasa kaniyang tabihan upang tawagin ang kaniyang bantay. Parehong humahangos na pumasok sa loob ang dalawa at bakas sa mukha ang pag-aalala.

"Hindi pa ba bumabalik si Tibor?"

Nagkatinginan ang dalawang bantay at hindi magawang ibuka ang bibig kaya lalong uminit ang ulo ni Alexander.

"Magsasalita kayo o gusto ninyong pasabugin ko iyang mga bungo ninyo?!" pabulyaw niyang tanong sa dalawa.

Hintakutang napasulyap ang tingin ng dalawa sa baril na nasa tabi ni Alexander. Kilala na nila ang binata, masahol pa itong magalit kaysa ama nito.

"Huwag po, Young Master! Patawad ngunit mahigpit ang bilin ng inyong ama na huwag ipaalam sa inyo ang kalagayan ngayon ni Boss Tibor." Nanginginig ang tinig ni Dante habang nakayuko ang ulo.

Mabilis na dinampot ni Alexander ang baril at itinutok iyon kay Troy. "Magsasalita ka ngayon o gusto mong makita ang pagsabog ng utak ng iyong kasama?"

Pati tuhod ni Dante ay nanginig na dahil sa banta ng binatang amo. Sa sobrang takot niya ay hindi na niya magawang ibuka pa ang bibig. Pagtingin niya kay Troy ay namumutla na ito at halatang nanginginig din ang tuhod dahil sa takot.

"Maawa po kayo sa akin, Young Master! Ayaw lamang po ng iyong ama na lumala ang kalagayan mo kaya gustong ilihim ito. Pero huwag po kayong mag-alala, maayos na po ang kalagayn ni Boss Tibor at nasa kabilang silid lamang siya." Si Troy na ang sumagot sa galit nilang amo.

Kahit nanghihina at hirap kumilos ay nagawang ibato ni Alexander ang hawak na baril kay Troy. Ngunit nakailag ito at agad siyang nilapitan ni Dante upang pigilan sa pagwawala. "Dalhin ninyo ako sa kaniya ngayon din!" maawturidad niyang utos sa dalawa.

"Kumalma po muna kayo, Young Master! Maawa po kayo sa amin at hindi nga kami mamatay sa iyong kamay, pero kapag nalaman ito ni Mr. Chairman ay tiyak hindi mo na muli makita pa ang aming guwapong mukha!"

Sinamaan niya ng tingin si Dante at nagawa pa nitong purihin ang sarili sa gitna ng kaniyang galit. Sanay naman na siya sa dalawang ito, kahit mga mukhang killer ay may malambot na puso pag siya na ang kaharap. Alam niyang hindi lang dahil sa trabaho kaya nanatili ang mga ito sa kaniyang tabi sa kabila ng kasamaang pinapakita. Ang kaniyang ina ang nagpalaki sa dalawa noon at galing sa bahay ampunan ang mga ito. Parang magkapatid na sila noon ngunit napawalay sa kaniya ang dalawa nang ipadala ng kaniyang ama sa malayo upang mag-training.

"Makinig po kayo sa amin, Young Master. Ayaw pa po naming makaharap ang iyong ina mula sa kabilang buhay at tiyak mapapalo niya po kami!" segundang pakiusap ni Troy sa binata.

Unti-unting kumalma si Alexander nang maalala ang ina. Totoo ang sinabi ni Troy, mahigpit ang bilin ng kaniyang ina sa dalawa noon na huwag siyang iwan. Noong naghihingalo ang ina ay saksi ang dalawa sa mga nangyari. Pareho pa sila noong mahina at hindi kayang lumaban dahil sa murang edad. Matanda lang sa kaniya ng ilang taon sina Troy at Dante. At dose anyos lamang siya nang mangyari ang trahedya.

"I-ilayo niyo na ang inyong Young Master dito at hu-huwag siyang iwan kahit ano ang mangyari! Iligtas ni-niyo siya at huwag ha-hayaang mapahamak!" mga katagang huling narinig ni Alexander mula sa pinakamamahal niyang ina bago ito nalagutan ng hininga.

Nagkatinginan sina Dante at Troy nang biglang manahimik ang barumbadong kanilang binabantayan.

"Young Master, nagbibiro lamang po si Dante."

Hindi pinansin ni Alexander si Troy. Alam ng mga ito na ang alaala ng kaniyang ina ang nagpapalambot sa kaniyang puso. Hindi sa ayaw niyang pinapaalala ng mga ito ang kaniyang ina, ngunit ang masakit na nakaraan ang bumbalik sa kaniyang alaala kapag ang ina ang pag-uusapan. Hindi siya matatahimik hangga't hindi nahanap ang taong pumatay sa kaniyang ina. At si Tibor? Maswerte lamang na nabuhay ito mula sa pagsangga ng bala ng baril na para sana sa kaniya noon. Sinubukan din ni Tibor na iligtas ang kaniyang ina ngunit nauna itong nawalan ng malay-tao.

"Young Master?" magkapanabay na tawag ng dalawa sa nanahimik na binata.

"Akin na ang iyong cellphone," malamig na utos ni Alexander kay Dante.

Nakakaunawang ibinigay ni Dante ang cellphone kay Alexander. Kahit papaano ay nakahinga sila ng maluwag at nakinig sa kanila ang binata.

Mabilis na dinayal ni Alexander ang numero ng ama. Alam niyang ito ang gusto nito, ang siya mismo ang makiusap dito upang makita niya si Tibor.

Napangisi si Laurenzo nang makita ang numero ng caller. Hindi pa man nakumpirma pero may idea na siya kung sino ang nasa kabilang linya.

"Dalhin mo ako kay Tibor," ani Alexander sa malamig na tinig nang sagutin ng ama ang kaniyang tawag.

"Ipasundo kita riyan," walang emotion na sagot ni Laurenzo.

Mabilis na off ni Alexander ang cellphone at walang ingat na ibinalik kay Dante. Pagtingin niya sa orasan ay madaling araw na. Ngayon niya lang naitanong sa sarili kung bakit gising pa ang ama?

"Young Master, nasa labas po ang iyong ama."

Nagtatakang napatingin si Alexander kay Dante. Hindi niya alam kung ano na naman ang drama ng ama at nagawang magpuyat. Kung ganoon ay naroon lang ito sa silid ni Tibor nang tawagan niya?

Mabilis na inalalayan nila Dante at Troy si Alexander at inilipat sa wheelchair. Kahit papaano ay naigalaw na nito ang ulo at inalis na ang support na nasa leeg.

Kahit alam niyang nasa labas ng pinto ang ama ay nagulat pa rin si Alexander pagkakita dito.

"Ako na!" Agaw ni Laurenzo at siya ang nagtulak sa wheelchair.

"Ilang gabi ka nang hindi natutulog?" malamig na tanong ni Alexander sa ama nang mapansin ang pangingitim sa paligid ng mata nito.

"Buhay mo at ni Tibor ang nalagay sa panganib kaya ano ang inaasahan mong gagawin ko?" antipatikong sagot niya sa anak.

"Huh, takot ka lang mawalan ng tagapagmana sa iyong lahi," sarkastiko niyang sagot sa ama.

"Kaya kong gumawa ng isa pang anak kung gustohin ko."

"At sa babaeng iyon?" Nangangalit ang bagang at tumalim ang mga titig ni Alexander habang nakatingin sa dinadaanan.

Alam ni Laurenzo na nagbabaga na sa galit ang mga mata ng anak sa mga oras na ito. Gusto lamang niya itong gantihan sa pang-iinsulto nito sa kaniya kaya nasabi niya iyon. Limang taon na rin ang lumipas mula nang magkaroon siya ng bagong karelasyong babae. Ilang beses na rin nagawan ng masama ni Alexander ang kaniyang nobya ngunit hindi sumusuko si Lovina. Isa sa inaayawan ng anak sa babae ay dahil malaki ang agwat ng edad. Nasa late thirty lamang si Lovina at ay singkwenta na mahigit.

"Ewan mo na ako at kaya ko na ang sarili ko!" inis niyang pagtataboy sa ama nang tumapat na sila sa isang silid.

Sa halip na pakinggan ang anak ay muli niyang itinulak ang kinaupuan nito nang pagbuksan sila ng pintuan ng bantay.

Hindi na maipinta ang mukha ni Alexander hanggang sa makapasok sila sa loob. Agad natuon ang tingin niya sa taong nakahiga sa hospital bed. Gising ito at ngumiti pa nang makita siya. Sa halip na matuwa ay lalo lamang siya nagalit at nagawa pang ngumiti ni Tibor, gayong halos hindi na makilala ang mukha nito. Mukhang mas malala ang natamong pasa nito sa mukha kaysa kaniya.

"Young Master, hindi ka na dapat nag-abalang bisitahin ako rito." Tangkang bababa si Tibor sa kama ngunit galit na nagsalita ang binata.

"Diyan ka lang, at sino ang nag-utos sa iyo upang magpabugbog ng ganito?!" nakaangil niyang sita kay Tibor.

"Kung hindi ka naging reckless ay hindi malagay sa panganib ang iyong tauhan!"

Biglang nanigas si Alexander sa kinaupuan nang marinig ang galit at baritonong tinig ng isang lalaki. Kahit hindi pa nakikita ang mukha nito ay kilala niya ang boses ng lakaki. Wala namang ibang taong naglalakas loob na sagutin o pagsalitaan siya ng ganoon kundi ito lang.

"Kung hindi lang dahil sa iyong ama ay baka ako mismo ang dadampot sa iyo at ipakulong upang matigil ka na sa paghahanap ng gulo!"

Galit na nilingon ni Alexander si Dylan at kahit nasaktan sa marahas niyang kilos ay hindi niya ipinakita iyon sa lalaki. "Huwag mong idahilan ang walang kuwenta kong ama! Kung gusto mo akong hulihin, then gawin mo. Huwag puro satsat tulad sa gawain ng iyong kabaro!"

Lapat ang mga ngipin at nag-igtingan ang panga ni Dylan habang nakipagsukatan ng masamang tingin kay Alexander. Ang sarap lang dagdagan ang bangas nito sa mukha.

Napangisi si Alexander nang makita ang galit sa mukha ni Dylan. Pero kahit parang dragon ito na gusto siyang bugahan ng apoy ay ang guwapo pa rin ng mukha. Mabilis na sinaway ni Alexander ang sarili at muli na namang humanga sa lalaki. Limang taon na rin ang lumipas mula nang huli niya itong nakita. Pero madalas niyang naririnig ang boses nito sa tuwing kausap sa cellphone si Tibor. Ang laki ng pinagbago ng lalaki lalo na ang katawan.

Mabilis na tumayo si Dylan at walang paalam na lumabas ng silid.

Muling napangisi si Alexander, tulad ng dati ay hindi kayang tumagal ni Dylan sa kaniyang harapan. Napasunod ang tingin niya dito, kahit nakatalikod ang binata ay ang lakas ng aura sa pagkatao nito. Nagsusumigaw ang pagkalalaki nito na hindi niya nakikita sa ibang lalaki na nakasalamuha.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status