Home / Other / Call Me SKY / Chapter Two

Share

Chapter Two

“Mommy! Daddy!” Napabangon ako mula sa kamang kinahihigaan ko nang mapanaginipan na naman ang malagim na nangyari sa magulang ko sampung taon na ang nakakaraan.

Tagaktak ang pawis ko nang punasan ito, halos habulin ko rin ang hininga ko. 

“Tubig.” Inabutan ako ng tubig ni Alfredo. 

Ganito palagi ang ginagawa nya tuwing gumigising ako sa masamang panaginip na hanggang ngayon ay gumagambala pa rin sa akin. Kinuha ko ang baso mula sa kamay nya at tuloy tuloy na ininom. Ibinigay ko sa kanya ang wala ng lamang baso. 

“Salamat, naabala ko na naman tuloy ang tulog mo.” Iniwas ko ang paningin at tumayo na mula sa pagkakahiga. Tinignan ko ang oras sa relo na bigay sa akin ng magulang ko, alas tres pa lang ng madaling araw. 

Hindi na muli akong nakakatulog kapag ganitong nagigising ako mula sa bangungot na 'yon. Minamabuti kong mag ensayo na lang kaysa tumunganga. Ganito na ang gawain ko simula pa noon. 

Sabi ni Mommy, pindutin ko lang ang pulang pindutan sa relo ay may sasaklolo na sa akin. 'Yun ang hindi ko ginawa hanggang ngayon. Hindi ko alam kung bakit pero mas pinili ko ang pagsama kay Alfredo. Sya lang ang tanging pinagkakatiwalaan ko, dahil wala akong tiwala sa sinumang tutulong sa akin kapag pinindot ko ang bagay na ito. 

“Dapat mo pang pagtuunan ng pansin ang pag-eensayo,” seryosong sabi sa akin ni Alfredo. 

“Alam ko.” Huminga ako ng malalim at dumilim ang tingin. 

“Konting araw na lang ang hihintayin natin,” pagpapatuloy nya.

“Hindi na ako makapag hintay.” Ngumisi ako, ngumisi rin si Alfredo. Parehas talaga kami ng takbo ng utak. 

“Matulog ka pa, magsisimula na ako.” Tumango sya at naglakad na palabas ng pintuan ko. 

Nagsoot ako ng sports bra at leggings para mas magaan ang pakiramdam ko tuwing nagsasanay. Ang hanggang bewang kong bagsak na buhok ay ni-braid ko. 

Simula nang matuto ako sa mga itinuro nya ay naging madali na lang para sa akin ang lahat. Aminado akong hindi naging maganda ang una at sunod naming pagte-training pero hindi rin naman nagtagal dahil mabilis akong natuto. Nagsimula agad ako sa lahat ng paghihirap. Sampong taong gulang ako at umiiyak pa kapag pinapagalitan nya. Palagi kasi akong nagkakamali sa bawat tinuturo nya. 

Tinanong ko sya dati kung bakit nya ako iniligtas at kinupkop. Isa lang ang naging dahilan, naalala nya sa akin ang anak nyang patay na. Dati ay tinawag ko syang Papa pero ayaw nya. Sinabi nyang Alfredo na lang dahil hindi ko dapat sya ginagalang. Hindi raw sya kagalang-galang dahil isa sya sa pumatay sa magulang ko. Mariin ko namang itinanggi ang pang-aakusa nya sa kanyang sarili dahil hindi iyon totoo. Pinilit ko pang tawagin ulit syang Papa pero sadyang matigas din ang ulo nya, kaya nasanay na rin akong tawagin sya sa kanyang pangalan. 

Kahit ganoon ay ramdam ko namang itinuturing nya akong anak, nahihiya lang syang ipakita. 

Lumabas na ako ng bahay namin, hindi ito ganon kalaki kumpara sa mga may kaya. Itong sa amin ay sakto lang para sa aming dalawa. May dalawang banyo, dalawang kwarto, hindi ganoon kalawak na kusina at ganon din ang sala. Mayroon ding ginawang hideout dito si Alfredo. Sa likod ng dalawa naming cr. Doon kami nagpaplano, nandoon ang lahat ng mga armas at gadgets na kakailanganin namin.

“Aha! Sabi ko na nga ba!” Hindi na ako nagulat nang bumungad sa akin ang dalawang kambal kasama si intsik sa labas ng gate namin. 

“Sabi ko sa inyo magjojogging sya eh!” Pagmamayabang ni Allison habang malawak ang ngisi. 

Umirap ako sa kanila at nagsimula nang tumakbo.

“Uy Sky, wait!” Humabol din sila. 

Si Allison at Almira ay kambal, hindi ko sila nahahawigan dahil medyo malayo ang muka nila sa isa't isa. Itong lalaki naman na kasama nila ay si Kio, chinese 'yan kaya buhol buhol ang pagsasalita ng tagalog. Sila ang mga naging kaibigan ko simula nang kupkupin ako ni Alfredo.

Magkakapit-bahay lang kami kaya naging malapit ang loob ko sa kanila. Hindi ko sinabing pinagkakatiwalaan ko sila ngunit tinuturing ko silang kaibigan, ganon din naman sila sa akin. Hindi nga lang nila ako lubusang kilala. Ang tangi lang nilang alam ay totoong tatay ko si Alfredo, 'yun lang. 

May kaya ang pamilya nila, kami lang ang walang maipagmamayabang sa kanila. Simple ang bahay namin kumpara sa bahay nila. Sa buong bayan yata ay kami lang ang simple ang bahay at normal ang pamumuhay ayon sa kanila. Hindi naman ako nagrereklamo, atleast 'di ba? Kumakain kami ni Alfredo ng limang beses sa isang araw, syempre kasama na don ang snacks kaya lima. 

Hindi pa man din kami nakakalayo ng takbo ay nagrereklamo na si Kio.

“Ako pagod na,” hinihingal na sabi ni intsik.

“Hindi ka na lang sana namin sinama, etong labanos na intsik na 'to!” Umirap si Almira. 

Napailing na lang ako sa pang-aasar nila kay Kio. 

“Ano namang gagawin natin ngayong araw Sky?” Medyo excited na tanong ni Allison habang malapad ang ngiti. 

Naalala ko dati nang minsang dumaan sila sa bakuran namin ni Alfredo, Saktong nag-eensayo kami. 'Yun din ang araw na itinakda nilang kaibigan ko na raw sila, manghang mangha sila sa mga ginagawa namin, tinagurian pa akong Idol nila.

Magmula non ay nagpaturo na rin sila sa akin kung paano depensahan ang sarili, marami raw kasing bully sa school nila. 

Dun din nila ako inumpisang tanungin kung bakit Alfredo lang ang tawag ko sa Tatay ko. Sinabi ko na 'yun ang gusto nya kaya ganon. Nagsimula sila sa pagtawag dito ng Tatay para raw may magpa-alala na galangin ang Ama ko. 

“Pahihirapan kayo.” Nakangisi kong sagot habang patuloy na nagjojog. 

“Nakakatakot ata ngayon ah?” nakangiwing sabi ni Almira, halata agad ang takot sa muka. 

“Ako sullendel na dyan ah? katawan ko sakit na.” Tanggi agad ni Kio na may kasama pang pag-iling. 

“Anong surrender? Hindi pwede! Kaya ka nabubully eh, lampa ka na nga, payatot ka pa!” Singhal ni Allison sa kanya. 

“Ikaw sobra na salita mo ah!” Naiinis na tinuro ni Kio si Allison. 

Nilabas naman ni Allison ang dila nya para mas asarin pa si Kio. 

“Bleeehhh!”

Matanda ako sa kanila ng isang taon, 21 na ako ngayon pero sila ay para pa ring mga bata, isip bata ganon. Pero hindi ko maipag-kakailang napapasaya nila ako sa ganyang ugali. 

Maswerte ako sa kanila dahil sila ang naging kaibigan ko. 

Malayo na kami sa mga bahay namin nang mapagpasiyahan kong magpunta sa 7/11 na nadaanan namin. Sumunod sila sa akin na hinihingal. Tagaktak na rin ang pawis ko. Tinignan ko ang oras sa relong pambisig, 4:40 na ng madaling araw. 

“Tubiggg!” Parang malalagutan na si Almira ng hininga dahil sa sobrang pagod nya.

Natatawa naman akong kinuhanan sya ng malamig na tubig at ibinigay sa kanya. Hindi na rin ako nagulat nang ininuman na agad nya ito nang hindi pa binabayaran sa counter. Kumuha rin ako ng sariling tubig at binayaran ko muna sa counter bago inuman. 

Nakaupo na sila Kio at Allison sa upuang napili nila, may mga pagkain na sila roon samantalang ako ay tubig lang ang kinuha. Umupo ako sa tabi ni Allison, si Almira ay umupo sa tabi ni Kio at nakipag agawan sa pagkain nito. 

“Bakit ganon Sky? Sinusunod naman namin ang payo mo, magaling ka namang magturo ng kahit self defense lang pero... Hanggang ngayon 'di pa rin kami gumagaling, ni hindi nga namin mai-apply kapag may nambubully na sa amin.” Napakamot ng ulo si Allison at nahihiyang napangiti. 

“Ginagawa nyo lang kasing biro, hindi nyo siniseryoso,” wika ko. 

“Hehe, medyo.” Kumamot ulit sya sa ulo nya at nahihiyang tumawa. 

“Pero promise! This time magseseryoso na kami.” Itinaas nya ang kanang kamay tanda nang pangako nya. 

“Kung ganon... Wala nang biruang magaganap kapag tinuturuan kayo, magiging istrikto akong trainer kaya habaan nyo ang pasensya nyo.”

Napalunok sya sa sinabi ko pero paulit ulit syang tumango. 

“Aye aye!” Sumaludo pa nga ang loka. 

Nabaling ang atensyon naming dalawa kay Almira at Kio. 

“Ito pagkain ko, 'wag mo agaw! Bili ka iyo!” Pinagdadamutan ni Kio si Almira pero itong isa ay hindi sumusuko sa pagkuha ng pagkain kay instik. 

“Isa lang!” Pamimilit ni Almira na muka pang iiyak na. 

Napailing na lang ako at mahinang napatawa, ibang klase talaga. Mabuti na lang ay hindi ako nahawa sa kabaliwan nila. 

“Balik na tayo,” utos ko. 

Nanghihina namang napatingin sa akin si Kio at Almira.

“Agad agad?” Parang kawawang tanong ni Almira. 

“Oo,” natatawang ani ko. 

Palabas na kami nang makasalubong namin ang lalaking naka-hoodie, may suot na ball cap at naka-mask. Papasok din ito ng 7/11 at nakasuksok ang dalawang kamay sa bulsa. Halatang matigas na bagay ang hawak, nakatago kasi sa bulsa ng hoodie kaya hindi ko malaman kung baril ba o kutsilyo. 

Tinignan ko ang tatlong kasama ko, malabong mapansin nila ito.

“Mauna na kayo, susunod ako. May bibilhin pa pala ako.” Naagaw ko ang atensyon nilang tatlo mula sa pagku-kwentuhan. 

“Ha? Samahan ka na namin,” inosenteng sabi ni Allison. 

“Kaya ko na, hintayin nyo ako sa may poste na 'yun.” Itinuro ko ang hindi kalayuang poste mula dito sa 7/11.

“Okay, sunod ka agad ha?” Nagtuloy sila sa paglabas at dumiretso sa sinabi ko. 

Napangisi ako, showtime.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status