Share

Tahimik 5.1

Hayami’s POV

“Matagal ka na bang binu-bully ng mga babaeng ‘yon?” tanong ni Simon habang sabay kaming kumakain ng ice cream. Nandito kami sa rooftop ng main building at inilibre niya ako ng ice cream kanina. 

“Naku! Wag mo na ngang isipin ang mga pangit na ‘yon. Wag kang mag-alala, sanay na ‘ko,” saad ko at kumain ng ice cream. 

Bakit nga ba tinatawag nila ‘tong dirty ice cream? Alam na nga nilang dirty ibebenta pa nila. So kailangan hugasan? Tayo ang mag-aadjust?

“Pero Mimi, dapat nirereport mo ‘yan sa principal para maturuan ng leksyon ang tatlong ‘yon.” Tumawa ako ng mapakla dahil sa sinabi niya at saka ko siya tiningnan. 

Napansin ko ang ice cream niya na malapit nang matunaw, kung wala man siyang balak kainin iyon ay pwede ba ibigay na lang niya sa akin? Sayang naman.

“Tss, maraming beses ko nang sinubukan. Pero wala eh, iba talaga kapag may pera. Ang mali nagiging tama.” Napaiwas ako ng tingin matapos iyong sabihin. Itinuon ko na lamang ang pansin sa malawak na paaralan ng Western na kitang-kita ang kabuuan mula dito sa kinauupuan namin.

Bakit ganun sila? Mga silaw sa pera, masisiba, gahaman. Wala naman silang pinagkaiba sa mga pok-pok dahil sa paraan ng mapapalakad nila sa mga estudyante. 

Kasalanan ko bang pinanganak akong hindi mayaman? Isang kahig, isang tuka? 

When Bamboo said, “Ang hustisya ay para lang sa mayaman,” I felt that.

“Hayaan mo Mimi, ipagtatanggol kita.” Nakuha niya ang atensyon ko at napangiti na lamang ako dahil sa sinabi niya.

 Sa lahat ng kapalpakan at kat*ngahan ko sa buhay, masaya ako dahil mayroon akong kaibigan kagaya ni Sai. Pwe, drama mo Mimi.

Nagkwentuhan pa kami ng konting oras doon at saka na kami sabay pumunta sa klase. 

-------------

Ang bilis talaga ng araw, parang kahapon lang ay first day pa lang ng school ngayon ay Sabado na agad. 

Maaga akong nagising kanina para pumunta dito sa palengke. Ito kasi ang pangalawa sa listahan namin ni Chloe, ipagluto si Gray ng masarap na pagkain. 

Ang baho nga dito sa palengke, nagkahalo-halo na ang amoy. May malansa, amoy baboy, amoy bulok na prutas at gulay, nangangamoy mahal na tinda pa.

Kabi-kabila na din ang mga mamimiling nagkalat sa public market na ito at ang mga tricycle drivers na nag-aabang sa paradahan ng pasahero. Dinig ko na din ang maiingay na tinderang sumisigaw at ‘yong iba ay nag-aayos ng paninda. 

Hawak ko na ang bayong na dala ko at ang listahan na ibinigay sa akin ni Nanay kanina. Sabi ko kasi sa kanya gusto kong magluto para kay Grayson kaya agad naman niyang ibinigay ang listahan ng bibilhin sa pagluluto ng tinolang manok.

Si Nanay ay boto din naman kasi kay Grayson para sa akin. Kahit naman mabunganga si Nanay, supportive naman palagi ‘yan sa akin. 

“Sibuyas, bawang at luya nga muna.” Hinanap ko ang pwesto ng suki ni Nanay sa pagbili niya ng mga pang rekados. Syempre kapag may suki ka na, makakahingi ka pa ng discount ‘no. Hirap kumita ng pera sa panahon ngayon.

“Aleng Belen, pabili po ng kalahating kilo ng sibuyas, bawang, at luya,” wika ko kay Aleng Belinda na naglalaro ng candy crush sa cellphone niya. Napatayo naman siya nang makita ako at agad na naglagay sa timbangan ng mga sinabi ko.

“Oh, bakit ikaw ang namamalengke ngayon, Mimi? Nasaan ang Nanay Honey mo?” tnong niya at saka na nilagay sa plastic ang mga binili ko. 

“Hehe, ipagluluto ko po kasi si Grayson,” sabi ko habang medyo nahihiya pa. Gumuhit naman sa mukha niya ang malisyosang ngiti.

“Sinagot ka na ba?” Napakamot ako sa ulo dahil sa tanong niya. Ito talagang si Aleng Belen palagi na lang akong tinukso. Kesyo nililigawan ko daw ba si Gray, kung sinagot na daw ba ako, kailan daw kami magpapakasal. 

Minsan gusto ko na ngang pakainin ng sibuyas si Aleng Belen dahil masyadong madaming tanong.

“Eh, wag ka namang atat Aleng Belen, dadating tayo diyan,” saad ko.

“Naku! Dapat minamadali na, para makadami kayo,” wika niya at kinurot pa ang tagiliran ko. Natawa na lang ako sa sinabi niya. Aleng Belen excited? Siya na lang kaya magpakasal kay Grayson kung gusto niya.

Binayaran ko na ito at saka na ako naghanap ng manok. May suki din si Nanay sa pagbili ng manok kaya nakakahingi din kami ng tawad kapag masyadong mahal ang manok. 

Grabe naman kasi magtaas ng presyo ‘yong iba, sana tubuan sila ng pakpak tapos mapisti!

“Manong Ken, musta naman ho ang benta natin diyan,” wika ko at nakuha ko naman ang atensyon niya na naglalagay ng manok sa plastic at saka iyon iniabot sa bumibili.

“Oh Mimi, ikaw pala. Heto at maayos naman. Malaki pa din ang kinikita. Ilang kilo ang bibilhin mo?” tanong niya. May katandaan na din kasi si Manong Ken, kaya mabagal na ding kumilos. Taray diba? Still alive and kicking ang lolo niyo!

“Isang kilo lang po.” Namili na siya ng manok na medyo may kalakihan at saka niya itinimbang. Pagkatapos ‘non ay nagbayad na ako at nagpaalam na sa kanya. Naka-discout din naman ako ng sampung piso. Malaki na din iyon ‘no.

Dumiretso na ako sa paradahan ng jeep kung saan nandoon ang barker na si James na nagtatawag na ng pasahero. Si James ang kakilala kong barker na madalas tambay dito sa paradahan para magtawag ng pasahero at makakuha ng pera. 

Mabait naman siya, kaso lang ang baho. ‘Yong feeling na pati buhok ko sa ilong manlalagas kapag naamoy na siya. Kasi naman, ang dalang maligo ng walangya. Parang ones a month lang nalalapatan ng sabon at tubig ang katawan. 

Kagaya ngayon, ‘yong suot niyang damit noong nakaraang linggo ay suot niya pa din hanggang ngayon. 

“Ate! Kuya! Barangay Maligaya lang ho!” sigaw niya habang nakatungtong sa pintuan ng jeep. Sa lakas ng sigaw niya ay nakikita ko na ang ngala-ngala niya pati na ang mga ngipin niyang mukhang ginto, naninilaw na.

“Mimi! Sasakay ka na? Halika na at aalis na tayo maya-maya,” saad niya nang mapansin akong lumapit sa direksyon nito.

“Oo eh, ilan na lang ba ang kulang? Nagmamadali kasi ako,” wika ko naman. 

“Anim na lang. Sakay ka na.” Binigyan niya ako ng daan at inalalayan sa pag-akyat. Walangyang James, anim daw? Eh halos wala na ngang space ang bawat pasahero dito sa loob.

 Sumiksik ako sa may bandang gitna kung saan nakatabi ko ang isang babaeng mahaba ang buhok na nasa harapan ko at isang matanda sa kabilang banda.

Ilang minuto pa kaming naghintay doon bago na umalis ang jeep. Gustuhin ko mang matulog sa byahe ay hindi ko magawa. Sobrang init dito sa loob at isabay mo pa ang katabi kong halos ipakain na ang buhok sa akin. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status