Share

CHAPTER 2

NABASAG ang katahimikan sa loob ng classroom nang marinig ng mga estudyante ang malakas na tunog ng bell. Senyales iyon na tapos na ang klase nila ngayong araw.

"Okay, class, I'll see you on Monday."

Sabay-sabay na tumayo ang mga estudyante at bumati sa guro, maliban kay Trevor. "Goodbye and thank you, Mrs. Solis."

Kunot noong napatingin ang guro sa kinauupuan ni Trevor na noon ay tila may malalim na pag-isip.

Nang muling maupo ang mga mag-aaral para ayusin ang gamit ng mga ito sa pag-uwi ay saka lang tila natauhan si Trevor. Nilagay na niya sa loob ng bag ang mga gamit niya. Tumayo na siya at sinukbit ang backpack sa likuran tapos ay tinungo na ang direksyon ng pinto.

Nagpaalam kay Trevor ang ilang kaklaseng ka-close niya. Ngunit tila wala siyang narinig at dere-derecho lang sa paglalakad.

Papalabas na sana siya ng silid nang tawagin siya ng kanilang guro. Natigilan siya at bumaling dito.

"Bakit po, ma'am?" buong pagtatakang tanong ng bata.

"P'wede ba kitang maka-usap sandali, Trevor?"

Naglakad siya palapit sa guro.

Hinintay muna ni Mrs. Solis na makalabas lahat ng mga estudyante bago ito muling nagsalita. "Puwede mo bang papuntahin dito ang mother mo? May sasabihin lang akong importante sa kaniya."

"Hindi po makakapunta ang mommy ko. Busy po siya sa work."

"Wala ka bang ibang kasamang matanda sa bahay n'yo na puwede kong kausapin?"

"Wala po." Umiling-iling ang bata. "Patay na po ang daddy ko. Ang bagong boyfriend naman ng mommy ko laging wala sa bahay namin. Saka hindi rin po 'yon pupunta rito."

Napabuntong hininga ang guro.

"May problema po ba, ma'am?" Napatungo si Trevor. Kinakabahan siya. Natatakot na baka pagalitan ng guro.

"Nitong mga huling araw kasi ay napapansin ko na parang lagi kang wala sa sarili mo. Lagi kang tahimik, laging bagsak ang mga scores mo sa exam at lagi kong nakikita na may sugat at pasa ka sa katawan. May problema ka ba sa bahay n'yo, Trevor?" Hinawakan nito ang kamay niya na noon ay may malaking pasa.

Agad niyang binawi ang kamay. "Wala po akong problema, ma'am. Malikot lang po talaga ako kaya palagi akong nababangga sa pinto at sofa namin."

Masusing pinagmasdan ni Mrs. Solis ang estudyante. Halatang hindi ito kumbinsido sa sinabi niya. "Alam kong may problema ka kasi hindi ka naman dating gan'yan."

Dati kasi ay isa si Trevor sa pinakamaingay sa klase nila. Ngunit kahit magulo siya ay maganda naman ang mga grades niya. Palagi siyang nagre-recite sa klase at nakakakuha ng highest score sa mga test nila. Ngunit nagbago ang lahat nang magsimula si Carlos na maltratuhin silang mag-ina. Simula noon ay naging tahimik na siya, na tila ba takot na sa mga tao.

Madalas din siyang pumasok na may pasa sa braso at binti. Kaya naman nahihirapan siyang mag-focus sa mga lectures dahil sa iniindang sakit ng mura niyang katawan.

"Trevor, gusto kong malaman mo na parang anak na rin ang turing ko sa inyong mga estudyante ko. Puwede mo akong sabihan ng mga problema mo kung gusto mo. Handa akong makinig at tulungan ka."

Napatingin siya sa guro. Ramdam niya ang sinseridad sa sinabi nito. Sa totoo lang ay matagal na niyang gustong sabihin sa ibang tao ang problema nila sa bahay. Iyon nga lang ay hindi niya magawa dahil lagi silang pinagbabantaan ni Carlos nang hindi maganda kapag nakarating sa ibang tao ang pagmamalupit nito sa kanilang mag-ina.

"Salamat po, ma'am. Okay lang po talaga ako," ang tanging nasabi na lang ng bata. "Puwede na po ba akong umuwi? Hinihintay na po kasi ako ng mommy ko. May sakit po kasi siya ngayon at kailangan ko siyang alagaan."

"Napakabuti mong anak, Trevor. Sige makaka-uwi ka na. Basta kung may problema ka, nandito lang ako lagi para sa 'yo. Huwag kang mahihiya sa akin."

Nginitian niya ang guro. "Maraming salamat po, ma'am."

NATIGILAN si Trevor sa paglalakad palabas sa eskwelahan nang makitang nakatayo sa harap ng gate ang Tito Christian niya. Agad na kinabahan ang bata, lalo na nang mapansin ang dalawang malaking bag na bitbit nito.

Bigla niyang naalala ang sinabi ng kaniyang ina kahapon. Susunduin siya ng kapatid nito at pansamantala siyang titira sa bahay nito.

"Trevor! Halika!" sigaw nito nang mapansin siya. Sinenyasan nito ang pamangkin na lumapit.

Napilitan siyang maglakad palapit sa tiyuhin.

"B-bakit po kayo nandito?" kinakabahan niyang tanong nang tuluyang makalapit dito.

"Pinapunta ako rito ng mommy mo. Doon ka muna titira sa bahay ko."

Agad na nangilid ang luha sa kaniyang mga mata. Isipin niya pa lang na magkakahiwalay silang mag-ina ay parang hindi na niya kakayanin.

"Ayoko pong sumama sa inyo, tito. Ayoko pong iwan ang mommy ko. Nangako ako sa daddy ko na hinding-hindi kami maghihiwalay ni mommy."

"Naiintindihan kita, Trevor. Kaya lang mapapahamak ka kapag nag-stay ka sa bahay n'yo. Sasaktan ka lang ni Carlos," pangungumbinsi nito. "Pansamantala lang naman kayong magkakahiwalay ng mommy mo. Ilalayo muna kita tapos siya naman ang kukunin ko. Magkakasama ulit kayong dalawa at wala nang mananakit sa inyo. Magtiwala ka sa akin."

Mariing umiling ang bata.

"Basta hindi ko po iiwan ang mommy ko!" mariin niyang wika. Tinalikuran na niya ang tiyuhin at mabilis na tumakbo papalayo.

"Trevor, bumalik ka rito!" sigaw ni Christian habang hinahabol ang bata.

Hindi niya pinansin ang tiyuhin. Patuloy lang siya sa mabilis na pagtakbo pauwi sa bahay nila.

Sa murang isip ay alam niyang tama ang punto ng mommy at ng tiyuhin niya. Subalit ayaw niyang mapalayo sa sarili niyang ina. Kahit kailan ay hindi niya ito iiwan. Hindi siya makakapayag na magkahiwalay silang dalawa.

Saka lang tumigil sa pagtakbo si Trevor nang makarating sa tapat ng bahay nila. Napakapit siya sa gate habang hinahabol ang hininga dahil sa sobrang pagod. Lumingon-lingon siya sa paligid. Mukhang hindi naman siya nasundan ng tiyuhin.

Ilang sandali pa ay pumasok na siya sa gate. Habang naglalakad papasok sa bahay ay naririnig niya ang malalakas na sigaw ni Carlos at ang pag-iyak ng mommy niya. Mukhang nag-aaway na naman ang dalawa.

Pinanlakihan siya ng mga mata nang mabuksan ang pinto at makitang hinahataw ng sinturon ni Carlos ang kaniyang ina na nakahandusay sa sahig.

"Mommy!"

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status