Home / Romance / My Ella / Chapter 12

Share

Chapter 12

Mula sa kinatatayuan ni Zander ay tanaw n'ya ang malamlam na mga mata ng dalaga, nakatitig ito sa mga batang naglalaro sa kanyang harapan. Gustong lapitan ni Zander si Ella ngunit nag-aalangan ito dahil baka kasama ni Ella si Junel. Sumagi rin sa kanyang isipang baka maging sagabal lang s'ya sa pag-date ng dalawa. 

Aalis na dapat si Zander ngunit ayaw gumalaw ng kanyang mga paa at patuloy pa ring pinagmasdan si Ella.

Nag-away kaya sila? Bakit ang lungkot ng mga mata ni Miss Tan. O hala! Umiiyak ba s'ya?

Nanlaki ang mga mata ni Zander ng makitang pinupunasan ni Ella ang kanyang pisngi. Hindi ito sigurado kung may luhang tumulo sa mga mata nito ngunit nataranta na lang s'ya bigla sa nakita.

Panyo! Panyo!

Kinapa ni Zander ang kanyang bulsa, pagsalat nito ay tanging wallet at mga balat ng candy lang ang kanyang nakapa. Paglingon nito sa isang stall, nakita ni Zander ang bugkos ng tissue sa tabi ng counter.

"Ate," tawag ni Zander sa tindera pagkalapit nito. "Pwede ba 'kong humingi ng tissue? Kahit kaunti lang," sabi ng binata.

Tumaas ang kilay ng tindera. "Bakit? Bumili ka ba ng paninda ko, para bigyan kita ng tissue?" masungit na sita nito sa binata. Namaywang pa ito matapos magsalita.

"Sige ano ba." Tinignan ni Zander kung anong pwedeng bilhin kapalit ng tissue. "Ano ate, itong hotdog isa," wika nito.

Nakataas pa rin ang kilay ng tindera, nagpapahiwatig na kulang pa ang kanyang bibilhin upang makakuha ng tissue na kanyang hinihingi.

Ay nako ate, mas mahal pa itong bibilhin ko kaysa sa kaylangan ko. Badtrip! Kung hindi lang ako nagmamadali!

Napaismid na lang si Zander, wala naman s'yag magawa kung hindi dagdagan pa ang kanyang bibilhin. "A----At empanada na lang ate, dalawa. At tissue," sabi ni Zander sa tindera. Pinagkadiinan nito ang salitang tissue na kanyang tunay na pakay.

Napagastos pa nga, para tissue lang. Damot ni ate.

Mabilis na binalot ng tindera ang binili ng binata. Pagkabayad ni Zander ay nginitian na s'ya ng tindera, akala mo'y hindi nagmataray noong una. " Oh heto na," sabi ng tindera na abot tenga ang ngiti. "Salamat, mukha kasing nagmamadali ka, kaya binilisan ko na. Pero bumalik ka ulit ha! May extra tissue na rin d'yan," bilin ng tindera at inabot ang plstic sa binata.

"In your dreams," mahinang sabi ni Zander ng nakatalikod na ito sa tindera.

Tinanaw muna ng binata si Ella, nangangamba itong umalis na si Ella sa kanyang pwesto o hindi kaya'y kasama na nito si Junel. Ngunit nandoon pa rin si Ella, naka tulala pa rin at mugto na ang mga mata. Halatang hindi na nito napigilan ang  pag-iyak. Pilit na pinapahi ng dalaga ang mga makukulit na luha ng kanyang maliit na kamay. Kaya naman lakas loob ng lumapit ang binata kay Ella.

Ito na naman ako, umiiyak mag-isa. Lagi na lang mag-isa. Palagi na lang umiiyak! Kaylan ba kasi matatapos 'to. Nakakainis! Ilang taon ko ng dinaranas 'to, bakit hindi pa rin ako masanay? Masyado kang umasa na sasamahan ka ni Junel sa lahat ng oras, kaya ayan. Nasasaktan ka, hindi  ba't matagal mo ng sinasabi sa sarili mo na expecting is one way of hurting yourself! Ano, paulit-ulit na lang Ella. Kasalanan mo rin naman 'to hindi ba? Dapat simula pa lang hindi mo na sinanay ang sarili mo sa prisensya n'ya. Ano ba! Walang kayo, kaya magagawa n'ya lahat ng gusto n'ya. Hindi ka pwedeng mag-request o kung ano pa man. Bakit pa kasi pumayag pa ako na samahan n'ya ako sa bahay habang wala si mama. Ano bang pumasok sa isipan ko! Hindi ko na alam ang nararamdaman ko.

Labis na kalungkutan ang kanyang nararamdaman. Sa tuwing iiwan s'ya ng kanyang mama at pipiliin ang kanyang magaling na ama. Laging si Junel ang takbuhan ng dalaga at sa tuwing nandyan si Junel ay naiibsan kahit papaano ang sakit na kanyang nadarama. Ngunit tulad nga ng kanyag sinabi, walang ibang namamagitan sa dalawa kung hindi pagkakaibigan. Hindi obligasyon ni Junel na manatili sa kanyang tabi sa lahat ng oras.

Hindi ito ang unang beses na pakiramdam ni Ella ay iniwan s'ya ni Junel sa ere. Subalit hindi maitatanggi ni Ella na kaylangan n'ya si Junel. Mabigat man ito para kay Ella pero wala naman s'yang magagawa kung hindi sarilinin muli ang lahat ng kanyang nararamdaman.

Tuluyan ng bumuhos ang kanyang mga luha dahil sa kalungkutan at magulong isipan. Gusto man n'yang pigilan ang mga ito, subalit mentras pinipigil n'ya ay mas bumibigat ang kanyang pakiramdam. Yumuko na lang si Ella upang hindi mapansin ng mga batang naglalaro ang kanyang paghagulhol. Nanlalabo na rin ang kanyang mga mata dahil sa lipon ng mga luhang umaagos sa kanyang mga mata. Gusto na lang n'yang maglaho bigla upang maibsan ang nararamdaman.

Hindi nagtagal ay may naramdaman si Ellang lumapit sa kanya at tumayo sa kanyang tapat. Hindi lang n'ya ito pinansin, inisip ni Ella na baka magulang lang ito ng isa sa mga bata at nasaktuhan lang na tumapat sa kanya.

Ito na 'to, lakasan na lang ng loob 'to Zander. Sungitan ka man n'ya o hindi at least nagmalasakit ka sa kanya.

"Miss Tan," tawag ni Zander kay Ella.

Unang salita pa lang, sablay na! Ate dapat! Zander talaga! Ang kat*ng*h*n hindi dinadala palagi!

Kinilabutan si Ella ng marinig ang tinig ng nagsalita, ayaw n'yang tignan kung sino ito. Ngunit malakas ang kanyang kutob na boses ni Zander ang kanyang narinig.

Zander? Bakit nandito 'tong lalaking 'to? Hindi n'ya dapat ako makitang ganito. Ang galing talaga tumayming!

Pilit mang itago ni Ella ang kanyang lukot na mukha ay huli na ang lahat. Hindi na maikukubli ng pagtataas ng kilay at pagtataray ang kasalukuyan n'yang kalagayan.

"Mali, ate. Ate Ella," muli nitong tawag sa dalaga sabay abot ng tissue. 

Nakita ni Ella ang tissueng inaabot ng binata, napatunghay ang dalaga at doon n'ya nasilayan ang mukha ni Zander. Nakatingin lang ito sa kanya at halatang nababahala sa kanyang pag-iyak.

Kumabog ang dibdib ni Zander matapos makita ng malapitan ang mukha ng dalaga. Umaagos ng tuloy tuloy ang luha nito at humihikbi pa. Namumula at mas pumungay ang mga mata ni Ella, namumula na rin ang kanyang maliit na ilong, kinagat din nito ang kanyang labi upang pigilan ang paghikbi. Nahabag si Zander sa kanyang nasilayan. Ang masungit at walang imik na si Miss Tan ay parang inaping bata sa kanyang harapan.

Nagkatitigan ang dalawa.

"Hindi sa'yo bagay ang umiiyak," biglang sambit ng binata at pinunasan ang luha sa kanang pisngi ni Ella.

Nabigla ang dalaga sa ginawa ni Zander. Gusto n'yang alisin ang kamay ni Zander sa kanyang pisngi, upang ipakita ang kanyang pagmamatigas. Subalit hindi s'ya makagalaw, tila hinuhugot ang kanyang lakas habang nakatitig s'ya sa mga matang binata. Pilit n'ya namang iniiwas ang kanyang tingin, subalit away sumunod ng kanyang mga mata.

"Ate---," ani ni Zander.

"Tumabi kayong lahat!" sigaw ng batang sakay ng bisikletang rumaragasa papunta kayna Zander at Ella.

Napukaw nito ang atensyon nina Zander at Ella, kaya naman lumingon sila kung saan nanggagaling ang pagsigaw.

"Ate!" sabi ni Zander sabay tulak kay Ella. Kung kaya't nahulog ito sa upuan.

Napapikit na lang ang dalaga sa taranta.

Sa bilis ng pangyayari, hindi namalayan ni Ellang nakalupasay na pala s'ya sa lupa dahil sa pagkahulog sa upuan. Unti-unti n'yang binukas ang kanyang mga mata. 

Aray, 'yung balakang ko.

D***g nito. Ngunit kasabay ng kanyang pagdaing ay tumambad sa kanyang harapan ang nakahigang si Zander. "Zander!" sigaw ng dalaga.

Agad na nilapitan ni Ella ang binata. Kahit dama nito ang sakit ng kanyang balakang.

"Aray," ani ng binata na aktong tatayo. Subalit hindi nito maiangat ang kanyang katawan kaya bumalik ito sa kanyang pagkakahiga.

"Kuya," umiiyak na sabi ng batang nakatayo sa gilid ni Zander.

Paglapit ni Ella ay bakas sa kanyang mukha ang pagkataranta, lumuhod ito sa tabi ni Zander. Hindi malaman ng dalaga ang gagawin. "Ano, Zander okay ka lang?" tanong ng dalaga. Hindi rin n'ya mahawakan si Zander.

Sa hindi malamang dahilan, imbis na indahin ang pagkakabangga sa kanya ng bata ay gumuhit ang malaking ngiti sa labi ng binata.

"Miss, ay mali! Ate Ella," sabi nito habang kasalukuyan pa ring nakahiga.

Natigilan naman si Ella at tinignan ang binata. "Bakit? May masakit ba? Tatawag na ba ako ng ambulansya?" natataranta nitong tanong.

Hindi sinasadyang natawa si Zander. "Ate, okay lang ako," tugon nito at bumwelo sa pag-upo.

Inalalayan ni Ella si Zander. "Dahan dahan, sure ka walang masakit sa'yo?" muling tanong ng dalaga. Marahan pang pinagpagan ni Ella ang likoran ni Zander.

Tumango lang si Zander. Ipinatong ng binata ang dalawa n'yang braso sa kanyang mga tuhod at pinakiramdaman ang sarali.

"Kuya, sorry po," humahagulhol na sabi ng bata.

Doon lang napansin ng dalawa ang bata. Sa halip na magalit ay nginitian ito ni Zander.

"Okay ka lang ba bata? Hindi ka ba nasaktan?" tanong ni Zander.

Umiling lang ito at patuloy pa ring umiiyak.

"Tumahan ka na. Okay lang naman ako," sabi ni Zander sa bata.

"Na---Nawalan po kasi ako ng preno, ta---tapos hindi ko na po alam ang gaga---gagawin," umiiyak nitong paliwanag.

"Sa susunod mag-iingat ka na lang okay? Sigurado kang hindi ka nasaktan sa pagkakasemplang mo? Walang masakit sa katawan mo?" paglilinaw ni Zander habang tinitignan ang bata mula ulo hanggang paa. Upang masiguraduhing wala itong tinamong galos o sugat.

"H---Hindi po, w---wala po." humihikbing sagot ng bata.

"Anak!" sigaw ng isang babaeng humahangos papalapit sa tatlo. 

"Mama." Tumakbo ang bata papalapit sa kanyang mama ng makita ito. Agad naman itong niyakap ng kanyang ina.

Umupo ito upang maging kapantay ng kanyang anak. "Anong nangyari! 'Di ba't sabi ko sa'yo, 'wag mong gagamitin 'yung bisikleta. Dyos ko anak, ano nasaktan ka ba? May masakit ba sa'yo?" nag-aalalang wika ng ina sa kanyang anak, habang tinitignan kung may sugat ito sa braso at tuhod.

Nakatingin lang ang dalawa, lalo na si Ella.

"Kaylan ba huling nag-alala sa akin si mama," mahinang sabi nito sabay buntong hininga.

Nauliligan ito ni Zander ngunit hindi malinaw ang ilang salita.

"Ate?" wika ni Zander.

Bumalik sa huwisyo ang dalaga at muling tinignan si Zander mula sa ulo hanggang paa. "May sugat ka!" sabi nito.

Matapos ni Ellang mapansin ang kanyang sugat sa kamay ay doon pa lang naramdaman ni Zander ang hapdi nito. "Ano ka ba ate, malayo 'yan sa bituka," mayabang na sabi ni Zander habang tinitignan ang sugat.

Walang sabi-sabi ay kinuha ni Ella ang kamay ni Zander. "Wala pa naman akong panyo, ito na lang muna." Kinalas nito ang kanyang tali sa buhok. Tinanggal ang butno ng tela na nakatali sa kanayang pusod at pinunasan ang sugat.

"Ate ano, 'wag na," nahihiyang sabi ni Zander. Nanginit din ang kanyang pisngi, bumilis ang pagtubok ng kanyang puso. Mas tumatagal na hawak ni Ella ang kanyang kamay ay parang gusto ng tumalon ng kanyang puso sa lakas ng pagkabog nito.

Hindi lang umik ang dalaga at pinagpatuloy ang pagpunas sa sugat ni Zander.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status