Share

Chapter 8

Naging tahimik na naman ang biyahe namin. Sumusulyap ako sakaniya ngunit nanatili lamang nakatuon sa daan ang kaniyang atensiyon. Halos isang oras din ang itinagal ng biyahe nang pumasok ang sasakyan sa isang ekslusibong subdivision. Malawak at malinis ang daan. Namamangha ako sa bawat bahay na nadadaanan namin. Nagpapatalbugan ang mga iyon sa disenyo at laki.

"Bakit tayo narito?" Untag ko. Ang alam ko ay magdi-dinner kami ni Mr. Albarenzo sa isang restaurant.

Nilingon ko si Denver na para bang hindi narinig ang tanong ko. Nagkibit ako ng balikat at hinayaan siyang magmaneho.

Huminto ang sasakyan sa tapat ng isang mataas na puting gate. Bumusina siya at bumukas iyon. Isang malawak na hardin ang bumungad sa akin. Kitang-kita ko ang puting mansiyong sa harapan. May ilang mga sasakyan ang nakaparada.

"Nasaan tayo?" Tanong ko ulit kahit hindi sigurado kung sasagutin niya.

"This is your father's house," aniya.

"Dito kami magdi-dinner?" Binundol ang dibdib ko ng kaba sa isipang narito rin ang kaniyang pamilya. Natulala ako habang tinatanaw ang papalapit na mansiyon.

Hindi ko alam ang dapat kong maramdaman. Bakit hindi niya sinabi sa akin na rito pala kami magdi-dinner? At bakit dito pa? Iniisip ko pa lang ang maaaring mangyari sa oras na magkaharap kami ng kaniyang asawa ay gusto ko nang umatras.

Ramdam ko na ang panginginig ng kamay ko nang ipinarada ni Denver ang sasakyan. 

"Are you okay?" 

Nilingon ko si Denver. Kunot ang kaniyang noo at tila nagtataka sa reaksiyon ko. Nahalata niya yata ang matindi kong kaba. 

"Denver, sino ang mga nasa loob?" Lumunok ako. 

Tinagilid niya ang kaniyang ulo. "Kinakabahan ka? Don't worry. This is just a dinner. Hindi sinabi sa iyo ni Mr. Albarenzo dahil baka hindi ka pumayag." 

"Hindi talaga ako papayag! Denver naman. Ano sa tingin mo ang mangyayari sa oras na makita ako ng asawa niya?" Kinagat ko ang labi ko. 

"What are you thinking? Of course, Mr. Albarenzo won't let that happen."

Sa oras na ito, pakiramdam ko ay walang epekto ang mga sinasabi niya. Ninenerbyos ako nang todo sa imahe ng asawa ni Mr. Albarenzo. Bumalik sa isipan ko ang paghaharap namin sa condo. Ang mga matang galit at punung-puno ng panghuhusga. Ramdam ko ang pagiging magaspang ng kaniyang pakikitungo sa akin at hindi iyon kailanman mababago. Iyon ang nasisiguro ko. Kaya naman ang mapunta sa lugar niya ay hindi magandang ideya. 

Ilang minuto ko pa yatang hinanda ang sarili ko bago napagpasyahang bumaba ng sasakyan. 

Sinuyod ng mga mata ko ang paligid. Agaw-pansin ang mga puno ng niyog na mas lalong nagpatingkad sa kagandahan ng hardin. 

"Marwa? Are you ready?"

Nilingon ko si Denver. Wala naman akong nagawa kundi ang sumunod sakaniya. 

Pagpasok sa mansiyon ay bumungad sa akin ang malawak na tanggapan. Sa malayo ay natanaw ko na ang masiglang mukha ni Mr. Albarenzo na papalapit sa amin. 

Lumunok ako at sinubukang ngumiti. 

"You're here! I'm so glad to see you again, hija. Oh, I miss you." He laughed heartily. Inilahad niya ang kaniyang mga kamay, tila nag-aabang ng yakap. 

Lumapit ako at sandali siyang niyakap. Lumilipad ang tingin ko sa kung saan-saan, inaabangan ang posibleng pagsulpot ng kaniyang asawang si Minerva. 

Nagpaalam na rin kaagad si Denver dahil mayroon pa raw itong importanteng lakad. Sinundo niya lamang ako at hinatid dito dahil iyon ang utos ni Mr. Abarenzo. 

"Halika na. I'm so excited for you to meet your aunties and uncles," si Mr. Alabrenzo.

Nakangiti lamang ako at hindi malaman ang isasagot. Bumitaw ako sa yakap at nag-iwas ng tingin. 

"Are you okay, hija? Hindi ka ba masaya?" 

Nag-angat kaagad ako ng tingin kay Mr. Albarenzo. Umiling ako at pinilit na ngumiti. 

"Masaya po. Masayang-masaya." 

Ilang sandali siyang tumingin sa akin bago napalitan ang kunot-noo ng isang ngiti. 

"Shall we go now? Naghihintay na sila sa dining area."

Hindi ko alam kung sinu-sino ang mga naroon. Kahit gaano ko pa man gustuhing huwag tumuloy, masyadong malabo ang gusto kong mangyari.

Palapit pa lang kami sa dining area nang marinig ko ang mga hindi pamilyar na boses. Lalong lumala ang kabog ng dibdib ko. 

Pagpasok sa dining area ay agad naming napukaw ang atensiyon ng lahat. Mga mukhang respetado at pormal na mga tao ang naroon. Lumipad ang tingin ko kay Minerva. May sinasabi ito sa katabi at parang hindi alintana ang presensiya ko. Nang mapansing nasa akin ang atensiyon ng kaniyang kausap, pairap siyang tumingin sa kinatatayuan ko. Ang katabi niyang babae sa kaniyang kaliwa na mas bata ay nakatuon sa akin ang mga mata. Mayroon itong pagkakahawig kay Minerva. Ang makintab at itim nitong buhok ay nakabalandara sakaniyang dibdib. Pulang-pula ang labi at perpekto ang pagkakalagay ng madilim nitong eyeshadow. 

Pinilit kong ngumiti sa lahat kahit pa na parang masusuka na ako sa nerbiyos. Nakakabinging katahimikan ang mas lalong nagpatindi sa kaba ko. 

"Everyone, I would like you to meet my lovely daughter. Marwa, this is your family," masiglang sinabi ni Mr. Albarenzo. 

Narinig ko ang hilaw na tawa ni Minerva. 

"Family..." May bahid 'yon ng sarkasmo. She was not looking at me. Hindi ko alam kung sinadya niya ba iyong iparinig. Maarte niyang hinihiwa ang steak bago inangat ang kubyertos patungo sakaniyang bibig. Ang pendant ng kaniyang kwintas ay kumikinang pati na ang kaniyang singsing. 

Bumagsak ang tingin ko sa sahig. Hindi pa man ako nakakaupo ay ganito na ang nangyayari. Gusto ko na lang umalis at huwag nang ituloy pa ang dinner na ito. 

"Enough, Minerva," mariin ang boses na sabi ni Mr. Albarenzo. 

"Of course," sarkastikong tono ni Minerva. 

Pairap pa itong nag-iwas ng tingin. 

Tumayo ang isang lalaking naka-coat at necktie na kaedad ni Mr. Albarenzo. Nakangiti nitong nilahad ang mesa. 

"Join with us, young lady. It's nice to finally meet you. I'm your Uncle Fred. Older brother ng ama mo. Pero mas mukhang bata." Tumawa ito. Hinawakan niya ang sandalan ng upuan ng katabi niyang babae. Agaw-pansin ang perlas nito sa leeg. Nakatingin lang din ito sa akin, matipid ang ngiti. 

"This is my wife. Grela." 

Sa lahat ng taong naroon, si Fred lang ang nagpakilala. Nasa kabilang panig ng salamin na mahabang mesa ang dalawang lalaki at dalawang babae na nanatiling tahimik. Sa kabilang panig naman ay si Minerva. Nasa kaliwa niya ang mas batang babae at sa kanan naman ay isang may edad na babae na tingin ko'y asawa ng lalaking katabi nito. Hinawakan ni Mr. Albarenzo ang nanlalamig kong kamay at sinamahan ako sa isang upuan. 

"Umupo ka na, hija." Tumango siya, tila sinasabing ayos lang ang lahat. 

Wala na akong nagawa kundi ang maupo. Nasa akin ang mga mata nilang lahat. Hindi matanggal ang kaba sa dibdib ko. Para akong aatakihin sa puso. 

Si Mr. Albarenzo naman ay naupo sa upuang nasa tabi ko. Nagulat pa ako dahil akala ko ay sa kabisera siya uupo dahil bakante iyon. 

"Marwa, this is your Tita Filomena, my younger sister, wife of your Uncle Wesley. Your Tita Dranela, the youngest, wife of your Uncle Symon. And of course, again, your Tita Grela, wife of your Tito Fred," pagpapakilala ni Mr. Albarenzo sa mga naroon. 

Tinatagan ko ang loob ko na tumingin sakanila habang nakangiti. 

"And that's your sister. Zanila. Katabi ng iyong Tita Minerva."

Lumipad ang tingin ko kay Zanila. Hindi ito nakatingin sa akin. Abala lang ito sakaniyang plato. Pagkatapos ay may ibinulong ito sakaniyang katabi na si Mrs. Dranela. 

Kitang-kita ko ang pag-ikot ng mga mata ni Minerva bago ibinaba ang ininom na wine. 

"Nice to see you, hija." Ngumiti ako sa pinangalan niyang si Mrs. Filomena. 

Si Mr. Albarenzo ang naglagay ng pagkain sa aking plato. Napakaraming pagkain ang nakahain sa mesa. Karamihan sa mga iyon ay hindi pamilyar sa akin. Steak, mashed potato at broccoli ang nasa aking plato at sa isang platito naman ay ang apple pie. 

"I want to go on a vacation in Egypt when we have the time. Dream destination din iyon ni Zanila," si Minerva. 

"I will also include Egypt in my bucket list. Marami akong naririnig na magandang lugar na dapat puntahan doon. I can't wait." Tumawa si Mrs. Filomena. 

Nagpatuloy ang kwentuhan ng mga matatanda tungkol sa kanilang mga napupusuang bansa na nais puntahan. Mabagal ang bawat pagkain ko. Pakiramdam ko ay nasa akin ang mga mata nila kahit pa na hindi naman yata. Hindi na ako nag-angat ng tingin sakanila habang kumakain. Hindi na rin ako makapaghintay na matapos ito at nang makaalis na. Hindi talaga ako kumportable sa nangyayaring ito. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status