Share

Tahimik 2.2

(Continuation of chapter two)

Hayami’s POV

“Ano? Ayusin mo ngang magsalita. Mabaho ba hininga mo?” Sinamaan niya ako ng tingin.

“Crush ko si Simon. Napaka bingi mo.” Namilog ang mata ko dahil sa sinabi niya. Magre-react pa sana ako ngunit nahagip ng mata ko si Gray na mag-isang kumakain sa isang table. Doon ako pumunta kaya sumunod na lang si Chloe. Naupo ako sa tabi niya habang nasa harapan namin si Chloe.

“Hi Gray! Kanino mo ibibigay ‘yong ginawa mong cupcake?” tanong ko sa kanya. Sandali siyang nag-isip.

“Mommy,” tugon nito. 

“Eh ako? Hulaan mo kung kanino ko ibibigay ‘yong sa akin?” Hinintay ko siyang sumagot. Tumingin siya kay Chloe ngunit nagkibit-balikat lamang ito.

Napunta ang tingin niya sa akin at saka ibinalik ang atensyon sa kinakain niyang pritong isda.

“Kakainin mo,” tugon niya. Sinimangutan ko naman siya dahil doon. Napaka slow naman niya. Maang-maangan pa pero alam ko namang alam niyang sa kanya ko iyon ibibigay. Nagpatuloy na lang kami sa pagkain. Wala ng nagsalita dahil abala din naman ako sa pagknock-out ng pagkain ko. 

“Oo nga pala, sure ka na bang ayaw mong sumamang manood ng practice nila Simon?” pagbabasag ni Chloe sa katahimikan. 

Napansin ko ang pagdilim ng mukha ni Gray na nasa tabi ko. Anong problema niya? Hindi ba masarap ‘yong isda? Sinasabi ko na nga ba eh, hindi fresh ang mga isda ng Western!

“Susubukan ko--.” Naputol ang dapat sasabihin ko nang biglang tumayo si Gray. Pareho kaming nagulat ni Chloe dahil sa inakto niya. Pagkatapos ‘non ay walang imik siyang umalis sa lamesa namin at iniwan ang kinakain niya doon.

Dali-dali akong tumayo at pilit na inaalis ang sarili sa pagkakaupo sa masikip na upuan.

“C-charot lang pala Chloe. Sasamahan ko si Gray, paligpit na lang ng pinagkainan namin ha.” Tumakbo ako para maabutan ko si Grayson na ngayon ay papalabas na ng pintuan ng canteen.

“Hoy! Sandali!” sigaw ni Chloe ngunit hindi ko na siya nilingon. Wala na akong pakielam kung magka appendicitis ako basta maabutan ko lang si Gray. Mala halimaw pa naman humakabang ‘yon.

----------

Ang sakit ng paa ko.

Kanina kasi natalisod pa ako sa hagdan kakahabol kay Gray. Akala mo naman kasi may humahabol sa kanya sa bilis ng paglalakad. Wala naman kaming ginawa. Nasa library lang, pabasa-basa ng libro. Siya nag-aaral ako naman nagpapantasya sa mga fictional character.

Hindi ko na din naabutan ang practice nila Simon dahil saktong tumunog ang bell noong matapos mag-aral si Gray. Tss, tuwang-tuwa siguro si Chloe habang pinapanood maglaro ang crush niya. Sigurado akong nangangamatis na sa pula ‘yon.

“Ano kayang mas maganda? Pink or red?” Nandito ako ngayon sa department store ng Western habang namimili ng gift box na paglalagyan ko ng cupcake para kay Gray. Sayang at ‘di ko kasama si Chloe dahil nauna na siyang umuwi. Wala tuloy ako matanungan.

“Red na lang nga.” Pumunta na ako sa cashier at binayaran ang nabili ko. Sunod ‘non ay pumunta na ako sa TLE room para kuhanin ang na-bake kong cupcakes. Medyo malayo din ang building na iyon kaya inabot ako ng tatlong minuto para makapunta doon. Sa laki ba naman ng Western, aakalain mong village na. 

May clinic, may department store, may book store, canteen na mukhang restaurant at sandamakmak na building kahit saan mo tingnan. 

Pagdating ko sa TLE room ay naabutan ko doon si Simon na nagbabalot ng lalagyan niya. Nakasuot pa siya ng jersey number 1 at mukhang kakagaling lang ng practice. Hindi niya ata inaasahan ang pagdating ko kaya nagulat siya at kaagad na itinago ang maliit na pink na kahon sa kanyang bag.

“M-mimi, ikaw pala,” uutal-utal na banggit pa nito at hindi mapakali ang mga mata. Pumasok na ako doon at dumiretso sa oven kung saan ko inilagay ang ginawa ko kanina.

“Hindi ka pa pala umuuwi,” wika ko at naglagay ng gloves. Pagkakuha ko ng masasarap na cupcake ay nilanghap ko pa ang mabangong aroma nito. Siguradong magugustuhan ‘to ni Gray. Inilapag ko ito sa lamesa at nagtanggal na ako ng gloves para maghandang ilagay ito sa kahon na binili ko kanina.

“O-oo, kakatapos lang ng practice kanina. Sabi ni Chloe kasama mo daw si Gray kaya hindi ka nakanood?” tanong niya. Dahan-dahan kong inilagay ang cupcakes sa kahon. Anim na piraso lang naman ito kaya sakto lang sa laki ng nabili ko. 

“Ah, oo. Sayang nga, akala ko maabutan ko pa kaso itong si Gray napaka bagal magbasa.” Pagkatapos kong mailagay lahat ay inilagay ko na ang takip nito at tinalian ko ng ribbon. Napaka ganda, kagaya ng gumawa.

“Sino si Gray?” Napunta ang atensyon ko sa kanya na ngayon ay nakaupo na sa lamesa habang ang mga kamay ay nakapatong dito. Nakatingin lang siya sa akin. 

Ngayon ko lang napansin na ang gwapo pala ni Simon sa malapitan. Paniguradong chikboy ito, buti na lang ang Grayson ko, gwapo na goodboy pa.

“Kung napansin mo ‘yong lalaking matangkad, singkit, gwapo, maputi at napaka tahimik na lalaki kanina sa klase, ‘yon na ‘yon,” sambit ko habang binibilang sa daliri ang bawat sinabi ko. Nag-isip siya sandali.

“Iyon bang parang pipi—"

“Mismo!” pinutol ko na ang sasabihin niya at tumango-tango naman siya. Ang dali talagang marecognize ni Gray, basta sabihin mong hindi nagsasalita siya na agad iyon. 

Sandaling napadpad ang mga mata ko sa bukas na pintuan ng silid at nakita ang pagdaan ni Grayson. Teka, hindi pa siya umuuwi?

“S-sandali, m-magbabanyo lang ako.” Tumakbo na ako agad palabas habang dala-dala ang kahon na kulay pula. 

-------------

Third Person’s POV

Nag-aabang si Grayson sa TLE room ng Western. Nagbabasakali siyang pupunta doon si Hayami ngunit sampung minuto na ang nakalipas pero walang Hayami ang nagpakita sa kanya.

Napagpasyahan na niyang umalis dahil akala niya ay nakauwi na ito.

Balak sana niyang ibigay sa dalaga ang ginawa nitong cupcake kanina. Ginawa lamang pala niyang palusot na sa mommy niya ito ibibigay. Si Grayson ang tipo ng lalaking torpe pagdating kay Mimi kaya hindi niya mismo masabi sa dalaga ang tunay niyang nararamdaman. 

Pababa na siya ng hagdan nang marinig ang malalakas na yabag ng paang tumatakbo mula sa pathway sa di kalayuan. Hindi nagkamali ang mga mata niya at nakumpirmang si Mimi nga iyon na nagmamadaling umakyat sa hagdan sa kabilang bahagi ng building nang hindi man lang siya napapansin. 

‘Where did she go? Tss, such a little girl but run like a horse,’ banggit niya sa kanyang isipan at napagpasyahang bumalik sa pinangggalingan dahil mukhang alam na niya kung saan ito pupunta.

Sa kabilang dako naman ay nandoon si Simon at malawak ang ngiti habang binabalot ang ginawa nitong cupcake para kay Hayami. Hindi na ito makapag-hintay sa magiging reaksyon ng dalaga sa oras na maibigay na niya ito sa kanya. Nagulat ito nang biglang pumasok si Hayami sa pintuan na hapong-hapo at habol-habol ang hininga.

Nakita ni Gray ang pagpasok ng dalaga sa silid kaya nagmadali itong maglakad papunta doon. Ilang metro na lamang ang layo niya mula sa pinto ay nakita niya sa bintana nito ang magkausap na sila Simon at Mimi. Napakuyom ang kamao nito at iniwas na lamang ang tingin sa kanila.

Selos, oo nagseselos siya sa binata simula nang masaksihan niya ang pagtatawanan ng dalawang ito kanina habang nagkaklase pa lamang sila. Dahil dito ay nilampasan na lamang niya ang silid at naglakad na lamang papaalis. 

“Gray, sandali!” napatigil ang mga paa niya sa paglalakad nang marinig ang boses ng babaeng nakakapagpabago palagi ng mood niya. Lumingon siya dito at sakto naman ang pagtigil ng babae sa kanyang harapan. 

“Akala ko... umuwi… ka na,” banggit ni Hayami habang nakahawak sa dibdib at hinahapo dahil sa pagtakbo niya kanina. 

“P-para sayo.” Iniabot ni Hayami kay Gray ang kahong kulay pula at hindi naman makapaniwala ang binata dahil dito. Sa una pa lamang ay alam na niyang sa kanya ito ibibigay ni Mimi ngunit sa isip-isip niya ay iba pa din pala kapag nangyari na talaga.

Sa loob naman ng TLE room ay nandoon si Simon at napagdesisyunang sundan na si Hayami. Nagagalak itong ibigay ang ginawa niyang cupcake para kay Mimi at ibinalot pa niya ito ng maganda para sa dalaga. 

Ngunit biglang nawala ang malawak nitong ngiti nang makita si Hayami na ibinigay ang ginawa nitong cupcake kay Gray. 

Labis na nasaktan si Simon sa nasaksihan. ‘Ano bang espesyal sa lalaki na ‘yon? Bakit parang baliw na baliw si Mimi sa kanya?’ wika nito sa kanyang isipan at naglakad na lamang papunta sa ibang direksyon at itinapon ang kahon na hawak sa isang basurahan.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status