Share

Chapter 2: Problemado

TUMABI ng upo si Ara kay Purity, nasa gym sila at kasalukuyan na naghihintay ng next subject nila. Kitang-kita ang malungkot na mukha ng best friend niya habang nakatingin sa mga estudyanteng naglalaro.

Si Ara Salas, kaklase ni Purity, isang second year student at pareho silang kumukuha ng kursong Bachelor Degree in Architecture.

"Anong problema?" Untag ni Ara na napatingin sa mukha ng kaibigan. Umiwas naman si Purity para 'di mahalata nito ang mamula-mulang mga mata.

Napabuntong hininga siya. "Wala," maiksi niyang sagot.

Napaamang si Ara sa isinagot ni Purity. "Anong wala? Nakita mo na ba ang mukha mo sa salamin? Nanlalalim ang mga mata mo at mugto pa. Kanina ko pa napapansin sa first subject natin ang mukha mo, Purity."

Napatakip na si Purity ng mukha at humagulhol ng iyak. Bigla namang nag-alala si Ara sa nakikita paghahulhol ng kaibigan. Hinagod niya ang likod ni Purity para pakalmahin.

"Huhulaan ko pa ba kung bakit ka umiiyak ng ganyan? Pamilya mo na naman ang problema mo, no? Kailan ba matatahimik ang buhay mo? Parang halos sa araw-araw na ginawa ng Diyos, eh, parati na lang silang kontrabida ng buhay mo. Ano?"

Tinanggal ni Purity ang kamay at humarap sa kay Ara. "Gusto kasi nila ako ipakasal nina mama at papa kay Mr. Marcus Alanday."

Nanlaki ang mga mata ni Ara sa gulat. 'Di makapaniwala sa kanyang narinig. Nang makahuma ay saka lamang ito nakapagsalita. "Marcus Alanday, iyong may-ari ng malaking grocery dito sa Banwana, tapos ang laki ng tiyan?"

Sunod-sunod na tumango si Purity. "Ay, lintik! Doon sa matandang 'yon ka talaga ipapakasal. Sa mukha 'non parang mas matanda pa sa papa mo. Eh, anong sabi ng papa mo?"

"Nakiusap sa akin si papa, besh. Siya mismo, gusto niya akong ipakasal kay Marcus para mabawi ang kompanya. Malaki atang pera ang ibibigay ng Marcus na 'yon kina mama at papa kapalit ko."

Napailing-iling si Ara saka napa-tsk. Ibang klase rin ang mga magulang kanyang kaibigan. Isasangkalan ang anak kapalit ng malaking halaga ng pera.

"Iba rin talaga sila, mga mukhang pera. Paano nila naatim na ipakasal ka sa matandang 'yon? Diyos ko, mukhang manyakis naman ang Mr. Marcus na 'yon."

"Ayokong magpakasal kay Mr. Marcus. Paano na lang iyong mga pangarap ko? Gusto kong patunayan ang sarili ko sa pamilya ko na hindi ako pabigat sa kanila. Pero 'wag naman sanang ganoon ang gawin nila sa akin." Muli na naman napaiyak si Purity. Nahahabag sa kanyang tadhana.

"Bakit kasi nagtitiis ka na ganyanin ka ng pamilya mo? Hindi naman anak ang turing sayo ng mama mo. Para do'n sa mama mo si Ate Clarity lamang ang magaling. Hamak na mas maganda ka 'ron at mas matalino. Palibhasa, kaya gano'n dahil hindi ka naman talaga niya anak. Kung ako sayo lalayasan ko sila. Mas importante pa sa papa mo ang kompanya niya kaysa sa'yo," nanggagalaiting sabi ni Ara. Pinunasan naman ni Purity ang mga luha niya sa kanyang mata.

"Anong gagawin ko, besh? Ayoko talagang makasal kay Mr. Marcus. Mahal ko pa ang buhay ko para magpatali sa matandang 'yon."

"Kahit ako naman hindi rin papayag magpakasal do'n. Okay na sana kung guwapo kahit na matanda. Dirty old man na bundat saka mukhang butete," sabi ni Ara na tila nandiri nang mailarawan ang matandang gustong ipakasal sa kanyang kaibigan.

Natawa bigla si Purity sa tinuran ni Ara. Kaya mas gusto niyang kausap ang best friend niya kaysa kapatid niya. Si Ara lang naman ang tunay na nagmamalasakit sa kanya. Sa sarili niyang ama 'di niya iyon naramdaman. Hindi rin niya masisi ang papa niya. Araw-araw nitong nakikita sa kanya ang napakalaking kasalanan.

Niyakap siya ng kaibigan niya. Gumaan ang pakiramdam ni Purity sa yakap na 'yon sa kanya ni Ara.

"Ano nang gagawin mo ngayon, besh? Hindi mo na mababago pa ang desisyon ng mama at papa mo." Untag ni Ara nang humarap sa kanya.

Malungkot na umiling si Purity. "Hindi ko alam, besh. Kung sana puwede na lang akong umalis sa bahay. Gagawin ko, eh. Ayoko talagang magpakasal. Hindi ko gusto na maikasal sa taong hindi ko naman mahal."

"Tutulungan kita. Gusto mong umalis, layasan mo na nga lang sila para naman magtigil na sila. Siguro kapag nakaalis ka sa poder ng papa mo. Baka hindi na nila ituloy ang kasal mo kay Mr. Alanday."

Napaisip si Purity. Parang sa ngayon hindi pa niya kaya. Wala pa siyang sapat na ipon para buhayin ang sarili niya. Nagdadalawang isip siya na umalis sa poder ng papa niya.

"Pano? Kulang na kulang ang pera ko, besh."

"Ano ka ba! Tutulungan nga kita. Pano pang naging best friend mo ako kung hindi naman kita matulungan sa mga ganitong pagkakataon?"

Napangiti si Purity at inihilig ang ulo niya sa balikat ng kaibigan. "Salamat. Ikaw na lang ang kakampi ko."

"We're best friends forever. Kaya kung anong problema mo, problema ko na rin. Siyanga pala, a-attend ka ba sa acquitance party natin?"

Napaayos ng upo si Purity. Nawala pala sa isip niya bukas na ng gabi ang acquitance party nila. "Wala akong ganang umattend. Ikaw na lang."

"Kapag hindi ka uma-attend, hindi na lang ako pupunta. Alam mo namang ikaw ang palagi ang kasama ko sa lahat."

"Sige na nga. Pupunta ako, baka hihinto na muna ako sa pag-aaral," may lamlam sa boses ni Purity na hindi niya matutupad ang kanyang pangarap na makapagtapos ng kolehiyo."

"Huwag kang mawalan ng pag-asa. Maayos din ang lahat. Makakapag-aral ka pa rin," sabi ni Ara na pilit pinapalakas ang loob ni Purity. Napilitan na sumang-ayon siya sa kaibigan.

Nakauwi na ng bahay si Purity. Naabutan niya ang kapatid na nasa sala at may ka-text sa phone.

"Umuwi na pala ang hero namin. Pinapaaabi ni mama. Maghanda ka raw mamayang gabi at pupunta ang fiance mo. Gusto kang makita ng prince charming mo," anunsyo ni Clarity na may pang-uuyam sa tono ng pananalita.

Tango lamang ang naging sagot ni Purity at iniwan ang kapatid. Dumiretso paakyat sa hagdan, patungo sa kuwarto niya.

"Magbubuhay prinsesa ka kay Marcus. Hindi mo na maririnig ang mga sermon ni mama," pahabol na sabi ng haft sister niya sa kanya.

"Sana nga. Nang makaalis na ako sa impyernong pamamahay na 'to," mahinang sabi niya ngunit hindi nakaligtas sa pandinig ni Clarity.

"Anong sabi mo?" Taning ng nakakatandang kapatid na napatayo.

Napatigil si Purity. "Wala. Punta na ako sa kuwarto ko."

"May sinabi ka, Purity. Ano, inaapi ka ba r'to sa bahay? Dahil kahit na ikaw ang dahilan kung bakit muntik nang masira ang pamilya namin. 'Di nagdalawang isip si mama na kupkupin ka at ituring anak."

Mariing napatiim si Purity. Itinuring siyang anak ng mama niya? Parati nga nitong ipinamumukha sa kanya ang kasalanan na wala naman siyang kinalaman.

"Ate Clarity, ayoko nang makipagtalo tayo. Magpapakasal na nga ako kay Mr. Alanday para hindi mawala ang kompanya at 'di tayo maghirap." Aniya na hindi humaharap sa

"Dapat lang! Kulang pa nga 'yang kabayaran sa mga ginawa namin para sayo!"

Napapikit si Purity ng kanyang mga mata. Pinipigilan niyang bumuhos ang galit sa kanya. Pero bago pa siya hahakbang muli ay nagsalita muli si Clarity.

"Kinakausap pa kita, ah! Di ba, matapang ka naman na? Harapin mo 'ko!" Panay ang malalakas na sigaw ni Clarity.

Dahan dahang humarap si Purity sa kapatid. Alam niya kung gaano kalaki ang inggit ni Clarity sa kanya. 'Di na lang niya pinapansin ang mga patutsada nito minsan.

"Ayoko talaga ng away, ate. Kaya huminahon ka."

Napangisi ito saka umiling-iling. "Santa-santahan ka, Purity! Akala mo kung sinong magaling. Lumaban ka sa akin. Di ba, masaya ka na mawawala ka na sa impyernong bahay na 'to?! Ano bang pinagmamalaki mo, ha?"

"Ate, please. Hindi kita papatulan. Iginagalang pa rin kita dahil kapatid kita. Wala namang akong puwedeng ipagmalaki sa sarili ko sa inyo."

Masamang tiningnan siya ni Clarity. "Puwes ako, hindi kita itinuturing na kapatid! Wala akong kapatid na putok sa buho!"

Pagkatapos na pagsalitaan siya ng masasakit ng kapatid ay lumabas ito ng bahay. Naiwan si Purity na mangiyak-ngiyak. Pero pinigilan niyang muling lumakas ang iyak. Dumiretso na siya patungo sa kuwarto niya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status