Share

Crush ko si Mr. Tahimik
Crush ko si Mr. Tahimik
Author: chicaconsecreto

Tahimik 1.1

Hayami’s POV

“Good morning, Barangay Maligaya!” sigaw ko mula sa labas ng aming munting tahanan. Isang magandang umaga para sa isang magandang dalagang katulad ko. Ang mga kapit-bahay ay kanya-kanyang kaway sa akin habang napapadaan sa tapat ng aming gate. Umaga pa lamang ngunit ang mga tao sa daan ay madami na gayon na din ang mga sasakyang nagpaparoon at nagpaparito. Isama mo na ang mga high-tech na CCTV ng barangay namin, mga chismosa.

Tumakbo ako papunta sa likod-bahay at naabutan kong nagwawalis si Nanay habang nakahawak sa bewang.

“Good morning sa napaka ganda kong nanay,” wika ko at niyakap siya mula sa likod niya. Naamoy ko pa ang maasim-asim na pawis niya. Umaga pa lamang pero amoy hapon na siya. Tumawa siya ng mahina at saka ipinagpatuloy ang pagwawalis. Itong si Nanay talaga, sinabihan na ‘wag na ngang masyadong magtrabaho dahil baka magkabali-bali ang mga buto niya ay hindi pa din nakikinig. Tapos kapag napagod, sa akin magagalit.

“Good morning din naman. Aba! Diba unang araw ng klase mo ngayon? Bakit hindi ka pa gumagayak?” wika ni Nanay at kinuha ang dustpan at saka dinakot ang mga tuyong dahon na winalis galing sa malaking puno ng mangga naming pwede nang pamahayan ng kapre.

“Maaga pa naman Nay. Nasaan po ba si Tatay?” tanong ko at tinulungan ko siyang maglagay sa sako ng mga winalis niya. 

“Nandoon sa tindahan ni Aleng Mahal at nakikipagkwentuhan sa mga kumpare niya.” Ako na ang nagtapon ng b****a sa compost pit namin dito sa likod kung saan naghalo-halo na ang mga b****a, sirang panty at bra pati tae ng aso namin ay nandoon na.

“Ah sige po, maliligo na po ako. Magpahinga na muna kayo, baka mamaya atakihin nanaman kayo ng highblood dahil sa init.” Pumasok na ako sa loob ng bahay. Kinuha ko ang timba sa banyo at saka dumiretso sa gate na nasa bakod namin patungo sa kapit-bahay.

“Ate Melba, makikiigib po!” sigaw ko. Wala kaming gripo dahil wala kaming pampakabit eh. Tanging ang bomba lamang ng kapit-bahay ang nagsisilbing kuhanan namin ng tubig sa araw-araw. Sinimulan ko nang lamanan ang timbang kulay pink na dala ko at nang mapuno ay binuhat ko na ito papunta sa banyo naming walang pinto.

Nagsimula na akong magbuhos ng tubig. Nagsabon na ako ng safeguard na kulay pink na meron pang buhok tapos shampoo na Palmolive.

“Check sa Pamolive, check ang hair ko! All day no lasting bango!” Nasanay na akong kumanta sa loob ng banyo habang naliligo kahit hindi maganda ang boses ko. ‘Yong ibang kapit-bahay na naririnig ako ay sinisigawan pa ako. Tss, nakikirinig na nga lang ang aarte pa!

Wala pang dalawang minuto ay lumabas na ako ng banyo habang nakatapis. Ligong-uwak ang madalas tawag ni Nanay sa pagligo ko. Curious lang ako, paano kaya maligo ang uwak? Nagsasabon din kaya sila? Anong brand ng shampoo nila? 

“Mimi! Male-late ka na, bilisan mo! Kung makakilos ka akala mo katabi mo lang ang eskwelahan!” sermon ni Nanay mula sa labas ng kwarto ko habang kumakatok pa na akala mo’y may balak sirain ang pinto. Ang aga-aga hyper nanaman, parang hindi nalo-lowbat.

Sinuot ko na ang uniform ko na kulay sky blue na mayroong stripe na dark blue sa mga manggas at mayroong logo ng Western Academy sa kaliwang bahagi. Tapos ay isinuot ko na din ang checkered na palda kong dark blue at saka black shoes na madami ng pinagdaanan at konti na lang ay nganganga na.

Nagsuklay na ako at sinukbit ang bag saka na nagmadaling lumabas ng kwarto at nagpaalam kay Nanay na abala sa paghuhugas ng pinggan. Lumabas na ako ng gate naming matanda pa sa akin. Panahon pa daw ng mga kastila itong gate na ito pero hanggang ngayon ay buhay pa din.

Bago ako magpatuloy nais ko lamang ipakilala ang aking sarili sa inyo. Taray tagalog na tagalog! Anyway, ito na nga. My name is Hayami Wavyon, tinatawag nila akong Mimi at hindi ko alam kung bakit ‘yon ang naisip nilang nickname para sa akin. Pwede namang ganda na lang, mas magugustuhan ko pa.

Mahilig akong magbasa ng libro. Pero hindi ‘yong mga katulad ng encyclopedia, thesaurus, at dictionary. Kapag sinabi kong libro, ang ibig kong sabihin ay W*****d books, pocketbooks and many more!

Ah, ano pa ba? Kailangan ko pa bang i-explain ang beauty ko? Well, dahil malakas kayo sa akin sige na nga. Mahaba ang buhok kong kulay itim na napaka bango at amoy Palmolive na pink. Katamtaman lamang ang tangkad ko, gayon na din ang aking timbang. Medyo maputi din naman at matangos ang maliit kong ilong, brown eyes at maliit lamang ang mapupula kong labi.

Nag-aaral ako sa Western Academy, isa sa pinaka magandang eskwelahan dito sa lugar namin. Hindi kami mayaman ngunit nagagawa pa din nila Nanay at Tatay na mapag-aral ako sa private school. Si Tatay Horlando ay isang magsasaka habang si Nanay Honey ay isang may bahay lamang.

“Tay! Pahingi pong pera,” wika ko at huminto sa tapat ng tindahan ni Aleng Mahal. Hindi ko ba malaman kung bakit Aleng Mahal ang itinatawag sa kanya. Dahil ba mapagmahal siya o mahal ‘yong mga tinda niya? 

Nakita ko ang pagdukot niya sa bulsa ng kanyang pera. Tinitingnan ko kung magkano ba ang ibibigay niya sa akin. Sana naman ay malaki-laki para may pang meryenda kami ni Chloe mamayang uwian.

“Oh, isang daan ibalik mo ang sukli ha.” Kakamot-kamot ako sa ulo habang kinukuha ang pera. Ang kuripot naman ni Tatay, sa halagang isang daan may sukli pa talaga? Hayaan na, mabuti na sa wala.

Nadako ang tingin ko sa isang gwapong anghel na kakalabas lamang ng gate mula sa bahay sa kabilang kalsada. Tila ba may lumabas na mga bituin sa paligid niya at may anghel na kumakanta sa palibot ng gwapo niyang mukha. Siya si Grayson, ang pinaka perpektong lalaki sa paningin ko. Sino ba namang hindi mahuhulog sa isang gwapo at matalinong lalaki, plus chinito pa?! 

Kababata ko siya at madalas kaming magkalaro noon ngunit ang hindi ko malaman ay bakit napaka tahimik niya hanggang sa nagbinata na siya. Hindi naman daw siya pipi sabi ng mama niya, pero why?!

“T-tay, mauna na po ako.” Mabilis pa sa alas-kwatro akong tumakbo upang sabayan siya sa paglalakad. Narinig ko pa ang pagtawag ni Tatay sa akin ngunit hindi na ako lumingon. Oh my God! Sabay kami uling papasok ni Gray! Na-miss kong makasabay siya sa paglalakad sa umaga para pumasok at paglalakad naman pauwi sa hapon. Kahit hindi siya umiimik, masaya na akong nakikinig siya sa akin.

“Good morning Gray!” masigla kong bati sa kanya. Tiningnan niya lamang ako at mabilis siyang naglakad pero syempre hinabol ko pa din siya. Sa totoo lang, ang hirap niyang sabayan dahil ang hahaba ng legs niya. Isang hakbang niya ata, dalawang lakad ko na.

“Gray, excited ka na ba sa first day natin? Sana magkaklase tayo ulit ‘no? Anong sa tingin mo?” Pinagmasdan ko lamang siya habang naglalakad kami ngunit ayaw niya talagang magsalita. Isang tango lamang ang isinagot niya sa akin. 

Saulado ko na nga ang sign language niya eh, iiling siya kapag hindi, tahimik lang siya kapag oo, minsan may mga nade-develop din naman siyang words like ok, sige, salamat at sorry. Ang tipid niya ‘no? talagang one word lang ang kaya niyang sabihin minsan wala pa. Minsan naisip ko na binabayaran kaya ang talent fee niya?

“Ang balita ko kay Chloe, may bago daw atang student sa batch natin. Excited na tuloy ako kung sino siya. Ikaw ba? Excited ka din ba?” wika ko at hinawakan ang strap ng bag ko habang patuloy kami sa paglalakad, parang tumatakbo na nga ako. 

Tumango lang siya ulit. Aww, bakit ba kahit hindi siya magsalita ang cute-cute niya pa din? Pero curious lang ako, hindi ba siya napapanisan ng laway?

“Watch your steps.” Lumawak ang ngiti ko noong marinig ang new words niya. OMG! Ang gwapo talaga ng boses niya, englishero pa! Watch my steps daw? Mahina ako sa English pero parang concern siya sa akin. 

“Gray oo nga pala--.” Naputol ang sasabihin ko nang bigla akong masubsob sa kalsada dahil sa pagkakatisod sa isang bato. Ang pangit naman ng pagkakalanding ko, dibdib pa talaga ang napuruhan alam na flat na nga ako lalo pang na-flat!

“G-gray,” mangiyak-ngiyak na tawag ko sa pangalan niya. Hindi niya ata napansin ang pagkakatumba ko at patuloy lamang siya sa paglakad. Ngunit nang tawagin ko siya ay napahinto siya at napunta ang tingin sa akin. Nakita ko ang pagngisi niya at iiling-iling pa.

“I told you, watch your steps.” Nagpatuloy na siya sa paglalakad. Nakakahiya ka Mimi!

“T-teka sandali! G-gray!” Kaagad akong tumayo mula sa pagkakasalampak sa kalsada at tumakbo para maabutan siya. Hindi man lang niya ‘ko tinulungan? Pambihirang lalaking ‘to.

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Keanna Shakira Moreno Maravilla
galing hahahaha nakaka tawa na nakaka kilig mwuah
goodnovel comment avatar
kurniamamang
This is one of the best story I've read so far, but I can't seem to find any social media of you, so I can't show you how much I love your work
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status