Share

Chapter 7

Hindi ako makapaniwala sa nangyari. Parang ngayon lang pumapasok sa utak ko ang lahat ng kaganapan. Nagpalipas ako ng ilang minuto sa pintuan. Tinutok ko ang tainga ko sa pintuan na para bang maririnig ko kung ano ang nasa labas kahit pa na ang totoo ay hindi naman. 

Umalis na kaya siya? Malamang. Ano pa ba ang gagawin niya sa labas? Dapat ba na niyaya ko muna siyang pumasok kahit saglit lang bilang pasasalamat? Dapat ba ay niyaya ko man lang siyang magkape? Ngunit alam ko naman na hindi iyon ang tamang gawin kaya hindi ko na ginawa. 

Mabilis kong binuksan ang pintuan at dumungaw sa labas. Wala na akong naabutan doon. Tanging ang tahimik na pasilyo lang ang bumungad sa akin. 

Bumagsak ang tingin ko sa sahig. Ilang sandali akong tulala. Umalis na nga siya...

Pumasok na lang ulit ako at nag-asikaso ng sarili. 

Sandamakmak na tawag at mensahe ang bumungad sa akin pagsapit ng umaga. Marami roon ay galing kina Sania. Halos sumabog ang utak ko sa dami ng mga text nila pati na ang mga text ni Neal. Napamura ako nang maalalang hindi ako nakapagpaalam sakanila. Bigla na lang akong nawala. Bakit nga ba bigla akong nawala? Dahil sumama ako sa lalaking iyon. Bakit nga ba ako sumama? Malay ko! Ni hindi ko na nga malaman kung paano niya ako naihatid dito. Hindi nakakatulong ang pag-iisip ko sa matinding sakit ng ulo ko ngayon. Nagtimpla lang ako ng kape ngayong paggising ko. 

Neal:

– Marwa, I'm fucking worried. Where are you?? 

Neal:

– Please, answer my calls. 

Neal:

– Umuwi ka na ba? Sinong kasama mo? 

Trixi:

– Hoy! Nasaan kang babae ka? 

Trixi:

– Isa!!! Bakit hindi ka sumasagot?! 

Trixi:

– Nasaan ka?! 

Sania:

– Umuwi ka na? Bakit ka umalis? 

Julia:

– Saan ka nagpunta? Sumama ka ba sa mga nakasayaw mo? Gaga ka. 

Hindi ko tuloy malaman kung ano ang isasagot ko. Bakit ba kasi nawala sila sa isip ko? Edi sana hindi ako sumama sa kung kani-kanino!

Inilapag ko ang cellphone ko sa mesa at itinuon na lang muna ang pansin sa kape. 

Alas diyes na ako nakabangon dahil sa kirot ng ulo ko. Gusto ko ng mainit na sabaw pero wala naman ganoon sa ref na pwedeng iluto kaya nagtiis na lang ako sa kape. Tinanggap ko ang tawag ni Neal sa umagang iyon. Nakapikit lang ako at hinihilot ang sentido habang nakikinig sakaniya. 

"You should have texted me, Marwa! Nag-alala kaming lahat! Where were you?! Paano ka nakauwi? Sino bang naghatid sa'yo?" 

Tamad akong umayos ng upo. Ayaw ko na sana pang pahabain pa ang usapan na ito ngunit alam ko naman na matindi ang pag-aalala ni Neal sa akin. 

"Kakilala lang, Neal. Hindi na iyon importante." 

"Sino? Sana man lang kung alam niyang lasing ka at wala sa sarili, siya na ang tumawag sa amin nang malaman namin ang kalagayan mo."

Pikon na pikon na siya ngayon at wala ako sa tamang kondisyon ngayon upang sabayan siya.

"Hmm," wala sa sarili kong tugon. 

"Bigla ka na lang nawala! Hindi na kita dadalhin pa sa mga bar!"

"Okay, Neal. Kailangan ko nang ibaba ito. Pumipitik ang ulo ko," sabi ko na lang nang mahalata niyang ayaw ko na ng ganitong usapan. 

Narinig ko ang paghugot niya ng malalim na hininga. "Alright. I'll just talk to you later. Please don't–"

Pinatay ko na ang linya at sinapo ang ulo. Tulala ako sa kusina nang biglang may kumatok. Kumunot ang noo ko at sumulyap sa orasan ng cellphone. Alas diyes pa lang ng umaga. Agad akong tumayo at pinagbuksan ang kung sino mang nasa labas. Sumilip ako sa labas at tinago ang katawan sa likod ng pintuan. Isang malaking itim na t-shirt at cotton shorts lang ang suot ko. Magulo pa ang buhok kong naka-bun, hindi akma para tumanggap ng bisita. 

Bumungad sa akin ang malapad ang ngiti na si Mr. Albarenzo. Asul na long sleeves ang kaniyang suot at slacks. Nasa gilid niya ang seryosong si Denver. May dala itong paper bag at isang box na tingin ko'y cake. 

Ngumiti ako. 

"Mr. Albarenzo, ano pong sadya ninyo?" Untag ko. Lumipad ang tingin ko kay Denver na hindi man lang magawang ngumiti sa akin. Naalala ko tuloy ang tawag ni Tita Margaret. Tinawagan niya nga kaya si Denver? Ano nga kaya ang nangyari? 

Binalik ko ang tingin kay Mr. Albarenzo. Umangat ang kilay niya ngunit nakangiti pa rin. 

"Hindi ba pwedeng bisitahin ang anak ko? Hindi mo ba kami papapasukin?" Aniya. 

Uminit ang pisngi ko. Mabilis kong nilakihan ang pagkakabukas ng pintuan at inilahad ang loob. 

"Syempre po. Denver, tuloy kayo."

Nang makapasok sila ay tsaka ako nagpaalam saglit upang magpalit ng mas presentableng damit. 

"Saglit lang po." Mabilis akong tumakbo at nagtungo sa kwarto. Iniwan ko silang nakaupo sa kusina. Nagpalit ako ng pajama at inayos ang magulo kong buhok. 

"Ano pong gusto ninyo? Kape? Pasensiya na po. Hindi ko po alam na bibisita kayo," saad ko habang pinupulot ang plastic na pakalat-kalat sa lababo. 

"I've been very busy these past few days. Kumusta ka? Nakapag-isip ka na ba kung saan ka magko-kolehiyo?" si Mr. Albarenzo. 

"Uh, k-kung ayos lang po sana na sa parehong eskwelahan na lang po ako papasok." Ngumiti ako.

Ngunit binalewala niya ang sinabi ko. Umukit ang pag-aalala sa kaniyang mukha.

"You look tired, hija. Have you eaten breakfast? Mukhang kagigising mo lang," konklusyon niya nang pinagtitimpla ko sila ng kape. 

Nag-party po kasi kami kagabi. Naglasing po ako at heto ngayon, may hangover pa. Birthday ko po kasi kahapon.

Gusto kong isagot ngunit itinikom ko na lang ang bibig. Tingin ko naman ay hindi iyon ang tamang kasagutan kahit pa na iyon talaga ang totoong nangyari. 

Inilapag ko sa tapat nila ang kanilang kape pagkatapos ay umupo na rin. Si Denver ay nanatiling tahimik, nakikinig lang.

"I will set a dinner for us, hija. I miss you. Kailan ka ba libre?" Aniya bago humigop sa kape.

Pakiramdam ko ay nagningning ang mga mata ko sa narinig. Malapad akong ngumiti at tumango.

"Sige po. Basta uhm, huwag lang po sana Linggo. Nasa feeding program po  kasi ako niyon ni Donya Herenia." 

Kumunot ang noo niya at ibinaba ang baso. 

"Anong ginagawa mo sa feeding program?" 

"Uhm, parang part time job po. Malaking tulong po para sa akin ang sahod doon." 

Nilingon niya si Denver, nagtataka pa rin. 

"Denver, bakit hindi ko alam ang tungkol doon?" Untag niya, gulung-gulo ang tinig.

Nagkibit-balikat lang ito. "Hindi ko rin po alam ang tungkol doon," si Denver habang nakatingin sa akin at nag-angat ng kilay.

"Bakit, hija? Hindi ba sapat ang binibigay ko? Bakit kailangan mong magtrabaho? Dapat ay pinagtutuunan mo lang ng pansin ang pag-aaral mo," nahimigan ko ang pagkadismaya sa kaniyang tono. 

"Kaya ko naman po iyon. Gusto ko rin po ang ginagawa ko." 

"No. Ano na lang ang iisipin ni Donya Herenia? She probably thinks that I don't support your financial needs. Tiyak na iniisip niyon ay pinapabayaan kita." Dumiin ang kaniyang boses. Medyo kinabahan ako dahil kitang-kita ko na hindi siya pabor sa nalaman.

"I assume Donya Herenia would never think that way. If Marwa wants to work for herself, I think there's nothing wrong with that, Mr. Albarenzo."

Nilingon ko si Denver. Ngumiti ako. Nagkibit siya ng balikat. 

Tumango si Mr. Albarenzo ngunit kunot pa rin ang noo. 

"Yes. I know. Ayaw ko lang na pinapagod mo ang sarili mo, hija."

"I think it's time to taste this chocolate cake," ani Denver at inabot ang cake. Nilabas niya ito mula sa puting kahon. Alam ko na ginawa niya lang iyon para matuon sa ibang bagay ang pag-uusap na pabor naman sa akin.

"Oh? Sinong nagbigay nitong tsokolate? Ang dami namang cake?" ani Mr. Albarenzo nang silipin niya ang laman ng ref. Tinitignan daw niya kung ano pa ang mga kailangan ko rito. Sabi ko naman ay hindi na kailangan pang mamili. Kahit papaano naman ay may ipon ako. Sapat naman iyon para sa pansariling gastos. Binibigyan niya ako ng allowance at hindi ko naman iyon matanggihan dahil malaking tulong na rin iyon. Isa pa, hindi niya hahayaang hindi ko tanggapin. 

"Bigay po sa akin ng mga kaibigan. Birthday ko po kasi kahapon." Kinagat ko ang labi ko. 

Bumaling ako kay Denver na ngayon ay nakakunot ang noo, pinapanood ako. 

"Yesterday? Hija, why didn't you tell me? Oh God." Lumapit sa akin si Mr. Albarenzo at kitang-kita ko sa mga mata niya ang panghihinayang at pagsisisi.

Ngumiti ako at umiling. 

"Hindi naman po importante. Normal na araw lang naman po sa akin ang birthday ko. Hindi naman po talaga namin sini-celebrate ni Mama. Simple lang."

"I feel so bad about myself. I don't even know your birthday." Hindi nakatakas sa aking pandinig ang lumbay sakaniyang boses. 

"Wala pong kaso sa akin iyon. Marami pa naman pong birthday ang darating." Pinilit kong tumawa nang kahit papaano ay makita niyang ayos lang talaga. 

Isang napaka-busy na tao ang ama ko. Naiintindihan ko iyon. Sa haba ng panahon na hindi ko siya nakilala, hindi ko alam ang iba pang mga bagay na pinagkaka-abalahan niya. Ang pag-alala sa birthday ko ay hindi na kabilang pa sa mga bagay na dapat niyang alalahanin. 

"Hindi iyon dapat ganoon, hija. Anak kita. It was supposed to be your first birthday na isi-celebrate natin nang magkasama." Umiling siya. "I'm sorry if I act like this, hija. I just want your mom to see how I am as a father to you but not like this. Ni hindi ko alam ang araw ng kapanganakan mo. She must be very disappointed in me right now." 

Nahabag ako sa narinig mula sakaniya. Hindi ko mapigilan ang sarili kong lumapit at bigyan siya ng mainit na yakap, na kailanman hindi ko ginawa. Uminit ang mga mata ko nang maramdaman ang haplos ng isang ama na matagal kong hinahanap. 

"Don't worry, hija. Babawi ako sa 'yo."  Naramdaman ko ang paghalik niya sa ulo ko. Ngumiti ako at bumaling kay Denver na ngayo'y pinagmamasdan kami. Kitang-kita ko ang pagpipigil niya ng ngiti. 

Gaya nga ng kaniyang sinabi, babawi siya. Iniwan nila ako upang makapaghanda sa sinasabi niyang dinner. Mamaya pa namang alas siyete ako susunduin ni Denver. Mahaba-haba pa ang oras ko kaya naman naisipan kong matulog muna. Baka sakaling humupa ang sakit ng ulo ko. Ilang minuto pa lang akong nakahiga ay tumunog ang cellphone ko dahil sa tawag ni Sania. 

"Hoy! Saan ka nagsusuot kagabi? Hindi mo ba alam na sobra kaming nag-alala?! Hindi mo man lang naisip na sabihan kami! Bigla ka na lang nawawala! Gaga ka!" salubong niya. 

Natawa ako nang bahagya. Umupo ako sa kama. 

"Pasensiya na kayo. May... may nakita lang akong kakilala. Siguro napansin niya na... lasing na ako kaya nag-offer na siyang ihatid ako." Kinagat ko ang labi, iniisip kung maganda ba ang rason ko. 

"Weh?! At sino namang kakilala 'yan? Hindi pwedeng hindi namin kilala! Iisa lang ang pinapasukan nating eskwelahan," deklara niya. 

Bakit parang hindi siya naniniwala? Ano pa ba ang maaari niyang iniisip? Hindi ako pwedeng magbanggit ng pangalan. Ayaw kong lumala pa ang kung anong nasa isip niya. 

"Galit na galit si Neal kagabi, loka! Minura pa kami! Hindi ka raw namin binabantayan!" 

Biglang sumagi sa isipan ko ang galit na mukha ni Neal. Kailangan ko pa siyang kausapin tungkol dito at humingi ng pasensiya sa pag-aalala niya. Kasalanan ito ng lintik na Hayes na iyon! Kung hindi ako sinama, hindi ako sasama! Pero bakit ba kasi ako sumama? 

Napapikit ako sa iniisip. Patuloy si Sania sakaniyang mga hinaing. Habang ako, hindi na masundan pa ang mga sinasabi niya. 

Narinig ko na lang ang pagpapaalam niya sa kabilang linya. 

"Sige na! Gusto lang kitang awayin dahil inaway kami ng jowa mo! Gigil na gigil! Gustong manakit! Muntik pang hindi bayaran 'yung bill," aniya at humalakhak. 

"Sorry talaga, Sania. Wala naman masamang nangyari sa akin. Hindi na iyon mauulit."

"Talagang hindi namin hahayaan na maulit pa iyon! Hindi ka pwedeng nalalasing nang ganoon! Kung saan-saan ka napapadpad!"

Ilang minutong tawagan ang nangyari bago maputol ang linya. Tinuloy ko ang naudlot na plano kong pagtulog pagkatapos niyon. 

Isang turquoise na off-shoulder dress na tinernuhan ko ng puting pumps ang aking suot. Hinayaan ko lang na nakabagsak ang mahabang buhok at kaunting lip gloss. Tumawag sa akin si Denver at sinabing nasa malapit na siya. Tatlong oras din ang tulog ko. Hindi na rin masakit ang ulo, hindi tulad ng kanina. 

Tahimik lang kami sa loob ng sasakyan ni Denver. Palagi na lang siyang seryoso at tahimik tuwing kasama ko siya. Ganito ba talaga siya o sa akin lang? 

"I saw you last night." Basag niya sa katahimikan. 

Bumaling ako sakaniya at kinunotan ng noo. Isang sulyap ang ibinigay niya bago ulit tumingin sa daan. 

"Ako? Saan?" Untag ko kahit pa na may nahihinuha ng sagot. 

Saan pa ba ako galing kagabi? Isang lugar lang naman ang pinuntahan ko. Pwera na lang kung ibang tao ang tinutukoy niya at inakala niyang ako 'yon.

"Superclub. Sumama ka sa Verulendez na iyon, hindi ba? Saan kayo nagpunta? Saan ka niya dinala?" Nahimigan ko ang pagdududa sakaniyang tono. 

Natigilan ako at tumunganga sa mukha niya. 

Lumunok ako at nag-iwas ng tingin. Hindi ko alam na alam niya ang ganoong pangyayari. Kung ganoon ay naroon din siya. Bakit hindi niya man lang ako tinawag? Mas tatanggapin ko pa kung siya na lang ang nakadapuan-palad ko at naghatid sa akin! Hindi si Hayes!

Bigla tuloy akong kinabahan. Paano kung may ibang tao ang nakakita sa amin? Paano kung bigla silang bumuo ng mga konklusyon? Kung si Denver nga, hindi na niya maitago ang pagdududa sa nakita. Kahit pa na wala naman talagang dapat na ikaduda. 

"H-Hindi naman ako sumama sakaniya." Kinagat ko ang aking labi, hindi sigurado sa sagot. Tumingin ako sa bintana. 

"Talaga ba, Marwa? Paniniwalaan siguro kita na hindi ka talaga sumama sakaniya kung hindi ko kayo sinundan. Nakita kitang sumakay sa kotse niya. How did you even meet him? Bakit kayo magkakilala?" Punung-puno ng akusasyon ang boses niya. Para bang may isang bagay siyang iniisip na ginawa ko na itinuturing niyang mali. 

Hindi ko mapigilang mapabaling sakaniya. Saktong kulay pula ang traffic light. Tutok na tutok siya ngayon sa akin. Salubong ang kilay niya at kitang-kita ko ang dismaya sakaniyang mga mata. 

"Hinatid lang niya ako, Denver. Walang nangyaring masama. Nakilala ko siya dahil sa... sa feeding program. Hindi naman ganoon kalalim ang pagkakakilala namin sa isa't isa," matapang kong sagot habang sinasalubong ang tingin niya. 

"I thought you were smart." Umiling siya at pinausad ang sasakyan. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status