Share

CHAPTER 3

DALI-DALING tinanggal ni Trevor ang bag na nakasukbit sa kaniyang likuran. Gusto niyang tulungan ang ina. Wala na siyang pakialam kahit na saktan siya ni Carlos.

Nilibot niya ang mga mata sa paligid at naghanap ng maaaring ipamalo sa amain. Kinuha niya ang malaking flower vase na nakapatong sa coffee table at pinaghahampas iyon sa likuran ni Carlos hanggang sa mabasag.

"Hayop ka! Bitiwan mo ang mommy ko!"

Tinigil nito ang pananakit kay Annie at pumihit paharap sa kaniya. "Bwisit kang bata ka!"

Sinipa siya ni Carlos dahilan para matumba siya sa sahig. Siya naman ngayon ang pinagbuntunan nito ng galit.

"Lumalaban ka na, ha! Ngayon mo ipakita sa akin ang tapang mo!" nanlilisik ang mga matang wika nito. Susugurin sana nito si Trevor ngunit agad na pumagitna si Annie.

"Carlos, maawa ka! Huwag mong sasaktan ang anak ko!" Agad nitong niyakap si Trevor kaya naman ito ang nakasapo ng malalakas nitong sipa.

Walang magawa si Annie kundi tanggapin na lang ang pananakit ni Carlos ma-protektahan lang ang anak. Ni hindi na nito magawang maka-ilag dahil nanghihina na ang katawan nito.

Nang mapagod si Carlos sa ginagawa ay saka lamang ito tumigil sa pananakit kay Annie.

"Wala kang kwentang babae ka! Kaunting pera lang ang hinihingi ko hindi ka pa makapagbigay. Magsama kayo ng anak mong walang silbi!" Tumalikod na ito at naglakad papalabas ng bahay.

Saka lang nakahinga nang maluwag ang mag-ina nang marinig mula sa labas ng bahay ang tunog ng papalayong kotse ni Carlos.

"Mommy, okay ka lang?"

"Oo, anak. Hindi ka ba nasaktan?"

Umiling-iling siya. Nanginginig ang katawan niya dala ng matinding galit sa lalaking walang ginawa kundi ang saktan ang mommy niya.

Buong awa niyang niyakap si Annie at nagsusumamong tumingin sa mga mata nito.

"Umalis na tayo rito, mommy. Tumakas na tayo habang wala siya," umiiyak na pakiusap niya sa ina.

Sandaling nag-isip si Annie. Mayamaya ay tumango-tango ito. "Oo, anak. Aalis na tayo rito."

Biglang nabuhayan ng pag-asa si Trevor. Sa wakas ay napapayag niya rin ang ina na iwanan na ang walang kwentang lalaking kinakasama nito.

Tinulungan niyang makatayo ang mommy niya at naka-alalay siya rito habang naglalakad sila papalabas sa kanilang bahay. Hindi na sila nagdala pa ng mga personal na gamit sa takot na baka biglang bumalik si Carlos at mahuli sila nito.

Lakad-takbo ang ginawa nila. Tiniis ni Annie ang matinding pananakit ng katawan makalayo lamang sa bahay nila, at para makalaya na nang tuluyan sa piling ni Carlos.

Napatingin si Trevor sa ina. Napakasaya niya dahil sa wakas ay natauhan din ito at pumayag na tumakas sa bahay nila. Sa wakas ay makakalaya na sila sa mga malulupit na kamay ni Carlos. Sa wakas ay wala nang mang-aabuso sa mommy niya at wala nang mananakit sa kanilang dalawa.

Subalit ang kasiyahan na iyon ay agad ding naglaho nang makarinig sila nang malalakas at sunod-sunod na busina ng kotse.

Natigilan sa pagtakbo ang mag-ina. Nagkatinginan sila. Rumehistro sa mga mukha nila ang matinding nerbiyos at takot.

Wala pa ring tigil sa pagbusina ang sasakyan mula sa likuran nila. Magkasabay silang pumihit sa pinagmumulan ng ingay. Kapwa sila pinanlakihan ng mga mata nang makita ang kotseng minamaneho ni Carlos.

Sa sobrang takot ay tila na-estatwa na lang ang dalawa sa kinatatayuan. Napa-iyak na lamang sila at biglang nanlumo.

Napakapit nang mariin si Trevor sa kamay ng mommy niya. Natatakot siya sa mga maaaring mangyari. Siguradong sasaktan na naman ito ni Carlos.

Napapikit na lamang si Trevor nang makitang ilang metro na lang ang layo ng humaharurot na sasakyang minamaneho ni Carlos, at tila wala itong planong huminto. Ito na marahil ang katapusan nila.

"Umalis ka na, Trevor. Lumayo ka na para hindi ka niya masaktan. Pumunta ka na sa Tito Christian mo," habilin ni Annie sabay tinulak ang anak papalayo.

Sa sobrang lakas nang tulak ng ina

ay napasubsob si Trevor sa kalsada at nasugatan ang mga tuhod at kamay niya. Ang sumunod niyang narinig ay ang malakas na pagkalabog ng sasakyan. Agad siyang tumingin sa kaniyang likuran.

Nakahinto na ang sasakyan ni Carlos. Nakababa ang bintana sa gawi nito at nakalabas ang kaliwang kamay na may hawak na baril.

Agad na hinanap ng kaniyang mga mata ang mommy niya. Gano'n na lang ang pagkagulantang niya nang makita ang sariling ina na nakahandusay sa 'di kalayuan. Duguan ang mukha at ulo nito. Nakapikit ang mga mata nito at hinahabol ang paghinga

"Mommy!" Masakit man ang mga sugat ay pinilit niyang tumayo at patakbong lumapit sa ina. Naupo siya sa tabi nito at niyugyog ito sa balikat. "Mommy, gumising ka!"

Unti-unting nagmulat ng mga mata si Annie. Halata sa mukha nito ang matinding sakit na iniinda subalit nakuha pa rin nitong ngitian si Trevor.

"Bumangon ka, mommy. Dadalhin kita sa hospital." Sinubukan niyang itayo ang ina subalit hindi niya matinag ang mabigat nitong katawan.

Umiling-iling si Annie. "Huwag na, anak. Hanggang dito na lang ako. Pagod na ako. Gusto nang magpahinga ni mommy."

Napahagulgol siya nang iyak. Para kasing nagpapaalam na ito sa kaniya.

"Mommy, lumaban ka. Huwag mo akong iiwan." Pinaghahalikan niya ang duguan nitong kamay.

"Anak, I'm so sorry kung hindi na kita masasamahan sa paglaki mo. Pumunta ka sa bahay ng Tito Christian mo. Mas ligtas ka sa poder niya. Siya na ang bahalang magpa-aral at magpalaki sa 'yo. Magpakabait ka, anak. Mag-ingat ka palagi. Mahal na mahal kita, Trevor."

Natigagal si Trevor nang makitang unti-unting pumikit ang mga mata ng kaniyang ina.

"Mommy! Mommy! Gumising ka!" umiiyak na sigaw niya habang niyuyugyog ang katawan nito. Subalit kahit anong gawin niya ay hindi na ito muling dumilat pa. Wala na siyang magawa pa kundi ang yumakap na lamang dito. "Mommy ko!"

"Annie?!" Nanginginig ang tinig na wika ni Carlos habang naglalakad palapit sa direksyon ng mag-ina. Lumuhod ito sa harapan ni Annie.

"Ang sama mo talaga! Bakit mo sinagasaan ang mommy ko?!" Pinagsusuntok niya si Carlos.

"Tumigil ka!" Nanlilisik ang mga matang sigaw nito sa kaniya kaya natigilan siya sa ginagawa. "Huwag na huwag mong sasabihin sa iba na sinagasaan ko ang mommy mo. Ito ang tandaan mo, Trevor, papatayin kita kapag nagsumbong ka, lalo na sa mga pulis. Maliwanag ba?"

Sa sobrang takot kay Carlos ay wala siyang magawa kundi sumang-ayon na lang sa sinabi nito.

"Dalhin natin siya sa hospital," pagmamakaawa ni Trevor sa amain.

Chineck nito ang pulsuhan ni Annie tapos ay napamura. "Patay na ang mommy mo."

Napahagulgol siya ng iyak. "Hindi totoo 'yan! Hindi p'wedeng mamatay ang mommy ko!"

"Patay na ang mommy mo! At kasalanan mo ang lahat! Siguradong ikaw ang nag-udyok kay Annie na takasan at iwan ako, tama ba?"

Natigilan ang bata.

"Kasalanan mo kung bakit namatay ang mommy mo! Wala kang kwentang anak!" Tinulak nito si Trevor tapos ay tinutukan siya ng baril. "Umalis ka na kung ayaw mong isunod kita sa mommy mo!"

Nanginginig ang katawan niya nang tumayo. Ayaw niya mang iwanan ang bangkay ng kaniyang ina subalit dala ng matinding takot ay napilitan siyang tumakbo papalayo.

Tumakbo siya nang tumakbo kahit hindi alam kung saan siya patungo.

Nang mapagod ang bata ay napaluhod siya sa kalsada. Hindi mawala sa isip niya ang hitsura ng ina nang bawian ito ng buhay sa kaniya mismong mga kamay. At hindi rin maalis sa murang isipan niya ang mga sinabi ni Carlos.

Tama ito. Kasalanan niya kung bakit namatay ang kaniyang ina. Kung hindi niya ito pinilit tumakas sa bahay ay hindi sana ito sinagasaan ni Carlos, na naging sanhi ng kamatayan nito.

Napalahaw siya ng iyak. Nagsisigaw siya sa matinding galit. Paulit-ulit siyang nagmura at sinisi ang sarili sa pagkamatay ng mommy niya. Ngunit kahit anong pag-iyak at pagsisisi ang gawin niya, alam niyang kailanman ay hindi na maibabalik pang muli ang buhay ng mahal niyang ina.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status