Share

Kabanata 5

“Ahhh!” sigaw ni Angelica nang magising sa isang panaginip. Nang imulat niya ang kan'yang mga mata, nakita niya ang sarili niyang nakahiga sa isang kama sa ospital, at ang pigura ni Andrew Lim sa kan'yang panaginip ay biglag naglaho.

Ang isang matandang babae ay nakangiti sa kan'ya at nakahiga rin katabi ng kama niya. “Hija, binangungot ka ata? Kanina pa kita nakikitang hindi mapakali at hawak-hawak ng mahigpit ang kumot habang natutulog ka. Ano ang napanaginipan mo?” tanong ng matanda.

Nang bata pa si Angelica naniniwala siya na ang isang bangungot ay isa lamang panaginip na hinding-hindi naman totoo at mangyayari. “Ang boss ko po ang napanaginipan ko.” bulong na sagot ni Angelica sa matanda.

Ang matandang babae naman ay napailing saka napahinga ng malalim. “Siguro'y nakakatakot ang boss mo.”

Magsasalita pa sana si Angelica nang bumukas ang pintuan ng silid, isang mataas at hindi kalakihang pigura ang pumasok sa loob.

Naisip ni Angelica na baka isa sa bisita lamang iyon at akmang bababa sa kan'yang kama upang pumunta sa CR. ngunit hindi pa nga siya nakakababa ng kama ay sobrang nagulantang siya.

Nakasuot si Andrew Lim ng isang puting tshirt at itim na pantalon. Hawak-hawak ng lalaki ang isang termo at ang isang kamay nito ay may hawak na isang itim na jacket.

Nagkatitigan ang dalawa kung kaya't napahigpit ng hawak si Angelica sa kan’'yang kumot.

Subalit laking gulat ni Angelica nang makita ang lalaki na dumiretso sa kausap niyang matanda at tinawag itong—“Lola.”

Niyakap naman ng binata ang matandang kausap niya kanina. Ang boss niya na CEO ng isang kompanya ay naging isang bata nang makita ang Lola nito. Naging masunurin ito at malambing kung kaya't nasisiguro ni Angelica na si Andrew Lim nga ay apo ng matanda.

Binuksan ng binata ang termos na sa pagkakaalam niyang isang sabaw at pinakain iyon sa matanda. Hindi mapigilang mapahanga ni Angelica dahil sa boss niya.

Akmang susubuan na ni Andrew Lim ang lola nito nang umiling lamang ang matanda sa apo at nagsalita, “Kumain na ako, apo. Busog pa ako.”

Napalingon ang matanda kay Angelica, “Hija, hindi ka pa kumakain ‘di ba? Tamang-tama, ang aking pinakamamahal na apo ay nagdala ng sabaw, gusto mo bang tikman ito?”

Napalingon si Andrew Lim kay Angelica kaya naman agad na iwinagaway ng dalaga ang kamay. “Hindi, hindi na po. Okay lang ako. Hindi pa naman po ako gutom…”

Ang matanda ay hindi pumayag at sinabing, “Sige na, hindi ko pa naman ito nakakain; huwag mo ng biguin ang isang matandang katulad ko.”

“Hindi naman po!”

“Mabuti.” Ang matanda ay agad na tinulak si Andrew ng mahina at nagsalita ulit, “Bilisan mo. Ang dalaga'y nakakaawa naman; kanina pa iyan nakahiga't natutulog sa kama at ni isang pamilya ay wala akong napansing dumalaw man lang, nanaginip din siya ng masama at tungkol sa nakakatakot daw niyang amo. Siguro'y malaking trauma ang binigay ng boss niya sa kan'ya…”

Gustong putulin ni Angelica ang sinasabi ng matanda ngunit walang lumalabas sa kan'yang bibig. Sinabi nga talaga lahat ng matanda ang lahat ng nangyari sa kan’ya sa binata. Wala man lang itinara.

Napataas ng kilay si Andrew at napatingin kay Angelica, “Gano'n ba? May nagawa ka bang mali kung kaya't takot na takot ka sa amo mo?”

Natahimik si Angelica.

Na-realize niya na kahit marami pa siyang bibig ay wala pa rin siyang makuhang salita sa sarili.

“P-Pupunta lang ako sa C.R.. Mag-usap muna kayong dalawa riyan.” Nang matapos niyang sabihin iyon ay dali-dali siyang pumunta sa loob ng banyo.

*Slap!*

Nakatanggap si Andrew ng isang malakas na tapik sa kamay at sinamaan ng tingin ng matanda ang binata. “Tingnan mo ang ginawa mo! Tinakot mo ang batang iyon!”

Napangiti ng pilit si Andrew, “Lola, nakakatakot ba akong tingnan?”

Totoo ngang strikto siya sa trabaho ngunit hindi naman siya makapaniwala na takot na takot ang dalaga sa kan'ya.

“Hmmm!” Ang matanda ay sinuri ng maigi si Andrew. “Hindi ka naman gano'n katakot-takot; kaya lang palagi mong isinusuot iyang malamig mong ekspresyon. Nakakatakot nga ng kunti, ang dalagang iyon ay mabait naman, hindi mayabang at mapagpanggap, alam din nito kung paano kumilos ng tama. Gusto ko siya apo.”

“Tumigil ka nga Lola!” Napahilamos si Andrew ng mukha. “May kasintahan na  po siya; huwag kang mag-isip ng gan'yan.”

Hindi naman kumbisido at makapaniwala ang matanda sa sinabi ng apo. “Kasintahan? Paano mo nalaman?”

“Dahil empleyado ko siya.”

“Ah?”

Nang makalabas si Angelica sa banyo, nakita niyang nag-iisa lang si Andrew roon.

Nang makatapak siya sa labas, tumingin ang binata sa kan'ya.

Hindi naman mapakali si Angelica at napaupo si kan'yang kama. Mayro'ng IV needle ang kamay niya at nasa isang kamay niya ang IV bag. Pilit niyang inaabot para isabit sana ang IV bag ngunit hindi sapat ang kan'yang taas upang masabit iyon.

“Ako na.” Isang baritonong boses ang narinig niya sa gilid at nang mapalingon siya sa kinaroroonan ng boses ay agad na naamoy niya ang mabangong pabango nito. Walang kahirap-hirap na sinabit ni Andrew ang IV bag ng babae.

“Salamat, B-Boss,” bulong ni Angelica at napayuko, iniiwasang magka-eye contact ulit sila ng lalaki.

Nang tuluyang makaupo si Angelia ay kinuha naman ni Andrew ang termos na may lamang sabaw at inilagay iyon sa gilid ng mesa ng dalaga. “Sa’yo na ito,” tugon ng binata.

Nagulat si Angelica at napalingon sa binata kung kaya't nagtama na naman ang mga mata nila, mabilis niyang iniwas ang tingin saka naramdamang uminit din ang kan'yang pisngi.

Napahanga si Andrew sa dalaga; marami na siyang nakitang mga babae ngunit hindi gan'tong mahiyain na si Angelica. Parang isang halamang makahiya ang dalaga na kapag hinahawakan ito ay tumitiklop.

Ayaw ni Andrew na mag-isip pa ang babae kung kaya't nagsalita ulit ang binata, “Bigay ito sa'yo ng Lola.”

“S-Sige. Mamaya ay pasasalamatan ko na lang si Lola ng personal,” sagot ni Angelica.

Ilang segundo ring nakatayo si Andrew sa gilid ng dalaga at nagtanong. “Pwede bang magtanong?”

“Ano iyon?”

Kinuha ni Andrew ang bagay sa kan'yang bulsa at inilahad iyon sa harapan ni Angelica, “Nakita mo ba ito dati?”

Napapikit-pikit ang mata ni Angelica; ang pulseras niya iyon! Paano nakay Andrew Lim ito?

Nakita naman ni Andrew ang ekspresyong babae at inulit pa ang tanong. “Nakita mo na ba ito dati?”

Napabalik naman sa realidad ang dalaga, napailing at saka nagsalita. “H-Hindi, hindi ko pa ‘yan nakita kailanman…”

Nakaramdam ng pagkadismaya si Andrew nang marinig sa babae ang sagot. “Sigurado ka bang hindi mo pa ito nakikita?”

“Oo.” Sobrang kabado si Angelica, nanginginig din ang kan'yang kamay. “Ngayon ko lang ‘yan nakita.”

“Sige.” Ibinalik ni Andrew ang pulseras sa bulsa.

Sobrang bilis ng tibok ng puso ni Angelica. Hindi siya makapaniwala na ang isang mahalagang bagay para sa kan'ya ay basta-basta na lamang nawala at naroon pa sa kamay ng kan’yang amo.

Noong bata pa siya, palagi siyang nagkakasakit at sakitin talaga, ang kan'yang nakakatandang kapatid na si Elaiza ay inakyat ang napakataas na bundok upang makapunta sa templo para lang makuha ang pulseras na iyon.

Sa ilang taong nakalipas, labis ang pag-iingat niya sa pulseras at itinatago niya iyon sa kan'yang damit. Kaya kunting tao lamang at ang close niya lang ang nakakalam na mayroon siyang pulseras na gano'n.

Wala naman siyang malapit na katrabaho at palagi lamang siyang mag-isa sa kompanya kaya walang nakakaalam na may pulseras siyang gano'n. Ang problema niya lang ay kung paano niya makuha ang pulseras niya sa binata.

Sa hapon, nagpadala si Chloe ng mensahe at tinatanong kung okay na ba ang lagay niya.

Magalang naman na sumagot si Angelica.

Sila ni Chloe ay hindi naman talaga malapit sa trabaho, kung kaya't maikli lamang ang reply niya sa dalaga. Itatago na sana ni Angelica ang cellphone nang magtunog ulit ito at binasa ang mensahe ni Chloe. “Angelica, pumunta ba ang boss diyan sa ospital?”

Dahil pareho silang parte ng kompanya ni Andrew Lim ay hindi napansin ni Angelica ang tanong nito. Bakit naman hinahanap ng dalaga ang boss nila?

“Kanina ay pumunta siya rito.” tapat ni Angelica sa dalaga.

Ilang segundo ang nakalipas nang tumawag si Chloe sa kan'ya. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status