Share

Chapter 5 - Boundaries

Hindi ko namamalayan ang pagtakbo ng oras. 

Bahagyang nawawala na ang matinding sikat ng araw sa hapon na nakakapaso sa balat. 

Kahit nasa ilalim kami ng puno ni Maya at hindi na rin natatamaan ng araw ang aming mga balat ay nararamdaman ko ang init sa mga salita ni niya, nakakapaso ng puso, parang sinisilaban ang buong pagkatao ko at natutunaw ang kaluluwa ko.

Dahan-dahang nababawasan ang ingay sa canteen habang patuloy ang tensyon at makapigil-hiningang pag-uusap namin ni Maya.

 Sa unahan ng tainga ko ay naririnig kong unti-unting nag-aalisan ang mga estudyante sa campus dahil sunud-sunod na pagpapa-alam sila sa isa't- isa. Ngunit sa dulo naman ng tainga ko ay nananatili ang maanghang na salita ni Maya sa akin na hindi ko kayang lunukin.

Dapat kong ipagtanggol ang sarili ko,

sasabog ang puso ko na parang nagngangalit na bulkan at kailangan kong ipaliwanag kay Maya na malaking parte siya ng mundo ko, isang bagay na hindi pwedeng mabago.

"Buong buhay ko Maya, ikaw lang ang naging kasama ko dito sa campus.

Wala akong ibang naging kaibigan, ikaw lang", panunumbat ko sa kaniya na may matigas kong pananalita habang pinapahid ko ang natitira pang mga luha sa pisngi ko.

"Kapag andito ako sa school, ikaw lang ang kilala ko, ikaw lang ang kasama ko. "

"Dahil ako lang ang nakakaintindi at nagtitiyaga sa iyo Payne!" biglang tumaas ang boses ni Maya na parang halos marinig na ng mga ibon sa himpapawid.

Bahagyang napahinto ang paglabas ng mga salita sa bibig ko na parang umurong ang dila ko, ngunit nilalaban ito ng maalab kong damdamin upang maipaliwanag ko sa kaisa-isang matalik kong kaibigan na bahagi siya ng kabuuan ko.

"Hindi ako buo Maya, ikaw ang isang parte ng pagkatao ko!" 

"Ikaw ang isang parte na bumubuo sa mundo ko! "

"Sa lungkot,

sa saya,

sa takot,

sa pagkabigo,

ikaw ang kasama ko."

"Ang tagumpay mo ay tagumpay ko,

ang kabiguan mo ay kabiguan ko."

"Ang mga panagarap mo ay naging pangarap ko na rin." 

Sa pamamaga ng mga mata ko, hinaharangan nito na makita ko ang mga magagndang salitang lalabas sa bibig ni Maya.

Umaasa akong ipagtatanggol niya ang sarili niya sa akin. 

Umaasa akong sasabihin niya ang gusto kong marinig dahil siya man ay ako na rin ang naging mundo niya.

"Simula elementary tayo Maya, hindi ko nagawang makipag-kaibigan sa iba. Nilagyan ko ng harang ang puso ko, ang pagkatao ko dahil sabi mo hindi nila ako matatanggap."

Nakatitig lang sa akin si Maya sa mga sandaling iyon at sa unang pagkakataon hindi ko nababasa ang mga salita sa mga mata niya. 

Hindi ko maintindihan kung ang mga mata niya ay naglalaman ng pagka-awa, pagkagalito pagtataka sa mga sinasabi ko.

"Walang ibang nakakapasok sa buhay ko nuon dahil nakaharang ka...! Ikaw ang nakabantay sa pinto ng pagkatao ko!" 

Tuluyan nang bumuhos ang luha ko sa magkabilang pisngi ko. Hinahayaan ko lang na parang sumusunod sa agos ng luha ko ang pagkalungkot ng mga salita ko...

"At kapag may aaminin ako sa iyo na may nagugustuhan ako sasabihin mong..."

Hindi ko naituloy ang salita ko, bigla nalang siyang nagsalita na ikinagulat ko, tumayo ang mga balahibo ko at biglang sumikip ang dibdib ko kasabay ng matinding pagtitig niya sa mga mata ko.

"Ano Payne?! Sinasabi ko sa iyong layuan mo na bago ka pa layuan? ", mga pananalita ni Maya na kasing-tigas ng bato,

hindi siya kumukurap.

"Bakit Payne, akala mo ba matatanggap ka nila?"

"Akala mo ba maiintindihan ka nila?"

Lalong namimilog at lumalaki ang mga mata niya na parang malaking bola na lalamon sa buong katawan ko.

"Hindi mo ba mabilang kung ilang beses kita ipinagtanggol sa mga kaklase natin na nambu-bully sa iyo?" mabilis niyang panunumbat sa akin na kasing-bilis ng malamig na hangin.

"Nabilang mo ba Payne kung ilang notebooks ang sinalo ng mga braso ko para hindi ka matamaan nung mga panahong binabato ka nila?"

Sabay hampas ng malakas sa kanang braso niya na parang naiwan pa rin duon ang sakit.

"Nabilang mo ba Payne kung ilang upuan mo ang ibinalik ko sa tuwing kukunin nila ang upuan mo,

maraming beses... Maraming beses na muntik ka nang malaglag hindi ba?"

muling nanliit ang mga mata ni Maya na parang kaunti nalang bahagi ng katawan ko ang nakikita niya.

 Hindi nawawala ang pagtitig niya sa akin habang ang kanang kamay nya ay tumuro sa kanang direksyon na ayaw kong tingnan.

Nabilang mo ba kung ilang sticky notes ang itinapon ko sa basurahan galing sa likod mo?"

Sunud-sunod ang panunumbat niya at kinakabahan na ako, nanlalamig ang mga kamay ko, hindi nawawala ang pagtaas ng mga balahibo sa buong katawan ko, patuloy na bumibilis ang tibok ng puso ko na parang hinahabol ako ng asong ulol, walang tigil ito sa pagtakbo.

"Hindi mo na nabasa ang lahat ng iyon Payne, bago mo pa basahin eh naitapon ko na!" 

Tumaas pa ang lebel ng kanyang mga braso, parang nakakakita ako ng apoy sa likod niya akmang ipinagmamalaki niya ang mga ginawa niyang pagtatanggol sa akin.

"Ilang foundation week na Payne na dapat hindi pareho ang schedule ng competition natin para mabantayan kita"

"At ilang beses kong isisiksik diyan sa kokote mo na ako lang ang makakatanggap sa autistic na kagaya mo!"

Hindi ko napigilang gumanti ang kaliwang kamay ko sa mga magagaspang niyang pananalita.

Parang papel de liha ang mga salita niya sumusugat sa puso ko.  

Nasampal ng nanginginig kong kamay ang kanang pisngi ni Maya.

Sa sobrang lakas makikitang bumakat ang palad at apat na mga daliri ko sa kanang pisngi niya.

Dahilan ng pagkagulo ng kaliwang bahagi ng kaniyang buhok. 

Puno ng galit, poot at pagkainis ang latay ng sampal ko sa kaniya.

Parang guguho ang mundo ko. 

Isa-isang nalalaglag sa katawan ko ang mga masasayang oras namin ni Maya.

Parang hinuhubaran ako paunti-unti ng mga panahong si Maya lang ang naging kanlungan ko.

Ang mundo kong parte siya ng pagbuo nito.

Kahit nananatili ang liwanag ng araw sa hapon iyon ay dahan-dahang dumidilim ang paningin ko na tila ba may hindi mapigilang paparating na solar eclipse.

Hindi ko na napapansin kung may iba pa bang taong nakakarinig o nakakakita sa amin.

Sa pag-uusap namin ay parang ikinulong ko na ang aming mga sarili sa maliit na kahon na walang ibang pwedeng makita at makisali.

Nanginginig pa rin ang mga kamay ko.

At hindi pa rin bumabalik sa pwesto si Maya mula sa pagkakasampal ko sa kaniya, pero maririnig mo ang malalalim niyang mga hininga at mga pigil na pigil niyang pag-iyak.

Ang nanghihina kong mga paa ay naka-dikit na sa lupa, hindi ko maigalaw.

Nanlalambot ang diwa ko habang ang buong katawan ko ay naninigas at namamanhid. Hindi ko akalain na maririnig ko ito sa kaniya.

"Isinusumbat mo ba sa akin Maya lahat ng tulong at pagtatanggol na nagawa mo sa akin?"

mangiyak-ngiyak kong pagtatanong sa kaniya.

"Hindi Payne! ipinapa-ala-ala ko lang sa iyo, para kasing nalimutan mo na," bumalikwas siya ng tingin, ngunit walang luha na makikita sa kaniyang nanlilisik na mga mata.

"Hindi lang ako ang naging parte ng mundo mo,

oo ako lang ang tumagal."

" Ako lang ang nanatili."

 " Dahil ako lang naman ang mas piniling tumagal sa mundo mo,

sa magulong mundo mo!"

"Hi... Hin... Hindi kita naiintindihan Maya..." napalitan ng takot ang sagot ko sa kaniya na para bang isa-isang multo ang bumubungad sa harapan ko.

"Kailan mo ba ako naintidihan?"

"Ako lang naman ang nagpumilit intindihin ka, niresearch ko pa nga ang sakit mo hindi ba Payne?"

"Ni-research mo?" lumaki pa lalo ang mga mata ko ngunit nawala ang pagtindig ng mga balahibo ko sa sinabi ni Maya

"Nalimutan mo nanaman?"

" Kaya nga alam kong may multiple personality, ka along with your autism."

"Pero tinuring kitang normal, dahil gusto kong itrato mo ang sarili mo ng normal."

Biglang bumaba ang lebel ng balikat ko sa sinabing iyon ni Maya,nawala ang panginginig ng mga kamay ko, naramdaman kong parang umaangat ang mga paa ko sa lupa, para akong nakalutang kagaya ng isang lobo.

"May mga ginagaya ka Payne simula elementary tayo, at hindi ko naiintindihan kung bahagi ba un ng pagiging echopraxia o ng multiple personality mo."

"Kapag pumapasok ka nuong elementary tayo na ginagaya mo ang malaking boses ni Manong Guard. 

Buong araw kang si Manong guard. 

"Pinagtatawanan ka ng buong klase Payne, pero ako ang bukod tanging sumasayaw sa tugtog ng pag-papanggap mo."

"Kapag pumapasok kang punong - puno ng make up ang mukha dahil sasabihin mong ikaw si Ate Dianne. 

Pati ang mala-Cynthia Patag niyang boses eh gayang-gaya mo."

 Pag-ngisi ng bahagya ni Maya na nagbigay ng bahagyang ngiti sa mga mata ko.

"At kapag inilililis mo ang palda mo nuong first year highschool tayo dahil ginagaya mo si Miss Lexy, ilang mga mata ang muntik ko nang tusukin dahil nakatitig sila ng masama sa iyo na may halong pambabastos."

"Kapag papasok kang punong-puno ng gel ang buhok mo at babatiin ang mga kaklase nating mga lalaki at magpapakilala kang ikaw si Sir Jack." 

"Sino pa Payne?"

"Sino pa ang gusto mong gayahin?"

"Kanino pang pagkatao ang kailangan kong pag-aralan para makasabay ako sa iyo?"

Nag-iba ang tono ng pananalita ni Maya, napalitan ng malumanay na mga salita ang mapagmataas niyang boses na para bang nakikipag-usap siya sa isang bata.

Bigla niyang hinawakan ng malalamig niyang mga kamay ang dalawa kong braso na parang may malaking bloke ng yelo na nakapatong sa mga balikat ko.

"Matalino ka Payne, sobrang talino along with your autism spectrum disorder kaya nagtitiyaga ang eskwelahan natin sa iyo."

"At dahil alam nila ang sakit mo, kaya hinahayaan ka ng principal sa mga panahong nagsusuot ka ng kung anu-anong costume."

"Pero may limitasyon ang lahat Payne, may hangganan ang lahat"

"Pagkatapos natin dito, kapag naka-graduate na tayo ng Highschool, paano ka na?"

"Sinong tatanggap sa iyo"

"Sinong gugustuhing pumasok sa mundo mo?"

"Walang iba Payne, kami lang ng Mama mo, kami lang ang tatanggap sa iyo"

"Kami lang ang pamilya mo."

"Si Neal? Sa palagay mo matatanggap ka ni Neal?"

"Hindi ang tipo ni Neal ang makakatanggap sa iyo Payne"

"Hindi ang tipo niya ang pwedeng makapagpabago ng mundo mo"

"Hindi mo na pwedeng baguhin kung ano ang nakasanayan mo sa mundo mo"

"Hindi na Payne, hindi na."

Habang nababalot ng pagkalungkot ang mga mukha ko at halos tumiklop na ang katawan ko sa kahihiyan ay biglang may humawak sa kaliwang balikat ko, kasing-bigat ng kalahating kilo ng bigas ang kamay na nakapasan sa balikat ko.

"Neal? Anong ginagawa mo rito?"

Nagulat na tanong ni Maya na halos tumayo siya at pigilan akong lumingon sa likod ko. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status