Share

Kabanata 6

“Hello, Angelica? Okay na ba ang pakiramdam mo?” nag-aalalang tanong ni Chloe sa kabilang linya.

Tumango si Angelica at sumagot, “Oo. Okay na ang pakiramdam ko.”

“Nilalagnat ka pa rin ba? Kumain ka na ba ng pananghalian? Gutom ka ba? Paano kung mag-order ako ng pagkain sa'yo? O kaya naman dalhan na lamang kita ng pagkain, ano nga ba ang gusto mo?”

Sa harap ng pag-aalala ni Chloe ay nakaramdam si Angelica ng pagkalito at pagkagulo. Hindi naman talaga sila malapit sa isa't-isa at ang pag-aalala sa kan'ya ni Chloe ay sobrang nakakapagtataka at sobra-sobra.

Dahil likas na mabait si Angelica, hindi na siya nagtaka pa at sumagot pa-isa-isa sa sunod-sunod na tanong ng dalaga. “Wala na akong lagnat, Chloe at kumain na rin ako ng pananghalian. Hindi ako nagugutom. Kung nagugutom man ako ay ako na lang ang mag-o-order para sa aking sarili. Salamat sa pag-aalala mo, Chloe.”

“Ohh…” Natahimik si Chloe ng ilang segundo. “Uh… Nariyan ba si boss kasama mo?”

“Umalis na siya kanina pa.”

“Oh. Binisita ka ni Boss?”

“Hindi.” Hindi na nagsalita pa si Angelica tungkol sa katotohanang na-ospital din ang Lola ng boss nila. Si Andrew ang kan'yang amo at kapag may mali siyang sinabi, tyak maapektuhan ang kan'yang trabaho.

Nagtaka naman si Chloe. “Kung gayon, bakit pumunta si Boss sa ospital?”

“Parang… Parang may kinita ata siyang kaibigan,” palusot ni Angelica.

“May kaibigan si boss sa ospital?” tanong ulit ni Chloe.

“Hindi kasi ako sigurado sa mga detalye.”

“Oh.” Hindi naman maitago ni Chloe ang pagkadismaya, at nagsalita, “Libre ako mamaya, ano ang gusto mong kainin? Dadalhan kita mamaya riyan.”

“Hindi na, hindi naman ako mananatili ng matagal dito sa ospital.” Hindi talaga napigilan ni Angelica ang pagkamapilit ni Chloe kaya tumanggi agad sya.

“Oh sige. Magpahinga ka na, wag kang mag-aalala sa trabaho. Ako na ang bahala roon. Tutulungan na lamang kita pagbalik mo.”

“Sige, salamat, Chloe.”

“Walang anuman, magkatrabaho naman tayo. Magpahinga ka na at hindi na kita iisturbuhin.”

“Sige.”

Pagkababa na pagkababa ng telepono ay napasandal si Chloe sa upuan. Nakasimangot siya't nagiisip ng malalim.

Tumabi naman ang kaibigan niyang si Joriel. “Kailan mo pa naging kaibigan ang bagong intern na iyon? At may balak ka pa talagang dalhan ang dalaga ng pagkain?”

Iwinagayway naman ni Chloe ang kamay, “Naaawa lang ako sa kan'ya.”

“Bakit ka naman naaawa?” tanong ni Joriel, “Marami na akong nakitang baguhan tulad niya. Ginagamit nila ang kanilang pagkabata para protektahan ang sarili, nagpapanggap na mahina at nakakaawa sa kompanya, para lang makuha ang simpatya ng lahat para tulongan sila sa trabaho. At nagpadala rin kayo sa bitag nila?

Napangiti na lamang si Chloe at hindi na nagsalita. Subalit nag-iisip siya kung pupunta ba siya sa ospital o hindi.

—Pagkatapos

Alas singko na ng hapon nang maubos ni Angelica ang drip.

Babalik na sana siya sa dormitoryo ng paaralan ngunit nang makita ang lola ni Andrew na mag-isa, napag-isip-isip niyang tumambay muna roon saglit at hintayin si Andrew Lim na dumating.

Ilang saglit lang ay bumukas ang pintuan ng silid at inuluwa noon si Elaiza, may dala-dala itong isang baunan para sa kan'ya.

“Ate Elaiza? Bakit ka narito?” tanong ni Angelica at napatayo upang yakapin ang kapatid.

Inilagay ni Elaiza ang payong sa gilid at napangiti sa kapatid, “Dinalhan kita ng makakain mo mamayang gabi. Gutom ka na ba?”

Binuksan ni Elaiza ang baunan at nagningning naman ang mga mata ni Angelica dahil lahat ng naroon sa loob ng baunan ay ang mga paborito niyang pagkain.

“Kaya ko namang alagaan ang sarili ko, Ate Elaiza.”

Ang daan mula sa bahay ng kapatid at ospital ay may distansya. Hindi naman makayanan ni Angelica na makita ang kan'yang kapatid na bumyahe pa ng malayo at pabalik-balik sa kan'ya. Ang mas inaalala pa niya ay baka masisi pa siya ng kan'yang Kuya Fernan at magkaroon na naman ng alitan ang mag-asawa.

Nahulaan naman ni Elaiza ang nasa isip ng dalagang kapatid at tinapik ng marahan ang likod ng kapatid. “Ang Kuya Fernan mo ay may pupuntahang business party mamayang gabi. Umuulan din ngayon at hindi ako makakalabas upang bumyahe. Mababagot lamang ako sa bahay kaya naisipan kong puntahan ka rito sa ospital.”

Napatango naman si Angelica. “S-Sige.”

Kumuha si Elaiza ng dalawang tissue at pinunasan ang patak ng ulan sa kan'yang balikat.

“Magaling!” Naluluha ang mga mata ng Lola ni Andrew at agad na pinunasan iyon ng matanda. “Mayroon din akong kapatid subalit kinuha na siya ng maaga ng Diyos sa akin. Ang makita kayong dalawa ay parang nakikita ko rin ang aking sarili habang kausap ang aking kapatid noon. Kung nandito lamang ang kapatid ko, siguradong bibisitahin niya rin ako rito…”

Sumama naman ang pakiramdam ng magkapatid matapos na marinig ang sinabi ng matanda.

“Lola, tiyak naman na binabantayan kayo ng kapatid niyo mula sa langit. Huwag na ho kayong malungkot, kapag nalaman ng kapatid niyo na umiiyak kayo baka malulungkot din ito.” saad ni Elaiza sa matanda.

“Oo.” Pilit na ngumiti ang matanda saka nagsalita, “Pagpasensyahan niyo na ako. Matanda na kasi kaya nagiging emosyonal.”

“Okay lang ho iyon, Lola.” sagot ni Elaiza. “Kahit naman gaano na kayo katanda, mayroon naman tayong taong masasandalan at mag-aalaga sa atin. At isa pa, hangga’t buhay pa ay dapat na mas pahalagahan pa rin natin ang kasalukuyan.”

Napatango-tango ang matanda, “Tama ka riya, hija.”

Kinuha ni Elaiza ang malaking baunan na dala-dala niya, “Lola, kumain ka na po ba? Gusto mo bang tikman ang niluto ko?”

Lumiwanag naman ang mga mata ng matanda, “Sige! Nagugutom na rin ako.” Ang tatlo ay nagsama-samang umupo sa mesa at kumain.

—Sa kompanya ng mga Lim

Natapos ni Chloe ang huling salita at na-isave agad iyon sa kompyuter. Nang tumingala siya, nakita niya si Mr. Lim na lumabas ng opis nito, nakatingin ang binata sa relo habang naglalakad na para bang may hinahabol.

Agad namang pinatay ni Chloe ang kompyuter niya at hinabol ang binata.

Sobrang lakas ng ulan sa labas. Nang lumabas si Chloe, nakita niya si Mr. Lim na nakatayo sa pintuan at naghihintay ng kotse nito.

Agad niyang nilapitan ang amo, “Mr. Lim, kakaalis mo lang din sa trabaho?”

Napalingon si Andrew sa dalaga at nababagot na sinagot ito, “Oo.”

Tinitigan ni Chloe ang ulan saka nagsalita, “Naku, nag-overtime pala ako at nakalimutan kong dalhan si Angelica ng pagkain sa ospital!”

Nang marinig ni Mr. Lim ang sinabi ng dalaga ay napalingon ulit ito. “Anong sinabi mo?”

“Pinangakuan ko kasi si Angelica na bibisitahin ko siya mamaya pero sobrang na-busy ako sa kompanya kung kaya’t nakalimutan ko.” Agad na kinuha ni Chloe ang telepono, “Sobrang lakas pa naman ng ulan. Hindi ako makakakuha ng taxi ngayon.”

 “Pupunta ka sa ospital?” tanong ni Andrew.

“Oo.”

Sa pagkakataong iyon, huminto ang kotse ni Andrew sa harap nila.

“Sumabay ka na sa akin, pupunta rin ako roon.”

Walang alinlangan namang sumakay si Chloe sa sasakyan.

Nang buksan ni Chloe ang silid ay bumungad sa kan'ya ang tahimik na kapaligiran.

Sa ilalim ng mainit na liwanag, napasandal ang matanda sa kama, nakahiga naman si Angelica sa gilid ng kama at parehong tulog na tulog.

Mahina naman ang volume ng TV kasabay noon ang tunog ng ulan na para bang nagsisilbing musika sa loob.

“Angelica…” tawag ni Chloe at nang makita niya si Mr. Lim sa gilid niya, mabilis nitong kinuha ang door knob at isinara ang pinto.

“Mr. Lim?” nagtatakang tanong ni Chloe sa binata.

“Matagal ng hindi nakatulog siya ng mahimbing, huwag mo muna siyang gisingin.” Malayo na sila sa silid ngunit ang boses ng amo nila ay sobrang mahina at ingat na ingat pa rin. Para bang takot na takot itong magising ang tao sa loob ng silid.

Nagulat naman si Chloe sa inasta ng binata. Sa loob lamang ng isang araw, labis na labis na ang pag-aalalaga at pag-aalala ni Mr. Lim kay Angelica?

Hindi kaya nalaman na nito ang sekreto ng dalaga?

Sa kabilang banda, naramdaman naman ni Chloe na may mali.

Kung alam ni Mr. Lim ang katotohanan, malalaman din nito na sinadya niyang itinago sa amo ang katotohanan. Pinakaayaw pa naman ng boss nila sa lahat ay ang sinungaling na tao kaya paanong mabait pa rin ito sa kan'ya at pinakasay pa siya sa sasakyan nito?

Hindi mainitindihan ni Chloe ang sitwasyon.

Kinuha ni Andrew ang baunan mula sa kamay ng dalaga. “Umuwi ka na. Ibibigay ko na lamang itong pagkain kay Angelica.”

Wala namang nagawa si Chloe at napatango. “Sige, Boss. Maraming salamat at pasensya na sa isturbo.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status