Share

Tahimik 5.2

(Continuation of chapter 5)

Hayami’s POV

“Tao po!” Sunod-sunod na kalampag ang ginawa ko sa gate nila Gray. Ang aso nilang si Chukie ay tumahol na nang tumahol simula pa kanina noong makita ako. Pati aso nababaliw sa kagandahan ko. 

Sorry ka na lang Chukie, sa amo mo lang ako. Hanap ka na lang ng Yakult mo.

“Oh Mimi, ikaw pala. Pasok ka hija,” wika ng babaeng nagbukas ng gate at pinapasok ako sa loob. Siya si Tita Violeta, siya ang Mommy ni Grayson. Kilala siya dito sa lugar namin bilang Violet. 

Magkumare sila ni Nanay at madalas din siyang bumisita sa bahay para humingi ng halaman. Minsan inalok pa nga ni Nanay itong si Tita Violet na i-barter si Gray kapalit ng halaman.

“Nasaan po si Gray?” tanong ko. Magkasabay kaming naglakad at siya na ang nagbukas ng main door nila at tumambad sa akin ang napaka gandang bahay nila. 

Naka-tiles pa nga sila eh, yayamanin. Dito sa amin kapag may tiles ang sahig niyo, ibig sabihin mayaman ka na. 

“Nandoon sa taas at nag-aaral. Nakwento sa akin ng Nanay Honey mo na ipagluluto mo daw si Gray?” Dumiretso kami sa kusina habang dala ko pa din ang bayong kong laman ang mga binili ko kanina. 

“Ay opo! Syempre po para sa inyo din hehe,” saad ko naman. 

“Naku! Napaka swerte naman talaga ng anak ko sayo. Oh sige, ayusin mo na ‘yang mga binili mo ha. Tatawagin ko lang si Grayson.” Iniwan niya ako doon at umakyat na siya sa hagdan papunta sa kwarto ni Gray. 

Inilibot ko ang paningin sa kabuuan ng kusina nila. Napaka linis nito at nagkikintaban pa ang tiles sa lababo nila. 

Parang nakakahiya tuloy dumihan. Binuksan ko naman ang ref nilang may dalawang pinto at halos maglaway ako sa dami ng chocolate na nandito. Hindi na ako magtataka kung magka-diabetes si Gray.

“Hayami! Nandito ka pala.” Napalakas ang pagsarado ko sa ref nang biglang sumulpot sa likod ko si Tito Alfred, tinatawag ko din naman siyang Tito Red for short. 

May lahing kabote ba ang pamilya ni Grayson? O lahing multo? Kung saan-saan sila lumalabas wala man lang paramdam.

“Ah, eh, opo. H-hinihintay ko lang po si Tita Violet,” wika ko naman at bumalik sa lababo kung saan nandoon ang mga nakahanda ko nang lulutuin.

Naririnig ko na ang mga yabag ng paang bumababa sa hagdan ng bahay nila. 

Sinulyapan ko iyon at nakita ang pagbaba ng isang batang lalaking 12 years old na naka poker face at dumiretso sa kinaroroonan ko. 

“H-hi Blue!” masigla kong bati sa kanya at akmang sasalubungin ko na siya ng yakap ngunit nilampasan niya lamang ako at dumiretso sa ref nila at saka kumuha ng Tobleron. Bastos na bata.

Siya si Blue, ang supladong kapatid ni Grayson at ani mo’y palaging galit sa sanlibutan. Minsan nagtataka din ako kung pinaglihi ba siya ni Tita Violet sa sama ng loob. Iisa lang ang ekspresyon niya sa lahat ng bagay. 

Nakasimangot kapag malungkot, nakasimangot kapag masaya, nakasimangot kapag na-surprise, nakasimangot kapag takot, nakasimangot kapag nagulat, at nakasimangot kapag galit.

Nakakatakot ngang magbiro sa kanya eh, hindi ko alam kung naiiyak na ba siya o minumura na niya ‘ko sa isipan niya. Naku! Sayang siya, gwapong bata pa naman kagaya ng kuya niya kaso masungit.

Ibinalik ko ang tingin sa hagdan at doon napangiti ako nang makita si Gray na nakasuot ng black t-shirt at gray na jogging pants kasabay ang mommy niya. 

“H-hi Gray!” bati ko dito at sinagot naman niya ako ng ngiti ngunit mabilis lang. Oh my God! My heart! Nginitian ako ni Grayson! Nginitian niya ‘ko! Ngini—okay tama na, OA ka na Mimi.

Dumiretso siya sa sala nila at naupo sa malaking sofa nila. Ganun din naman ang kapatid niyang masama ang mga titig sa akin. Bagay na bagay talaga silang magkapatid, isang tuod at isang angry bird.

“Naku hija, pagpasensyahan mo na si Blue. Kakagaling lang kasi sa lagnat, baka wala lang sa mood,” wika ni Tita Violet at pumunta sa may lababo para ihanda na ang mga lulutuin namin. 

Gusto ko nga sanang sabihin kay Tita na kahit naman walang sakit ‘yong anak niya, ganun pa din naman ang ugali.

Nagsimula na kami sa pagluluto. Siya ang nag-aabot sa akin ng mga sangkap habang ako na ang nagluluto sa kasirola. 

Inuna ko munang ginisa ang sibuyas, bawang at luya. Halos maglaway na ako dahil ang bango nito habang ginigisa. Nakakagutom.

Sunod naman ay inilagay ko na ang manok na hiniwa na ni Tita kanina ng maliliit na piraso. Sunod ay nilagyan ko na ng patis at saka tubig. Sinunod ko na ang paminta at magic sarap. Hinalo-halo ko pa ito bago ko na tinakpan ang kasirola. Hihintayin ko na lamang itong kumulo.

----------

Nagwawala na ang bituka ko sa tiyan simula nang maamoy ang mabango nitong amoy. Daig pa ang kakainin lahat ng organs sa katawan ko eh. 

Napaupo na lamang ako sa tabi ni Tita Violet na nakaupo sa upuan sa dining nila. Nakatingin siya sa tatlong lalaki sa buhay niya na nanonood ng TV sa sala.

“Oh Tita, bakit parang ang lalim ng iniisip niyo?” tanong ko. 

“Hindi naman Mimi. Natutuwa lang ako dahil biniyayaan ako ng mga anak kagaya niya Gray at Blue, at ang swerte-swerte ko sa naging asawa ko.” Tumingin siya sa akin at saka niya hinawakan ang braso ko. 

Napaka ganda ng mga kamay ni Tita Violet kahit may edad na siya. Hindi naman sa sinasabi kong magaspang na ang kamay ni Nanay Honey pero… hehe wag kayong maingay sa kanya ha.

“Hindi ako nagkaanak ng babae, pero sana kahit apo man lang.” Napalunok ako dahil sa sinabi ni Tita Violet at ang mga mata niya ang nagsasabi sa akin ng ibig niyang sabihin. 

Nakakapanindig balahibo naman si Tita, ayaw nga akong ligawan ng anak niya tapos gusto niya pang bigyan ko siya ng apong babae. Kaloka ka Tita Violet.

“K-kumukulo na po ata ‘yong niluluto ko. Saglit lang po.” Tumayo na ako kaagad at pumunta sa niluluto ko at nakitang kumukulo na nga ito. Inilagay ko na ang papaya doon at tinikman ko muna ang lasa. Wow! Life changing! 

Ilang minuto din ang lumipas at sa wakas tapos na din. Tinulungan ko na maghanda si Tita Violet ng mga kubyertos at mga pagkain sa lamesa. 

Ako na mismo ang sumandok ng niluto ko at inilagay sa mangkok na malaki. Excited na akong matikman ni Grayson ‘to.

Umupo na kaming lahat sa rectangle na lamesa nila. Nasa harapan ko si Grayson, si Tito Red ay nasa upuan ng padre de pamilya, sa tabi ko ay si Tita Violet habang si Blue ay nasa tabi ng kuya niya. 

“G-gray, tikman mo ‘to oh.” Sinandukan ko siya ng niluto ko at pinanood niya lang akong gawin iyon. Maya-maya lamang ay nagulat kaming lahat nang biglang tumayo si Grayson. Teka, hindi pa nga niya natitikman, ekis na agad?

“Anak,” may diing sabi ni Tita Violet at sinisita ang kanyang anak. Bigla na lamang siyang umalis at iniwan kaming lahat doon. Umakyat siya sa hagdan papuntang kwarto niya. Anong problema ‘non?

“He’s allergic in onions Mom, did you forget?” wika ni Blue at sumubo na ng pagkain. Ako ay naiwan doong nakatulala at biglang nanikip ang dibdib dahil sa sinabi ni Blue. 

I failed... again.  

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status