Share

Tahimik 3.1

Hayami’s POV

It’s Tuesday. So kapag Martes it means may pasok nanaman. Hindi naman sa tinatamad ako pero parang ganun na nga. 

Nakatihaya pa din ako dito sa kama kong makapigil hininga ang amoy at nagbabasa ng kwento sa cellphone ko. Ngunit habang nagbabasa ay hindi mawala sa isip ko ang tungkol sa cupcake kahapon. Nagustuhan kaya ni Gray ‘yong lasa?

Wala naman akong ibang nilagay doon bukod sa ingredients at gayuma. Pero syempre charot lang, hindi ko na kailangan ng gayuma dahil alam ko namang matagal na akong bet ni Papa Gray nahihiya lang siyang umamin sa akin kasi ang pretty ko masyado.

Makatulog na nga lang ulit. Five minutes na lang promise babangon na ‘ko. Unti-unti ko nang ipinikit muli ang mga mata kong puro muta pa at medyo nararamdaman ko na muli ang antok. 

“Mimi bumangon ka na diyan, tanghali na!”

Awtomatikong nagising ang katawang lupa ko at mabilis na nakabangon sa pagkakahiga. 

“Lindol! Lindol! Lin—” Naputol ang pagsigaw ko nang biglang sumalubong sa pagmumukha ko ang tsinelas na kulay puti. Nahimasmasan ako at saka napunta ang tingin kay Nanay na nakapamewang sa may pintuan habang nakatingin sa akin ng masama. 

“Kung ikaw ang lindolin ko diyang bata ka ha! Babangon ka o baka gusto mong batuhin pa kita ulit ng isang pares ng tsinelas!” sigaw niya sa akin. 

Itong si mama ang aga-aga nang raratrat na ang malaking bunganga. Kaya ayan alam niyo na, wala akong alarm clock kasi sa bibig pa lang ni mama immune na ang tainga ko.

“Oo na, maliligo na. High blood ka naman agad.” Dumiretso na ako sa banyo at baka i-flying kick na ako ni Mama kapag nagkataon. Nag-withdraw muna ako sa inidoro namin bago ako naligo. 

----------

“Oh, bakit ang ganda ng sikat ng araw pero ‘yang mukha mo parang binuhusan ng suka?” tanong ni Chloe habang mabagal kaming naglalakad papuntang gym ng school kung saan nagpa-practice si Simon. Kakadating ko lang kanina, bigla na lamang niya akong hinila papalabas. 

“Hindi ko kasi nakasabay si Gray kanina pagpasok,” saad ko naman habang nakabusangot ang mukha. Nagsisisi na ‘kong hindi gumising ng maaga, hindi ko tuloy naabutan si Grayson paglabas niya ng bahay nila. 

“Jusko naman Mimi, eh halos araw-araw mo na nga siyang nakikita hindi ka pa din nagsasawa?” Tiningnan ko siya ng masama at saka na lamang ako napakamot sa ulo ko. Ito namang si Chloe, minsan nakakabwisit na ding kausap. Kung hindi ko lang talaga kaibigan ‘to baka nilayasan ko na siya.

“Wag ka na ngang kill joy. Bilisan na nga nating maglakad, mukhang nagsisimula na sila.” Sabay kaming nagtungo sa entrance ng gym at doon nakita namin ang mga players na nagtipon-tipon sa gilid habang nags-stretching.

“Doon tayo dali!” Hinila nanaman ako ng babaysut na ito papunta sa kinaroroonan ni Simon na nakaupo sa mahabang upuan sa tabi ng bleachers. Hindi ko siya napansin kanina pagkapasok namin, ang linaw talaga ng mata ni Chloe.

“Good morning Sai!” masiglang bati sa kanya ni Chloe. Nag-angat ito ng tingin at ngumiti nang makita kaming dalawa. Umupo kami sa tabi niya.

“Oh, kayo pala. Manonood ba kayo?” tanong ni Simon.

“Oo, ito ngang si Mimi kung hindi ko pa hinila kanina hindi pa sasama,” wika naman ni Chloe. Napairap na lang ako at saka humalukipkip. Dapat ay nasa library ako ngayon at nagbabasa kasama si Gray pero dahil sa mukhang bunot kong kaibigan ay dito ako napadpad.

Tiningnan ako ni Simon at saka siya ngumiti ng malawak. Hindi ko napigilan na mapangiti na din dahil sa kanya. Nakakahawa naman ang ngiti ng isang ‘to, matindi pa sa virus.

“Let’s start!” Tumayo na si Sai matapos marinig ang tawag ng coach nilang panot na nakatayo sa gitna ng court habang hawak ang bola. 

Mga ilang sandali lamang ay nagsimula na silang maglaro. Wala naman akong hilig sa basketball ngunit nang makita ko kung paano maglaro si Sai ay parang natutuwa na din akong panoorin sila.

“Wooo! Go Simon!” sigaw ni Chloe at may pagpalakpak pa ang luka. Actually, siya lang ang katangi-tanging sumisigaw sa mga nanonood. Ako na ang humingi ng pasensya sa mga katabi naming estudyante dahil sa ingay niya. Pakain ko kaya sa kanya ang bola para tumahimik.

Halos kalahating oras din ang tinagal ng laro nila at saka na sila tumigil. Pawisan si Sai na bumalik sa pinanggalingan niya kanina at nagpunas ng pawis. Inabutan pa siya ni Chloe ng mineral water na binili namin kanina sa canteen.

“Ang galing mo maglaro,” wika ng kaibigan kong halos mapunit na ang bunganga sa pagngiti nito.

“Ikaw ba ang captain nila?” tanong ko sa kanya. 

“Oo, maswerte nga ako at napili agad noong nag try-out kami. At maswerte din ako na kayo ang mga naging unang kaibigan ko.” Lumapit pa ito sa akin at inakbayan pa ako ng loko. 

“Heh! Kadiri ka Sai, pawisan ang kili-kili mo!” Aalisin ko na sana ang mga braso niya sa balikat ko ngunit ipinulupot niya ito sa leeg ko kaya hindi ko na ito natanggal. Bastos na lalaki! Ginawa pa ‘kong tuwalya!

“Anong kadiri? Kahit amuyin mo pa ang pawis ko mabango pa din,” pagyayabang pa niya.

Hinampas-hampas ko ang braso niya ngunit parang useless lang dahil hindi siya nasasaktan. Pag ako talaga nakawala, baka gusto niyang ipadila ko sa kanya ang pawis niya.

“Ah-eh, sige mauna na kami Sai. Kitakits na lang mamaya sa classroom,” wika ni Chloe at saka ako sinenyasan. Mabuti na lang at binitiwan na ‘ko ni Simon at inayos ko ang uniform kong nagmukha ng basahan. 

Naunang maglakad si Chloe paalis at susunod na sana ako nang tawagin ako ni Sai.

“Mimi sandali.” Awtomatikong umikot ang katawan ko paharap sa direksyon niya at nakita siyang may hawak na paper bag. Hindi ako nainform, may nagtitinda pala ng pandesal sa Western?

“Para sayo,” saad niya at iniabot sa akin ang paper bag. 

“Naku Sai! Nagkape na ako kaninang umaga, bakit may dala ka pang pandesal dito? Hindi ka ba nag-agahan?” Bigla siyang tumawa dahil sa sinabi ko. May nakakatawa ba? Masama palang mapawisan si Simon, nasisiraan ng ulo.

“No. Hindi ‘yan pandesal. Basta tanggapin mo na lang,” nakangiti niyang banggit at saka ibinato ito sa akin kaya wala akong nagawa kundi ang saluhin. Tumakbo na siya papunta sa banyo ng gym. Magpapalit siguro ng damit. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status