Share

CHAPTER 4

AGAD na kinabahan si Trevor nang magising siya sa loob ng isang silid na hindi pamilyar sa kaniya.

"Sa wakas nagkamalay ka rin," wika ng isang babae.

Bumaling siya sa pinagmulan ng tinig. Nakita niya ang isang babae na nakasuot ng pang-madre. Mukha naman itong mabait. Ngunit dahil sa matinding trauma na inabot dahil sa nangyari ay napa-atras si Trevor at siniksik ang sarili sa may bandang headboard ng kama. Niyakap niya ang mga tuhod. Bahagyang nanginginig ang katawan niya at naiiyak siya sa takot.

"Huwag kang lalapit!"

"Huwag kang matakot, hijo. Hindi kita sasaktan."

Lalong natakot si Trevor maupo ito sa gilid ng kama. "Sino po kayo? Nasaan ako?"

"Nandito ka ngayon sa Karen Rose Home for Angels. Ako si Karen Rose, ang madre superyora ng ampunang ito," malumanay nitong wika. "Nakita ka namin kahapon sa kalsada na may mga sugat at walang malay. Hindi namin alam kung saan ka nakatira kaya dinala ka namin dito. Huwag kang mag-alala, hijo. Ligtas ka rito. Walang mananakit sa 'yo rito."

Dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin. Nginitian siya ng madre. Napaka-amo ng mukha nito na tila ba isang anghel. Unti-unti tuloy naglaho ang matinding takot sa dibdib ng bata.

"Ano nga pala ang pangalan mo, hijo?"

"Ako po si Trevor Ignacio."

"Alam mo ba ang contact number ng parents or ng guardian mo? Baka kasi nag-aalala na sila sa 'yo."

Sandali siyang natigilan. Nag-unahan sa pagtulo ang luha sa kaniyang mga mata matapos maalala ang malagim na sinapit ng kaniyang ina.

"Wala na po ang mommy ko. Pinatay siya ng boyfriend niya," umiiyak na wika ni Trevor.

Bumakas ang matinding awa sa mukha ng madre habang nakatingin sa bata. "I'm sorry to hear that."

Hinaplos-haplos nito ang likuran niya at hinayaan siyang umiyak upang mailabas niya ang bigat sa kaniyang dibdib.

"Siya nga pala, may iba ka bang kamag-anak na puwedeng naming kontakin para ipaalam ang nangyari sa 'yo?" tanong ni mother superior mayamaya.

Pinunasan na ni Trevor ang luha sa kaniyang mga mata. "Si Tito Christian ko po."

"Alam mo ba ang contact number niya o ang address niya."

"Opo."

"Okay lang ba kung kontakin namin siya para sa 'yo? Natatakot kasi ako na ibigay ka sa kaniya tapos sasaktan ka lang din niya tulad ng step father mo."

"Kapatid po siya ng mommy ko. Mabait po siya."

"Mabuti naman."

Binigyan siya ng madre ng papel at ballpen. Agad niya namang sinulat doon ang address at cellphone number ng tiyuhin.

"Tatawagan namin agad ang tito mo para ipaalam sa kaniya na nandito ka. Baka kasi nag-aalala na siya sa 'yo."

"Salamat po."

KINAGABIHAN ay lumabas si Trevor ng silid kasama si mother superior. Oras na kasi ng hapunan. Nang makapasok sila sa dining area ay nakita niya ang anim na mahahabang lamesa. Inookopa iyon ng mga bata at ilang madre.

Tumayo ang mga ito. "Good evening, mother superior."

"Magandang gabi sa inyong lahat. Gusto ko nga palang ipakilala sa inyo si Trevor. Dito muna siya titira pansamatala habang hinahanap pa namin ang pamilya niya."

Hindi sanay si Trevor na humarap sa maraming tao kaya naman kinakabahan siya ng mga sandaling iyon. Pinilit niyang ngumiti.

"Good evening po. A-Ako po si Trevor Ignacio."

Lumapit sa kanila ang ilang madre. "Hello, Trevor. Welcome to Karen Rose Home for Angels."

"Salamat po."

"O siya, kumain na tayo," hayag ni mother superior. Inakbayan nito si Trevor. "Maupo ka na, Trevor."

"Okay po."

Inokupa na ng mga madre ang lamesa na nasa harapan. Habang si Trevor naman ay pumwesto sa lamesa sa bandang dulo. Nagsimula nang mag-serve ng pagkain ang mga helper ng orphanage.

Habang kumakain ay hindi napigilan ni Trevor na maiyak. Bigla niyang naalala ang mommy niya. Ito kasi ang unang beses na magdi-dinner siya na hindi kasama ang mommy niya.

Mami-miss niya ang mommy niya. Mami-miss niya ang pag-aalaga nito sa kaniya, ang pag-aasikaso nito, ang mga luto nito at higit sa lahat ang paglalambing nito at ang mga mahigpit na yakap.

Nang hindi na niya mapigilan pa ang sobrang bigat ng dibdib ay napatayo siya at patakbong lumabas ng dining area.

Hindi niya kabisado ang pasikot-sikot sa orphanage na iyon. Tumakbo lang siya nang tumakbo hanggang makarating siya sa playground. Naupo siya sa duyan at doon tahimik na umiyak.

Natigilan lamang si Trevor sa pag-iyak nang may lumapit sa kaniyang dalawang lalaki na sa tingin niya ay kasing edad niya. Nang-uuyan ang mata ng mga ito habang nakatingin sa kaniya. Agad niyang pinunasan ang luha sa mga mata.

Naupo ang isang bata sa katabi niyang duyan habang ang isa naman ay tumayo sa harap niya.

"Bakla ka ba?" nakakaloko nitong tanong. "Wala ka nang ginawa kundi umiyak."

Narinig niya ang pagtawa ng isang lalaki sa gilid niya. "Bakla ka pala, eh. Iyakin!"

Inalis niya muna ang bikig sa lalamunan bago nagsalita.

"Hindi ako bakla," depensa niya sa sarili. "Nami-miss ko lang ang mommy ko."

"Tss! Kalalaki mong tao, iyakin ka."

"Porket ba lalaki ako hindi na ako puwedeng umiyak?" Kahit anong gawing pigil niya sa mga luha ay muli pa ring tumulo ang mga iyon.

"Huwag mo nang iyakan ang nanay mo. Hindi na babalik 'yon," udyok ng bata sa gilid niya. "Kapag dinala ka na ng magulang mo sa ampunan, 'wag ka nang umasang babalikan ka pa nila."

Nakagat ni Trevor ang pang-ibabang labi. Alam niyang kahit kailan ay hindi na babalik pa ang kaniyang ina. Ngunit hindi dahil pinabayaan siya nito, kundi dahil patay na ito.

"Alam ko naman na hindi na babalik pa ang mommy ko. Hindi na siya babalik kahit kailan kasi pinatay siya kahapon."

Nagkatinginan ang dalawang bata. Halatang na-guilty ang mga ito sa ginawang pang-aasar sa kaniya kanina.

"Sorry, 'tol. Hindi namin sinasadya."

Napakamot sa ulo ang isang bata. "Sorry. Akala kasi namin katulad siya ng nanay namin na iniwan kami rito sa ampunan para sumama sa ibang lalaki."

Nilahad ng mga ito ang mga kamay sa harap niya at nakipagkilala. Nakipagkamay siya sa dalawa.

"Condolence nga pala sa pagkawala ng mommy mo."

"Salamat." Mukhang naiintindihan na nina Edward at Steve ang sitwasyon niya kaya naman hindi na siya nahiyang umiyak pa sa harap ng mga ito. At isa pa, hindi niya rin kayang pigilan ang kaniyang emosyon. Sobrang sakit para sa kaniya ang biglang pagkamatay ng mommy niya.

Alam niyang habang buhay niyang dadalhin ang sakit at kalungkutang iyon dahil kailanman ay hindi na niya makakapiling pa ang ina.

PAGKALIPAS ng tatlong araw ay pinatawag si Trevor sa opisina ni mother superior. Nang makapasok siya sa loob ng silid ay inabutan niya roon si Christian.

"Trevor, salamat sa Diyos at ligtas ka." Agad na tumayo si Christian at lumapit sa pamangkin.

Napa-iyak naman ang bata nang yumakap sa tiyuhin.

"Ano bang nangyari sa inyo? Ilang beses akong nagpabalik-balik sa bahay n'yo pero walang tao. Nasaan ang mommy mo?"

"Wala na po ang mommy ko. Sinagasaan siya ni Carlos. Patay na po siya," umiiyak niyang tugon habang umiiyak.

"Anong sabi mo?!" Natigagal ito sa narinig. "Diyos ko, ang kapatid ko!"

"Kasalanan ko po, tito. Pinilit ko si mommy na tumakas sa bahay namin at iwan na si Carlos. Kaya lang nahuli niya kami. Sinagasaan niya si mommy." Sandali siyang tumigil sa pagsasalita dahil pakiramdam niya ay sobrang sakit ng dibdib niya, parang sasabog sa sakit. "Kasalanan ko po kung bakit namatay si mommy. Kung hindi kami tumakas sa bahay, buhay pa sana siya hanggang ngayon. Buhay pa sana ang mommy ko."

Lumuhod si Christian sa harap ng pamangkin at buong awang niyakap ang bata. "Wala kang kasalanan, Trevor. Huwag mong sisihin ang sarili mo. Napakabuti mong anak dahil lagi mong iniisip ang kapakanan ng mommy mo. Hanggang dito na lang siguro talaga ang buhay ng mommy mo."

Tila wala siyang narinig. Patuloy niya pa ring sinisisi ang sarili sa nangyari. At marahil ay habang buhay niyang dadalhin ang matinding guilt na iyon sa kaniyang dibdib.

Saka lang naghiwalay sa pagkakayakap ang magtiyuhin nang may pumasok na madre sa silid kasama ang dalawang pulis.

"Mother superior, nandito na po ang pinatawag n'yong mga pulis."

"Salamat. Maupo kayo," wika ni mother superior sabay turo sa mga bakanteng upuan na nasa tapat ng desk nito. "Nagpatawag ako ng pulis dahil nasabi sa akin ni Trevor na pinatay daw ang mommy niya."

Naupo sila sa mga silya. Nagpakilala sa kanila ang mga pulis. Ayon sa mga ito ay sila ang hahawak sa kaso ni Annie. Gusto ng mga itong maka-usap si Trevor para hingan ng statement tungkol sa nangyaring krimen. At para na rin mangalap ng mga impormasyon tungkol kay Carlos Ocampo.

"Hijo, kailangan mong ikwento sa amin ang nangyari para matulungan namin kayong mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mommy mo," untag ng isang pulis sa ilang sandali niyang pananahimik.

Napakapit si Trevor sa kamay ng tiyuhin. "Natatakot po ako, tito. Sabi kasi ni Carlos papatayin niya ako kapag nagsumbong ako sa mga pulis."

Inakbayan ni Christian ang pamangkin. "Trevor, huwag kang matakot. Nandito kami para sa 'yo. Gagawin namin ang lahat para ma-protektahan ka. Simula ngayon hindi ka na masasaktan ni Carlos."

Tumango-tango siya. Mayamaya pa ay nagsimula na siyang ikwento sa mga ito ang lahat ng nangyari.

"Hayop talaga ang Carlos na 'yan! Paano niyang nagawang patayin ang kapatid ko?" umiiyak na wika ni Christian matapos marinig ang kwento ng pamangkin. Bumaling ito sa mga pulis. "Pakiusap hanapin n'yo si Carlos. Kailangang malaman namin kung saan niya dinala ang bangkay ng kapatid ko."

"Huwag po kayong mag-alala. Asahan n'yong gagawin namin ang lahat para mahanap ang suspect."

"Salamat po. Dapat niyang pagbayaran ang kahayupang ginawa niya sa kapatid ko."

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Dosado Rosalie
hello otor.........
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status